You are on page 1of 28

6

Filipino
Unang Markahan – Modyul 1
Pagsagot sa mga Tanong
Tungkol sa Nabasang Pabula

Tinipon at Inayos nina:


FELINA P. PUNGTILAN
Dalub Guro I
RACHEL ANN C. ROLDAN
Guro I
Sangay ng mga Paaralan ng Lungsod Batac

SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Filipino Baitang 6
Nilikom at Muling Isinaayos na Modyul
Unang Markahan – Modyul 1: Pagsagot sa mga Tanong Tungkol sa Nabasang Pabula
Ikalawang Edisyon, 2021

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi saano mang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayon pa man, kailangan
munaangpahintulotngahensiyaotanggapanngpamahalaannanaghandangakdakungito ay
pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay ang
pagtakda ng kaukulangbayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand
name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito
ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Ang mga ito ay tinipon at inayos para lamang
sa modyul na ito. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang makuha ang pahintulot sa
paggamit ng materyales. Hindi inaangkin ng tagalikom ang karapatang-aring iyon. Ang
anomanggamitmalibansamodyulnaitoaykinakailanganngpahintulotmulasamgaorihinal na
may-akda ng mgaito.

Walang anumang parte ng materyales na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag


saanomang paraan nang walang pahintulot saKagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon


Kalihim: Leonor Magtolis Briones
Pangalawang Kalihim: Diosdado M. San Antonio

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Mga Tagalikom: Felina P. Pungtilan Rachel Ann C. Roldan


Editor: Hazel I. Bacnat Rochelle C. Dulig
Tagasuri: Jollibelle C. Franada John Ernest L. Medrano
Blesilda B. Antiporda Zorayda S. Paguyo, EdD
Aubrhey Marie R. Oasay,PhD
Tagadisenyo sa Pabalat ng Modyul: Iris Gale T. Castro
Tagaguhit: Kenneth Irving Alexander T.Diric
Tagapamahala: Joel B. Lopez, EdD,CESOV Marilou B. Sales,EdD
Annie D.Pagdilao,EdD Aubrhey Marie R. Oasay,PhD
Jhon Rey D. Ortal, EdD
Zorayda S. Paguyo, EdD

Inilimbag ng Sangay ng mga Paaralan ng Lungsod Batac

Kagawaran ng Edukasyon – Rehiyon 1

OfficeAddress: 16S Quiling Sur, City of Batac, 2906 Ilocos Norte, Philippines
TelephoneNo: (077)677-1993
Website: www.csdbatac.com
E-mail: batac.city@deped.gov.ph

SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Paunang Salita
Para sa Tagapagdaloy:
Malugod na pagtanggap sa asignaturang Filipino 6 na nilikom at muling
isinaayos na Modyul para sa araling Pagsagot sa mga Tanong Tungkol sa Nabasang
Pabula.

Ang tulong-aral na ito ay umaasang makauugnay ang mga mag-aaral sa


mapatnubay at malayang pagkatuto sa mga gawain ayon sa kanilang
kakayahan,bilis at oras.Naglalayon din itong matulungan ang mga mag-aaral upang
makamit ang mga kasanayang pan-21 siglo habang isinasaalang-alang ang kanilang
mga pangangailangan at kalagayan.

Bilang tagapagdaloy,inaasahang bibigyan mo ng paunang kaalaman ang


mag- aaral kung paano gamitin ang modyul na ito. Kailangan mo ring subaybayan at
itala ang pag-unlad nila habang hinahayaang isinasagawa ang sariling pagkatuto.
Bukod dito, inaasahang mahikayat at magabayan mo ang mag-aaral habang
isinasagawa ang mga gawaing nakapaloob sa modyul.

SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Para sa Mag-aaral:
Malugod na pagtanggap sa asignaturang Filipino 6 na nilikom at muling
isinaayos na Modyul para sa araling Pagsagot sa mga Tanong Tungkol sa Nabasang
Pabula.
Ang kamay ay madalas gamiting simbolo ng kakayahan,aksyon at layunin.Sa
pamamagitan ng ating mga kamay tayo ay maaaring matuto, lumikha, at gumawa ng
gawain. Ang kamay sa tulong-aral na ito ay sumisimbolo na ikaw, bilang isang mag-
aaral, ay may angking kakayahang matutuhan ang mga kaugnay na kasanayan. Ang
tagumpay mo sa aspektong pang-akademiko ay nakasalalay sa iyong sarili o sa
iyong mga kamay.
Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin
nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-aralan.
Hangad din nitong mabigyan ka ng mga makabuluhang pagkakataon para matuto.

Ang sumusunod ay mahahalagang paalala sa paggamit ng modyul na ito:


1. Gamitin ang modyul nang may pag-iingat. Huwag lalagyan ng marka o sulat
ang alin mang bahagi ng modyul.Gumamit ng hiwalay na papel sa pagsagot
sa mga pagsasanay.
2. Huwag kalimutang sagutin ang Subukin bago lumipat sa iba pang gawaing
nakapaloob samodyul.
3. Basahing mabuti ang mga panuto bago simulan ang bawat pagsasanay.
4. Isaalang-alang ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga gawain
at sa pagwawasto ng mga kasagutan.
5. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa ibang pagsasanay.
6. Ibalik ang modyul na ito sa iyong guro o tagapagdaloy pagkatapos sagutin
ang lahat ng gawain.

