You are on page 1of 10

PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO

Learning Activity Sheet No. 1 (Week 1)


Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG AT PAG-UNLAD NG MGA KLASIKAL NA KABIHASNAN SA EUROPE.
Target na Kasanayan: Nasusuri ang kabihasnang Minoan, Mycenean at kabihasnang klasiko ng Greece.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 351-352
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 450-452

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

ANG MGA MINOANS AT MYCENAEANS


Ang Greece ang lundayan ng kabihasnan sa kanlurang bahagi ng daigdig. Mabato at
bulubundukin ang Greece dahilan kaya watak-watak ang mga sinaunang pamayanang naitatag dito.
Ito din ang sanhi ng mabagal na komunikasyon, paglago ng mga kaisipan at teknolohiya. Ang
Greece ay may mga mainam na mga daungan na nagbigay daan sa maunlad na kalakalang
pandagat. Napapaligiran ang Greece ng mga dagat ng Aegean, Ionian at Mediterranean. Ang
pagkakaroon naman nito ng mainam na klima ay nakatulong naman sa pagtatanim ng olive at ubas.
Ang unang kabihasnan na umusbong sa Greece ay nagmula sa isla ng Crete dakong 3100
BCE. Tinawag itong kabihasnang Minoan na hango sa pangalan ng kanilang hari na si haring
Minos. Ang mga Minoans ay kilalang mahuhusay gumamit ng metal at iba pang teknolohiya,
nakatira sa mga bahay na yari sa bricks, may sistema ng pagsusulat at magagaling na mandaragat.
Nang lumaon ay nakilala ang lungsod ng Knossos, bilang sentro ng kabihasnan ng mga Minoan.
Sa lungsod na ito matatapuan ang guho ng isang magarang palasyo na ipinagawa umano ni haring
Minos sa dalawang ektaryang lupain. Narating ng mga Minoans ang tugatog ng kanilang
kabihasnan bandang 1600-110BCE. Umunlad ang kanilang pamumuhay dulot ng
pakikipagkalakalan sa paligid ng Aegean. Ang pamayanang Minoan ay binubuo ng 4 na pangkat
ng tao: maharlika, mangangalakal, magsasaka at alipin. Masayahin ang mga Minoans at sila ay
mahihilig sa magagandang bagay at kagamitan. Pinaniniwalaan na sila ang unang nakagawa ng
arena kung saan ginaganap ang larong boksing. Bandang 1400 BCE ng bumagsak ang
kabihasnang Minoan na maaaring dulot ng pagsalakay o natural na kalamidad.
Nang lumaon ay nasakop ng mga Mycenaean na mula sa Mycenaea ang Crete. Ang
Mycenaea ay matatagpuan 16 kilometro mula sa aplaya na Aegean at ito ang sentro ng
kabihasnang Mycenaean. Sa pagsapit ng 1400 BCE nakilala ang mga Mycenaean bilang malalakas
na mandaragat at mandirigma. Napapaligiran ang kanilang lungsod ng mga matataas na pader na
nagsisilbing pananggalang mula sa mananakop. Napalawak nila ang kanilang teritoryo sa
pamamagitan ng pananalakay at pananakop. Ang mga kuwento ukol sa mga hari at bayani ng mga
Mycenaean ay nagpasalin-salin na nang lumaon ay naging batayan ng mitolohiyang Greek.
Bandang 1100 BCE ng pumasok sa Greece ang mga Dorian, isa grupo mula sa hilaga at tinalo ang
mga Mycenaean. Ang panahon ng pamamayani ng mga Dorians kung saan naging talamak ang
mga digmaan at kaguluhan ay tinawag na dark ages.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Batay sa tekstong binasa, ilarawan ang heograpikal na katangian ng Greece.
2. Ano ang naging dahilan ng pag-unlad ng pamumuhay ng mga
Minoans?
3. Sino sino ang mga pangkat ng tao sa pamayanan ng mga
Minoans?
4. Bakit tinawag na dark ages ang panahon ng pamamayani ng
Dorians sa Greece? Ipaliwanag.
5. Sagutin ang Data Matrix na magpapakita ng katangian ng
mga Kabihasnang Minoan at Mycenaean.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 2 (Week 1)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG AT PAG-UNLAD NG MGA KLASIKAL NA KABIHASNAN SA EUROPE.
Target na Kasanayan: Nasusuri ang kabihasnang Minoan, Mycenean at kabihasnang klasiko ng Greece.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 351-352
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 450-452

