You are on page 1of 22

BALANGKAS NG KURSO SA FILIPINO 1

UNANG LINGGO

 Oryentasyon
 Introduksiyon ng Kurso
 Pagpapaliwanag sa Silabus ng Kurso
 Pagpapaliwanag at Pag-uugnay ng Nilalaman ng Bisyon/Misyon at mga Aral-
Benedictino ng San Beda University sa Pag-aaralang mga Konsepto sa
Nasabing Kurso

IKALAWANG LINGGO

 Patakarang Bilingguwal sa Edukasyon

IKATLONG LINGGO

 Mga Papel ng Wika sa Pagkatuto


* Intelektuwalisasyon
* Estandardisasyon

IKAAPAT NA LINGGO

 Mga Proseso, Prinsipyo, at Etika ng Komunikasyon

IKALIMANG LINGGO

 Komunikasyong Lokal, Global sa KulturaL at Multikultural na Setting

IKAANIM HANGGANG IKAWALONG LINGGO

 Pagsusulat at Ebalwasyon ng mga Akademikong Papel


 Ulat-Insidente (Incident Report)
 Memorandum
 Ulat-Teknikal (Technical Report)
 Liham na Nagtatanong/Liham na Pagtugon
 Research Based Journal/Article
 Paghahanda at Paano Isasagawa ang Isang Presentasyon

IKASIYAM NA LINGGO

 Panggitnang Pagsusulit

IKASAMPU HANGGANG IKALABING-APAT NA LINGGO

 Mga Pantulong at Estratehiya sa Komunikasyon Gamit ang Teknolohiya


 Mga Tiyak na Sitwasyong Pangkomunikasyon
o Seminar/Webinar
o Podcast
o Kumperensiya
o Round Table Discussion (RTD)
o Pasalitang Pag-uulat sa Maliit na Pangkat
o Programa sa Radyo/Telebisyon
o Live Streaming
o Video Conferencing
 Komunikasyon sa Social Media
o FB (Facebook)
o IG (Instagram)
o Twitter
o Vlog
o Viber
o Telegram App.
o What’s App.
o Skype
o We Chat
o Line
o Tumblr
o Ozone
o TikTok
o Linked In
o Snap Chat

IKALABINLIMANG LINGGO

 Filipino sa Pakikipagkomunikasyon sa Iba’t Ibang Layunin

*Presentasyong Pasalita, Audio,Visual at/o Web Based na Gagamitin sa Zoom

*Pagbuo ng mga Publikong Anunsiyo (Health Protocol sa Paglaban sa

Pandemya Tulad ng Covid 19, Kahandaan sa mga Sakuna, Interupsiyon sa

Koryente at Tubig

*Panghihikayat sa Pamamagitan ng Gawaing Multimodal na Paggawa ng


Proposal para sa Kampanyang Pangmidya

IKALABING-ANIM NA LINGGO

 Filipino sa Pakikipagkomunikasyon Para sa Trabaho

IKALABIMPITONG LINGGO

 Filipino sa Pakikipagkomunikasyon Para sa Layuning Akademiko

IKALABINGWALONG LINGGO

 Pangwakas na Pagsusulit
Paunang Salita
Ang FILSA (Filipino sa Akademya) ay isang kursong lilinang sa kasanayan sa
pakikipagkomunikasyon ng mga mag-aaral na magpapataas sa kanilang kamalayang
kultural at interkultural sa pamamagitan ng mga gawaing multimodal na magbibigay ng
mga pagkakataon para sa mabisa at wastong pakikipagkomunikasayon sa iba’t ibang
konteksto. Inihahanda rin ang mga mag-aaral sa pagsasagawa ng mapanuring
ebalwasyon sa mga genreng teksto. Magiging tsanel ang wika upang ang bawat ideya,
kaisipan, damdamin at higit sa lahat ang maingat na paghahatid sa mga ito bilang
mensahe. Ang matututuhan na mga kaalaman, madedebelop na mga kasanayan at
kamalayan ng mga mag-aaral ay maaaring magamit sa kanilang pagsisikap sa
akademya, sa napiling larangan at sa kanilang mga propesyon sa hinaharap sa
pamamagitan ng mahalagang komposisyong pasalita, pasulat, audio-visual o web-
based para sa iba’t ibang output at layunin.
Paksa 1