Kung may bahagi sa modyul na nahihirapan kang gawin, huwag mag-


alangang magtanong sa iyong guro o tagapagdaloy.Maaari ka ring humingi ng tulong
sa iyong mga magulang,sa nakatatandang kapatid o sa sino mang kasama sa bahay.
Laging tandaan na hindi ka nag-iisa.
Inaasahan na sa pamamagitan ng modyul na ito, makararanas ka ng
makabuluhang pagkatuto at makakakuha nang malalim na pang-unawa sa mga
kaugnay na kompetensi. Kaya mo ito!

SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Alamin
Ang Modyul na ito ay naglalayong palawakin ang iyong kaalaman tungkol sa
pagsagot sa mga tanong tungkol sa nabasang pabula sa pamamagitan ng pagsagot
sa mga gawain nang buong husay.

Halina’t tuklasin at unawain ang mga kaugnay na konsepto nito. Makatutulong


sa iyo ang mga gawain upang lubos na maunawaan ang mga kaalaman tungkol dito.
Inaasahang matutuhan mo lahat ang mga araling inihanda para sa iyo.

Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto


 Masasagot ang mga tanong na bakit at paano sa napakinggang/nabasang
pabula, kuwento, tekstong pang-impormasyon at usapan; (F6PN-Ia-g-3.1),
(F6PB-If-3.2.1);

 Nabibigyang kahulugan ang kilos at pahayag ng mga tauhan sa


napakinggang pabula.(F6PN-Ic-19).

Subukin

Panuto:Basahin at unawain ang pabula sa ibaba.

Si Pagong at si Matsing

Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si


Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sa kanilang paglilibot sa
kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging. Nagpasya ang
magkaibigan na paghatian ang puno. Kinuha ni Matsing ang parteng itaas ng puno
dahil iniisip niya na sapagkat may maraming dahon na ang bahaging kanyang
nakuha ay madali itong mamumunga. Kinuha naman ni Pagong naiwang ibabang
bahaging may ugat.

Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at


nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit
makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing. Si Pagong
naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo
nitong inalagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.

Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.


Di naglaon nagyaya na si Matsing na kainin na ang saging na tumubo sa puno ni
Pagong at pumayag naman ito. Ngunit hindi makakaakyat si Pagong kung kaya

5 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
nangako si Matsing na siya na lamang ang aakyat sa puno at lalaglagan na lamang
niya ng saging si Pagong. Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing.

Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno kinain niya ang lahat
ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong nanatili sa taas ng puno si
Matsing at nakatulog ito sa sobrang kabusugan. Galit na galit si Pagong kay Matsing
sa ginawa nito sa kanya. Kung kaya habang natutulog ito sa sobrang kabusugan
naglagay ng mga tinik sa ilalim ng puno si Pagong. Nang magising si Matsing ay
nakita niya ang tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong.

Ngunit tumangging tumulong si Pagong at iniwan na lamang doon si Matsing.


Makalipas ang sandali nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa
si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging. Nasaktan ito sa mga tinik na nakatusok
sa puno ng saging sa kanyang pagbaba. Kaya nangako siya sa sarili na gaganti siya
kay Pagong.

Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing, ay hinanap


niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan. Kinuha ni Matsing
si Pagong na takot na takot. Nagtanong si Pagong kung anong gagawin nito sa
kanya, at sinabi ni Matsing na tatadtarin siya nito ng pinung-pino. Nag-isip ng paraan
si Pagong para maisahan ang tusong Matsing. Kaya ang sambit nito kay Matsing na
kapag tinadtad siya nito ay dadami siya at susugurin siya ng mga ito at kakainin.
Nag-isip nang malalim si Matsing at naisip nito na sunugin na lamang si Pagong,
ngunit nangatwiran na naman si Pagong na hindi naman tinatablan ng apoy ang
kanyang makapal at matibay na bahay. Kaya muling nag-isip si Matsing, hanggang
sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan at doon na lamang itapon si Pagong.
Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.

Tuwang-tuwa si Matsing sa pag-aakalang magagantihan na niya si Pagong.


Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang
marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung
mabagal ito sa lupa, ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig. At naghalakhak si
Pagong na sabihin kay Matsing na naisahan din kita matsing dahil gustung-gusto ko
na lumangoy sa dalampasigan. Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na
napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano
masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan.

Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong.

Source: Jim Lloyd, “Si Pagong at Si Matsing (Pabula), ” Buklat, 2017,


https://buklat.blogspot.com/2017/12/si-pagong-at-si-matsing-pabula.html.

6 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong. Isulat ang sagot sa iyong sagutang
papel.
1. Ano ang pabula?
2. Sino ang mga tauhan sa pabulang, “Si Pagong at si Matsing”?
3. Sa pamamasyal, ano ang kanilang nakita at ginawa rito?
4. Ano ang itinanim ng magkaibigang Pagong at Matsing?
5. Bakit nalanta ang tanim ni Matsing?
6. Ano ang nangyari sa tanim ni Pagong?Bakit?
7. Kaninong tanim angnamunga?
8. Paano naging magka- away ang dating magkaibigan?
9. Tama ba ang pag- uugaling ipinakita nina Matsing at Pagong?
10. Anong aral ang mapupulot mo sa pabulang, “Si Pagong at si Matsing”?