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

ANG MGA POLIS


Upang malayo sa mga kaguluhan dulot ng mga digmaan at labanan ay nagtatag ng mga pamayanan
ang mga sinaunang Greeks sa mga gilid ng mga burol at bundok. Lumago ang mga pamayanang ito at nang
lumaon ay tinawag na mga lungsod-estado o polis. Sa salitang polis hango ang mga salitang pulisya,
politika at politiko. May 2 pangunahing bahagi ang polis ito ang acropolis at agora. Ang acropolis ang
pinakamataas na bahagi ng polis. Nagsisilbi itong sentro ng pulitika at relihiyon sa isang lungsod-estado.
Dito matatagpuan ang mga palasyo at templo. Samantalang ang agora o pamilihang bayan naman ay ang
ibabang bahagi ng polis.
Ang lungsod-estado ng Sparta na itinatag ng mga Dorians sa Peloponnesus ang pinakamalaki sa
lahat ng mga polis. Ito lamang ang lungsod-estado na hindi umaasa sa kalakalan sapagkat mayroon itong
mainam na klima, sapat na patubig at matabang lupain na angkop sa pagsasaka. Gayunpaman, ang mga
Spartan ay hindi nagtatrabaho sa bukid sapagkat mayroon silang mga alipin (helot) na gumagawa nito.
Layunin ng Sparta na makapaghubog ng mga mamamayan na matatapang at may malakas na
pangangatawan. Sa murang edad pa lamang ay sinasanay na ang mga batang lalaki sa mga kampo-militar
upang maging mahusay na mandirigma habang ang mga kababaihang Spartan naman ay mas maraming
tinatamasang karapatan kumpara sa ibang mga kababaihang Greeks. Sila ang nangangasiwa sa mga lupain
habang nasa kampo-militar ang kanilang mga asawa. Nangunguna din sila sa larangan ng palakasan. Dahil
dito kinilala ang Sparta bilang isang matatag ng lungsod-estado militar na may malakas na hukbong
pandigma.
Ang lungsod-estado naman ng Athens ang pinakamaliit sa lahat ng mga polis ngunit ito ang may
pinakamalaking populasyon. Hindi angkop ang kanilang lungsod sa pagsasaka kaya’t pagmimina, paggawa
ng ceramics at pangangalakal o pandaragat ang ikinabubuhay ng mga tao dito. Noong una ay pinamumuan
ng isang hari ang Athens ngunit nang lumaon ay naghangad ng pagbabago ang mga tao. Hindi nagtagal ay
naging isang demokratikong-estado ang Athens. Hangad ng mga mamamayan nito ang mamumuhay nang
malaya at magkaroon ng mga bagong kaisipan. Mataas din ang pagpapahalaga ng mga Athenians sa
edukasyon. Sa Athens nagmula ang marami sa mga tanyag na pinuno ng Greece tulad nila Draco na siyang
kauna-unahang gumawa ng nasusulat na kodigo ng batas sa Athens na nagbigay daan sa pagkapantay-
pantay ng mga tao sa lipunan. Nakilala din si Solon na nagpawalang bisa sa utang ng mga mahihirap at
ginawang illegal ang pang-aalipin; Pisistratus na nagbahagi ng lupain sa mga magsasaka at Cleisthenes
na nagbigay sa mga tao ng karapatang pumili ng kanilang kinatawan sa Asembleya. Siya ang itinuturing na
“Ama ng demokrasya”.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Ibigay ang kahulugan ng mga sumusunod: a.) Polis; b.) Acropolis; c.) Agora.
2. Ilarawan ang katangiang heograpikal ng mga lungsod-estado ng Sparta at Athens. Ano ang ikinabubuhay
ng mga lungsod-estado na ito?
3. Ano ang mga pangunahing katangian ng lungsod-estado ng Sparta at Athens? Ipaliwanag.
4. Paano sinasanay ang mga Spartan upang sila ay maging malakas?
5. Sa iyong palagay nakatulong ba ang pagpapatupad ng demokrasya?
Patunayan ang iyong sagot
6. Gumawa ng Venn diagram na magpapakita
ng pagkakaiba at pagkakatulad ng Kabihasnang
Athens at Sparta.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 2 (Week 2)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG AT PAG-UNLAD NG MGA KLASIKAL NA KABIHASNAN SA EUROPE.
Target na Kasanayan: Nasusuri ang kabihasnang Minoan, Mycenean at kabihasnang klasiko ng Greece.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 105-110
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 142-155

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

MGA PAMANA NG GREECE


Isa ang sinaunang Greece sa may mga pinakamalawak na ambag sa ating daigdig sa kasalukuyan.
Mauuri natin ito sa iba’t ibang mga larangan. Una, sa larangan ng panitikan. Ang Iliad at Odyssey ang
dalawang sa mga pinakadakilang epiko ng Greece. Sinasabing ang bulag na makatang si Homer ang may
akda ng mga ito. Naglalaman ang Iliad ng mga kuwento ukol sa Trojan War habang ang Odyssey naman ay
nakatuon sa paglalakbay ni Odysseus pabalik sa kanyang tahanan matapos ang nasabing digmaan.
Ikalawa, sa larangan ng mitolohiya. Nakilala ang mga sinaunang Greeks sa kanilang pagkahilig sa mga
kuwento at alamat na patungkol sa kanilang mga diyos at diyosang sinasamba at ilang mga bayani.
Kakapulutan ng mga aral ang mga alamat at mitong ito. Ikatlo, larangan ng sining. Ang kanilang sining ay
payak at balanse ang disenyo. Ang ilan sa nakilala sining ay ang estatwa ni Athena sa Parthenon na likha
ni Phidias at ang estatwa ni Zeus sa Olimpia. Ika-apat, larangan ng arkitektura. Ang Parthenon ng Athens,
isang templo na alay kay Athena ang pinakatanyag sa lahat ng mga arkitektura ng Greece. Si Athena ang
diyosa ng karunungan at patron ng Athens. Nakilala din ang tatlong uri ng kolum o poste sa arkitekturang
Greek. Ito ang Doric, Ionic at Corinthian.
Ikalima, dula at teatro. Ang mga Greeks ang unang nagsulat at nagtanghal ng komedya. Nagtayo
ang mga Greeks ng mga amphitheater kung saan isinasagawa ang mga dula tulad ng trahedya (dula tungkol
sa pag-ibig, digmaan, pagtataksil at pagkamuhi) at komedya (dula na nakakatawa o may mapanuyang tono).
Nakilala sina Sophocles na may akda ng “Oedipus Rex” at si Euripedes na sumulat naman ng “Medea”.
Ikapito, pilosopiya. Ang pilosopiya ay ang pagmamahal sa karunungan. Nakilala ang 3 dakilang pilosopo
na sina Socrates, Plato at Aristotle. Si Socrates ang itinuturing na pinakamatalinong tao sa Athens. Hinimok
niya ang mga tao na kilalanin ang kanilang sarili (know thyself) at patuloy na magtanong upang maunawaan
ang mga bagay bagay. Nais ni Socrates na maging mapanuri ang tao sa paraan ng kanyang pamumuhay.
Ikalawa si Plato, mag-aaral ni Socrates. Si Plato ang may akda ng The Republic (isang aklat ukol sa pulitika).
Naniniwala si Plato na ang labis na kalayaan ng mga tao ay nagdudulot ng kaguluhan sa lipunan. Ikatlo ay
si Aristotle, pinakasikat na mag-aaral ni Plato. Para kay Aristotle, ang alinmang teorya ay maaari lamang
tanggapin kung ito ay batay sa masusing pagmamasid ng mga katotohanan. Malaki din ang naging ambag
ng mga sinaunang Greeks sa larangan ng Agham at Medisina. Nakilala si Hippocrates na naniwala na ang
mga sakit ay hindi parusa ng mga diyos kundi may natural na dahilan. Naging ambag niya ang Hippocratic
oath – isang kodigo ng mga wastong kaasalan sa panggagamot. Nakilala din sa larangan ng kasaysayan si
Herodotus na tinaguarian “Ama ng Kasaysayan”. Siya ang may-akda ng, “History of the Persian Wars”. Sa
larangan ng isports, nagmula din sa Greece ang Olympics na unang isinagawa sa Olimpia bilang parangal
kay Zeus. Sa larangan naman ng pulitika ay isinilang sa Athens ang demokrasya. Sa ilalim ng demokrasya
ay nabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na maghalal na nais nilang kinatawan sa asembleya.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Ano ang epekto ng kabihasnang Greece sa kasalukuyang panahon?
2. Alin sa mga nabanggit na ambag ang may higit na epekto sa
ating mga Pilipino? Ipaliwanag.
3. Punan ang Talahanayan Chart patungkol sa mga ambag ng
Greece sa iba’t ibang mga larangan.
4. Sa isang Oslo paper/colored paper, gumawa ng isang LIHAM
PASASALAMAT para sa sinaunang Greeks sa kanilang mga
naging ambag at kontribusyon sa ating lipunan sa kasalukuyang
panahon. Isang buong pahina ang liham na gagawin.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 2 (Week 2)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG AT PAG-UNLAD NG MGA KLASIKAL NA KABIHASNAN SA EUROPE.
Target na Kasanayan: Naipapaliwanag ang kontribusyon ng kabihasnang Romano.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 123-135
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 158-176

