You are on page 1of 38

zen Mae D.

Bulabos
Guhit ni: Ra
rigo Jr.
Kuwento ni: Enrile O. Ab
MOST ESSENTIAL LEARNING COMPETENCIES (MELC):

EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO

Baitang V / Linggo 1, Ikalawang Kwarter – Nakapagsisimula ng pamumuno para


makapagbigay ng kayang tulong para sa nangangailangan:
1.1 biktima ng kalamidad
1.2 pagbibigay babala / impormasyon kung may bagyo, baha, sunog, lindol,
at iba pa.
Treasury of Storybooks
…………………………………………. .

This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2022.

Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in
this work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of
Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other
things, impose as a condition that payment of royalties. No prior approval or conditions shall
be required for the use for any purpose of statues, rules and regulations, and speeches, lectures,
sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of justice, before
administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public character.

For the purpose of citation, the following is recommended.

Abrigo Jr, Enrile O., May Mahabang Pila sa Kagubatan., DepEd-BLR, 2022

DEVELOPMENT TEAM

Writer: Enrile O. Abrigo Jr.


Illustrator: Razen Mae D. Bulabos
Learning Resource Managers: Freddie Rey R. Ramirez
Ronald M. Brillantes

Puerto Princesa City


MIMAROPA Region
B
igayan na naman ng ayuda sa kagubatan.
Isang beses kada linggo kung mamahagi
ng rasyon ng pagkain ang mga opisyales
magmula nang magkaroon ng lockdown sa loob
ng kagubatan.
S
iyempre ay hindi pahuhuli sa mahabang pila si
Asyong. Lagi siyang mauuna sa pila kahit pa nga
huli na siya kung dumating.

Mayabang na ngingisi-ngisi pa si Asyong habang isa-isang


nilalagpasan ang mga hayop na kanina pa naghihintay.
Matalim siya kung tumitig kaya’t mangangatog kang
lumapit sa kaniya. Aangilan naman niya ang sinumang sa
kaniya ay susubok na umatungal.

Ang mga kawawang hayop ay wala namang magawa.


Bubulong-bulong na lamang at yuyuko upang hindi
mapagbuntunan ng bagsik ng siga at naghahari-hariang
asong-gubat na si Asyong.
“A
syong...pumila ka naman...kanina pa kami rito.
Mahaba na ang pila oh,” nanginginig na wika ni
daga.

“Grrrr...nagrereklamo ka ba!?” Panggigigil ni Asyong sa


bubuwit.

Wala nang nagawa pa ang ibang hayop na matiyagang


pumila kundi ay yumukod at magmukmok nang tahimik.
Maririnig mong bubulong-bulong ng kanilang hinanakit
ngunit agad namang maninigas na tila estatwa kapag
napanlisikan ng mga matang galit ng tila baliw na asong-
gubat.
B
itbit ni Asyong ang isang malaking hiwa ng
tinapay. Mas malaki ito kumpara sa ibang
tinapay na natanggap ng ibang hayop.
Sinisindak kasi ni Asyong ang bantay sa pila
upang siya ay makapangikil ng malaking piraso.
S
a hindi kalayuan sa tirahan ni Asyong ay
magkakalkal siya ng lupa upang ibaon ang tinapay
na kaniyang napagdiskartehan. Itatago ni Asyong
ang tinapay upang umabot pa ito hanggang sa susunod
na bigayan ng ayuda. At para malamnan ng pagkain ang
nagugutom niyang tiyan ay pipila siyang muli upang
mairaos ang gutom sa araw na iyon.
“H
oy! Asyong! Nakakuha ka na ng ayuda kanina bakit
pipila ka muli?” Paninita ni musang.

“Grrr! Awoooo! Awooo!” Palahaw na alulong ni Asyong.

Pagkatapos ay parang nabusalan na ang bibig ng lahat upang hindi


na magawang makapagpahayag pa ng kanilang reklamo.