Aralin
Pagsagot sa mga Tanong Tungkol sa
1 Nabasang Pabula

Napukaw ba ang iyong kaisipan at interes sa pagsagot sa mga tanong tungkol


sa binasang kuwento?
Mahalagang matutuhan ang pagsagot sa mga tanong tungkol sa anumang
mapakikinggan/mababasa gaya ng pabula dahil sa pamamagitan nito maipapakita
ang pag-unawa rito.

Balikan

Panuto: Isulat sa iyong sagutang papel ang MB kung ito ay pamantayan sa pagbasa
nang malakas at PT kung pamantayan sa pagbasa nang tahimik.
1. Maupo nang matuwid.
2. Itikom ang bibig.
3. Pagtabihin ang dalawang paa.
4. Unawain ang binasa.
5. Tumigil kung may tuldok.
6. Huminto nang bahagya kapag may kuwit.
7. Tumayo nang matuwid.
8. Hawakan ang aklat ng dalawang kamay sa ibabaw ng mesa o upuan.
9. Mga mata ang gamit sa pagbasa.
10. Hawakan sa kaliwang kamay ang libro.
7 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Tuklasin

Panuto: Basahin ang pabula sa ibaba.


Ang Daga at ang Leon
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibaba ng isang natutulog na leon.
Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya
paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang


daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at
nagmakaawa ang daga.

"Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog


mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong
likuran. Huwag mo akong kainin" sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.

"Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang


pagtulog ko," sabi ng leon.

"Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, "
sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa


kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit
siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat
na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa


lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon
sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.

"Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa


kaibigang daga.

Source: ysrknstmnd, Wattpad. https://www.wattpad.com/663458352-mga-pabula-


%F0%9F%92%93-ang-daga-at-ang-leon

8 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Suriin

A. Panuto: Piliin ang tititk ng tamang sagot. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

1. Ano ang tawag sa isang uri ng salaysay na ang tauhan ay pawang mga hayop?
A. alamat C. sawikain
B. pabula D. tula

2. Sino- sino ang mga tauhan sa kuwento?


A. Leon at Tigre C. Leon at Daga
B. Leon at Matsing D. Leon at Kuneho

3. Ano ang naramdaman ng Daga nang dinakma siya ng Leon?


A. hinimatay C.natakot
B. nagalak D.natuwa

4. Paano nakumbinsi ng daga ang leon na huwag siyang kainin?


A. lumuhod C.nagmakaawa
B. nagdasal D.nakipagtagisan

5. Bakit pinakawalan ng Leon angdaga?


A. Nabakas ng Leon sa mukha ng Daga ang tunay na pagmamakaawa.
B. Naramdaman ng Leon ang pagkatakot ng Daga.
C. Nakita ng Leon ang pagkainis ng Daga.
D. Natakot ang Leon sa banta ng Daga.

9 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
B. Panuto: Tukuyin kung ano ang ipinapahiwatig na kilos o pahayag ng sumusunod
na mga pangyayari. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

1. “Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na Leon.


Kanyang inakyat ang likuran ng Leon at pagdating sa itaas ay nagpadausdos
siya paibaba”.
A. makulit C.nang-aasar
B. mapaglaro D.tinatamad

2. “Dinakma ng Leon ang Daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak


siyang isubo.
A. nagagalit C.nalilibang
B. naiiyak D.nang-aapi

3. “Sige pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang


pagtulog ko”
A. nagagalak C. naiinis
B. nagagalit D.nanghahamon

4. Mabilis bumaba ang Daga at tinulungan ang Leon na makawala sa lambat.


A. maawain C.masayahin
B. mahinhin D.matulungin

5. “ Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog


mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang maglaro sa iyong
likod. Huwag mo akong kainin.”
A. mahinahon C.mayabang
B. malambing D.mapagmataas

10 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Pagyamanin

Panuto: Basahin ang pabula sa ibaba.

Ang Tagak at ang Buwaya

Noon, may isang buwayang nananahan sa isang sapa. Siya ay ubod nang
damot at sungit. Dagdag pa rito, ubod siya nang pabaya sa kanyang sarili. Biro niyo,
namuo na ang mga dumi at ginawa nang tirahan ng mga linta ang kanyang katawan
ay wala pa rin siyang pakialam. Dahil dito, wala siya kahit isang kaibigan. E, siyanga
pala, Gardong Buwaya ang pangalan niya.

Minsan napadako ang isang ibong Tagak sa sapang tinitirahan ni Gardong


Buwaya. Habang siya’y lumilipad, napuna niya ang buwayang namamahinga sa tabi
ng sapa. Hindi rin nakaligtas sa matatalas na mata ng ibon ang mga dumi at lintang
nakakapit sa malapad na katawan ng buwaya. Kaya mabilis siyang bumulusok sa
kinahihimlayan ni Gardong Buwaya.

“Magandang araw, Ginoong Buwaya. Ako si Lornang Tagak,” magiliw na bati


at pakilala ng ibon.

“Ako naman si Gardong Buwaya.E,ano ang sadya mo?”paangil nitong tanong.

“Alam mo puwede tayong magtulungan.Kapag hinayaan mo akong tukain ang


mga lintang nakadikit sa iyong katawan,tiyak nalilinis ka at mapapawi naman ang
aking gutom,” paliwanang ni Lornang Tagak.

