You are on page 1of 6

Sino ang totoo?

Ni: Princess Kyla P. Dap-og

Bata palang ay alam at tanggap na ni Aaron na ang buhay ay mapaglaro.


Habang siya ay nagbubukas ng libro, minsan ay iniisip niya, paano kung hanggang
dito nalang siya? Pero napagtanto niya na ano pa’t tiniis niya ang mga kagat ng
lamok sa kanyang balat, ang ingay ng mga tambay at mga sasakyan, ang patay
sinding ilaw ng poste habang nag-aaral kung ganito nalang palagi ang kanyang
pananaw.

Alas onse na ng gabi pero nasa gilid pa rin siya ng kalsada, sinisikap na
tapusin ang mga takdang aralin para bukas.

“Halika na Anak! Magpahinga ka na!” ani ng kanyang ina na naghihintay sa kanilang


munting baro-baro.

“Opo Nay! Malapit na itong matapos” sagot naman ni Aaron.

Kahit ganito lamang ang kanilang pamumuhay, kumukulang man minsan ay


nakakaraos din naman sila. Nakakakain ng tatlong bese sa isang araw, pero hindi
maiiwasan ang mga pagkakataon na ipinagkakasiya sa kanilang dalawa ang isang
tuyo na isda. Sa kabila nito, hindi niya kailanman naisip na magnakaw kahit araw
araw siyang niyayaya ng mga batang kalye at tambay sa raket nila, kailanman ay
hindi siya nakonporma sa mga gawain nas a likod ng pagiging mali ay katumbas ng
malakign halaga. Kaya kahit na gaano na katagal ay hindi sila sumuko at patuloy na
nagsusumikap.

Hindi pa sumisikat ang araw ay hand ana si Aaron at ang kanyang Ina.
Kasalukuyan kasi siyang nag-aaral at nasa ikaapat na baiting na sa Sekondarya.
Ang kanyang Ina naman ay nagtatrabaho sa isang kompanya bilang isang
tagapamahala ng kapanatilihan at kalinisan ng kompanya. Noong una’y hindi sila
makapaniwala pareho dahil sapat na sa pang-araw araw nila ang kita ng kaniyang
ina bilang isang janitress kung titipirin ng mabuti kaya lubos ang kanyang saya nang
itaas ang posisyon ng kaniyang Ina. Nakitaan daw ito ng potensyal ng kanyang amo
at panatag ito kung ang kanyang ina ang mangunguna dahil responsable siya sa
lahat ng gawain. Pero kahit ganon, tumutulong pa din si Aaron sa kanyang Ina na
makahanap ng pera. Pagkatapos ng klase ay agad siyang pumupunta sa karinderya
ni Aling Melin at nagtatrabaho bilang taga-hugas.

Malapit na ang kaarawan ni Aaron at nais ng kanyang ina na sorpresahin


siya. Kaya nakiusap siya sa kaniyang amo na kukunin niya na ang kanyang
buwanang sahod.

“Ano ba ang nais mong gawin sa pera? Ba’t parang nagmamadali kang makuha ito?”
tanong ng kanyang amo na nakangiti at para bang takang-taka.

“Eh kasi po kaarawan ni Aaron, ang aking Unico Iho sa susunod na araw at nais
kong sorpresahin ito” sagot naman ni Lina, ang Ina ni Aaron.

Sabado ng umaga, walang pasok kaya’t hindi bumangon ng maaga si Aaron.


Tamang tama ito sa plano ni Aling Lina, alam niya kasing sanay itong walang handa
o kahit anong regalo sa kanyang kaarawan kaya’t ang perang isinuyo sa kanyang
amo ay ipinangbili niya ng bagong sapatos at relo na matagal nang hangad ni
Aaron.

“Anak bangon ka na, anong oras na oh! Akala ko ba tutulong kapa kina Melin?
Sayang pa ang kikitain mo.” Ang tanong pabulyaw na paggising ng kanyang Ina.

Napaisip bigla si Aaron sa sinambit ng kanyang Ina. Nakalimutan yata nitong


kaarawan niya na. Bumangon siya sa kanyang higaan, bumaba siya habang
kinukusot ang kanyang mga mata. Nagulantang nalang siya sa sigaw ng kaniyang
Ina, hindi niya inaasahan na magiging espesyal ang kaarawan niya sa taong ito.
Hindi masukat ang nadarama niyang saya habang hawak ang regalo ng kanyang Ina
na relo at sapatos na matagal niyang nang inaasam at tanaw ang mga pagkaing
nakalatag sa kanilang lapag.

Habang sila’y kumakain ay rinig na rinig nila ang nakakarinding mga boses ng
kanilang tsismosang kapitbahay. Hindi lingid sa kaalaman niya na ang topiko ay
tungkol na naman sa tunay niyang pagkatao ngunit hindi niya nais itanong sa
kanyang Ina kahit siya’y sabik na ito’y malaman sapagkat may matinding takot din sa
kanyang sarili na malaman kung ano ang totoo.
Dumaan ang ilang taon, ilang papel din ang naubos ni Aaron at sa wakas
nakapagtapos na rin siya sa kolehiyo. Ang mga papeles na kailangan niya para sa
trabaho ay handa na sapagkat sabik na sabik na itong makakuha ng magandang
trabaho, lubos din ang pintig ng kanyang puso dulot ng kaba sapagkat ilang hakbang
nalang ay nasa loob na ng gusali si Aaron kung saan nagtatrabaho ang kanyang Ina.
Naisip niya na mas madali pag lagi silang magkasama ni Aling Lina.