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

ANG SIMULA NG ROME


Matatagpuan sa kanlurang Europe ang bansang Italy na siyang pinagmula ng kabihasnan ng Rome.
Ang Italy ay isang peninsula na nakausli sa Mediterranean Sea at katulad ng Greece ang Italy ay binubuo
ng mga kabundukan at kapatagan. Isa sa mga kapatagang ito ang Latium, sa kapatagang ito dumadaloy
ang ilog ng Tiber. Pinaniniwalaang sa kapatagan ng Latium umusbong ang sinaunang kabihasnan ng Roma.
Istratehiko ang lokasyon ng Rome dahil sa ang Ilog ng Tiber ay nakaugnay sa Mediterranean Sea. Nagbigay
daan ang lokasyong ito sa pakikipagkalakalan ng Rome sa mga bansang nakapalibot sa Mediterranean.
Pinaniniwalaang naitatag ang kabihasnan ng Roma sa kalagitnaan ng ikalawang siglo BCE ng mga
unang Roman na nagsasalitan ng wikang Latin. Sila ay nagtayo ng pamayanang sakahan sa Latium Plain.
Maalamat ang simula ng kabihasnan ng Rome. Ayon sa alamat, ang Rome ay itinatag ng kambal na sina
Romulus at Remus. Noong sila ay sanggol pa lamang sila umano ay inilagay sa isang basket at ipinaanod
sa ilog ng Tiber. Ang kambal na ito ay sinagip at inaruga ng isang babaeng lobo. Nang lumaki ang kambal
ay inangkin nila ang trono at itinatag ang bayan ng Rome noong 753 BCE. Nang lumaon ay tinalo ng mga
Romano ang mga Etruscan, isang tribu sa hilaga ng Rome na mahusay sa sining, musika, at sayaw.
Dalubhasa rin sila sa arkitektura, gawaing metal at kalakalan. Mula sa Etruscan ay natutunan ng mga
Romano ang pagpapatayo ng mga gusaling may arko, aqueduct, barko, paggamit ng tanso, paggawa ng
sandata, pagtatanim ng ubas at paggawa ng alak. Batay sa tradisyon ay pinaalis ng mga Romano ang mga
Etruscan at nagtatag ng isang republika. Sa ilalim ng republikang Romano ay naghahalal ng 2 konsul na
may kapangyarihan na katulad ng sa hari. Ang bawat isa sa mga konsul ay may kapangyarihang pigilan ang
pasya ng bawat isa. Ginagawa ito upang mapigilan ang pagmamalabis sa kapangyarihan. Sa oras naman
ng kagipitan ay pumipili ng diktador na mamumuno lamang sa loob ng 6 na buwan. Higit na mas
makapangyarihan ang diktador kaysa sa mga konsul.
May dalawang uri ng mamamayan sa sinaunang Roma: ang mga Patrician at Plebeian. Kabilang sa
mga patricians ang mga maharlika at senador habang ang mga mandirigma at ordinaryong tao ay mga
plebeians. Kumpara sa mga patrician limitado ang mga karapatan na tinatamasa ng mga plebeian. Ito ang
dahilan kung bakit binalak ng mga plebeian na lisanin ang Rome at magtatag ng sarili nilang lungsod. Upang
mapigilan ito, ang mga plebeian ay pinatawad sa kanilang pagkakautang, pinalaya ang mga alipin dahil sa
pagkakautang at paghahalal ng mahistrado o tribune na magtatanggol sa karapatan ng mga plebeian. Ang
tribune ay may karapatang hadlangan ang pasya ng mga patrician na makakasama sa mga plebeian.
Tinawatag ang kapangyarihang ito na veto power (tutol ako!). Bandang 451 BCE ng tagumpay na makamit
ng mga plebeian ang hinahangad nilang pagsusulat ng mga batas – ang 12 Tables. Ito ang kauna-unahang
batas na naisulat sa Rome. Nagbigay ito ng mas malawak na karapatan sa mga plebeian tulad ng makapag-
asawa ng patrician, mahalal na konsul at maging kasapi ng Senado.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Batay sa tekstong binasa, ilarawan ang heograpikal na katangian ng Italy.
2. Paano nagsimula ang kabihasnan ng Rome. Ilahad ito.
3. Ibigay ang kahulugan ng mga sumusunod: a.) konsul; b.) diktador; c.) patrician; d. plebeian; e.) tribune
4. Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa mga ordinaryong mamamayan na magkaroon ng nasusulat na
batas? Ipaliwanag ang iyong sagot.
5. Sa kasalukuyang nabibigyan din ba ng kahalagahan ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan?
Ipaliwanag.
6. Product/Performance Task #2 MY 12 TABLES: Sakaling ikaw ay mahalal bilang isang opisyal ng iyong komunidad,
magmungkahi ka ng 12 batas na iyong ipapatupad. Ipaliwanag din kung bakit ito ang nais mong ipatupad. Gawin ito
sa Oslo Paper. Maging malikhain sa paggawa o paglalahad ng iyong 12 TABLES. Maaaring lagyan ng mga disenyo.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 2 (Week 3)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG AT PAG-UNLAD NG MGA KLASIKAL NA KABIHASNAN SA EUROPE.
Target na Kasanayan: Naipapaliwanag ang kontribusyon ng kabihasnang Romano.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 123-135
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 158-176