“Naku, naku, di bale na lang! Umalis-alis ka na’t baka ikaw pa ang makain ko,”
naiinis na taboy ng buwaya sa ibon.

Walang nagawa ang tagak kundi lumipad papalayo. Nanghihinayang siya sa


masaganang pagkaing nasa katawan ng buwaya. Iyon na sana ang sagot sa
matinding gutom na kanyang nararamdaman.Subalit higit ang panghihinayang
niyang hindi siya nakatulong sa buwaya. “Basta babalik ako. Tutulungan ko si
Gardong Buwaya!”

Kinabukasan, muling tumungo sa sapa si Lornang Tagak. Dinatnan niyang


tulog na tulog ang buwaya. At nakabuka pa ang maluwang niyong bunganga.

Lumapit si Lornang Tagak. Ingat na ingat siya habang tinutuka ang mga dumi
at linta sa makunat na katawan ng buwaya. Pati ang nakabukang bunganga niyon ay
kanya ring pinasok. Nang biglang nagising si Gardong Buwaya! At bigla rin niyong
itinikom ang kanyang bunganga.
11 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Salamat na lamang at papalabas na noon si Lornang Tagak. Gayon man
nahagip parin ang isang bahagi ng kanyang pakpak.“Aray! Ang sakit!”daing ng tagak.

“Mabuti nga sa ‘yo!” pasigaw na kantyaw ng buwaya.

Hirap na lumipad papalayo ang tagak. Hindi siya nagalit sa buwaya. Bagkus,
iniisip pa niya kung paano tutulungang magbago ang maramot at masungit na
buwaya.

Nang muling bumalik sa may sapa si Lornang Tagak, dinatnan na naman


niyang tulog si Gardong Buwaya.Himbing na himbing to at gaya nang dati,nakabuka
ang kanyang malaking bunganga.

Habang tinitingnan ng tagak ang buwaya, mayroon siyang naramdamang


dumarating. Agad siyang lumipad sa isang mataas na puno. Doon na natanaw niya
ang papalapit na grupo ng mga mangangaso. Batid niyang si Gardong Buwaya ang
pakay ng mga iyon. Noon di’y pumalaak nang pagkalakas-lakas ang nababahalang
tagak. “Gardong Buwaya! May mga mangangaso! Papalapit sila sa iyo,” mahigpit
nitong babala.

Naalimpugatan ang buwaya. “Ha? Kailangan kong magtago!” kaya dali-dali


itong tumalon sa tubog.

Hindi nga napuna ng mga mangangaso ang nakalubog na buwaya. Muling


nagbigay ng hudyat si Lornang Tagak nang makalayo ang mga di-inaasahang
panauhin.

“Maraming salamat,Lorna. Malamang na nasilo ako ng mga iyon kundi mo


ako tinulungan,” buong-pusong pahayag ng buwaya.

“Walang ano man iyon. Tiyak na ganoon din ang gagawin ng sino man sa
oras na may nangangailangan ng tulong,” mapagpakumbabang wika ng tagak.

“Kay buti mo. Sa kabila ng aking pagbulyaw at pagdaramot sa iyo,


kagandahang-loob parin ang ipinakita mo.Hayaan mo,mula ngayon,magbabago na
ako,” matapat na usal ni Gardong Buwaya.
Mula noon, ibang-iba nang Gardong Buwaya ang nananahan sa may sapa.
Siya’y magiliw na at mapagbigay sa iba. Kaya naman nagkaroon na siya ng mga
kaibigan at ano sa palagay mo? Tama.Si Lornang Tagak ang pinakamatalik sa lahat!

Source: Ester V. Raflores, Bagong Binhi Filipino...Wika at Pagbasa (Rex Book Store
Inc., 2013), 42-44.

12 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Pinatnubayang Pagsasanay 1
A. Panuto: Sagutin ang sumusunod na mga tanong batay sa binasang pabula. Isulat
ang sagot sa iyong sagutang papel.

1. Bakit walang kaibigan si Gardong Buwaya?


2. Bakit bumulusok papalapit kay Gardong Buwaya si Lornang Tagak?
3. Ayon kay Lornang Tagak, paano sila magtutulungan ni Gardong Buwaya?
4. Ano ang higit na pinanghihinayangan ng tagak nang hindi siya
pinagbigyan ng buwaya?
5. Paano nagbago ang ugali ni Gardong Buwaya?
6. Sa pabulang binasa, bakit kailangang linisin ang ating katawan?

B. Panuto: Ano ang kahulugan o ipinapahiwatig ng sinabi/ikinilos ng tauhan sa


pabula? Piliin at isulat ang sagot sakuwaderno.
1. “Umalis-alis ka na’t baka ikaw pa ang makain ko.”
A. maagap C.masalita
B. mainipin D.masungit
2. Iniisip ng Tagak kung paano matutulungang magbago ang Buwaya.
A. mapagkatiwalaan C.mapagpasensiya
B. mapagmalasakit D.maunawain
3. “Hayaan mo, mula ngayon, magbabago na ako.”
A. maalalahanin C.mapagpakumbaba
B. mapagbigay D.matatakutin
4. Dali-dali itong tumalon sa tubig.
A. maliksi C.matatag
B. masunurin D.matiisin
5. “Basta babalik ako. Tutulungan ko si Gardong Buwaya.”
A. maawain C.mapanuri
B. mapagbiro D.masigasig

13 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Pinatnubayang Pagtatasa 1
Panuto: Piliin sa kahon ang ugali/ katangian ng tauhan batay sa kanyang ikinilos/
pahayag. Isulat ang titik ng tamang sagot sa iyong sagutang papel.

