You are on page 1of 4

Ang Matalik na Kaibigan

   Sa isang probinsya sa Cagayan de Oro, ang pamilyang Sta. Cruz ay naninirahan nang payak at
mapayapa. Si Aling Emelinda ay nagdadalang-tao ng kanilang unang anak na lalaki ni Mang
Castor. Pinangalanan nila ang batang iyon na Primo. Lumaki siyang masiyahin, masigla,
mapagmahal at matalino. Sa gilid ng kanilang bahay ay mayroon doong isang punong malalaki
ang mga sanga, mayayabong ang mga dahon at kitang-kita na isa itong matibay na klase ng
puno. Ito ang paboritong tambayan. Nagsilbi na rin ito bilang isang palaruan ni Primo simula
noong siya’y matutong maglakad at tumakbo. Itinuring niya itong isang matalik na kaibigan.
Mahal na mahal niya ito. Kada hapon ay winawalisan niya ang paligid ng punong mayroong mga
tuyong dahon na nahulog muna sa mga sanga nito at tsaka kinakausap niya rin na tila’y isa itong
tao. Kahit na hindi ito sumasagot o nagsasalita ay lahat ng bagay at pangyayari sa kanyang
buhay ay sinasabi niya rito — ang unang pagkatanggal ng kanyang ngipin, ang kanyang
paghanga sa kanyang kaklase na si Jessica, ang palpak na pagluto niya ng adobong baboy, ang
pagkahulog niya sa estero habang pauwi galing sa paaralan, at marami pang iba. Naging
sumbungan niya ito ng kanyang mga malulungkot at masasayang mga araw.

   Mahusay sa paaralan si Primo kaya’t nung nasa sekondarya na siya ay pinag-aral siya ng
kanyang mga magulang sa isang pribadong paaralan. Nag-aral nang mabuti si Primo upang hindi
mabigo at masayang ang pagpapaaral sa kanya ng kaniyang ama't ina. Subsob ito sa pag-aaral
at ‘di na ito halos lumalabas ng bahay para makihalubilo sa ibang tao. Dahil dito ay nawalan ng
oras si Primo para bisitahin at kausapin ang puno gaya ng kanyang nakagawian dati. 

   Malapit nang magtapos sa sekondarya si Primo nang biglang nagkaproblema ang kanilang
pamilya. Isang araw ay tinawag at kinausap siya ng kanyang ina. "Anak, yung kumpanyang
pinagtatrabahuhan ng iyong ama ay nanganganib na magsara at tsaka tumatanda na rin kami
anak. Nahihirapan rin kaming kumayod. Baka kung mangyari iyon, hindi na namin makayanan
ng iyong ama na mapag-aral ka pa, lalo na't sa isang pribadong paaralan ka pa naman mag-aaral
at malapit ka na rin magkolehiyo, hindi na namin kayang sustentuhan ang iyong pag-aaral,
Primo", malungkot na paliwanag ng kanyang ina na si Aling Emelinda na bakas na sa mukha ang
katandaan. Nalungkot nang sobra si Primo at kaagad itong lumabas at nagtungo sa kanyang
matalik na kaibigan, ang puno na hitik na hitik na sa mga bunga.