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

KABIHASNAN NG ROME
Sa pagsapit ng 490 BCE ay nasangkot ang Italy sa mga sunod sunod na labanan. Isa sa mga
nakalaban ng Italy ay ang Greece ngunit nagawang madepensahan ng Greece ang kanilang teritoryo.
Gayunpaman pagsapit ng 275 BCE ay tuluyan ng nagupo ng Italy ang Greece at ang mga Romans na nga
ang naging reyna ng Italian peninsula. Isa sa mga pinakamatinding digmaan na kinasangkutan ng Roma ay
ang Digmaan Punic. Ang digmaan punic ay mga serye ng labanan sa pagitan ng Rome at ng
makapangyarihang kaharian sa hilagang Africa na kung tawagin ay Carthage. Sa serye ng tatlong digmaang
Punic ay kapwa natalo ng Rome ang Carthage dahilan upang sa pagsapit ng 100 BCE ay tuluyan ng
kontrolado ng mga Romano ang mga lupain at teritoryo sa paligid ng Mediterranean sea. Sa panahong ito
tinawag na ng mga Romano ang Mediterranean sea bilang Mare Nostrum o “Aming Dagat”.
Ang panananakop ng Rome sa Greece ay nagresulta sa paglaganap ng impluwensiyang Greeks sa
kultural ng mga Romano. Marami sa mga Romano ang nagtungo sa Athens upang mag-aral, tinangay din
ng mga heneral ng Rome ang ilang mga aklat at sining ng Greece pabalik sa Rome at marami sa mga
kinuhang guro ng mga mayayamang pamilya ng Roma ay mga Greeks upang magturo sa kanilang mga
anak. Kaya hindi kataka-taka ma malawak ang naging implwensiya ng kulturang Greeks sa lipunan ng mga
Romano. Gayunpaman, may sariling katangian ang kabihasnan ng Rome. Halimbawa sa larangan ng
pagbabatas, kinilala ang mga Romano bilang pinakadakilang mambabatas ng sinaunang panahon. Patunay
dito ng maisakatuparan ang Twelve Tables, nakasaad dito ang mga karapatan ng mga mamamayan
(patrician at plebeian) at pamamaraan ayon sa batas. Ang 12 Tables ang naging batayan ng mga Romano
sa pagpataw ng kaparusahan sa mga nagkakasala.
Naging tanyag din ang mga Romano sa larangan panitikan. Marami ng Romano ang nakilala sa
larangan ng panitikan, isa na dito si Cicero. Si Cicero ay isang manunulat at orador. Ayon sa kanya ang
batas ay hindi dapat maimpluwensiyahan ng kapangyarihan o sirain ng pera kailanman. Tanyag din ang
mga Romano sa larangan ng kanilang pananamit. Ang mga kalalakihang Romano ay nagsusuot ng tunic
bilang kasuotang pambahay habang isinusuot naman nila ang toga sa tuwing sila ay lumalabas ng bahay.
Ang mga kababaihang Romano naman ay nagsusuot ng stola bilang pambahay at palla sa tuwing lalabas.
Nakilala din ang mga Romano sa larangan ng inhenyeriya (engineering). Ang mga Romano ay
nakapagpagawa ng mga kalsada at tulay na nag-uugnay sa mga malalayong lugar. Isang halimbawa nito
ang Appian way na nag-uugnay sa Rome at timog Italy. Nakagawa din sila ng mga aqueduct na nagdadala
ng tubig patungo sa mga lungsod. Sa larangan naman ng arkitektura ay nakilala ang mga Romano sa
kanilang likha tulad ng basilica, isang bulwagang nagsisilbing korte at pinagpupulungan ng Asembleya.
Nakapagpagawa din sila ng mga pampublikong paliguan at pamilihan. Ngunit ang pinakatanyag sa lahat ay
ang Coliseum na isang amphitheater kung ginaganap ang mga gladiator fight.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Bakit mahalaga para sa Rome ang pagkakapanalo nito sa mga digmaan punic? Ipaliwanag.
2. Mahalaga ang pagkontrol ng mga Romano sa Mediterranean
sapagkat _________________. Ipaliwanag.
3. Punan ang Talahanayan Chart patungkol sa mga ambag ng
Rome sa iba’t ibang mga larangan.
4. Alin sa mga ambag ng kabihasnan ng Romano sa iba’t ibang
larangan ang higit na may impluwensiya sa ating pamumuhay
sa kasalukuyan? Ipaliwanag.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 2 (Week 3)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG AT PAG-UNLAD NG MGA KLASIKAL NA KABIHASNAN SA EUROPE.
Target na Kasanayan: Naipapaliwanag ang kontribusyon ng kabihasnang Romano.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 123-135
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 158-176