Patakarang Bilingguwal sa Edukasyon

Tunguhin: Matatalakay nang komprehensibo ang Patakarang


Bilingguwal sa Edukasyon

Paglalahad

Panimula

Wika ang namamagitan upang maunawaan ang sarili, karanasan, kapuwa tao,
ibang tao, paligid, mundo, obhetibong realidad, panlipunang realidad, politikal,
ekonomik at kultural.

Filipino Bilang Wikang Pambansa

Ang wikang Filipino ang opisyal na wikang pambansa ng Pilipinas batay sa


itinadhana ng Saligang-batas ng 1987, nakasaad sa Artikulo XIV Sek. 6 na:

“ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat


payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba
pang mga wika. Dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang
ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal
na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”

Dahil Filipino ang opisyal na wikang pambansa ng Pilipinas, alamin naman natin ang
kahulugan nito.
Nagbigay ng kahulugan ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kung ano ang
wikang Filipino. Inilahad ng komisyon na:

“ang wikang Filipino ang katutubong wikang ginagamit sa buong Pilipinas


bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng iba pang wikang
buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng mga
panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at mga ebolusyon ng iba’t ibang varayti ng
wika para sa iba-ibang sitwasyon sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang
saligang sosyal, at para sa mga paksa ng talakayan at iskolarling pagpapahayag.”

Malinaw na napakalaki ng gampanin ng Filipino bilang wikang pambansa sa pakikipag-


ugnayan ng mamamayan sa lipunang kaniyang ginagalawan, lalo na sa larangang
pang-akademya sapagkat wika ito na dapat gamitin sa edukasyon.Mahalaga ang mga
legal na batayan katulad ng mga Probisyong Pangwika upang maging matatag ang
kalagayan ng paggamit ng wikang pambansa na—FILIPINO.

Bunsod ng pagpapahalaga sa wikang pambansa bilang wika sa akademya,


taong 1974 nang magkaroon ng Edukasyong Bilingguwal, bigyang kahulugan muna
natin kung ano ang Bilingguwalismo, na maglalahad ng pinagmulan ng Edukasyong
Bilingguwal.

BILINGGUWALISMO

Sinasabing ang Bilingguwalismo ay ang pagkakaroon ng malaking ugnayan ng


lipunan at wika sa kung paanong ang lipunan a makapag-aambag sa debelopment ng
wika.

Ito rin ang paggamit ng dalawang wika ng indibiduwal mula sa partikular na


rehiyon o lalawigan na kaniyang kinabibilangan. Lahat ay may sariling wikang ginagamit
na nagsisimula sa tahanan.

Kapag nagsimula nang mag-aral, mayroong mga wikang ginagamit sa pagtuturo


ang guro na kailangang matutuhan sapagkat ginagamit ito sa pag-aaral. Sinasabing
mga wikang natututuhan at nadedebelop habang ginagamit sa pakikipag-usap sa mga
kaklase at mga gurong nagiging daan sa Bilingguwalismo.

Kaugnay nito,simulan nating talakayin ang Kaligirang Pangkasaysayan ng


pagkakaroon ng Patakarang Bilingguwal sa Edukasyon sa Pilipinas.

Kaligirang Pangkasaysayang ng Patakarang Bilingguwal sa Edukasyon ng


Pilipinas.

Tunghayan ang maikling kasaysayan ng nasabing patakaran sa ating bansa.

