You are on page 1of 15

Mitolohiya

Sina Thor at Loki sa Lupain ng mga Higante


Ni Snorri Sturluson
Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina

Mga Tauhan:
Diyos:
Thor- diyos ng kulog at kidlat at pinakamalakas sa mga diyos ng Aesir
Loki- kasama ni Thor sa paglalakbay at may kapilyuhan
Higante:
Skrymir – naninirahan sa kakahuyan
Utgaro-Loki – hari ng mga higante
Logi, Hugi, at Elli – kabilang sa kuta ni Utgaro-Loki
Mga Tao:
Thjalfi at Rosvka – anak na lalaki at babae ng magsasaka

Pumunta sina Thor at Loki sa lupain ng mga higante dahil ang mga
higante ay kalaban ng mga diyos sa Norse. Nang abutin ng gabi sa
paglalakbay, nagpahinga sila sa bahay ng isang magsasaka na may
dalawang anak isang lalaki at isang babae. Kinatay ni Thor ang dala nitong
kambing para sa kanilang hapunan. Nagalit si Thor sa magsasaka nang
hindi sinunod nito ang kanyang iniutos na paghiwalayin ang buto ng
kambing sa balat nito kaya ginawa niyang alipin ang dalawang anak na sina
Thjalfi at Roskva bilang kapalit. Naglakbay sila hanggang sa makita ang
natutulog na si Skrymir, isang uri ng higante. Umiinit ang ulo ni Thor pag
natutulog si Skrymir at naghihilik nang malakas kaya pinupukpok niya ng
kanyang maso ang ulo ni Skymir upang ito ay magising, ngunit akala ni
Skrymir ay may nalaglag lamang na dahon sa kanyang ulo.
Dinala ni Skrymir sina Thor at Loki sa kuta ni Utgaro-Loki, ang hari
ng mga higante. Bago sila umalis ay binigyan sila ni Skrymir ng mabuting
payo na huwag silang magpapakita ng pagmamataas kay Utgaro-Loki.
Nakipagpaligsahan sila dito upang malaman kung gaano kalakas sina
Thor. Ginamit nina Thor at mga kasamahan ang kanilang galing at lakas. Si
Loki ay may kakayahang pinakamabilis sa pagkain. Naglaban sila ni Logi sa
pabilisan ng pagkain ngunit siya ay natalo. Pabilisan sa pagtakbo naman
ang sinalihan ni Thjalfi laban sa batang si Hugi. Inulit ng tatlong beses ang
labanan ngunit hindi talaga inabutan ni Thjalfi ang batang si Hugi.
Sumabak naman si Thor sa pabilisan ng pag-inom. Kaya’t tinawag ni
Utgaro-Loki ang cupbearer na dala-dala ang tambuli na madalas inuman
ng mga panauhin. Sa tatlong pagkakataon ay hindi naubos ni Thor ang
laman ng tambuli. Nagalit si Thor nang matalo siya sa paligsahang ito.
Isang laro pa ang sinubukan ni Thor upang masubok ang kanyang lakas,
ang buhatin sa lupa ang pusa ni Utgaro-Loki. Hinawakan ni Thor ang
palibot ng tiyan nito at sinubok na itaas gamit ang kanyang lakas ngunit
paa lamang ng pusa ang naiangat ni Thor. Lalong nagalit si Thor nang
matalo sa labanang ito. Hinamon ulit niya si Utgaro-Loki kaya itinapat ni
Utgaro ang kanyang inang si Elli sa labanang wrestling.Tulad ng mga
nagdaang laban, natalo pa rin si Thor.
Ipinagtapat ni Utgaro-Loki kay Thor na nilinlang lang sila ni Utgaro-
Loki, ginamitan sila nito ng mahika upang sila ay talunin dahil alam ng hari
ng higante na walang kapantay ang lakas ni Thor at ayaw nito na may
makatalo sa kanyang lakas.
Dula
Sintahang Romeo at Juliet (Buod)