Siya na ngayon ang ini-interbyu. Nang siya ay humarap na sa mga


tagasiyasat, isang tao lamang ang nakapukaw ng kanyang atensyon at kung hindi
nagkakamali ay kabilang ito sa isang magazine na ang laman ay ang mga taong
mayayaman at may malalagong kompanya. Hindi niya lubos malaman kung bakit sa
lahat ng mga naunang kompanyang ina-applyan niya ay dito lamang siyang
kinabahan ng husto. Natapos lamang ang interbyu, ngunit hindi parin mawala sa
kanyang isip ang ginang na iyon, parang nais niyang kilalanin pa ito ng lubusan dahil
katulad nito ay nais rin ni Aaron na sa murang edad ay umasenso na sa buhay at
malasap ang kaginhawaan sa sobrang layo ng naging karanasan niya mula nung
siya’y sanggol pa lamang hanggang ngayon. Lagi niya na lamang iniisip na, balang
araw lahat ng pangarap niya’y matutupad din sa huli.

Pagkalabas niya sa silid na iyon ay nakita niya naman ang kaniyang ina,
tuwang-tuwa ito dahil nung tinanong niya si Aaron kung saan siya magtatrabaho,
wala itong konkretong sagot sa kanya, hindi nila inisip na magkakasama sila sa
iisang gusali. Hinihintay na lang ni Aaron ang kanyang Ina at sabay na silang uuwi.
Habang siya ay nakahiga at papikit na, biglang lumitaw sa kanyang isipan ang imahe
ng ginang. Hindi niya malaman kung bakit.

Kinaumagahan ay tinawagan siya ng sekretarya ng kompanyang huli niyang


pinuntahan at sinabing “tanggap kana sa trabaho, ikaw ang papalit sa posisyon ng
kasalukuyang sekretarya ng CEO ng kompanya.”

Pagkadating niya sa opisina, binungod siya agad ni Mercedes, ang kaniyang


magiging amo. Napakaamo ng mukha nito, tila ba isang anghel na mula sa langit.
Maayos ang pakikitungo nito sa kanya, hindi mapigilan ni Aaron na mamangha sa
kung gaano kabuti ang puso nito sa kahit sinong tao, walang halong panghuhusga
kahit napakatayog na ng kanyang narating, purong kabutihan lamang. Naalala niya
ng sila ay pauwi kahapon, Nakita niya itong binibigyan ng mga pagkain ang mga
batang kalye sa labas ng kanyang kompanya pati na rin ng pera bago umalis. Higit
siyang naganahan dahil swerte siya at mabuti ang kanyang amo.

Umalis muna ang kanyang Boss dahil may bagong malaking kliyente siyang
aasikasuhin. Habang siya ay naglilibot-libot, napukaw ang kanyang pansin ng isang
nakakwadradong larawan, Nakita niyang may naipit na maliit na papel rito, dala ng
kanyang kyuryusidad ay kinuha niya ito at bigla lamang nanlaki ang kanyang mga
mata, nanlamig ang kanyang mga kamay at sumikip ang kanyang dibdib. Maraming
katanungan ang gumugulo sa kaniyang isipan. Biglang bumukas ang pinto at agad-
agad niyang tinago ang litrato sa kanyang likod. Hindi pa nakakasambit ang kanyang
amo ng kahit isang salita ay nagpaalam na itong umuwi at dinahilan naman si Ma’am
Mercedes kaya’t mabilis na umalis si Aaron, una niyang hinanap ang kaniyang Ina,
nakita ni Aling Lina ang galit sa kanyang mukha kaya hindi na siya nagtanong pa,
sumunod na lamang ito.

“ Nay, ano ito? Bakit may ganitong litrato si Ma’am Mercedes? Ako po ba ‘to?”

Sabay labas ni Aaron na ngayo’y halos hindi maipinta ang mukha dahil sa
pagkalito sa mga nahihinuha. Biglang kinabahan si Aling Lina. Ito ang kinakatakutan
niyang mangyari at ngayon ay wala na talaga siyang kawala.

“Anak, pwede bang pakinggan mo muna ako? Ang totoo niyan matagal ko nang
gustong sabihin ngunit hindi ko mahanap ang aking lakas ng loob. Hindi naman
siguro lingid sa iyong kaalamanan ang sabi-sabi ng mga tao sa ating paligid,
dalawampu’t apat na taong gulang ako nang makita kita sa likod ng puno habang
naglilinis sa parke, umiiyak ka noon. Hinintay kong may kumuha sayo pero dumaan
na lamang ang ilang oras ay wala pa din, kaya’t pinili ko ang desisyon na alam kong
kailanman ay hindi ko pagsisisihan at iyon ay ang kupkupin ka, pinalaki kita na tila
ba sarili kong dugo at laman. At wala akong kahit anong alam kung sino ang totoo
mong magulang hanggang noong isang buwan, nakita ko rin ang larawan na iyan na
hawak hawak ni Ma’am Mercedes. Tinanong ko siya kung sino itong nasa larawan
ngunit ang sagot niya ay alam kong makakasakit lamang ng damdamin mo.”
paliwanag ni Aling Lina.

