You are on page 1of 8

D.

IBA PANG KONSEPTONG PANGWIKA

Wikang Pambansa

Tinalakay na sa naunang bahagi ng aralin na Filipino ang pambansang


wika ng Pilipinas at ang mahabang kasaysayan ng pag-unlad nito. Ayon sa
Merriam-Webster dictionary, ang wikang pambansa ay tumutukoy sa isang
wikang ginagamit nang pasalita at pasulat ng mga mamamayan ng isang
bansa. Ito ang itinuturing na opisyal na wika o isa sa mga opisyal na wikang
ginagamit ng pamahalaan at sistema ng edukasyon.Sapagkat ito ang nag-
iisang wikang ginagamit batay sa kultura ng lipunan, nagiging batayan din ito
ng identidad o pagkakakilanlan ng grupo ng taong gumagamit nito.
Sa Pilipinas, Filipino ang de jure at de factona pambansang wika ng
bansa. De jure sapagkatlegal at naaayon sa batas na Filipino ang pambansang
wika. Tinitiyak ng ating konstitusyon ang pagkakaroon at pagpapaunlad ng
isang pambansang wika. Matatagpuan sa Artikulo XIV, Seksyon 6-9 ng
Konstitusyong 1987 ang mga tiyak na probisyon kaugnay ng wika. Ayon dito:

“Seksyon 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay


Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat
payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika
sa Pilipinas at sa iba pang wika.
Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa
nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat
magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang
ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino
bilang daluyan ng opisyal na komunikasyon at bilang
wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”

Filipino ang de facto na pambansang wika sapagkat aktuwal na itong


ginagamit at tinatanggap ng mayorya ng mamayang Pilipino. Ayon sa
Philippine Census noong 2000, 65 milyong Pilipino o 85.5% ng kabuuang
populasyon ng Pilipinas na ang nakauunawa at nakapagsasalita ng wikang
Filipino.

Wikang Panturo
Nakabatay sa pangkalahatang polisiya sa wika at programa sa
edukasyon ng isang bansa, ang wikang panturo ay ang wikang ginagamit na
medium o daluyan ng pagtuturo at pagkatuto sa sistema ng edukasyon.
Wikang panturo ang wikang ginagamit ng guro upang magturo sa mga mag-
aaral. Sa pamamagitan ng wikang panturo, nauunawaan ng mga mag-aaral
ang iba’t ibang konsepto, teorya, pangkalahatang nilalaman at mga kasanayan
sa isang tiyak na asignatura o larangan. Inaasahan din na sa kalaunan ng
pag-aaral ay nagiging bihasa ang mag-aaral sa wikang panturo na ginagamit
sa paaralan at maging siya ay epektibong nagagamit ito sa pagkakamit ng
lalong mataas na kaalaman.
Madalas na nagiging sentro ng usapin ang wikang panturo sa mga
polisiyang pangwika sa edukasyon. Pangunahing konsiderasyon ang wika
bilang daluyan ng kaalaman kaya’t masasabing magtatakda rin ng tagumpay
ng pagkakamit ng layunin ng anomang sistema ng edukasyon. Tinukoy ng
United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO )
noong 2003 na isa sa pangunahing porma ng eksklusyon sa edukasyon ang
suliranin sa wika. Ayon sa pag-aaral, mahigit kalahati ng mga mag-aaral sa
buong mundo ay gumagamit ng wika sa edukasyon na hindi nila kinasanayang
gamitin sa kani-kanilang tahanan kung kaya’t nagiging sagabal ito sa proseso
ng pagkatuto.
Sa Pilipinas, ipinatupad ang Bilingual Education Policy (BEP) noong
1987 bilang pagtupad sa mandato ng Konstitusyong 1987. Pangunahing
nilalaman ng polisiyang pangwikang ito ang paggamit ng Filipino at Ingles
bilang mga wikang panturo. Ipinatupad naman ang Mother Tongue-Based
Multilingual Education (MTB MLE) noong 2009 na nagbibigay-diin sa paggamit
ng mga katutubong wika bilang unang wika ng mga mag-aaral na wikang
panturo sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Wikang Opisyal

Ang wikang opisyal ay ang wikang kadalasang itinatadhana ng batas


bilang wikang maaaring gamitin sa mga legal na usapin at pangkalahatang
komunikasyon ng gobyerno. Ito ang wikang kadalasang ginagamit sa mga
opisyal na dokumento na may kinalaman sa korte, lehislasyon ng batas at
pangkalahatang pamamahala sa gobyerno, maging sa sistema ng edukasyon.
Usapin ng pagsasakapangyarihan ng isang tiyak na wika at grupo ng mga
taong gumagamit nito ang pagkapili rito bilang opisyal na wika sapagkat may
kaakibat itong pribilehiyo at adbentahe.
Sa Pilipinas, itinatakda sa Konstitusyong 1987 ang Filipino at Ingles
bilang mga opisyal na wika ng bansa. Narito ang mga tiyak na probisyong
pangwika sa Artikulo XIV ng konstitusyon.