Unang Tagpo: Inisip ni Romeo ang labis na pagsinta kay Juliet. Para sa
kanya, walang makakapapalit kay Juliet sa puso niya kahit sino pang magandang
babae ang iharap sa kaniya. Hindi niya rin magawang kalimutan ang babaeng
sinisinta. Samantala, iniisip naman ni Juliet ang sinabi ng kanyang ina tungkol sa
lalaking nais siyang ligawan na nagngangalang Paris.
Pangalawang Tagpo: May dinaluhang piging si Romeo at muli niyang
nasilayan ang labis na kagandahan ni Juliet. Ipinakita ni Tybalt ang kanyang
pagkapoot kay Romeo nang sabihin niya sa tiyuhin niyang Capulet na si Romeo
ay isang Montague at dapat na paalisin sa piging na iyon. Sinabi ng tiyuhing
Capulet na hindi siya dapat paalisin dahil batid niya ang dangal at kabutihan ni
Romeo. Dahil diyan, nagkita sina Romeo at Juliet at sa lubhang galak ay
nagdampi ang kanilang mga labi.
Ikatlong Tagpo: Naibunyag ang pangalan ni Romeo bilang Montague. Sa
yugtong ito ay nagkaroon ng tapatan ng pag-ibig sina Romeo at Juliet. Dito
nangako ni Romeo na kaniyang iaalay ang tangi at tunay niyang pagmamahal kay
Juliet.
Ikaapat na Tagpo: Nagkita sina Romeo at Juliet sa isang simbahan
kasama ang pari.
Ikalimang Tagpo: Pinatay ni Tybalt si Mercurio at pagkatapos ay
nagtuos sila nito.
Ikaanim na Tagpo: Iniisip na ni Juliet ang kaniyang nalalapit at
sapalitang pagpapakasal kay Paris.
Ikapitong Tagpo: Humingi ng tulong kay Padre Laurence si Juliet para
matakasan ang kasal niya kay Paris. Binigyan siya nito ng lason bilang solusyon
sa kaniyang hinagpis.
Ikawalong Tagpo: Ininom ni Juliet ang lason na naging dahilan ng
kaniyang hiram na kamatayan sa loob ng apatnapu’t dalawang oras.
Ikasiyam na Tagpo: Nalaman ni Romeo ang sinapit ni Juliet ngunit
inakala niyang hindi na ito magigising pa. Dahil dito, pumunta siya sa isang
butikaryo upang humingi ng lason upang magpakamatay na rin.
Ikasampung Tagpo: Nalaman ni Padre Laurence ang sinapit ni Romeo
Ikalabing-isang Tagpo: Nagpakamatay si Romeo. Nang magising mula
sa hiram na ka matayan si Juliet at malamang patay na si Romeo ay sinaksak niya
ang kanyang sarili. Dahil dito, mapait na nagwakas ang kanilang pag-iibigan.
Ang Romeo at Juliet ay isang dulang tungkol sa dalawang maharlikang
mga angkan na nagkaroon ng alitan kung kaya’t naging magkaaway. Ang
kabataang mga lalaking naglilingkod para sa mga Montague at sa mga Capulet ay
nasali sa mga barkada o mga gang at naglalaban-laban sa mga kalye. Nakabatay
ang balangkas ng dulang ito sa isang kwento mula sa Italy na isinaling wika
upang maging talutod bilang The Tragical History of Romeus and Juliet ( Ang
kalunos-lunos na Kasaysayan nina Romeus at Julieta) ni Arhur Brooke noong
1562 at muling isinalaysay na nasa anyong tuluyan o prosa sa Palace of Pleasure
(Palasyo ng Kaluguran) ni William Painter noong 1567.
Tula
Ang Aking Pag-ibig
Tulang Pandamdamin

Ang Aking Pag-ibig


(How Do I Love Thee-Sonnet XLIII Ni Elizabeth Barret
Browning )
Isinalin sa Filipino ni Alfonso O. Santiago

I. Ibig mong mabatid, ibig mong malaman


Kung paano kita pinakamamahal?
Tuturan kong lahat ang mga paraan,
Iisa-isahin, ikaw ang bumilang.