A. matiisin F. maunawain
B. masinop G. matapat
C. mapagbigay H. maalalahanin
D. maawain I.masunurin
E. matipid J.maparaan

1. “Inay, huwag ninyong kalilimutang inumin ang inyong gamot. Lagi kayong kakain
sa tamang oras.”
2. “Itatago ko ang sobrang tela sa tinahi kong kurtina. Maaaring magamit ko ito sa
darating na araw.”
3. Napansin ni Rommel na mas gusto ng kapatid niya ang T- shirt na napupunta sa
kanya. Agad siyang nakipagpalit kahit na gustong- gusto niya iyon.
4. “Opo, gagawin ko na po ang iniuutos niyo.”
5. Ni minsan hindi lumiban si Julia sa pagpasok kahit pagod na pagod na siya sa
paglalakad papunta sa paaralan at pauwi sa kanilang bahay.
6. Kayang bilhin ni Dennis ang ano mang gusto niya. Pero gumagastos lamang siya
sa tamang paraan.
7. “Huwag kang mag-alala kung hindi ka makakarating sa parti ko.Unahin mo muna
ang dapat mong tapusin.”
8. “Wala pa raw pera si Nanay. Hindi ako makapag-test kapag hindi ako
nakapagbayad. Makikiusap ako sa punongguro.
9. Nalaman ni G. Ramos sa matandang nagbubungkal ng kanilang basurahan na
dalawang araw na itong hindi kumakain. Agad siyang pumasok at may dala nang
pagkain nang bumalik.
10. Mabilis na bumalik si Francis sa tindahan nang makitang dalawang balot ng
tinapay ang nasa supot. Para sa isang supot lamang ang siningil sa kanya.

14 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Pinatnubayang Pagsasanay 2

Panuto: Basahin ang pabula.

Ang Maya at ang Kalabaw

Abril noon. Tirik na tirik ang araw. Sa sobrang init ay maaari nang magprito ng
itlog sa mga bubungan. Pawis na pawis at nanlalagkit ang lahat. Ang mga hayop sa
bukid ay kani- kaniyang hanap ng preskong lugar na maaaring pagpahingahan.

Sa lilim ng punong mangga napiling sumilong ni Kalabaw. Pikit- mata niyang


nilasap ang sariwang hangin na naglalandas mula sa malapit na ilog. Nanlalambot
ang kaniyang mga tuhod dahil sa ilang oras na pag- aararo. Ramdam niya pa rin ang
nakapapasong sinag ng araw sa kaniyang likuran.Nakangingiwi sa hapdi. Sa
pakiwari niya’y parang sinisilaban ang kaibuturan ng kaniyang laman.

Kailangan ni Kalabaw ng mapaglilibangan upan gumaan- gaan naman ang


kaniyang pakiramdam. Biglang- bigla, isang munting maya ang nakita niyang
namamahinga sa sanga ng punong mangga.

“Kumusta,kaibigang Maya?Ibang klase ang init ngayon,ano?”bati ni Kalabaw.

“Oo nga. E. Nanunuyot na ang lalamunan ko. ‘Di ako makaawit nang maayos
sa sobrang uhaw!”

“Ako rin, medyo namamalat na.”

“Gusto mong pumunta sa ilog para uminom?”

“Sige ba!” hiyaw ng Kalabaw. Tuluyan na niyang nalimutan ang iniindang kirot
sa natutuyo niyang balat.”Gusto mo, magpaligsahan pa tayo e. Paramihan tayo ng
maiinom sa ilog!’

“Magandang ideya ‘yan. Pero ano naman ang premyo?”

“Ang sinumang mananalo ay magiging alipin ang talunan habang- buhay.”

Saglit na nag-isip ang Maya. Sa laki ng Kalabaw ay tiyak na mas marami itong
maiinom na tubig kaysa sa kaniya.Maya- maya pa’y biglang gumuhit sa kaniyang
isipang isang plano. Napahagikhik siya, Pihado, kung aayon ang panahon ng
kaniyang balak ay siya ang tatanghaling kampeon!

“Tinatanggap ko ang hamon mo,” nangingiting sagot ni Maya.

15 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Agad- agad ay nagtungo ang dalawa sa malapit na ilog. Paigpaw- igpaw sa
tuwa ang Kalabaw.Ngayon palang ay iniisip niya na kung ano ang mga maaari
niyang iutos sa Maya kapag naging alipin na niya ito. Tumindig siya nang ubod-kisig
at saka nagpasiklab.

“Masdan mong maigi, Maya, kung gaano karami ang malalagok ko sa ilog!”
tuya ng Kalabaw.

Dali- daling inilublob ng Kalabaw ang kaniyang bibig sa tubig, uminom siya
nang uminom. Isa, dalawa, tatlong oras na ang lumipas ay wala pa rin siyang tigil sa
pag-inom.Sakto namang lumalaki noon ang ilog dulot ng high tide.Kaya’t gaano man
karami ang nainom niya’y wala manlang nabawas sa ilog,sa halip ay nadadagdagan
pa nga! Ilang saglit pa’y humagok ang Kalabaw na waring nabubulunan. Namimintog
ang kanyang tiyan sa dami ng nalagok na tubig. Para siyang lbong handa nang
sumabog anumang sandal.