Sek. 7 – Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo,


ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at hangga’t
walang itinatadhana ang batas, Ingles.

Sek. 8 – Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at


Ingles; at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon,
Arabic at Kastila.

Bilingguwalismo

Ang bilingguwalismo ay tumutukoy sa kakayahan ng isang taong


makapagsalita ng dalawang wika. Maaari ring ilapat ang konsepto sa isang
buong komunidad kung saan ginagamit ng mga mamamayan ang dalawang
magkaibang wika o kaya naman ay ang politikal o institusyonal na pagkilala sa
dalawang wika.
Ayon kay Lauren Lowry (2011), isang Speech-Language Pathologist,
maraming kapakinabangan ang bilingguwalismo sa isang indibidwal.
Ipinapakita sa mga pananaliksik na ang mga bilingguwal na bata ay
kadalasang mas malikhain at nagpapakita ng kahusayan sa pagpaplano at
paglutas ng mga kompleks na suliranin kaysa sa mga batang iisang wika
lamang ang nauunawaan. Para naman sa mga matatandang bilingguwal,
nababawasan ang pagkakasakit na may kinalaman sap ag-iisip dala ng
pagtanda. Sa isang pag-aaral, ipinakitang mas nahuhuli ng apat na taon ang
pagkakaroon ng Dementia sa mga matatandang bilingual kaysa sa mga
monolingguwal. Ipinapakitang mas nagkakaroon din ng akses sa kapuwa at
kaparaanan ang mga mga bilingguwal. Halimbawa, sa bansang Canada, mas
mataas ang employment rate o bilang ng mga may hanapbuhay sa mga
nakapagsasalita ng wikang Franses at Ingles kaysa sa mga monolingguwal.
Ipinatupad ang Biligual Education (BEP) sa Pilipinas sa pamamagitan ng
National Board of Education (NBE) Resolution No. 73-7, S. 1973. Noong 1994,
ipinatupad ang polisiya sa pamamagitan ng paglalabas ng DECS ng
Department Order No. 25, S. 1974 na may titulong “Implementing Guidelines
for the Policy on Bilingual Education.”Sa kabuuan, naglalaman ito ng gabay
kung paanong magkahiwalay na gagamitin ang Filipino at Ingles bilang wikang
panturo sa mga tiyak na erya ng pagkatuto sa mga paaralan. Ayon sa polisiya,
Pilipino (kalaunan ay naging Filipino) ang gagamitin bilang wikang panturo sa
mga asignaturang may kinalaman sa Araling Panlipunan/Agham Panlipunan,
Musika, Sining, Physical Education, Home Economics at Values Education.
Ingles naman ang gagamitin sa Siyensya, Teknolohiya at Matematika.
Pangunahing layunin ng BEP na makamit ang kahusayan ng mga mag-
aaral sa dalawang wika sa pambansang antas sa pamamagitan ng pagtututro
ng dalawang wika at sa pamamagitan ng pagiging wikang panturo nito sa lahat
ng antas. Sa kabuuan, nais nitong:
1. Mapataas ang pagkatuto sa pamamgitan ng dalawang wika
2. Maipalaganap ang wikang Filipino bilang wika ng literasi
3. Mapaunlad ang Filipino bilang simbolo ng pambansang identidad at
pagkakaisa
4. Malinang ang elaborasyon at intelektuwalisasyon ng Filipino bilang wika
ng akademikong diskurso
5. Mapanatili ang Ingles bilang internasyonal na wika para sa Pilipinas at
bilang wika ng siyensya at teknolohiya