Taong 1969, pinagtibay ang Executive Order No. 202 ang pagbuo ng isang
komisyon na masusing mag-aaral kung paano mapabubuti ang Sistema ng Edukasyon
tulad ng inaasahan. Ano ang nasabing komisyon? Ito ang Presidential Commission to
Survey Philippines Education (PCSPE) at ang nasabing ahensya ng pamahalaan ang
nag-aral na ang nangangailangan ng atensiyon upang mapabuti ang edukasyon sa
Pilipinas ay—WIKA.

Mula sa pag-aaral na ito ng PCSPE, pinagtibay ang sumusunod:

1. Ang Pilipino ang pangunahing midyum sa elementarya at ang bernakular ay


pantulong na wika sa unang dalawang taon sa mga lugar na di-Tagalog.

2. Ang Pilipino at Ingles ang mga midyum sa sekundarya at tersarya.

Noong Pebrero 27, 1973, sinunod ng Lupon ng Pambansang Edukasyon ang


Bilingguwal na Patakaran sa Edukasyon (National Board of Education—NBE). Sa
Resolusyon Blg. 73-7, 1973 ng Lupon (NBE) noong Agosto 7, 1973, pinagtibay ang
sumusunod:

“na ang Ingles at Pilipino ay magsisilbing midyum ng Pagtuturo at Ituturo bilang mga
asignatura sa kurikulum mula sa Baitang 1 hanggang sa unibersidad sa lahat ng
mga paaralang publiko at pribado.”

Implementasyon ng Patakarang Bilingguwal sa Edukasyon


Taong 1974, ang Kagawaran ng Edukasyon at Kultura, nagpalabas ang
nasabing kagawaran ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 s. 1974 ng mga
panuntunan sa pagpapatupad ng nasabing patakaran.

Mga Panuntunan:

Ang edukasyong bilingguwal ay binibigyan ng katuturang; “magkahiwalay na


paggamit ng Pilipino at Ingles bilang mga panturo sa mga tiyak na asignatura sa
pasubaling gagamitin ang Arabic sa mga lugar na ito’y kinakailangan.
May apat na taong transisyon ang implementasyon ng Patakarang
Bilingguwal sa Edukasyon, mula 1974 hanggang 1978. Sisimulang gamitin ang
Pilipino bilang midyum sa mga asignaturang Araling Panlipunan (Social Studies),
Edukasyong Panggawain (Work Education), Edukasyon sa wastong Pag-uugali
(Character Education), Edukasyong Pangkalusugan (Health Education).
Simula 1978 hanggang 1982 magiging sapilitan na ang paggamit ng Pilipino
sa mga paaralan sa mga Tagalog na lugar at sa mga lugar na gumamit nito noong
1974-1975.

Samantala, ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 50 s. 1975 ay ipinag-utos ang


sumusunod;

“Ang mga kurso sa Ingles at Pilipino ay pag-aaralan sa antas tersarya bilang


bahagi ng kurikulum nang ayon sa mga tuntunin ng bilingguwal na edukasyon, at sa
taong panuruang 1984, lahat nang magtatapos sa tersarya ay kailangang makapasa
sa mga pagsusulit na nasa wikang Ingles at Pilipino na magagamit sa kanilang
propesyon.”

Patakarang Bilingguwal sa Edukasyon ng 1987


Kasunod ng pagkakaroon ng amyenda sa Saligang-batas ng Pilipinas na
pinagtibay noong 1986, naglabas naman ang Kagawaran ng Edukasyon ng Kautusang

“Ang Patakarang Bilingguwal sa Edukasyon ay naglalayong makapagtamo ng


kahusayan sa Filipino at Ingles sa antas pambansa, sa pamamagitan ng pagtuturo
ng dalawang wikang ito bilang mga midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas”

Pangkagawaran Blg. 52 s. 1987 na nagpatatag sa implementasyon ng Patakarang


Bilingguwal sa Edukasyon na nagpapahayag ng:

Probisyong Pangwika Kaugnay ng Patakaran sa Bilingguwal na Edukasyon

Pinatibay ng Probisyong Pangwika sa Saligang-batas, Artikulo XIV, Sek. 7 ang


implementasyon ng Patakaran sa Bilingguwal na Edukasyon, na ipinapahayag ang:

Artikulo XIV – Sek. 7

“Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal


ng Pilipinas ay Filipino at Ingles, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas,
Ingles at ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga
rehiyon at magsisilbing pantulong ng mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod nang
kusa at opsyonal ang Espanyol at Arabic.