II. Iniibig kita nang buong taimtim,


Sa tayog at saklaw ay walang kahambing,
Lipad ng kaluluwang ibig na marating
Ang dulo ng hindi maubos-isipin

III. Yaring pag-ibig ko’y katugon, kabagay


Ng kailangan mong kaliit-liitan,
Laging nakahandang pag-utus-utusan,
Maging sa liwanag, maging sa karimlan.

IV. Kasinlaya ito ng mga lalaking


Dahil sa katuwira’y hindi paapi
Kasingwagas ito ng mga bayaning
Marunong umingos sa mga papuri.

V. Pag-ibig ko’y isang matinding damdamin


Tulad ng lumbay kong di makayang bathin
Noong ako’y isang musmos pa sa turing
Na ang pananalig ay di masusupil.

VI. Yaring pag-ibig ko, ang nakakabagay


Ay ang pag-ibig ko sa maraming banal,
Na nang mangawala ay parang nanamlay
Sa pagkabigo ko at panghihinayang.

VII. Yaring pag-ibig ko ay siyang lahat na,


Ngiti, luha, buhay at aking hininga!
At kung sa Diyos naman na
Malibing ma’y lalong iibigin kita.
Ang tula ay isang anyo ng panitikan na may matalinghagang pagpapahayag
ng isipan at damdamin. Mababasa sa mga tula ang mga kaisipang naglalarawan
ng kagandahan, kariktan, at kadakilaan.
Maitutulad sa isang awit ang tula. Nagsisilbi rin itong pagpapagunita sa
dapat na kaasalan ng mga bata at kabataan, at naglalayong maipahayag ang
karanasan, amdamin, pananaw, kabayanihan at ang maigting na pagmamahal sa
sariling bansa.
Mahalaga ring malaman natin ang tungkol sa taludtod. Ito ang hanay ng
tula. Ang pinagsama-samang taludtod ay tinatawag na sakanong. Ang
pinagsama-samang saknong naman ang siyang bumubuo sa tula. Ang bawat
taludtod ay may tinawag na hati o caesura. Ang bawat hati ay may tiyak na bilang
ng pantig. Kung ang bilang ng pantig ng taludtod ay 12 ang hati nito ay tig-anim
na pantig sa bawat taludtod. Ang bilang ng pantig sa bawat taludtod ng tula ay
tinatawag na sukat. Sa elemento ng tula kabilang ang sukat, tugma, indayog,
talinghaga, simbolo at kariktan. Ang tugma pagkakasintunog ng salita sa huling
pantig sa bawat taludtod, sa talinghaga naman ito’y matayog na diwang
ipinahihiwatig ng may-akda. Ang kariktan ito ang malinaw at di malilimutang
impresyon na naikintal sa isipan at mahirap mabura sa puso ng mambabasa.
Isa sa elemento ng tula ay ang kariktan. Ang kariktan ay na tumutukoy din
sa paggamit ng matatalinghagang salita, mga salitang may malalim na ibig
ipakahulugan at mga tayutay tulad ng pagwawangis, pagtutulad at iba pa. May
apat na pangkalahatang uri ng tula: tulang pamdamdamin o tulang liriko, tulad
ng pasalaysay,tulang padula, at tulang patnigan.
Ang binasa mong tula ay isang soneto na nasa anyo ng tulang padamdamin
o tulang liriko. Ang soneto ay isang uri ng tula na nagmula sa Italya na may
labing apat na taludtod at sampung pantig sa bawat taludtod. May tiyak na sukat
at tugma na kinakailangang isaalang-alang ng mga manunulat. Malalim napag-
iisip at mayamang karanasan ang nakakaapekto sa isang manunulat upang
makabuo ng isang mahusay na likhang sining. Kung kaya’t ang mga soneto ay
kinapapalooban ng damdamin ng isang manunulat. Ang bawat taludtod nito sa
karaniwang damdamin at kaisipan ay nagpapakilala ng matinding damdamin.