Multilingguwalismo

Ang multilingguwalismo ay tumutukoy sa kakayahan ng isang


indibiduwal na makapagsalita at makaunawa ng iba’t ibang wika. Sa antas ng
lipunan, ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng iba’t ibang wika na
sinasalita ng iba’t ibang grupo ng mga tao sa mga lalawigan at rehiyon. Ayon
kay Stavenhagen (1990), iilang bansa lamang sa buong mundo ang
monolingguwal. Ibig sabihin, mas laganap ang mga lipunang multilingguwal o
bilingguwal.
Kung maraming tinukoy na kapakinabangang nakukuha ang indibiwal
mula sa bilingguwalismo, lalong mas maraming dulot na kabutihan ang
multilingguwalismo. Ilan lamang sa mga ito ang kritikal na pag-iisip,
kahusayan sa paglutas ng mga suliranin, mas mahusay na kasanayan sa
pakikinig at matalas na memorya, mas maunlad na kognitibong kakayahan at
mas mabilis na pagkatuto ng iba’t ibang wika bukod sa unang wika. Sa
kabuuan, ipinakikita rin ng mga pananaliksik na mas pleksible at bukas sa
pagbabago ang mga multilingguwal, gayundin may mas malalim na pag-unawa
at paggalang sa iba’t ibang kultura at paniniwala (Cummins, 1981).
Tinukoy ng UNESCO (2003) na upang tugunan ang suliranin sa pagiging
eksklusibo ng edukasyon para sa iilan, kailangang buuin ang isang uri ng
edukasyong mataas ang kalidad at may pagpapahalaga sa katutubong kultura
at wika ng mag-aaral. Gayundin binuo ang 3 bahagi ng rasyunal na
sumusuporta sa MTB-MLE sa lahat ng antas ng edukasyon:
1. Tungo sa pagpapataas ng kalidad na edukasyong nakabatay sa
kaalaman at karanasan ng mga mag-aaral at guro;
2. Tungo sa promosyon ng pagkakapantay sa lipunang iba-iba ang wika;
3. Tungo sa pagpapalakas ng edukasyong multikultural at sa
pagkakaunawaan at paggalang sa batayang karapatan sa pagitan ng
mga grupo sa lipunan.

Sa Pilipinas, ipinatupad ang multilingguwal na edukasyon sa


pamamagitan ng Department of Education Order 16 Serye 2012 (Guidelines on
the Implementation of the MTB-MLE) na may mga layuning:
 Pagpapaunlad ng wika tungo sa matatag na edukasyon at
habambuhay na pagkatuto;
 Kognitibong pag-unlad na may pokus sa higher order thinking
skills (HOTS);
 Akademikong pag-unlad na maghahanda sa mga mag-aaral na
paghusayin ang kakayahan sa iba’t ibang larang ng pagkatuto;
 Pag-unlad ng kamalayang sosyo-kultural na magpapayabong sa
pagpapahalaga at pagmamalaki ng mag-aaral sa kanyang
pinagmulang kultura at wika.

Homogenous at Heterogenousna Wika


Ang pagiging homogenous o heterogenous ng isang wika ay tumutukoy sa
pagkakaroon ng iisang porma o istandard na anyo nito o kaya ay pagkakaroon
ng iba’t ibang porma o varayti.
Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang salitanghomogenous ay
nagmula sa salitang Griyego na homogenes mula sa hom- na nangangahulugan
ng ‘uri o klase’ at genos na nangangahulugan ng ka-angkan o kalahi. Kung
gayon, ang salitang homogenous ay nangangahulugang isang klase mula sa
iisang lahi o angkan. Kung ilalapat sa wika, tumutukoy ito sa pagkakaroon ng
iisang anyo at katangian ng wika. Mahalaga ang language uniformity o ang
pagkakaroon ng iisang istandard ng paggamit ng isang partikular na wika. May
palagay ang ganitong pagtingin sa wika na may nag-iisang tama at angkop na
paraan lamang ng paggamit ng wika at may mga katangiang matatagpuan sa
ideyal na tagapagsalita nito. Halimbawa, makikita ito sa mahigpit na pagtuturo
ng mga gramatikal na estruktura at patakaran ng kung ano ang istandard na
Ingles o Filipino sa loob ng mga paaralan.
Sa kabilang banda, maaaring magkaiba-iba ang paggamit ng isang wika
batay sa iba’t ibang salik at kontekstong pinagmumulan ng nagsasalita nito.
Dito papasok ang pagiging heterogenous o pagkakaiba-iba ng uri at katangian
ng isang wika. Nakapaloob sa palagay na ito ang iba’t ibang konsepto ng
diyalektal na varyasyon sa wika. Halimbawa, maaaring magkaroon ng
magkakaibang porma at uri ang wikang Ingles batay sa iba’t ibang grupo ng
taong nagsasalita nito. Ibang iba ang punto at pagbubuo ng salita ng mga
taong nagsasalita ng British English, American English o kaya ay mga Third
World Englishes gaya ng Filish (Filipino-English), Singlish (Singaporean
English) o kaya ay Inlish (Indian English). Kabaligtaran ng homogeneity sa
wika, ipinakikita ng pagiging heterogenous na natural na penomenon ang
pagkakaiba-iba ng paggamit ng wika kung kaya’t mahirap takdaan ang
hangganan ng istandardisasyon ng wika.

