You are on page 1of 2

Sa simula, walang anomang bagay sa daigdig na nabubuhay kundi si Ahura Mazda, ang paham na

Panginoon na nananahan sa walang hanggang liwanag. Gayundin, si Ahriman, ang masamang espiritu na
nabubuhay sa kadiliman. Sa kanilang pagitan ay ang kawalan.

Isang araw, nagpasya si Ahura Mazda na simulan ang kaniyang paglikha. Una, nilikha niya ang kalangitan
na gawa sa metal – makinis at makintab. Pangalawa, ang malinis na tubig. Pangatlo, nilikha niya ang
mundong patag, walang bundok at lambak. Pang-apat, lumikha siya ng mahahalimuyak na bulaklak na
walang matitigas na tinik o balat. Ikalimang nilikha niya ay maliliit at malalaking hayop. Matapos ay
nilikha niya si Gayomard – ang unang tao. Siya ay matalino, matangkad, at magandang lalaki. Panghuli,
lumikha siya ng apoy at ipinagkaloob sa lahat ng kaniyang nilalang. Ginawa niya ito upang magamit ng
sangkatauhan sa pagluluto ng pagkain at maging panlaban sa lamig.

Sa isang pagkakataon, sumilip ang masamang espiritu sa napakagandang likha ng paham na Panginoon.
Tinawag siya ni Ahura Mazda at nagsabing “Masamang espiritu! Pagsilbihan mo at papurihan ang aking
mga likha, nang sa gayon ay maging imortal ka. Umangal ang masamang espiritu, “Bakit ko pagsisilbihan
ang mga likha mo? Bakit ko ito papupurihan? Mas makapangyarihan ako! Pupuksain kita at wawasakin
ang lahat ng iyong mga likha.” Matapos nito ay bumalik si Ahriman sa kaniyang kinatatahanang
kadiliman upang lumikha ng mga demonyo, mangkukulam, at mga halimaw na lulusob sa walang
hanggang liwanag.

Alam ng paham na Panginoon ang lahat ng bagay. Alam niyang gumagawa ng mga demonyo ang
masamang espiritu upang sirain ang kaniyang magagandang likha. Alam rin niyang magkakaroon ng
isang malaking digmaan laban sa kadiliman. Dahil dito, binuo niya ang anim na Espiritu – Ang mga Banal
na Imortal, upang bantayan ang kaniyang mga likha laban sa Walang Hanggang Kadiliman. Binuo ng
paham na Panginoon ang mga Banal na Imortal mula sa kaniyang sariling kaluluwa. Taglay ng bawat isa
ang kaniyang katangian. Ang unang Banal na Imortal ay si Khashathra, ang Kapangyarihan ng Katuwiran,
na nagsilbing tagabantay ng kalangitan. Sumunod na nilikha ng paham na Panginoon si Haurvatat, ang
Kapayapaan at Kawastuhan. Siya ang naging tagapangalaga ng katubigan. Ang pangatlong nilikha ay si
Spenta Armaiti, ang Banal na Debosyon na tagapagbantay ng daigdig. Si Ameretat, ang Imortal, ang
naging tagapangalaga ng mga halaman. Si Vohu Mana, Ang Mabuting Pag-iisip ay piniling pangalagaan
ang mga hayop. At si Asha Vahista, ang Hustisya, ang naging tagapagbantay ng apoy. Panghuli, itinalaga
ng paham na Panginoon ang kaniyang sarili bilang tagapangalaga ng sangkatauhan.

Nakita ni Ahriman ang mga Banal na Imortal at nagngangalit na sinabi, “Ahura Mazda, pupuksain kita at
ang iyong mga likha. Hindi ka kailanman magwawagi!” Isa-isang sinalakay ni Ahriman kasama ng
kaniyang mga likhang demonyo ang mga likha ng Paham na Panginoon. Sinubukan nilang wasakin ang
katubigan ngunit tanging katabangan lamang ang naidulot nila rito. Sinubukan niyang sirain ang
kalupaan ngunit tanging kabundukan at lambak lamang ang kanilang nagawa. Sinubukan nilang lantahin
ang mga halaman ngunit tanging mga tinik lamang ang tumubo rito. Nagdulot ang mga masasamang
espiritu ni Ahriman ng kalungkutan laban sa kaligayahan, sakit laban sa kaginhawahan, polusyon laban
sa kalinisan, at kamatayan laban sa buhay. Sinalakay nila si Gayomard. Ang unang tao ay nagkasakit at
namatay. Inakala ni Ahriman na nawasak na niya ang sangkatauhan at nagwagi laban sa liwanag. Ngunit
siya ay mangmang at hangal. Nang mamatay si Gayomard, may umusbong na halamang Rhubarb mula
sa mga buto niya. Makalipas ang apat na dekada, isang lalaki at babae na nagngangalang Mashya at
Mashyana ang nabuhay mula sa halamang ito. Nangako sina Mashya at Mashyana sa paham na
Panginoon na makikiisa sila sa pakikipaglaban kay Ahriman. Nanganak si Mashyana ng labinlimang
kambal at ang bawat pares ay nagkalat sa buong mundo upang pagsimulan ng mga salinlahi. Naging
tagasunod ng paham na Panginoon ang bawat isa sa pamamagitan ng mabuting pag-iisip, mabuting
gawi, at mabuting pananalita.

You might also like