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

IMPERYONG ROMANO
Sa pagsapit ng unang siglo BCE ay naging matindi ang agawan sa kapangyarihan ng mga heneral
at pinuno sa Rome. Noong 60 BCE ang tatlong mahuhusay na pinuno na sina Julius Caesar, Marcus
Crassus at Pompey ang humawak ng kapangyarihan sa Rome. Tinawag ang pamamahala nilang tatlo bilang
First Triumvirate, isang union ng 3 makapangyarihang tao nangangasiwa ng pamahalaan. Hindi naglaon
ay napatay si Crassus sa labanan kaya’t naiwan kina Cesar at Pompey ang kapangyarihan. Mas pabor ang
mga senador na maging pinuno ng Roma si Pompey kaysa kay Caesar kaya naman tinangka nilang linlangin
ito. Gayunpaman nagtagumpay si Caesar na matalo si Pompey ay ang hukbo nito kaya naman tuluyan ng
napasakamay ni Caesar ang kabuuan ng kapangyarihan sa Rome. Itinalaga ni Caesar ang kanyang sarili
bilang diktador. Sa panahon ng kanyang pamumuno ay binawasan niya ang kapangyarihan ng mga senador
ngunit ginawang 900 ang bilang nito mula sa 600. Pinagkalooban niya din ng Roman citizenship ang lahat
ng naninirahan sa Italy at inaayos ang pagbabayad ng buwis. Gayunpaman ngunit hindi nagustuhan ng mga
senador ang mga pagbabagong ipinatupad ni Caesar kung kaya’t noong ika-15 ng Marso 44BCE ay
isinakatuparan ng mga senador ang pagpaslang kay Caesar sa pangunguna nila Marcus Brutus at Gaius
Cassius.
Sa pagkamatay ni Caesar ay hinirang sina Mark Anthony, Marcus Lepidus at Octavian, apo sa
pamangkin ni Caesar bilang bahagi ng Second Triumvirate. Layunin ng second triumvirate na tugisin at
hatulan ang mga pumatay kay Caesar. Sa loob ng ilang panahon ay hinati ng tatlong heneral ang Roma sa
tatlong bahagi na kani-kanilang pinamumunuan. Ngunit hindi nagtagal ay nagkaroon ng tunggalian sa
pagitan ni Mark Anthony at Octavian. Tinalo ng hukbo ni Octavian ang magkasanib na puwersa ni Mark
Anthony at Cleopatra (Reyna ng Egypt) kung kaya’t si Octavian ang itinanghal na kaisa-isang pinuno ng
Roma. Tinawag siyang emperador at noong 27 BCE ay iginawad ng Senado kay Octavian ang titulong
Augustus na ang ibig sabihin ay isang banal na lugar o akto. Sa panahon ng pamumuno ni Augustus ay
tinatayang nasa 100 milyong ang populasyon ng Imperyong Romano na binubuo ng iba’t ibang kaugalian,
lahi at pananampalataya. Sa kabuuan naging mapayapa at masagana ang unang dalawa’t kalahating siglo
ng imperyong Romano. Madalas tawagin ang panahong ito bilang Pax Romana o kapayapaang Romano
na tumagal mula 27BCE hanggang 180 CE. Naging mapayapa ang mga karagatan, naging sagana ang
imperyo sa iba’t ibang pagkain at produktong agrikultura at umunlad din ang kalakalan ng Rome sa bahagi
ng Asya tulad ng India at China. Isang malawak na imperyo ang pinamunuan ni Augustus na sumasakop
mula sa hanggang ng ilog Euphrates sa silangan, Atlantic ocean sa kanluran, mga ilog ng Danube at Rhine
sa hilaga at Sahara desert sa timog. Umunlad din sa panahon na ito ang panitikan ng Rome. Nakilala sina
Virgil na may akda ng “Aeneid”, Ovid may akda ng “Metamorphoses” at si Horace na isang makata. Ang ilan
sa mga sumunod na emperador ng Roma ay sina Tiberius (sa panahon niya napako si Hesu Kristo), Caligula
(emperador na wala sa katinuan) at Vespasian (nagpagawa ng Colosseum).

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Ibigay ang kahulugan ng mga sumusunod: a.) First triumvirate; b.) Roman citizenship; c.) Second
Triumvirate; d.) Augustus; e.) Pax Romana
2. Ano ano ang mga pagbabagong ipinatupad ni Julius Caesar sa Rome? Ipaliwanag.
3. Sa iyong palagay ano kaya ipinahihiwatig ng ginawang pagpatay ng mga senador kay Julius Caesar?
Ipaliwanag.
4. Anong mga katangian ng isang lider ang sa tingin mo ay dapat taglayin ng isang pinuno? Sakaling ikaw
ay maging pinakamataas na pinuno ng isang bayan o bansa, ano anong mga patakaran ang iyong
ipapatupad? Bakit? Ipaliwanag ang iyong mga sagot.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 7 (Week 4)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: MGA KABIHASNAN SA MESOAMERICA, AFRICA AT PULO SA PASIPIKO
Target na Kasanayan: Nasusuri ang pag-usbong at pag-unlad ng mga klasikong kabihasnan sa Mesoamerica, Africa
at Pasipiko.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 77-81
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 187-200