“Ha? ‘Yun na ‘yon? Buska ng Maya. “Panoorin mo kung paano ko tutunggain


ang ilog!”

Inilublob ng Maya ang tuka niya sa tubig at saka sumipsip.Batid niya na


maya- maya’y kakati na ang ilog, kaya’t nagpatuloy lang siya sa pag-arte na waring
sinisimot ang tubig. At hindi nga siya nagkamali. Pagkalipas ng ilang oras ay unti-
unti nang bumabaw ang ilog.Tumigil na sa pag-inom ang Maya at sa kataas-noong
pumustura sa harap ng kalaban.

“Pa’ano ba yan, kalabaw?” Kitang- kita mo naman siguro kung gaano karami
ang nabawas ko sa ilog!”

“P-Papa’nong nangyari ‘yon? A-Ang liit- liit lang ng t-tiyan mo. H-Hindi
maaari…”pautal na sabi ng Kalabaw.Tila nalunok niya ang kaniyang dila sa sobrang
pagkagulat.

“May kasunduan tayo, kaibigan. Kailangan mong tumupad,” paalala ng Maya.

“Oo na, sige na,” dabog ng nautukang Kalabaw.

“At mula noon ay naging alipin na ng Maya ang Kalabaw. Ayon sa matatanda
iyon daw ang dahilan kung bakit malimit makitang nakasampang tila hari ang ibon sa
likuran ng Kalabaw.

Source: Christopher S. Rosales, narr., Kasanayan sa Filipino 6 (Makati City: Diwa


Learning Systems Inc., 2018), 85-87.

16 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Panuto:Sagutin ang sumusunod na mga tanong batay sa binasang pabula.Isulat ang
sagot sa iyong sagutang papel.
1. Gaano katindi ang init ng panahon? Paano ito nakakaapekto sa dalawang
pangunahing tauhan?

2. Paano ininom ang ilog ng kalabaw? Ni Maya?

3. Sino ang nanalo sa paligsahan?Bakit?

4. Sa inyong palagay, makatwiran ba ang ginawa ni Maya?Bakit?

5. Ayon sa kuwento,nang matalo ni Maya si Kalabaw,paano na ang kanilang naging


ugnayan?
__

Pinatnubayang Pagtatasa 2
Panuto: Piliin sa kahon ang ugali/ katangian ng tauhan batay sa kanyang ikinilos/
pahayag. Isulat ang titik ng tamang sagot. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

A. hinditakot D. nabahala
B. mayabang E. masayahin
C. mapaniguro F. nalungkot

1. “Masdan mong maigi, Maya, kung gaano karami ang malalagok ko sa ilog!” tuya
ng Kalabaw.
2. “Ang sinumang mananalo ay magiging alipin ang talunan habang- buhay,” wika ni
Kalabaw.
3. “Tinatanggap ko ang hamon mo,” nangingiting sagot ni Maya.
4. “Pa’ano ba yan, kalabaw?” Kitang- kita mo naman siguro kung gaano karami ang
nabawas ko sa ilog!”
5. “P-Papa’nong nangyari ‘yon? A-Ang liit- liit lang ng t-tiyan mo. H-Hindi maaari…”
pautal na sabi ng Kalabaw. Tila nalunok niya ang kaniyang dila sa sobrang
pagkagulat.

17 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Pinatnubayang Pagsasanay 3

Panuto: Basahin ang pabula sa ibaba.

Si Pilandok at si Sawa

Minsan,sa isang maliit na isla sa gawing timog-kanlurang bahagi ng Palawan,


may isang hayop na tinatawag na Pilandok na nawili sa paglilimayan. Pinaghalong
itim at kulay kape ang balahibo ni Pilandok. Kakaiba ang bawat hibla ng kaniyang
balahibo. Sari- sari at sapin- sapin ang mga kulay nito. Pinaghalong kape at abo ang
pinakapuno nito, kulay kape naman sa gitna, at itim ang pinakadulo.
Tuwing gabi lamang lumalabas si Pilandok para maghanap ng makakain.
Hindi siya pihikan. Magaan sa tiyan ang kanyang nginunguya gaya ng mga dahon,
sanga, at bulaklak.

Ngunit nang mga oras na iyon, may kakaibang kasiglahang naramdaman si


Pilandok. Nagsisimula nang pintahan ng mga silahis ng araw ang kalangitan.

“Ay, kay sarap pagmasdan ng kariktan ng kalikasan!” na wika niya.

Narinig ni Pilandok ang malumanay na tunog na nagagawa na paggulong ng


mga alon sa dalampasigan. Para ba siyang tinatawag ng mahiwagang tunog na iyon.
Kaya patiyad niyang inilakad ang kaniyang mga balingkinitang biyas hanggang sa
magsimula siyang humakbang sa buhanginan. Naabutan niya ang pagbubukang-
liwayway.

“Ay, kay gandang paglitaw ng araw sa gintaipan!” na wika pa niya.

Sa unti-unting pagliwanag ng kapaligiran,nalantad ang mga kakaibang marka


niya sa bandang itim na lalamunan.Tatlong makitid na puting guhit ang makikita
mula sa puting tagpi sa ilalaim ng kaniyang baba hanggang sa kaniyang dibdib.