   "Kaibigan kong puno, sabi ni inay, baka daw ipapatigil ako sa pag-aaral kasi nanganganib na
mawalan ng trabaho si tatay at tsaka tumatanda na rin sila. Ayokong tumigil sa pag-aaral, gusto
kong makapagtapos para matulungan ko sila kapag ako’y magkaroon na ng trabaho", wika niya
sa puno. Matamlay na nahiga si Primo sa mga ugat nito at dumapo ang kanyang mga mata sa
mga bunga nito na mukhang natatamis dahil hinog na. Inakyat niya ang puno at pumitas ng isa.
Pagkatikim niya rito ay tunay ngang matamis ang mga prutas na bumunga. May ideyang biglang
pumasok sa kanyang isip. Pinitas niya ang mga bunga ng puno at nang makuntento na siya sa
dami ng kanyang nakuha ay agad siyang kumuha ng supot at patakbong pumunta sa palengke.
Binenta niya ang mga prutas na nakuha at himalang mabilis itong naubos. Malaki-laki ang kinita
ni Primo. Umuwi siyang sumisigaw dahil sa tuwa. Agad niyang sinabi sa kanyang ina ang
kanyang pagbebentang ginawa. Natuwa ang kanyang ina dahil dito at sinabi ni Primo na
tutulong siya sa pagbabayad ng kanyang matrikula upang makapagtapos siya sa sekondarya.
Tuwing linggo ay namimitas si Primo ng bunga sa puno at binebenta ito kaagad sa palengke. ‘Di
nagtagal ay naubos na ang mga bunga nito at medyo malaki-laki na rin ang naipon ni Primo
mula sa kanyang kinita. Mararamdaman sa puno na masaya siyang nakakatulong siya kay Primo
at palagi na niya itong pinupuntahan kahit isang beses sa isang linggo pero nalulungkot ito dahil
hindi man lang lumabas sa bibig ni Primo ang salitang “salamat” para sa pagbabahagi sa kanya
ng mga bunga nito.

   Mabilis na lumipas ang panahon at sa wakas ay nakapagtapos na ng sekondarya si Primo.


Napagpasyahan niyang sa Maynila na lamang magkolehiyo dahil mayroong nag-alok sa kanya
ng isang scholarship mula sa isang unibersidad. Naisip niyang sayang naman kung hindi niya ito
tatanggapin kaya nakipagsapalaran si Primo sa Maynila kahit na mahirap ito para sa kanya, lalo
na’t iiwanan niya ang kanyang mga magulang. Naging mahirap kay Primo ang paninirahan at
pag-aaral nang mag-isa sa Maynila. Mabilis niya namang nalampasan ang mga paghihirap na ito
dahil pinagkaabalahan niya ang kanyang sarili sa pag-aaral. Ngunit isang araw ay nabalitaan
niyang mayroong malubhang sakit ang kanyang ama at hindi kaya ng kanyang ina ang pag-
aalaga at pagpapagamot kay Mang Castor kaya napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at kaagad
na umuwi sa probinsya. Nagpasya siyang doon na lamang manirahan at maghanap ng trabaho
upang matutukan niya ang kanyang ama at matulungan ang kanyang ina. Nang makauwi siya sa
kanila, hindi niya man lang sinulyapan ang puno na kay tagal siyang hinintay. Parang nalimutan
na nito na naging kasa-kasama niya ito dati sa kanyang mga masasaya at mga malulungkot na
mga araw.

   Mabilis na nakahanap ng trabaho si Primo sa kanilang bayan. Napagamot ang kanyang ama at
naging maayos na ang kaniyang kalagayan. Naging abala na sa pagtatrabaho si Primo. Hindi na
niya nabibisita ang puno na palaging naghihintay sa kanyang pagbalik. Lumipas ang ilang taon
ay may nakilalang babae si Primo na kanyang inibig at pinakasalan. Tinutukan ng lubos ni Primo
ang pagtatrabaho para sa kanyang pamilya. Naging abala siya nang sobra kaya hindi na niya
nabibisita o nakakamusta ang kanyang mga magulang, pati na rin ang puno na masigasig na
naghihintay sa kanya araw-araw. 

   Isang hapon ay nabalitaan ni Primo na naaksidente sa sinasakyang isang pampasaherong bus


ang kanyang mga magulang at parehong namatay. Parang gumuho ang buong mundo ni Primo
at kaagad itong umuwi sa tahanan ng kanyang mga magulang kasama ang kanyang pamilya.
Labis na lungkot, pighati at paghihirap ang dinanas ni Primo dahil sa pagkamatay ng kanyang
mga magulang.  Naubos ang kanyang pera at mga inipon para sa lamay at pagpapalibing ng
kanyang ama’t ina.

