You are on page 1of 2

Pag-asa sa De-gaas na Gasera

Ni Loraine Balanay
Tanging Liwanag ng gasera ang nagbibigay ng munting ilaw sa isang bahay-kubo. Katabi ng
gasera ang nakabuklat na aklat at pudpod na lapis. Paanong ang isang gasera ay nagbigay ng pag-asa sa
isang batang musmos?
Alas-singko pa lamang ng umaga ay nagsasaing na ang isang batang lalaki. Kilala siya sa tawag
na Balong ng mga nakakakilala sa kaniya. Siya ay nasa sampung taong gulang, gusgusin, at may
kapayatan dahil sa hindi sapat ang kanilang nakakain na pagkain. Maaga siyang nagsasaing dahil wala
pang araw ay umaalis na ang kanyang nanay at tatay para pumunta sa bukid at magtrabaho.
Kung ang ibang bata ay umaga pa lamang ay nagseselpon na, ibahin natin siya. Sa umaga bago
sumikat ang araw ay nangongolekta na siya ng kahoy para panggatong sa kanyang lulutuin. Wala siyang
kapatid kaya siya lang ang nag-aasikaso sa mga gawaing-bahay tulad ng pagluluto.
Kapag hinihintay ang nilulutong kanin ay nagbabasa siya ng libro at ang gamit lamang na ilaw ay
ang Liwanag na nagmumula sa gasera. Gamit ang pudpod na lapis ay sinusulat niya ang kanyang
takdang-aralin sa pirasong papel. Dahil sa kapos sila sa pera at hindi sapat ang sinasahod ng kanyang
magulang sa pagtatrabaho sa bukid, puro luma ang kanyang mga kagamitan sa paaralan.
Habang naglalakad sa mabatong kalsada papuntang paaralan, Iniisip niya ang mga kanyang
pangarap. Wala kasi silang kuryente sa kanilang munting bahay- kubo kung kaya’t gasera lamang ang
kaniyang ginagamit na tanglaw sa gabi.
Halos sa bawat nadaraanan niyang kabahayan ay gumagamit ng de-kuryenteng ilaw. Pangarap
niyang magkaroon ng linya ng kuryente sa kanilang bahay upang hindi na siya mangapa sa dilim.
Sa tuwing nauubusan naman ng gaas ang kanilang gasera, Bumibili siya sa kalapit na tindahan
gamit ang kakarampot na sahod ng kanyang magulang mula sa pagtatrabaho sa bukid.
Pagkauwi galing sa paaralan, dumidiretso na siya upang maglaba ng uniporme, maghugas ng
pinggan, at magwalis sa kanilang bakuran. Nagsisibak rin siya ng kahoy para gamiting panggatong sa
lulutuin kinabukasan.
Nagdadalawang -isip na nga siya kung ihihinto niya na ang kanyan pag-aaral dahil sa kinakapos
na sila sa pera. Ngunit mas nangingibabaw sa kanya ang pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral dahil
balang-araw gusto niyang maging isang guro. Gusto niyang magturo sa ibang kabataan na katulad niyang
sumusuko na.
Walang bagyo ang nagpatumba kay Balong upang sumuko sa pagtahak sa daan ng kaniyang
kinabukasan. At dahil sa pagsusumikap na abutin ang kanyang pangarap, ang dating bagay na inaasam
niya ay nakuha niya na. Siya ay isa ng mahusay na guro na nagtuturo sa mga Kabataan na nasa lugar nila.
Ang dating maliit na kubo na gawa sa pinagtagpi-tagping yero at kahoy , ngayon gawa na sa
semento. Ang dating gasera na gawa sa lumang lata ng gatas, ngayon gumagamit na sila ng de-kuryenteng
bumbilya at may linya na rin ng kuryente ang kanilang tahanan.
Hindi matutumbasan ang pagod at paghihirap na ginawa niya upang makarating sa kung ano siya
ngayon. Sa kanyang pagsabak sa mga hamon sa buhay, wala siyang inisip kundi mas magpatuloy pa.
Tanging Liwanag ng gasera ang nagbibigay ng munting ilaw sa isang bahay-kubo. Katabi ng
gasera ang nakabuklat na aklat at pudpod na lapis. Dahil sa init ng apoy na nanggagaling sa gasera,
Naramdaman niya na hindi siya nag-iisa sa kaniyang laban sa buhay. Dahil sa Liwanag na
nanggagaling sa gasera, Nakita niya ang pag-asa na makakaahon siya sa hirap ng kanilang buhay. At dahil
sa gasera, Nagkaroon siya ng inspirasyon para magsumikap sa pag-aaral at hindi lamang mananatiling
pangarap ang kaniyang mga mithiin sa buhay.

You might also like