Katulad ng kinasanayan niyang asal, tuloy-tuloy lamang ang


barumbadong aso hanggang sa unahan ng pila upang mabilis na
makakuha ng ayuda. Walang sinuman ang makapipigil sa kaniya!
S
iya ang kinatatakutang hayop sa
lahat dahil sa kaniyang tapang
at pambihirang lakas. Wala
siyang pakialam sa kaniyang paligid.
Hindi niya iniisip ang kapakanan ng
iba kahit pa nga nasa gitna ng krisis
ang loob ng kagubatan.
M
adalas na ipagsawalang-bahala ni Asyong ang darating
na bukas. Kung ang ibang hayop ay nagsisikap na
magtipid at maghanap ng ibang pagkukunang pagkain
upang mapagkasya para sa susunod na linggo, ibang-iba si
Asyong na tanging sa ayuda lamang umaasa.

Pinagtatawanan niya si bising na nag-iipon ng mga bunga ng


akasya bilang imbak na pagkain.

Nilalait niya si tandikan na naghahanap ng maaaring


mapakinabangan sa kasukalan.

Gagambalain niya ang mga ibon na tumutuka ng mga butil


upang maging dagdag paghahanda sa posibleng matagalang
lockdown..
lockdown

“Hahaha! Mga utak-lamok! May ayuda namang paparating,


nagsasayang lamang kayo ng oras!” Pambubuska ni Asyong sa
mga hayop.
N
gunit dumating na nga ang araw na hindi inaasahan.
Tuluyan nang lumubha ang sitwasyon sa loob ng
kagubatan. Nagkaroon na nga ng kakulangan sa
pagkain dahil nagkaroon ng pagkaantala sa pamamahagi ng
ayuda. Kampante naman si Asyong dahil sa malaking hiwa ng
tinapay na kaniyang ibinaon sa lupa.
N
gunit naubos na ang tinapay na ibinaon sa lupa ni Asyong.
Lalo pang dumagdag sa inis nito nang makita niya ang
mahabang pila ng mga langgam na bitbit ang mga maliliit
na piraso ng kaniyang tinapay.

Sa mga oras na iyon ay galit na galit si Asyong. Nagtatalon at


tinapak-tapakan ang niya ang mga langgam. Ngunit, hindi
nagpatinag ang mga langgam at sila ay nagpamalas ng tapang.
Sinubukan pa ni Asyong agawin sa mga ito ang maliliit na butil
ng tinapay ngunit sa tapang ng mga langgam ay wala na siyang
nagawa sa mga maliliit na nilalang.
A
ng kawawang Asyong ay nagmistulang
binurong kamatis dahil sa papak ng
mga langgam.
G
utom na gutom si Asyong ngunit hindi siya
makalakad upang maghanap ng pagkain sa
labas ng kaniyang tirahan. Hindi rin niya kayang
tumahol upang marinig ng ibang hayop ang sakit na
kaniyang dinaraing.

Ngunit naisip niyang kahit gawin pa niya iyon ay wala


ring tutulong sa kaniya dahil kaaway siya ng lahat
ng hayop sa gubat. Tiyak niyang walang gaganti nang
mabuti para sa kaniya dahil pawang panghahamak sa
kapuwa ang ginawa niya noon.
M
ula sa tirahan ni Asyong ay may
natatanaw siyang mahabang pila ng
mga hayop. Ngunit ang pilang ito ay
hindi karaniwang pila ng ayuda sa loob ng
kagubatan.
W
alang nagbabantay sa mesa ngunit sagana
ang nilalaman nito. Ang bawat isa ay
kumukuha lamang ng sapat ayon sa kanilang
pangangailangan. Wala ring dito ay nakikipag-unahan,
nakikipagsiksikan, lalong-lalo na ang naglalamangan.

Ang lahat ng hayop ay nakatatanggap ng biyaya na bigay


ng kanilang kapuwa. Tila hindi nauubos ang laman ng
mesa dahil ang bawat isa ay may ipinapalit na ibang
pagkain, gamit, o di kaya ay gamot bilang pasasalamat sa
biyayang natanggap mula sa iba.