Nilanghap niya ang sariwang hangin at pinagmasdan ang maaabot ng


kaniyang tanaw.

Sariwa pa sa alaala ni Pilandok ang araw na bumisita ang kaniyang mga


kauring usa mula sa Sabah. Nang matanggap niya ang abiso ng kanilang pagdayo,
hindi siya mapakali.Nahihiya kasi siya dahil wala siyang matitikas na sungay gaya ng
karamihan sa mga usa.

“Kagaya ko rin pala sila,” pagbabalik- tanaw niya.

Nagpalitan sila ng kaalaman tungkol sa kani- kanilang mga isla. Pinag-


uusapan nila ang tungkol sa mga halamang maaaring gawing gamot, sa paraan ng
paghahanap ng pagkain, at sa mabisang pag-iwas sa mga ibang maninila at iba
pang hayop na makakaengkuwentro sa kagubatan.
18 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
“Ilang linggo pa kaya ang hihintayin ko bago sila bumalik?”

Nagambala si Pilandok ng kaguluhan. Hindi malayo sa kaniyang kinatatayuan,


isang ahas ang mabilis na kumikiwal. Sa himpapawid, paikot- ikot ang isang agila.
Sinakmal ng takot si Pilandok.

“Ano ang gagawin ko?” naguguluhan niyang bulong sa sarili. “Kailangan kong
tumakbo pabalik sa kagubatan para magtago sa agila. Pero kailangan ko ring
tulungan ang ahas na iyon!”

Naisip ni Pilandok na kung lalapitan niya ang ahas, baka tuklawin siya nito.

“Tulong! Tulong!” sigaw ng ahas.

Hindi na nagpatumpik- tumpik pa si Pilandok. Tumakbo siya sa gawi ng ahas.


“Sundan mo ako!” sigaw niya habang tumatakbo papunta sa masukal na kagubatan.

Bumulusok ang agila ngunit hindi niya nadagit ang ahas.Sumunod ang huli
kay Pilandok para magtago sa mga sanga at dahon ng mga puno at halaman.
Matapos umikot- ikot sa himpapawid, sumibad na palayo ang agila ang hindi sila
makita.

“Maraming salamat! Utang ko sa iyo ang buhay ko!” sabi ng ahas.

“Wala iyon,” sabi ni Pilandok na halatang umiilag.

“Huwag kang matakot,” sabi ng ahas. “Wala akong kamandag. At hindi kita
lilingkisin, mahal kong kaibigan. Ako nga pala si Sawa.”

“Ako naman si Pilandok,” sagot niya. Napanatag na ang kaniyang loob.

Mabuti na lamang at wala siyang mahahabang sungay,naisip ni Pilandok.


Kung hindi,baka nagkasabit sabit na ang mga sungay niya sa mga sanga sa
pagtakbo niya. Naalala niya ang payo ng kaniyang mga kauring usa.

“Kung wala pang nadadagit ang agila siguradong babalik iyon,” paliwanang ni
Pilandok.

“Sigurado iyon,” sabi ni Sawa.

“Kailangan nating maghanda!”

“May naisip akong estratehiya.”

Pinaghandaan nila nang mabuti ang pagbabalik ng ibong maninila.

At hindi nga sila nagkamali. Habang umiinom ng tubig sa pampang ng ilog si


Pilandok, bumulusok palapit sa kaniya ang agila.
19 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
“Sandali! Sandali!” sigaw ni Pilandok. “Pakiusap, Haring Agila, huwag
moakong kainin. Payag akong maging tagapaglingkod mo.”

“Tagapaglingkod? Malakas at maliksi ako. Hindi ko kailangan ng


tagapaglingkod,” sabi ni Agila.

“Ngunit kailangan mo ng magdadala sa iyo ng pagkain para hindi ka na


mapagod sa paghahanap, Haring Agila.”

“Magandang ideya.”

“Haring Agila, para maging ganap ang iyong pagkahari, kailangan mong isuot
ang sinturon ng hari.”

“Talaga ba? Ngayon ko lang narinig iyan,” nagtatakang sabi ni Agila.

“Ito po ag tradisyon sa lahat ng kaharian. Naroon po ang sinturon sa paanan


ng puno.”

Lumapit si Agila sa sinturon at isinuot ito. Laking pagtataka niya nang humigpit
ang sinturon. Hindi pala iyon sinturon ng hari, kundi si Sawa!

Nilingkis ni Sawa si Agila hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga ang ibon.

Source: Mark Angeles, narr., Kasanayan sa Filipino 6 (Makati City: Diwa


Learning Systems Inc., 2018), 21-23.

Panuto:Sagutin ang sumusunod na mga tanong batay sa binasang pabula.Isulat ang


sagot saiyong sagutang papel.
1. Paano sinimulan ni Pilandok ang kaniyang tipikal na araw? Ano ang masasabi
mo sa kaniyang pagkatao?Ipaliwanag.
2. Paano iniligtas ni Pilandok ang sawang nasa panganib?
3. Ano ang damdamin ni Pilandok tungo sa sawa? Paano pinawi ng sawa ang
pangamba ni Pilandok?
4. Paano nahulog ang agila sa patibong nina Pilandok at Sawa?
5. Kung bibigyan kayo ng pagkakataong baguhin ang naging wakas ng kuwento,
paano ninyo ito gagawin?