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

MGA KABIHASNAN SA MESOAMERICA

Ang mga Olmec na mas kilala sa tawag na “rubber people” ang pinakaunang kabihasnan na nabuo
sa Mesoamerica. Nang lumaon ito ay sinundan ng mga kabihasnan tulad ng mga Mayan, Aztec at Incas.
Umusbong ang kabihasnan ng mga Mayan sa Yucatan Peninsula, rehiyon na sumasaklaw mula
timog Mexico hanggang Guatemala, dakong 300-700 CE (Common Era) na itinuturing na klasikal na
panahon sa America. Pagsasaka at pakikipagkalakalan ang ikinabubuhay ng mga Mayans. Ang kanilang
lipunan pinamumunuan ng pinuno na kung tawagin ay “halach uinic” o tunay na lalaki. Pinangungunahan
niya ang pagsasagawa ng mga ritwal at seremonya na kadalasang isinasagawa sa mga dambana o pyramid
tulad ng Pyramid of Kukulcan. Pinaniniwalaang may kakayahan makipag-usap sa mga diyos ang kanilang
pinuno. Ang ilan sa mga produkto ng mga Mayans ay mais, asin, tapa, pinatuyong isda, pulot-pukyutan
kahoy, balat ng hayop samantalang ang ilan naman sa mga pananim nila ay ang mais, patani, kalabasa,
abokado, sili, pinya, papaya at cacao. Nakagawa din ng kalendaryo ang mga Mayans.
Ang kabihasnang Aztec naman ay nagsimula dakong 1200 CE sa gitnang Mexico. Ang lungsod ng
Tenochtitlan ang kabisera ng Aztec ang naging pinakamakapangyarihang imperyo sa Mesoamerica. Dahil
sa limitadong lupang maaaring pagsakahan ay gumawa ang mga Aztec ng mga chinampas o “floating
gardens” na mula sa mga pinagpatong-patong na lupa at ugat na puno na pinalutang sa lawa. Ang imperyong
Aztec ay pinamumunuan ng emperador na itinuturing din bilang diyos. Nahahati naman ang lipunang Aztec
sa 4 na antas ito ang mga maharlika, karaniwang mamamayan, magsasakang walang lupa at alipin.
Kabilang sa mga karaniwang tao ang mga pari, mangangalakal, artisano at magsasaka. Ang mga Aztec ay
sumasamba din sa maraming mga diyos. Isa na dito si Huitzilopochtli, diyos ng araw. Katulad ng ibang
kabihasnan, nakaugalian na din ng mga Aztec ay pag-aalay ng mga tao sa kanilang mga diyos.
Sa Timog Amerika sa bahagi ng Cuzco Valley umusbong ang kabihasnan ng mga Incas
bandang 1200 CE. Ang kakulangan sa lupang masasakahan ang sanhi upang manakop ng lupain
ang mga Incas. Saklaw ng kanilang imperyo ang mga bansang Peru, Ecuador, Bolivia at Argentina
sa kasalukuyan. Gumawa ang mga Incas ng mga hagdan-hagdang palayan upang makapagtanim
sa mga kabundukan ng Andes. Hinati ng mga Incas ang kanilang imperyo sa mga lalawigan na
pinamumunuan ng gobernador at pinairal ang paggamit ng wikang Quechua upang magkaunawaan
ang mga mamamayan. Walang sistema ng pagsusulat ang mga Incas ngunit mayroon sila quipu,
sistema ng pagbubuhol gamit ang buhok ng llama. Ginagamit nila ito sa pagtatala. Ang ilan naman
sa mga tanyag na arkitekturang Incas ay ang Machu Pichu at Temple of the Sun. Nagwakas ang
imperyong Inca noong 1531 sa pagdating ng mga Espanyol.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Ilarawan ang katangian heograpikal ng mga kabihasnan ng Mayan, Aztec at Inca.
2. Paano tinugunan ng mga Aztec ang kakulangan sa lupang maaaring sakahan ng kanilang
pamayanan? Ipaliwanag.
3. May pagkakatulad baa ng sinaunang kabihasnan ng
Inca at Pilipinas? Ipaliwanag.
4. Sagutan ang Triple Venn Diagram. Punan ito ng mga
mahahalagang impormasyon ukol sa mga kabihasnan
sa Mesoamerica.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 8 (Week 5)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: MGA KABIHASNAN SA MESOAMERICA, AFRICA AT PULO SA PASIPIKO
Target na Kasanayan: Nasusuri ang pag-usbong at pag-unlad ng mga klasikong kabihasnan sa Mesoamerica, Africa
at Pasipiko.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 72-74
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 158-176

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

MGA KAHARIAN AT IMPERYO SA AFRICA AT PACIFIC OCEAN


Ang kontinente ng Africa ay mas kilala din sa tawag na dark continent sapagkat hindi pa agad
nagalugad ng mga Kanluranin ang mga teritoryo dito kugn kaya’t limitado ang kanilang naging kaalaman ukol
sa Africa. Gayunpamanbandang 3000 BCE ay mayroon ng masiglang kalakalan sa pagitan ng hilagang
Africa at kanlurang Sudan. Tinawag ito bilang kalakalan Trans-Sahara kung tinatawid ng mga nomadikong
mangangalakal ang Sahara sa pamamagitan ng caravan. Caravan ang tawag sa grupo ng mga taong
naglalakbay ng magkakasama.
Naging sentro ng kalakalan ang kaharian ng Axum noong 350 CE. Malawak ang sakop ng kanilang
pakikipagkalakalan na umaabot hanggang Greece. Mga elepante, ivory, sungay ng rhinoceros, pabango,
pampalasa o rekado ang ilan sa kanilang ikinakalakal sa Mediterranean at Indian Ocean. Kapalit naman nito
ay umaangkat sila ng tela, salamin, tanso, bakal atbp., Maliban sa Axum ay umusbong din ang imperyong
Ghana sa kanlurang Africa. Nagkaroon ang Ghana na malaking pamilihan ng ivory, ostrich, feather, ebony
at ginto. Ipinagpapalit nila ang mga nasabing produkto sa asin, tanso, figs, dates, sandatang yari sa bakal,
katad at iba pang wala sila. Ang rehiyon ay may matabang lupain na sagana sa patubig kung kaya’t
malayang nakakapagtanum ang mga tao. Ito din ang naging dahilan ng paglaki ng populasyon dahil sa
pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain.
Umusbong din ang imperyong Mali na siyang naging tagapagmana ng imperyo ng Ghana. Taong
1240 na pinalawak ng imperyong Mali ang teritoryo nito sa pamamagitan ng pananakop sa mga karatig lupain
na umabot hanggang Sahara desert. Nakapagpatayo din sila ng mga mosque. Yumaman din ang Mali dulot
pakikipagkalakalan at nakilala ang mga lungsod ng Gao, Timbuktu at Djenne bilang mga sentro ng
karunungan at pananampalataya. Ang isa pang imperyong umusbong sa bahagi ito ng Africa ay ang
imperyong Songhai na nakipagkalakalan sa mga Berber na nagpakilala din ng relihiyong Islam sa mga
Songhai. Nasakop din ng mga Mali ang Songhai ngunit hindi ito nagtagal. Nang lumaon ay naging isa din
malawak na imperyo ang Songhai at umunlad din dulot ng pakikipagkalakalan.
Ang mga kabihasnan naman sa Pacific Ocean ay itinatag ng mga Austronesian. Ang mga pulo sa
Pacific ay nahahati sa 3 pangkat – Polynesia, Micronesia at Melanesia. Ang Polynesia o “maraming isla”
ay matatagpuan sa gitna at timog Pasipiko. Ang mga sinaunang Polynesians ay nagsasaka at nangingisda.
Nagtatanim sila ng gabi, ube, breadfruit, saging, tubo at niyog. Nakakapanghuli naman sila ng tuna, hipon,
octopus at pating. Ang Micronesia o “maliliit na isla” ay matatagpuan sa hilaga ng Melanesia. Nagtatanim
sila ng gabi, breadfruit, niyog at pandan. Nakikipagkalakalan sila gamit ang mga shell/bead at stone money
kapalit ang tela na gawa mula sa saging. Ang Melanesia naman o “maitim” ay matatagpuan sa hilagang-
silangan ng Australia. Karaniwang produkto nila ay mga palayok, kahoy, ube, baboy, asin, apog at bagka.
Nangingisda at nag-aalaga din sila ng baboy. Naniniwala ang mga Micronesian sa animismo katulad ng mga
Polynesian at Micronesian.