Pagsasanib ng Gramatika at Retorika


Alam mo ba na… isang katangian ng tula ang paggamit ng
matatalinghagang pahayag o pananalitang hindi tuwirang ipinahahayag ang
literal na kahulugan. Ang talinghaga ang nag-uugnay sa mga karanasan,
pangyayari at bagay-bagay na alam ng taumbayan. Ang talinghaga mismong
larawan ng kamalayan ng manunulat. Isa sa madalas gamiting talinghaga ang
pagpapahayag na tayutay.
Ano nga ba ang tayutay? Ang tayutay ay sadyang paglayo sa karaniwang
paggamit ng mga salita, kung kaya’t magiging malalim at piling-pili ang mga
salita rito. Tinatawag ding palamuti ng tula ang tayutay dahil ito ang
nagpapaganda sa isang tula.
Mga Uri ng Tayutay:
1. Pagtutulad o simile- isang paghahambing ng dalawang bagay na
magkaiba sa pangkalahatang anyo subalit may mga magkatulad na
katangian.Ito’y ginagamitan ng mga salita’t pariralang tulad ng, katulad
ng, parang, kawangis ng, anaki’y, animo, at iba pa. Halimbawa:
Kasinlaya ito ng mga lalaking
2. Pagwawangis o metapora- naghahambing ng dalawang bagay ngunit
tuwiran ang ginagawang paghahambing.Halimbawa: Rosas sa
kagandahan si Prinsesa Sarah
3. Pagmamalabis o hyperbole-pagpapalabis sa normal upang bigyan ng
kaigtingan ang nais ipahayag. Halimbawa: Napanganga ang mga
manonood sa pagpasok ng mga artita sa tanghalan.
4. Pagtatao o personipikasyon-paglilipat ng katangian ng isang tao sa mga
walang buhay. Halimbawa: Sa kagubatan, nagsisiawit ang mga ibon.
Maikling Kuwento
AGINALDO NG MGA MAGO
ni O. Henry
Nakatulalang nakadungaw si Della Dillingham Young sa bintana ng
kanilang bahay. isang tulog nalang at bukas ay pasko na ngunit hindi pa niya
alam kung ano ang ireregalo sa kaniyang asawang si Jim. Hindi rin niya alam
kung anong mabibili niya sa kaniyang perang piso at walumpu’t pitong sentimos.
”Saan naman kaya ako makukuha ng pambili ng regalo?” tanong ni Della sa sarili.
Ang mag-asawang Della at Jim ay may dalawang ari-ariang
ipinagmamalaki nang labis. Ang isa ay ang gintong relos ni Jim na minana pa
niya sa kanyang ama at sa ama ng kanyang ama, ang isa naman ay ang buhok ni
Della na parang buhos ng kayumangging tubig sa isang talon.
Dahil sa kagustuhang mabigyan ni Della ang asawa ng regalo sa pasko ay
naisipan niyang ipagupit ang kaniyang napakagandang buhok na siguradong
kapag ipinagbili niya ito ay maraming tatangkilik.
Tinapos ni Della ang kaniyang pag-iyak at hinarap ang kaniyang pisngi.
Siya’y nagpulbos, tumayo at tumungo sa lansangan at nakita niya ang ang
karatulang ganito ang mababasa: ”Mme. Sofronie. Lahat ng Uri ng Kagamitang
Buhok.” Dito ibenenta ni Della ang kanyang buhok sa halagang bente pesos. ”Sa
wakas! Mabibilhan ko na rin ng pang aginaldo si Jim.” wika ni Della.
Ngayon ay maaari na siyang makabali ng regalo para sa kanyang
minamahal na Jim. Bumili siya ng kadenang platino na ang desinyo ay simpleng-
simple lamang ngunit nakakaakit at sa tingin pa lamang ay masasabing ito ay
mamahalin, tiyak na magugustuhan ito ni Jim.
Pagkauwi ni Delia, naroon na ang kaniyang asawa na nakaabang na rin
upang ibigay ang kaniyang regalo. ”Della? Bakit nagbago ang iyong mukha?
Anong ginawa mo sa iyong buhok? laking pagtataka ni Jim sa bagong hitsura ng
asawa. ” Ipinaputol at pinagbili” wika ni Della. ”Hindi ba gusto mo rin ako kahit
putol na ang aking buhok?” maamong paliwanag ni Della.
Magagandang suklay pa naman ang regalo niya sa asawa na matagal na
ring hiling ni Della. Ipinagbili pa ni Jim ang kaniyang paborito at minanang relo
para mabili ang mga suklay.
Nagulat din si Delia nang malamang wala na ang relo ng asawa. ”Putol na
ang iyong buhok, wala na rin ang aking minanang relo,para saan pa itong ating
mga agilado sa isa’t isa, hindi rin natin magagamit.” wika ni Jim. Dito nila
napagtanto na ang Pasko ay araw ng pagbibigayan, hindi lamang ng mga
materyal na bagay kung hindi pagpapalitan ng pagmamahalan.