    Hindi na alam ni Primo ang kanyang gagawin. Wala siyang mapaglabasan ng kanyang mga
luha at paghihinagpis. Bigla niyang naalala ang puno sa gilid ng kanilang bahay at tumungo rito.
Doon siya nanangis na parang isang bata. Tila inalo naman siya ng puno dahil sa pagsabay ng
mga sanga at dahon nito sa malambot na pag-ihip ng sariwang hangin. Doon niya inilabas ang
kanyang lungkot at sinabi niya ang kanyang mga problema. Kahit na hindi makasagot ang puno
ay ramdam naman nito ang pagdamay sa kanya sa kanyang sakit na pinagdaraanan. Nang
mapagod siya sa pag-iyak ay sumandal siya sa puno at tumingala. Nakita niya ang mga ibon na
nakadapo rito na masayang nag-aawitan. Napabuntong-hininga siya. Sa kanyang pagtingin sa
mga ibon ay may ideyang pumasok sa kanyang isip. Tumayo siya sa kanyang pagkakaupo at
tumungo sa loob ng bahay. Lumabas siya na may dalang gulok. Tiningnan niya nang malamlam
ang puno at nagsabing, “Kaibigan kong puno, ipagpaumanhin mo kung aking puputulin at
kukunin ang iyong mga sanga. Gagawin ko itong panggatong at ibebenta ko sa palengke upang
ako’y magkapera at mayroong makain ang aking pamilya.”

   Maghapong nagbenta ng panggatong si Primo sa palengke at hindi naman siya nabigo.


Naubos ang kanyang mga paninda at umuwi siyang may ngiti sa mata at sa kanyang mga kamay
ay mayroong apat na supot na mayroong lamang mga pagkain para sa kanyang asawa’t anak.
Tuwang-tuwa ang kanyang anak dahil maraming pagkaing dala ang kanyang ama. Hindi
mapagsidlan ang galak na nadama ni Primo nang makita niya ang mga ngiti sa mukha ng
kanyang anak.

   Sa loob ng ilang taon ay naghanap nang naghanap si Primo ng hanapbuhay. Halos lahat nang
trabaho sa bayan ay napasukan na niya — call boy, kargador, driver, janitor, street sweeper, at
marami pang iba. Mabilis ang naging pagtanda ni Primo dahil sa pagod niya sa pagkayod para sa
pamilya. Nangangayayat na siya at nagiging madalas ang kanyang pagkakasakit. Hindi na niya
naasikaso ang kanyang sarili. Kulang pa siya sa pagkain at tulog. Maging ang puno ay naaawa na
kay Primo na araw-araw niyang nakikita na madaling araw umaalis ng kanilang bahay at gabi na
kung makauwi.

   Isang araw, umuwi si Primo na matamlay at parang pinagsakluban ng langit at lupa ang
kanyang mukha. Natanggal siya ulit sa kanyang trabaho at nawalan na siya ng pag-asa.Nag-
aalangan siyang pumasok sa kanilang bahay dahil wala siyang ibang dala kundi ang kanyang
sarili. Alam niyang kanina pa siya hinihintay ng kanyang mag-ina na sabik sa pagkain na dala
niya. Malapit nang magtapos sa kolehiyo ang kanyang anak at hindi siya papayag na ipatigil ito.
Ilang minuto itong nakatayo at nakayuko lamang sa harapan ng kanilang pinto. Napagod siya sa
kakatayo at naisipang maupo na lamang. Nakita niya ang puno sa gilid ng kanilang bahay na
sobrang laki at tanda na at doon, naupo siya sa mga ugat nito. Labis na natuwa ang puno dahil
kay tagal na simula nung huling lumapit si Primo sa kanya ngunit hindi niya ito maipakita o
maipadama sa lalaki dahil siya ay isang puno lamang.

   Pagkaupo ni Primo sa ugat ng puno ay kaagad nitong ikinuwento sa puno ang nangyari sa
araw na iyon. Bakas sa mukha ni Primo ang kaniyang pagod. Wala na siyang iba pang maisip na
paraan para makahanap ng pera upang masustentuhan ang kanyang pamilya. Sumandal ito sa
puno at ilang minuto itong nagnilay-nilay. Maya-maya ay tumayo ang lalaki at pumunta sa likod
ng kanilang bahay at hinanap ang palakol ng kanyang ama na si Mang Castor na halos
napaglumaan na ng panahon. Nilapitan ni Primo ang puno at hinaplos ito. “Kaibigan kong puno,
ipagpaumanhin mo ulit ako. Kailangan kitang putulin upang maibenta ang kahoy na makukuha
ko sa iyo. Maganda ang klase ng kahoy na mayroon ka kaya siguradong magiging mabenta ito at
makatutulong ito sa akin at sa aking pamilya.”