Napakalaking tulong ng nasabing patakaran upang magamit sa akdemya ang wikang


Filipino na pambansang wika ng Pilipinas.
Paksa 2

Mga Papel ng Wika sa Pagkatuto

(Intelektuwalisasyon at Estandardisasyon)

Tunguhin: Maipapaliwanag ang intelektuwalisasyon at


estandardisasyon bilang mga papel ng wika sa pagkatuto.

Panimula

Sa pagbulusok ng teknolohiya, mabilis ang naging impluwensIya nito sa wika.


Maraming salitang hiniram, binaybay ponetiko ang mga ito, hindi maikakaila na sa
paglinang ng wika, nanghihiram ito na makatutulong sa pagpapaunlad nito.

Paano makatutulong ang mga papel ng wika sa pagkatuto tulad ng


intelektuwalisasyon at estandardisasyon sa debelopment ng wika. Tunghayan ang
kasunod na paliwanag.

INTELEKTUWALISASYON
Ayon kay Santiago(1990) isang proseso ang intelektuwalisasyon upang ang
isang wikang di pa intelektuwalisado ay maitataas at mailalagay sa antas ng
intelektuwalisasyon upang mabisang magamit sa mga sopistikadong lawak ng
karunungan. Sa pangkalahatan, mabisa ang wikang intelektuwalisado hindi lamang
bilang wika ng tahanan, wika ng lansangan, wika ng malikhaing panitikan, kundi bilang
wika rin ng agham, ng teknolohiya at ng iba pang teknikal at mataas na antas ng
karunungan.

Mga Suliranin sa Intelektuwalisasyon ng Filipino

1. Wika mismo ang suliranin sapagkat may malaking kahulugan sa mga


katawagang teknikal at iba pang salitang kailangan sa mga paksang intelektuwal
tulad ng edukasyon, medisina, abogasya at marami pang iba.

2. Pagkakani-kaniya at pagkakawatak-watak ng kaisipan at paniniwala ng masugid


na tagapagtaguyod ng wika.

3. Kakulangan ng mga salita o katawagang kailangan sa mga intelektuwalisadpng


paksa.

4. Suliranin ng ortograpiya ay isa ring makasasagabal sa mabilis na


intelektuwalisasyon ng Filipino.

Mga Posibleng Paraan ng Intelektuwalisasyon

1. Magsimula mula sa itaas-pababa. Naniniwala si Sibayan (1988), na magsimula


ito sa antas tersarya pababa sa sekundarya hanggang elementarya.
2. Ayon naman sa Kagawaran ng Edukasyon, magsimula sa mababang antas
patungo sa mataas na antas. Mula elementarya, sekundarya tungo sa tersarya.

3. Magsimula sa lahat ng antas sapagkat dapat lamang na magkaroon ng kani-


kaniyang uri ng intelektuwalisasyon sa lahat ng antas.

4. Ipinahayag naman ni Fishman (1984), simulan ang intelektuwalisasyon sa mga


lawak na ang gamit ng wika ay masasabing intelektuwalisado na.

5. Dapat ay magsimula sa mga taong may mataas na tungkulin sa pamahalaan,


pababa sa masa.

6. Maaari namang mula sa masa patungo sa mga taong may mataas na tungkulin
sa pamahalaan,

7. Dapat na isagawa sa pamamaagitan ng batas, ang sapilitang pagpapagamit ng


Filipino sa lahat ng lawak at antas ng karunungan sapagkat ito ay matatamo
lamang sa pamamagitan ng aktuwal na paggamit ng wika.