Gaya ng alam na ninyo ang mga Mago ay marunong at


napakamarunong.Sila ang nagbigay ng handog sa sanggol sa sabsaban. Sila
ang may imbento ng pagbibigayan ng regalo tuwing pasko. Sila ang
pinakamarunong sa lahat ng dako. Sila ang mga Mago.
Nobela
 Ang nobela ay itinuturing na makulay, mayaman at makabuluhang
anyo ng panitikang tuluyan, binubuo ito ng mga yugto na
nagsasalaysay ng mga kawing-kawing na pangyayari ng buhay ng
mga tao na bukod sa nagbibigay-aliw ay nagpapakilos at
pumupukaw sa damdamin at kamalayan ng mga mambabasa.

Talasalitaan(Paghawan ng mga Balakid)


salapang – uri ng sibat
dentuso – pating
magapi – matalo
prowa- unang bahagi ng bangka
popa – likurang bahagi ng bangka

Ang Matanda at Ang Dagat


Isinalin sa Filipino
mula sa Ingles ni Jesus Manuel Santiago
“The Old Man and the Sea” ni Ernest Hemingway

Ang Matanda at ang Dagat" ay kwento ng isang labanan sa pagitan ng


matandang mangingisda na si Santiago, at isang malaking Marlin.
Si Santiago ay pumalaot ng 84 na araw ng walang nahahalinang isda sa
laot, ito ay itinuturing na "Salao", ang pinakamasamang kaanyoan ng kamalasan.
Napakamalas niya na ang kanyang batang aprendis na si Manolin ay
pinagbawalan ng mga magulang nito na pumalaot kasama siya, sa halip,
sinabihan si Manolin na sumama nalang sa mga magagaling na mangingisda.
Binibisita ng batang lalaki si Santiago sa kanyang kubo bawat gabi, hila ang
bingwit, pinaghahandaan niya si Santiago ng pagkain, nakikipagusap siya
tungkol sa American baseball at ang kanyang paboritong manlalaro na si Joe
DiMaggio. Sumunod na araw, sinabihan ni Santiago si Manolin na siya ay
maglalayag ng malayo patungong Gulf Stream, Hilaga ng Cuba sa Straits ng
Florida para mangisda, kumpyansa siya na ang kanyang kamalasan ay malapit
nang matapos.
Sa ika-85 na araw ng kanyang napakamalas na pangingisda, lumayag si
Santiago gamit ang kanyang bangka patungo sa Gulf Stream, inilagay ang
kanyang mga linya at, sa tanghali, ay may nakuha ang kanyang pain na isang
malaking isda at nasisiguro niyang ito ay isang marlin. Hindi magawang maihila
ang malaking marlin, si Santiago ay sa halip hinila ng marlin. Dalawang araw at
gabi ang lumipas habang hawak ang linya. Kahit nasugatan sa pakikibaka at
sakit, ipinahayag ni Santiago ang mahabaging pagpapahalaga ni Santiago sa
kaniyang mga kaaway, madalas niya itong tinutukoy bilang isang kapatid.
Napagtanto din niya na walang sinuman ang karapat-dapat na kumain sa marlin,
dahil sa matatag na karangalan nito.
Sa ikatlong araw, nagsimula nang mag-ikot ang isda sa bangka. Kahit
pagod at halos nahihibang na si Santiago, ginamit parin niya ang lahat ng
kanyang natitirang lakas para hilahin ang isda papunta sa gilid nito para saksakin
gamit ang salapang. Itinali ni Santiago ang marlin sa gilid ng kanyang bangka
para lumayag pauwi habang iniisip ang mataas na presyo na hatid ng isda sa
kanya sa palengke at kung gaano karaming mga tao ang kanyang mapapakain.
Sa kanyang paglalayag pauwi, naakit ang mga pating sa dugo ng marlin.
Pinatay ni Santiago ang isang malaking mako shark gamit ang kanyang salapang,
ngunit naiwala niya ang kanyang salapang. Gumawa siya ng bagong salapang sa
pamamagitan ng pagtali ng kanyang kutsilyo sa dulo ng sagwan para salagin ang
susunod na grupo ng pating; limang pating ang napatay at maraming iba ang
napalayas. Ngunit patuloy pading dumadating ang mga pating, at pagtakipsilim,
halos naubos na ng mga pating ang buong katawan ng marlin, naiwan ang
kalansay ng isda na halos binubuo ng backbone, buntot at ulo nito. Sa wakas
nakaabot siya sa baybayin bago ang liwayway sa susunod na araw, pinagsikapan
ni Santiago na makabalik sa kanyang kubo, habang pasan ang mabigat na poste
ng layag sa kanyang balikat. Pagdating sa kanyang kubo, natumba siya sa
kanyang kama at nakatulog ng mahimbing.
Sumunod na araw, isang grupo ng mangingisda ang nagtipon sa paligid ng
bangka kung saan nakatali ang kalansay ng isang malaking isda. Sinukat ito ng
isa sa mga mangingisda at nadiskubre nilang ito pala ay may taas na 18
talampakan mula ilong hanggang buntot. Ang mga turista sa kalapit na cafe ay
inakalang ito ay isang pating. Nagalala si Manolin sa matanda, habang naiiyak na
makitang siya pala ay ligtas na natutulog. Dinalhan siya ng batang lalaki ng
dyaryo at kape. Nang magising ang matanda, nag usap at pinangako nila sa isa't
isa na kasama silang mangingisda muli. Sa muling pagtulog niya, napanaginipan
ni Santiago ang kanyang kabataan—mga leon sa isang beach sa Africa.