III. GAWAIN: TALAHANAYAN CHART. Punan ng mga kinakailangan impormasyon batay sa tekstong
binasa,.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 9 (Week 6)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG EUROPE SA PANAHONG MEDIEVAL
Target na Kasanayan: Nasusuri ang mga pagbabagong naganap sa Europa sa Gitnang Panahon. AP8DKT-IIf-9.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 150-152
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 230-237

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

PAGBAGSAK NG IMPERYONG ROMANO

Isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng imperyong Romano ay ang pagkakaroon ng mga maluluho
at mahihinang pinuno. Naging madalas din ang pagsiklab ng mga digmaang sibil tuwing magpapalit ng mga
pinuno. Malaki ang naging epekto nito hindi lamang sa politika ngunit maging sa ekonomiya ng imperyong
Romano. Ang pagsalakay ng mga tribong Germanic sa Rome ay isa din sa mga salik sa pagbagsak nito
sapagkat gumugol ng malaking halaga ang pamahalaan para sa militar na siyang dahilan ng paglaganap ng
kahirapan at kagutuman sa imperyo. Nariyan din ang korapsiyon sa pamahalaan. Pansamantalang
napanumbalik ang sigla ng imperyong Romano sa panahon nila Diocletian at Constantine. Hinati ni
Diocletian ang imperyong Romano sa dalawang bahagi: ang silangang imperyong Romano (ang sentro nito
ay ang Byzantine) at kanlurang imperyong Romano (sentro nito ang lungsod ng Rome). Noong panahon ni
Constantine ay naging opisyal na relihiyon ng imperyong Romano ang Kristiyanismo. Si Constantine ang
kauna-unahang Kristiyanong emperador ng Imperyong Romano. Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay
inilabas niya ang Edict of Milan kung saan binigyan pahintulot ang mga mamamayan na pumili ng kanilang
relihiyon.
Tuluyang bumagsak ang imperyong Romano noong 467 CE sa kamay ng mga tribong Germanic
ngunit nanatiling nakatayo ang Simbahang Kristiyanismo. Tinawag na Gitnang Panahon (Medieval Period
o Dark Ages) ang panahon matapos bumagsak ang imperyong Romano. Ang Simbahang Kristiyanismo
lamang ang tanging institusyong nanatiling matatag at hindi pinakialaman ng mga barbaro. Ang Simbahan
ang nangalaga sa pangangailangan ng mga tao. Bumaling ang mga tao sa Simbahang Katoliko para sa
pamumuno at kaligtasan. Sa panig naman ng Simbahan ay binigyan diin nito ang kalagayan ng kaluluwa at
pangakong kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo. Sa kabilang dako, marami sa mga barbaro ang yumakap
sa Kristiyanismo at naging matapat na kapanalig ng mga pari at Santo Papa.
Ang Santo Papa ang pinakamataas ng opisyal ng Simbahang Katoliko. Nasa ilalim nila ang mga
Obispo na siya namang namumuno sa mga diyosesis at maraming pari sa iba’t ibang parokya sa lungsod.
Sila din ang nagpapanatili ng kaayusan at katarungan sa lungsod at iba pang nasasakupan. Ang mga pari
naman ang nangangasiwa sa mga gawaing espiritwal, pangkabuhayan, pang-edukasyon, at
pagkakawanggawa. Ilan sa mga naging tanyag na pinuno ng Simbahan ay sina:
• Pope Leo the Great - binigyang diin niya ang Petrine doctrine kung saan ang Obispo ng Rome ay
kinikilala bilang tagapagmana ni San Pedro. Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay kinilala ang Obispo
ng Rome (Santo Papa) bilang pinakamataas na pinuno ng Simbahan.
• Pope Gregory I – nagawa niya manampalataya ang mga tribong Germanic sa Simbahan at
lumaganap ang Kristiyanismo sa malalayong lugar sa kanlurang Europa.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Ano ano ang mga salik sa pagbagsak ng imperyong
Romano? Ipaliwanag.
2. Bakit mahalaga na mayroon kalayaan sa pagpili ng
relihiyon ang mga tao? Ipaliwanag.
3. Ano ang naging papel ng Simbahang Katoliko sa buhay
ng mga tao noong Gitnang Panahon? Ipaliwanag.
4. Sagutan ang Discussion Web. Ipaliwanag ng mabuti
ang mga sagot.
PAHINA NG GAWAING PAGKATUTO
Learning Activity Sheet No. 10 (Week 6)
Ikalawang Markahan – Araling Panlipunan 8