“Pero paano? Bakit ngayon lang? Kung hindi ko pa nakita ang litrato ay hindi ko pa
malalaman ang totoo, bakit ako masasaktan? Sabihin niyo naman.”
“Ayokong mawala ka sakin bigla, kung titingnan ay mas magiging maganda ang
iyong buhay kung ang pipiliin mo ay ang iyong tunay na Ina. Sana’y mapatawag mo
ako at siya na raw ang bahalang magpaliwanag.” Sambit ng kanyang Ina.

Hindi malaman ni Aaron kung ano ang gagawin, napaupo ito. Kailangan niya
ng kasagutan, kailangan niyang malaman kung bakit, kung ano ang dahilan at hindi
siya magawang palakihin ng tunay na Ina at Ama kaya’t nagdesisyon siyang balikan
ang puno’t dulo ng kanyang kalituhan.

Pagkapasok niya sa opisina, agad niyang ipinakita kay Ma’am Mercedes ang
litrato.

“Gusto ko sanang ipaliwanag niyo kung ano ito, karapatan ko naman sigurong
malaman ang katotohanan.”

Bakas sa mukha ng Ginang ang pagkagulat nang makitang hawak ni Aaron


ang litratong matagal niya nang inililihim sa lahat. Ang tanging bagay na
makakapagpabagsak sa kanyang pagkatao. Walang sinuman ang nakakaalam ng
ganitong yugto sa kanyang buhay. Agad niyang pinahinahon muna si Aaron kahit
lubos ang pagkahiya niya sa kanyang sarili at pagkat sa kanyang pananaw ay ito
ang mitsa ng gulo na kanyang iniwasan noon paman.

“Halika sa opisina.” Inakay ng ginang ang bata sa kanyang silid upang walang iba
pang makarinig ng kanilang pag-uusap.

“Hindi ko alam kung saan magsisimula, masyadong naging kumplikado ang buhay
ko doon. Naligaw ako sa maling landas ng aking kabataan, gabi-gabi akong
lumalabas, wala naman akong kasama sa bahay dahil wala lagi ang aking mga
magulang. Lagi may inuman at sayawan at dumating sa puntong hindi ko napigilan
ang aking sarili. Hindi ko alam kung sino ang kasama ko ng gabing iyon, nagpadala
ako sa tawag ng laman at tila ba wala ako sa katinuan. Akala ko noong una ay wala
lamang iyon, tulad lang ng nakasanayan pero pagkalipas ng isang buwan, kahit na
anong pagtataboy sa isip ang aking pilit, katawan ko na ang dumidikta, nabuntis ako
sa edad na labing-pito at hindi ko malaman ang aking gagawin kaya’t nung lumalaki
na ang aking tiyan ay sinabihan ko ang aking Ina na sa probinsya muna ako mag-
aaral at magbabantay kay Lola. Hindi ko gustong masira ang pangalang itinayo ni
Papa kaya’t sa tulong ni Lola, nanatili kang lihim na hindi ko magawang ipaalam
kanino man. Nadinig nila ang tungkol sayo at nagpasyang puntahan ako para
malaman kung ano ang totoo. Hindi ko gustong biguin sila kaya’t napilitan akong
iwan ka sa parke. Bata pa ako noon, hindi ko alam kung paano magdesisyon ng
tama. Pinagsisihan ko ang ginawa kong iyon, pero iba na ngayon dahil mayroon na
akong pamilya. Hindi ko maatim na isipin ang isang bagay na alam kong
makakapagwatak sa amin. Patawad pero iyon ang totoo, kung pupuwede sa atin
nalang ito, pakiusap huwag kang lalapit sa pamilya ko at kung pwede, irerekomenda
kita sa kilala kong kompanya. Mas Malaki ang sahod...”

Hindi na natuloy ang nais sabihin ng ginang. Pinutol na agad ito ni Aaron,
hindi niya na kaya pang tiisin ang mga salita nito. Sa pagtaas ng kanyang mukha
mula sa pagkakayuko, nag-unahan ang mga luha mula sa kanyang mga mata.

“Tama na, sapat na iyon na rason para hindi kita kilalanin na Ina.”

Huling sabi ni Aaron bago umalis sa harap ng ginang.

Nasagot na ang mga katanungan sa kanyang isip ngunit nadurog naman ang
kanyang puso sa mga sagot na natanggap. Naisip bigla niya ang kanyang Ina,
iniwan niya roon na nag-iisa. Ang kanyang Ina nalang ang mayroon siya. Ang tunay
na nagmamahal sa kanya.

You might also like