8. Kailangang linangin nang maayos ang iba’t ibang paraan at estratehiya ng


intelektuwalisasyon sa antas ng leksikon sapagkat narito ang pinakamalubhang
problema tulad ng paglikha ng mga salita sa maugnaying paraan (Del Rosario:
1967).

9. Pagbuo ng mga paraan ng panghihiram lalo na sa mga katawagang siyentipiko


at teknikal (Santiago: 1979)

10. Pagpapalutang ng mga katutubong salitang kaugnay sa konseptong pinag-


aralan (Enriquez: 1985)

Ang intelektuwalisasyon ng Filipino ay maaaring matamo na, ang kailangan lamang


ay pagsisikap na maisakatuparan ito. Magtulungan ang lahat, pamahalaan,
mamamayan at mga nagtataguyod ng wikang pambansa.
Estandardisasyon

Ang Filipino bilang wikang pambansa ng Pilipinas ang patuloy na pinauunlad at


pinalalaganap sa buong bansa. Taong 1946 pa lamang malayo na ang narating ng
wikang pambansa bilang instrumento ng komunikasyon. Buhay na wika ang Filipino
sapagkat nagbabago at yumayaman .

Matagal na sanang dapat nasimulan at naisagawa ang estandarsisayon ng


Filipino. Kung ito’y naisagawa noon at ipinagpapatuloy na lamang ngayon, marahil
ay wala na ang mga problema tungkol sa wikang ito sa kasulukuyan. Maidaragdag
pa marahil na hindi mapasusubalian na ang pagiging estandardisado ng mga salita
ay makatutulong nang malaki sa pagpapaunlad ng wikang pambansa.

Ano ang estandardisasyon? Ayon kay Perez (1980), isang pamaraan o


proseso kung paano maaaring tanggapin at gamitin ng nakararaming taong
gumagamit ng wika ang isang tiyak na talaan ng mga talasalitaan o bokabularyo sa
isang tiyak na disiplina, na sumasaklaw sa karunungan, gaya ng Agham, Panitikan,
Sikolohiya at iba pa. Kailangang magkaroon ng estandardisasyon dahil sa dami ng
mga katawagan o salita na ginagamit sa pag-aaral at pagtalakay sa isang tiyak na
disiplina.

Bakit kailangan ang estandardisasyon? Ang isang wikang buhay na tulad ng


Filipino ay hindi namamalagi sa kakayahan nito, nagbabago dahil sa pag-unlad at
pagyaman sa pamamagitan ng mga salitang nagmumula sa ibang bansa, ganoon
din sa mga salitang mula sa iba’t ibang disiplina.

Halimbawa A: Ibang Bansa

Ingles China Japan Russia Italy


apartment hopia haiku Sputnik lasagna
album siomai teriyaki cosmonaut spaghetti

internet mahjong karaoke vodka diva

laptop champoy Suzuki kadet grotto

latex bachoy tanka Soviet replica

Halimbawa B: Iba’t Ibang Disiplina o Larang

Agham (Science) Agham Teknolohiya Sikolohiya


Panlipunan (Technology) (Psychology)
(Social Science)
sipnayan batas podcast IQ

kapnayan Saligang-batas mouse abnormal

buntala kultura App kalusugang mental

Kemistri lipunan digital mga pandama

Biyolohiya pamahalaan webinar imbecile

Ang ibinigay na halimbawang mga salita ay naging estandard na sa wikang


Filipino, sapagkat halos lahat ito ay tinatanggap at ginagamit sa pakikipag
komunikasyon pasalita man o pasulat.
Bilang Lagom sa paksang ito, maipapahayag ko na:

WALANG INTELEKTUWALISASYON KAPAG WALANG ESTANDARD NA MGA


TALASALITAAN O BOKABULARYO AT MAAYOS NA PAGSASALING-WIKA.