Lingguwistikong Komunidad
Ang lingguwistikong komunidad ay isang termino sa sosyolingguwistik
na tumutukoy sa isang grupo ng mga taong gumagamit ng iisang uri ng varayti
ng wika at nagkakaunawaan sa mga ispesipikong patakaran o mga alituntunin
sa paggamit ng wika. Gayundin, nagkakasundo ang mga miyembro ng
lingguwistikong komunidad sa kahulugan ng wika at interpretasyon nito,
maging ang kontekstong kultural na kaakibat nito.
Ayon kay Yule (2014), ang wika at pamamaraan ng paggamit nito ay
isang porma ng panlipunang identidad at ginagamit, malay man o hindi, upang
ipahiwatig o maging palatandaan ng pagiging kasapi ng isang tao sa isang
tiyak na grupong panlipunan.
Gayunpaman, kailangang tandaan na hindi lahat ng nagsasalita ng
isang wika ay kasapi ng isang tiyak na lingguwistikong komunidad.
Halimbawa, ang isang Aleman ay maaaring mag-aral ng wikang Tagalog,
ngunit hindi kailanman siya magiging kabilang sa lingguwistikong komunidad
ng mga taal na Tagalog. Ibig sabihin, ang pagkakaiba-iba ng paraan ng
paggamit ng isang wika ay nagtatakda rin ng iba’t ibang lingguwistikong
komunidad sa loob nito.

Unang Wika at Ikalawang Wika


Angunang wikana kadalasan ay tinatawag ding katutubong wika o
sinusong wika (mother tongue)ay ang wikang natutuhan at ginamit ng isang
tao simula pagkapanganak hanggang sa panahon kung kailan lubos nang
naunawaan at nagagamit ng tao ang nasabing wika. Sa ibang lipunan,
tinutukoy ang katutubong wika o mother tongue bilang wika ng isang
etnolingguwistikong grupo kung saan nabibilang ang isang indibidwal, at hindi
ang unang natutuhang wika. Halimbawa, kung ang isang bata ay Ilocano at
mula sa angkan ng mga taal na Ilocano ngunit simula pagkapanganak ay
tinuruan ng wikang Ingles, mananatiling Ilocano ang kaniyang katutubong
wika o mother tongue.
Samantala, ayon kay Lee (2013) sa kanyang artikulo na “The Native
Speaker: An Achievable Model?” na nailathala sa Asian EFL Journal, narito
ang mga gabay upang matukoy kung ang isang tao ay katutubong
tagapagsalita ng isang wika.
1. Natutuhan ng indibidwal ang wika sa murang edad
2. Ang indibidwal ay may likas at instinktibong kaalaman at kamalayan sa
wika
3. May kakayahan ang indibidwal na makabuo ng matatas at ispontanyong
diskurso gamit ang wika
4. Mataas ang kakayahan sa komunikasyon ng indibidwal gamit ang wika
5. Kinikilala ang sarili bilang bahagi at nakikilala bilang kabahagi ng isang
lingguwistikong komunidad
6. May puntong diyalektal ang indibidwal na taal sa katutubong wika

Sa kabilang banda, ang ikalawang wika naman ay ang wikang


natutuhan at ginagamit ng isang tao labas pa sa kanyang unang wika. Ang
wikang ito ay hindi taal o katutubong wika para sa tagapagsalita ngunit isang
wikang ginagamit din sa lokalidad ng taong nagsasalita. Iba ang ikalawang
wika sa dayuhan o banyagang wika sapagkat ang dayuhang wika ay
tumutukoy sa isang wikang inaral lamang ngunit hindi ginagamit o sinasalita
sa lokalidad ng taong nag-aaral nito. Halimbawa, maituturing na ikalawang
wika ng mga Pilipino ang wikang Ingles sapagkat bukod sa isa ito sa mga
opisyal na wika ng Pilipinas ay laganap ang paggamit dito sa sistema ng
edukasyon at iba pang larangan habang banyaga wika ang wikang Aleman
sapagkat hindi ito natural na ginagamit sa anomang larangan o lugar sa
Pilipinas, liban na lamang kung sadya itong pag-aaralan.
Isa sa mga kinilala si Stephen Krashen (1982) sa teorya ng Second
Language Acquisition (SLA) na nagpalawig sa pagkakaiba sa acquiring (likas o
natural na pagtatamo) at learning (pagkatuto) ng wika. Ayon sa kanya, ang
acquisition o pagtatamo ay isang natural na proseso habang ang learning o
pag-aaral ay kinasasangkutan ng malay o sadyang desisyon nap ag-aralan ang
wika. Sa una, kailangang makaagapay at pumaloob ng isang mag-aaral sa
natural na komunikatibong sitwasyon habang ang ikalawa ay nagbibigay-diin
sa pagkatuto ng gramatikal na estruktura ng wikang nakahiwalay sa
pagkatuto ng natural na gamit nito. Bagama’t hindi lahat ng dalubhasa sa
wika ay sumasang-ayon sa ideya ng SLA ni Krashen, malaki ang naging ambag
nito sa pagdidisenyo ng iba’t ibang modelo at proseso ng pagkatuto ng
ikalawang wika.

You might also like