I. PANGUNAHING IMPORMASYON:
Pangalan: ____________________________________________________ Iskor: _______________________
Baitang/Pangkat: ______________________________________________ Petsa:_______________________
______________________________________________________________________________________________
Pamagat ng Gawain: PAG-USBONG EUROPE SA PANAHONG MEDIEVAL
Target na Kasanayan: Nasusuri ang mga pagbabagong naganap sa Europa sa Gitnang Panahon. AP8DKT-IIf-9.
Sanggunian: Cruz, Mark Alvin M. et al., Kasaysayan ng Daigdig, pp. 181-187
Blando, Rosemarie C. et al., Kasaysayan ng Daigdig: Araling Panlipunan, pp. 239-256

II. TALANG HALAW NA KAISIPAN:

GITNANG PANAHON SA EUROPE


Kinilala si Charlemagne bilang isa sa mga pinakamahusay na pinuno noong panahong Medieval sa
Europe. Kapaskuhan ng taong 800 ng siya ay kinoronahan siya ni Pope Leo III bilang emperador ng Holy
Roman Empire. Itinuturing ang imperyong ito bilang kahalili ng Imperyong Romano sapagkat itinaguyod
nito ang kulturang Romano.
Sa panahong Medieval ay unti-unting lumakas ang Simbahang Katoliko sa Europe. Sa kabilang dako
naman ay nakuha ng imperyong Muslim ang Jerusalem noong 637 CE na siyang dahilan upang manawagan
si Pope Urban II ng isang Krusada noong taong 1095. Ang Krusada ay isang ekspedisyong militar na
naglalayong bawiin ang Jerusalem mula sa mga Turkong Muslim. Hinimok ng Santo Papa ang mga knights
at mga ordinaryong tao na lumahok sa Krusada sapagkat sila umano ay patatawarin sa kanilang mga
kasalanan. Sa walong mga krusada tanging ang unang Krusada lamang ang naging matagumpay.
Gayunpaman, ang krusada ang naging dahilan upang umunlad ang komersiyo at kalakalan sa Europe
sapagkat nakahanap sila ng mga bagong rutang pangkalakalan at natuklasan din nila ang mayamang uri ng
mga produkto na mayroon sa Asya at Europa.
Sa panahong Medieval din umusbong ang sistemang Piyudalismo. Isang sistemang pang-
ekonomiya kung saan panginoong maylupa (kadalasang hari) ay nagkakaloob ng kapirasong lupa sa
kanyang basalyo (maharlikang nakatanggap ng lupain mula sa hari) kapalit ng mga serbisyong militar o
proteksiyon. Sa sistemang ito ang lupa ang batayan ng yaman ng isang tao. Isang seremonya na kung
tawagin ay Act of Homage ang isinagawa kung saan nangangako ng katapatan ang basalyo sa panginoong
maylupa. Sa kabilang banda, ang mga knights naman ang nagpapanatili ng kaayusan sa Europe. Sila ang
nagtatanggol sa mga basalyo (na siyang nagpapasuweldo sa kanila) at panginoong maylupa.
Ang buhay noong panahong Medieval sa Europe ay nakasentro sa mga Manor. Ang Manor ay
bahagi ng lupa na maihahalintulad isang pamayanan. Matatagpuan sa isang manor ang kastilyo (kung saan
naninirahan ang panginoong maylupa), kamalig, kiskisan, panaderya at kawadra. Makikita din dito ang
Simbahan, pandayan at pastulan. Ang mga serf ang nasa pinakaibaba ng lipunan. Mahirap ang buhay ng
mga serf. Maaga pa lamang ay nagtatrabaho na sila sa bukid hanggang sa dapithapon. Nakatira sila sa
mga maliliit at maruruming silid. Wala sila pagkakataong umangat sa susunod na antas ng lipunan tulad ng
mga maharlika at malalayang tao. Maaari lamang makapag-asawa ang isang serf sa pahintulot ng kanyang
panginoong maylupa.
Sa huling bahagi ng panahong Medieval ay unti-unting lumago ang kalakalan na dahilan upang
umunlad ang ilang mga bayan sa Europe. Nagkaroon ng mga perya (trade fair) kung saan nagtitipon ang
mga mangangalakal. Makikita sa mga peryang ito ang mga produkto mula sa ibat’ ibang bahagi ng Europe.
Nagkaroon din ng mga bangko at money changer. Sa paglago ng mga bayan at lungsod ay panibagong
uring panlipunan ang umusbong. Ito ang mga bourgeoisie o mas kilala sa tawag na mga middle class.
Binubuo sila ng mga artisan at mangangalakal. Mula sa industriya at kalakalan ang kanilang yaman.

III. GAWAIN: SUBUKAN MO!


1. Sino si Charlemagne? Bakit kaya Holy Roman Empire ang ibinansag sa kanyang imperyo? Ipaliwanag.
2. Ano ang naging mahalagang kontribusyon ng Krusada? Ipaliwanag.
3. Sa iyong palagay, bakit lupa ang itinuturing na batayan ng yaman sa ilalim ng sistemang piyudalismo?
Ipaliwanag ang iyong sagot. Umiiral pa ba ang ganitong sistema sa kasalukuyan? Oo o Hindi?
4. Sakaling ikaw ay nabuhay noong panahong Medieval sa Europe, kakayanin mo ba ang mga gawain ng
isang serf? Oo o Hindi? Bakit?
5. Paano naiiba ang mga bourgeoisie sa mga maharlika o panginoong maylupa? Ipaliwanag.

You might also like