Sarbey:
San Beda University
Kolehiyo ng mga Sining at Agham
KAGAWARAN NG MGA WIKA AT LITERATURA
Maynila
Sarbey sa mga Salitang Tinatanggap sa Kasalukuyang Lipunan

Pangalan: ___________________________ Seksiyon:


__________________________
DireksIyon: Bilugan ang salitang iyong tinatanggap ang ispeling o salin nito.

Ingles Ispeling o Salin Ispeling o Salin


1. student mag-aaral estudyante
2. jeep jiyp dyip
3. H2o H2O tubig
4. school iskul paaralan
5. group grupo pangkat
6. electric fan paypay hangin bentilador
7. Facebook Aklat na mukha Facebook
8. ipad aypad ipad
9. grade marka grado
10. society sosyedad lipunan
11. community pamayanan komunidad
12. Science Siyensya Agham
13. Constitution Saligang-batas Konstitusyon
14. computer computer kompyuter
15. hydrogen hydrogen hidrogen
*Nasa sainyo kung gusto ninyong dagdagan o palitan ang mga salita o baguhin ang
asynchronous na Gawain*

Paksa 3

Mga Proseso, Prinsipyo at Etika ng Komunikasyon

Tunguhin: Maiisa-isa at mailalahad nang maayos ang proseso, mga


prinsipyo at etika ng komunikasyon.

Panimula

Pangunahing layunin sa pagtuturo na malinang ang kakayahang komukatibo ng


isang indibiduwal. Ang nasabing indibiduwal ay dapat magtaglay ng kasanayang
komunikatibo na makatutulong upang magamit ang Filipino sa iba’t ibang layunin at
tungkulin o gamit nito. Sa pasalita at pasulat na komunikasyon, kinakailangang
maipakita kung paano magsalita sa pormal at impormal na paraan upang makabuo ng
iba’t ibang anyo ng teksto at lubusang magamit ang mga estratehiyang
pangkomunikatibo.

Bawat indibiduwal ay may paraan kung paano ipahahayag ang kaniyang naiisip
at nadarama. May malalim o masaklaw na paraan, may matalinghaga at mababaw rin,
anuman ang paraan ng pagpapahayag ng isang indibiduwal, ang mahalaga ay may
maayos na daloy ng komunikasyon ang nagpapahayag upang maunawaan ng
sinumang tagapakinig ang mensaheng nais iparating.

Anumang iniisip at nadarama ng tao ay maaaring maisagawa ayon sa hangarin


nito.

Ang pagkakataong maibahagi ang saloobin ng tagapagsalita sa tagapakinig ay


isang bagay na pinahahalagahan ninuman.

Tandaan na,” INTERAKSIYON ANG PUSO NG KOMUNIKASYON.”

Proseso ng Komunikasyon

Mahalaga ang proseso ng komunikasyon sa pakikipag-ugnayan. Maraming


bersiyon ng proseso ng komunikasyon, bagama’t sa aking palagay, mas detalyado ang
bersiyon nina Richard Swanson at Charles Marquandt.

Ayon sa kanila, may limang sangkap ang komunikasyon na makikita ang


ugnayan ng bawat sangkap sa proseso ng komunikasyon.

Ang limang sangkap ng komunikasyon ay ang sumusunod:

 Pinanggalingan ng mensahe – sino ang magpapadala ng mensahe


 Ideya o mensahe – ang ipadadalang mensahe ng panggagalingan nito
 Kodigo ng wika – ano ang naging damdamin ng nagpadala ng mensahe sa
kaniyang ipinadala, gayundin ang damdamin naman ng tumanggap ng mensahe
 Tsanel – daluyan ng komunikasyon
 Tatanggap ng mensahe – ang kausap ng nagpadala ng mensahe

Tunghayan ang kasunod na grapikong representasyon na nagpapakita kung


papaanong ang mga sangkap ng komunikasyon ay dumadaan sa isang proseso.