 Suring Basa- isang anyo ng pagsusuri o rebuy ng binasang teksto o


akda tulad ng nobela, maikling kuwento, tula, sanaysay, o iba pang
gawa/uri ng panitikan.

Teoryang Pampanitikan
 Humanismo-binigyang-diin ang tungkol sa pagiging marangal ng
Tauhan
 Naturalismo-kung pinahahatid ng awtor sa pamamagitan ng mga
pangyayari sa buhay ng Tauhan na ang kapalaran ay bunga ng
kultura at heredity at hindi sa pamamagitan ng kaniyang sariling
pagpili
 Eksistensiyalismo- kung ipinakita at mas lumutang na ang
naganap sa buhay ng Tauhan, mga pangyayari ay bunga ng kaniyang
sariling pagpili dahil sa naniniwala siya na ang isa dahilan ng
existenceng tao sa mundo at hubugin ang sarili niyang kapalaran.
Talumpati
Ang talumpati ay kabuuan ng mga kaisipang nais ipahayag ng
mananalumpati sa harap ng publiko. Ang mga kaisipang ito ay maaaring
magmula sa pananaliksik, pagbabasa, pakikipanayam, pagmasid, at mga
karanasan. May paksang pinagtutuunan ng pansin at isinasaalang-alang din ang
tagapakinig o bumabasa, pook, at pagdiriwang.

Ano-anong katangian ang dapat taglayin ng talumpati?


1. Tumutugon sa layunin-naisasagawa ang pagtatalumpati dahil sa
sumusunod na layunin: magturo, magpabatid, manghikayat,
manlibang, pumuri, pumuna, at bumatikos.
2. Napapanahon – ang paksa ng talumpati ay napapanahon kung may
kaugnayan sa okasyong ipinagdiriwang.

Paano naiiba ang talumpati sa iba pang uri ng sanaysay?