Bakas sa kanilang mga mata ang ngiti dahil ang lahat ay


tumanggap nang hindi man labis ngunit sapat sa kanilang
pangangailangan. Sila ay nakapaghandog din ng simpleng
tulong para sa iba.
B
inasa ni Asyong
ang nakasulat sa
karatula.

Napaisip siya tungkol sa kaniyang mga kapuwa


hayop na tulad niyang may pangangailangan.
Ngunit hindi tulad niya, ang ibang mga hayop ay
marunong magbigayan kahit sa munting paraan.

Alam niya sa kaniyang sarili na


mayroon din siyang kakayahan
ngunit hindi niya ito ginagamit sa
pagtulong sa kapuwa.
B
iglang lumihis ang mahabang pila
patungo sa tahanan ni Asyong.
Maya-maya pa ay lumapit na ang
mga hayop sa kaniya. Nakangiti ang
mga ito habang nag-aalok ng pagkain at
upang siya ay malapatan ng lunas. Hindi
magawang panggigilan ni Asyong ang mga
hayop at hindi na nga siya nakatanggi pa.

Hindi lamang pagkabusog at ginhawa ang


naramdaman ni Asyong maging isang
pambihirang pakiramdam na ngayon
lamang niya nauunawaan.

“Ganito pala ang pakiramdam kapag


sa’yo ay may nagmamalasakit.” Bulong ni
Asyong sa sarili. Nahihiya man siya noong
una ngunit sadyang nakapagpapalambot
ng puso ang kabutihang-loob na
ipinamalas ng mga hayop sa gubat.
U
nti-unting bumalik ang sigla ni Asyong. At simula noon,
tuwing may mahabang pila sa gubat, lagi pa rin siyang
nauuna ngunit hindi na para sumingit bagkus ay upang
manguna sa pagbibigay ng ayuda.

WAKAS
Tungkol sa Awtor
Si ENRILE O. ABRIGO JR ay isang guro
sa Palawan National School, Dibisyon
ng Lungsod ng Puerto Princesa. Siya ay
Tagapayo ng mga estudyanteng nahihilig
sa dyornalismo, gayundin ay pinasok na
rin niya ang larangan ng pagsusulat ng
mga kuwentong pambata. Ilan sa kaniyang
mga akda ay inilahok niya sa National Competition on Storybook Writing
(NCSW) tulad ng “Bakit Walang Kaibigan si Jun-Jun?”, “Ang Sopas
ng Tatlonghari”, “Nang Mangarap si Mita”, at ang mga premyadong
“Kumusta, Ola?” at “May Mahabang Pila sa Kagubatan” na nagwagi sa
ikaapat na edisyon ng NCSW. Paborito niyang paksa ay patungkol sa
kalikasan at mga hayop na natatangi sa kaniyang pinakamamahal na
bayang sinilangan, ang Palawan.

Tungkol sa Gumuhit
Si RAZEN MAE D. BULABOS ay isang guro
sa Palawan National School, Dibisyon ng
Lungsod ng Puerto Princesa. Isa siyang
dalubhasa sa visual arts sa ilalim ng Special
Program in the Arts, at guro sa MAPEH.
Mayroon siyang talento sa pagguhit na
handang ibahagi sa mga mag-aaral. Ang
kaniyang ilustrasyon sa kuwentong “May
Mahabang Pila sa Kagubatan” ay nagwagi sa ikaapat na edisyon ng
National Competition on Storybook Writing. Inspirasyon niya ang kabutihan
ng Diyos sa kaniyang buhay at talentong pinagkatiwala sa kaniya upang
makagawa pa ng magaganda at kakaibang likha sa larangan ng pagguhit
at pagpinta.
Laging nasa unahan sa pila kahit
huli naman kung dumating ang
barumbadong si Asyong. Dahil takot
sa kaniya ang lahat ng hayop, walang
sinuman ang sumusuway sa kaniya.

Paano na ngayong may krisis sa loob ng


kagubatan? Takot pa rin ba kay Asyong
ang mananaig sa mga hayop para sa
kaniya?

You might also like