   Lumipas ang ilang buwan at ang tanging natira na lamang sa puno ay maliit na kahoy na
nakausli sa lupa nitong kinatatayuan. Naubos na ang kahoy na makukuha sa puno. Ang anak ni
Primo ay nakapagtapos na sa pag-aaral at mayroon na itong magandang trabaho. Nanghihina
na si Primo dahil sa sakit na kanyang dinaramdam. Dahil dito ay pinatigil na siya ng kanyang
anak sa pagtatrabaho at tuluyang inako ang responsibilidad ng kanyang mga magulang. Walang
mapagsidlan ang tuwa na nadarama ni Primo dahil sa wakas ay nagbunga rin ang kanyang mga
paghihirap at mga pagsasakripisyo.

   Isang araw ay lumabas at inaliw ni Primo ang kanyang sarili sa kanilang paligid. Naglakad-lakad
siya ng ilang minuto at ninanamnam niya ang sariwang hangin na kanyang nalalanghap. Nagulat
siya sa mga pagbabago sa kaniyang paligid dahil kay tagal na simula nung huli siyang
nakapaglibang nang ganoon. Sa sobrang abala niya, hindi niya napansin ang mga pagbabagong
nangyari sa paligid. Patuloy sa pagtanaw ng paligid si Primo nang madaanan ng kanyang mata
ang isang kahoy na nakausli sa lupa. Nilapitan niya ito at doon umupo sa harap nito. Ngumiti ng
nalungkot si Primo habang pinagmamasdan ang nakausling kahoy na ito. Hinaplos niya ito at
nagwika, “Parang kailan lang ay isa ka pang malaki at mayabong na puno. Hinding-hindi ko
malilimutan ang mga panahon na napupuno ng sugat at gasgas ang aking katawan dahil sa
paglalaro ko sa iyong mga sanga at mga ugat, ang pag-akyat ko sa iyong mga sanga at pagtatago
roon upang hindi mahuli ni inay, ang mga masasarap at matatamis mong mga bunga, ang lilim
na binibigay mo sa tuwing tirik na tirik ang araw. Ang lahat ng iyon, mga masasayang alaala na
ngayon ay kay sarap balik-balikan. Nakakalungkot na ngayon ay ganito ang iyong sinapit dahil sa
akin. Tinuring natin ang isa't-isa bilang matalik na kaibigan pero sa mga nagdaang taon ay tila
nalimutan ko na ang ating mga masasayang alaala’t pinagsamahan at pumupunta lamang ako
sayo kung may kailangan. Inisip ko lamang ang aking sariling mga pangangailangan at isinantabi
ko ang sa iyo. Sa lahat ng aking mga pangangailangan ay may naibigay ka. Hindi mo ako binigo,
aking kaibigan. Ngunit sa lahat ng iyong ibinigay at naibinahagi sa akin ay ni isang salamat ay
wala akong nasabi sa iyo. Isa kang tunay na kaibigan at ako’y hindi. Kaya ngayon, nais kong
magpasalamat ng buong puso dahil ibinahagi mo sa akin ang sa iyo at ako’y tinulungan mo sa
lahat ng panahon. Utang ko sa iyo ang buhay ko at ng aking pamilya. Ngayon, ako ay may isang
kailangan mula sa iyo.” Tumayo si Primo sa pagkakaupo sa nakausling kahoy at muling
nagsalita, “Ako’y matanda na at kailangan ko ng magpapapahingahan at mauupuan. Sana’y
payagan mo akong maupo sa kakarampot na kahoy na natira sayo at hanggang sa dulo ng aking
hininga ay sasamahan kita, aking matalik na kaibigan.”

   

You might also like