May mga uri ng sanaysay na karaniwang nababasa natin na nakasulat


sa pahayagan. Halimbawa nito ay ang editoryal at lathalain.
Ano ba ang editoryal? Ito ay mapanuring pagpapakahulugan ng
kahalagahan ng isang napapanahong pangyayari upang magbigay ng
kaalaman, makapagpaniwala o makalibang sa mambabasa.
Ang lathalain naman ay isang sanaysay batay sa tunay na pangyayari
na nagtataglay ng mga pagpapaliwanag, sanligan at impresyon ng
sumulat. Hindi ito kathang isip lamang. Bilang isang karaniwang
sanaysay, nagtataglay ito ng madamdamin, personal o mapagpatawang
ideya o mga pananaw. Pangunahing layunin nito ang manlibang.
Ang tatlong uri na nabanggit: talumpati, editoryal, at lathalain ay
naglalayong magbigay-kaalaman sa mga mambabasa. Ang tanging
pagkakaiba ay nasa priyoridad na rin ng bawat uri. Tandaan lamang
na ang talumpati ay isinulat upang bigkasin ng mananalumpati sa harap
ng publiko sa paraang masining, madaling masundan, at maunawaan
ng mga tagapakinig.

Talasalitaan(Paghawan ng Balakid)

Inabandona- iniwan nang di ipnaalam sa iba ang pangyayari.


Inflation – pagtaas ng presyo ng ilang pangkaraniwang serbisyo’t
produktong binibili ng konsyumer
Multilateral – pagkakaisa o pagkakasundo ng tatlo o higit pang
bansa
World cup at Olympic – pinakamataas na antas ng palaro sa
buong daigdig
Sipi mula sa Talumpati ni Dilma Rousseff sa Kaniyang
Inagurasyon
(Kauna-unahang Pangulong Babae ng Brazil)
Isinalin sa Filipino ni Sheila Molina

Minamahal kong Brazilians,

Tinitiyak ng aking pamahalaan na lalabanan at susugpuin ang labis na


kahirapan, gayundin, ang lumikha ng mga pagkakataon para sa lahat.
Hindi ako titigil hangga’t may Brazilians na walang pagkain sa kanilang
hapag, may mga pamilyang pakalat-kalat sa mga lansangan na nawawalan ng
pag-asa, at habang may mahihirap na batang tuluyan nang inabandona.
Magkakaroon ng pagkakaisa ang pamilya kung may pagkain, kapayapaan at
kaligayahan. Ito ang pangarap na pagsisikapan kong maisakatuparan.
Sa pagsugpo nang labis na kahirapan, kailangang bigyang priyoridad ang
mahabang panahong pagpapaunlad. Ang mahabang panahong pagpapaunlad
ay lilikha ng mga hanapbuhay para sa kasalukuyan at sa darating pang
henerasyon.
Nangangahulugang ito at muli kong sasabihin na ang pagpapanatili ng
katatagan ng ekonomiya ang pinakamahalaga. Sa nakasanayan na natin,
kasama ang matibay na paniniwala na sinisira ng inflation ang ating
ekonomiya na nakakaapekto sa kita ng mga manggagawa. Nakatitiyak ako na
hindi natin papayagan ang lasong ito na sirain ang ating ekonomiya at
magdusa ang mahihirap na pamilya.
Patuloy nating palalakasin ang ating panlabas na pondo upang matiyak na
balanse ang panlabas na deposito at maiwasan ang pagkawala nito. Gagawin
natin nang walang pagaalinlangan sa mga multilateral na paraan na ipaglaban
ang maunlad at pantay na mga polisiyang pang-ekonomiya.
Hindi natin pahihintulutan ang mayayamang bansa na pinapangalagaan
ang sariling interes na nagpapahirap sa maraming bansa sa mundo sa kabila
ng kanilang sama-samang pagpupunyagi ay walang pagbabagong nagaganap.
Isa pang mahalagang salik sa maayos na paggasta ay ang pagpapataas ng
antas ng pamumuhunan sa punto ng pangkaraniwang gastusin sa
pagpapatakbo ng negosyo. Mahalaga ang pamumuhunang pampubliko sa
pag-iimpluwensiya sa pamumuhunang pampribado at kasangkapan sa
rehiyonal na pagpapaunlad
Ang pamumuhunan sa WorldCup at Olympics ang magbibigay ng
pangmatagalang pakinabang sa kalidad ng pamumuhay sa lahat ng bumubuo
ng rehiyon. Magiging gabay rin ang prinsipyong ito sa polisiya ng
panghimpapawid na transportasyon. Ngunit ang mga pagpapaunlad na
nabanggit ay nararapat na isagawa na ngayon sa tulong ng lahat ng Brazilian.
Ang panaguri at paksa ay panlahat na bahagi ng pangungusap? Ang
panaguri at paksa ay maaaring buuin pa ng maliliit na bahagi. Napalalawak ang
pangungusap sa mga maliliit na bahaging ito. Basahin at unawain mo ang iba’t
ibang paraan ng Pagpapalawak ng Pangungusap.