Grapikong Representasyon ng Proseso ng Komunikasyon Ayon


kay Swanson

Mensahe o Kodigo ng Tsanel


Ideya wika

Magpapadala Tatanggap ng
ng mensahe Pidbak mensahe

Sumulat Nagsalita Nagbasa Nakinig


Mga Prinsipyo ng Komunikasyon (Mula sa University of Northern Colorado-
College of Education and Behavioral Science)

May nagpapadala at tumatanggap ng mensahe sa komunikasyon, parehong


naisasagawa ang nasabing proseso. Impormal mang nakikipag-usap sa isang tao,
magbabasa ng papel sa isang kumprensiya, pinangungunahan ang isang pulong
pagsulat ng artikulo o pormal na ulat sa isang newsletter, ang ilan sa sitwasayong
pangkomunikasyon na dapat isaalang-alang sa nasabing mga prinsipyo ng
komunikasyon.

PRINSIPYO NG KOMUNIKASYON

1. Kilalanin kung sino ang nakikinig o kakausapin.

2. Alamin ang layunin ng pakikipagkomunikasyon.

3. Paghandaan na maaaring hindi tanggapin ang ideya ng pagtalakay sa paksa.

4. Talakayin nang komprehensibo ang paksa.

5. Sikaping maipakita ang kredibilidad sa makikinig o kakausapin.


6. Magkaroon ng interaksiyon sa mga kausap at magbigay ng pidbak sa ibinahagi
nila.

7. Ipahayag ang mga impormasyon nang ayon sa iba’t ibang paraan.

8. Linangin sa paraang praktikal at makatotohanan ang ibibigay na pidbak.

9. Gumamit ng maraming teknik sa pakikipagkomunikasyon.

10.May komprehensibong pananaliksik sa paksang tatalakayin sa pormal na


sitwasyon

Mga Pangunahing Etika sa Komunikasyon

Mapapansin na halos magka-ugnay ang Prinsipyo at mga Etika ng


komunikasyon. Isang pagsasagawa o aplikasyon ang mga Etika ng Komunikasyon.

Nagbigay si Lewis ng Sampung Pangunahing Etika sa Komunikasyon na mula


sa paksang “Straight Talk and Non-Violent Communication (2018).”

1. Laging gawing mahusay ang pakikipagkomunikasyon na magkakaroon ng


interaksiyon sa kausap, indibiduwal man o grupo.

2. Makinig kapag nagsasalita ang kausap.

3. Iwasang maging mapanghusga sa pagpapahayag, pasalita man o pasulat.

4. Magpahayag nang mula sa sariling karanasan at perspektibong maibahagi ang


sariling naiisip, pangangailangan at damdamin.

5. Sikaping maunawaan ang kausap kaysa igiit na talagang tama ang iyong
sinasabi.
6. Iwasang magsalita para sa iba hindi naman makatitiyak na magkatulad ang
inyong pag-unawa o sinasabing iyon din ang mga opinyon at paniniwala ng
kausap na kaya kailangan lahat ay ganoon din ang opinyon at paniniwala.

7. Magkaroon ng limitasyon sa mga ipinahahayag na kung ano lamang ang


hangganan ng iyong nalalaman ay iyon lamang ang ibahagi.

8. Igalang din kung ano lamang ang nalalaman ng kausap.

9. Iwasan din ang biglaang pagsingit habang may sinasabi pa ang kausap at huwag
magbibigay ng biglaang komento sa sinasabi ng kausap.
10. Tiyaking ang kausap o mga kausap ay nakapagsasalita rin at hindi nadodomina
ang usapan.

Sa pakikipagkomunikasyon,ang magagawa ng pagkakaroon ng etika ay maging


katanggap-tanggap ang mga ipinahahayag, makapagpapaunlad ng prosesong
pagdedesisyon at nagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa ang mga nag-uusap.

(Mungkahi – maaaring itakda ito at magkaroon ng Asynchronous na gawain, na


tatalakayin ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng malikhaing presentasyon.)

You might also like