Pagpapalawak ng Pangungusap

Maaaring mapalawak ang pangungusap sa pamamagitan ng pagpapalawak


sa panaguri sa tulong ng ingklitik, komplemento, pang-abay, at iba pa.
Napalalawak naman ang pangungusap sa tulong ng paksa sa tulong ng
atribusyon o modipikasyon, pariralang lokatibo o panlunan, at
pariralang naghahayag ng pagmamay-ari.

Panaguri – Nagpapahayag ng tungkol sa paksa.

1.Ingklitik – tawag sa mga katagang paningit na laging sumusunod sa


unang pangngalan, panghalip, pandiwa, pang-uri o pang-abay.
Halimbawa: Batayang Pangungusap : Si Dilma Rousseff ang pangulo ng
Brazil.
• Si Dilma Rousseff pala ang pangulo ng
Brazil.
• Si Dilma Rousseff ba ang pangulo ng Brazil?
2. Komplemento/Kaganapan – Tawag sa pariralang pangngalan na
nasa panaguri na may kaugnayan sa ikagaganap o ikalulubos ng kilos ng
pandiwa. Sangkap ito sa pagpapalawak ng pangungusap.
• Sinang-ayunan ni Dilma Rousseff ang karaingan ng mamamayan.
(Tagaganap)
• Ang food threshold sa almusal ay tortang kamatis, kape para sa
matatanda, gatas para sa bata. (Tagatanggap)
.Ipagpapatuloy natin ang mahusay na paggamit ng pondo ng bayan.
(layon)
• Nagtalumpati ang pangulo sa plasa. (Ganapan)
• Pinagaganda ang larawan ng kahirapan sa pamamagitan ng
pagmamanipula sa mga panukat. (kagamitan)
• Dahil sa mga pagbabagong ito, ang bilang ng mahihirap na
pamilya ay bumaba mula 4.9 milyon hanggang 3.9 milyon. (sanhi)
• Nagtungo ang mga tao sa harap ng Palasyo upang makinig sa
talumpati ng pangulo. (direksyunal)
3. Pang-abay – Nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri at kapwa pang-
abay.
Halimbawa: Batayang Pangungusap-Nagtalumpati ang pangulo.
Pagpapalawak: Mahusay na nagtalumpati ang pangulo kahapon at
totoong humanga ang lahat.
Paksa – Ang pinag-uusapan sa pangungusap
1. Atribusyon o Modipikasyon – May paglalarawan sa paksa ng
pangungusap
Halimbawa: • Pakinggan mo ang nagpapaliwanag na opisyal na iyon.
• Ito si Dilma Rousseff, ang pinakamahusay kong pangulo.
2. Pariralang Lokatibo/Panlunan – ang paksa ng pangungusap ay
nagpapahayag ng lugar Halimbawa:
• Inaayos ang plasa sa Brazil.
• Marami rin ang nasa Luneta upang makinig ng talumpati.
3. Pariralang Nagpapahayag ng Pagmamay-ari – ginagamit ang
panghalip na nagpapahayag ng pagmamay-ari.
• Maayos na maayos ang talumpati ng aking mag-aaral.
• Pakikinggan ko ang talumpati ng kapatid ko.

You might also like