20 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Pinatnubayang Pagtatasa 3
Panuto: Piliin sa kahon ang kahulugan ng ikinilos o pahayag ng tauhan sa pabula.
Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

A. matakutin D. matulungin
B. mayabang E. makakalikasan
C. masayahin F. may utang naloob

1. “Ay, kay sarap pagmasdan ng kariktan ng kalikasan!” na wika ni Pilandok.


2. “Kailangan kong tumakbo pabalik sa kagubatan para magtago sa agila.”
3. “Kailangan ko ring tulungan ang ahas na iyon!”
4. “Maraming salamat! Utang ko sa iyo ang buhay ko!” sabi ng ahas.
5. “Tagapaglingkod? Malakas at maliksi ako. Hindi ko kailangan ng
tagapaglingkod,” sabi ni Agila.

Isaisip

Ang mga kuwento na iyong binasa ay mga halimbawa ng pabula. Ito ay isang
uri ng salaysay na tumutukoy sa mga kuwento na ang mga tauhan ay mga hayop na
gaya ng leon, daga, tagak, buwaya, maya, kalabaw, pilandok, sawa at iba pa. Ito ay
kuwentong nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao noon na kinolekta at ginawan ng
bagong bersiyong akma sa mga mambabasa at kapaligirang kanilang ginagalawan.
Ang pabula ay karaniwang naghahatid ng gintong-aral na magagamit sa pang-araw-
araw na buhay.
Ito ay naglalaman din ng aral na magsisilbing gabay sa pag-aaral.

Isagawa

Panuto: Aling pabula ang iyong nagustuhan? Pumili sa ibaba ang gusto mong gawin.
Maging gabay ang mga mga pamantayan sa paggawa na nasa ibaba.
A. Sumulat ng maikling buod.
B. Sumulat ng maikling usapan.
C. Iguhit ang pinakagustong bahagi ng pabula.
D. Itala o isulat ang mga pinakamahalagang pangyayari ayon sa
pagkakasunod- sunod nito.

21 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
RUBRIKS SA PAGBUBUOD/MAIKLING USAPAN/PAGTATALA

SCALE
Natatangi Mahusay Nangangailangan
KRAYTERYA
3 2 pa ng
Pagsasanay
1
Nilalaman  Nailahad nang  Nailahad ang  Hindi nailahad
lubusan ang paksa ng ang paksa ng
pinakadiwa ng orihinal na orihinal na
orihinal na teksto o teksto o teksto o
talakayan. talakayan. talakayan.
Kaisahan  Naisama ang  Naisama ang  Naisama ang
mahahalagang ilang hindi mga hindi
detalye ng mahalagang mahalagang
kaisipan. detalye o detalye o
kaisipan. kaisipan.
Kaayusan  Mabisa at  Naisasaayos  Hindi
maayos ang ang naisasaayos
pagkakasunod- pagkakasunod- ang mga
sunod ng mga sunod ng mga kaisipan o
datos o ideya. kaisipan o ideya ideya. Hindi
Naipahayag sa ngunit hindi napaikli ang
maikling paraan gaanong nilalaman ng
ang teksto. napaikli ang teksto.
nilalaman ng
teksto.
Kawastuan  Malinaw ang  May ilang  May kalabuan
mga pangungusap ang mga
pangungusap. ang hindi pangungusap.
malinaw.
KABUUAN:____/ 12

22 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
RUBRIKS SA PAGGUHIT

SCALE
Natatangi Mahusay Nangangailangan
KRAYTERYA
3 2 pa ng Pagsasanay
1
Interpretasyon  Lubhang  Makabuluhan at  Mali ang
makabuluhan wasto ang mensaheng
at wasto ang mensaheng binigyan ng
mensaheng binigyan ng interpretasyon.
binigyan ng interpretasyon.
interpretasyon.
Pagkamasining  Napakamasini  Masining ang  Hindi masining
ng ng pagkaguhit. ang pagkaguhit.
pagkaguhit
Pagkakagawa  Napakalinis at  Malinis at  Hindi malinis at
napakakinis ng makinis ang makinis ang
pagkagawa. pagkagawa. pagkagawa.
Kawastuhan  Wasto ang  May ilang mali  Mali ang
ipinakitang sa larawan. larawan.
larawan.
KABUUAN:____/ 12

Tayahin

Panuto:Batay sa pabulang,“Si Pilandok at si Sawa”.Sagutin ang mga sumusunod


na tanong. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.
1. Sino ang mga tauhan sa pabula?
A.Pilandok at Aso C. Sawa at Kambing
B.Pilandok at Pusa D. Sawa at Pilandok

2. Sino ang kilala sa pagiging tuso at mapaglinlang?


A. Baboy ramo C. Pilandok
B. Buwaya D. Sawa

3. Ano ang ginagawa ni Pilandok sa ibang mga hayop sa gubat?


A. nagdadamot C. nagpapaawa
B. nagmamatigas D. nanloloko

23 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
4. Paano sinisimulan ni Pilandok ang kanyang tipikal na araw?
A. Siya ay lumalabas tuwing gabi para maghanap ng makakain.
B. Siya ay lumalabas tuwing araw para maghanap ng makakain.
C. Siya ay lumalabas tuwing umaga para maghanap ng makakain.
D. Siya ay lumalabas tuwing tanghali para maghanap ng makakain.

5. Ano ang damdamin ni Pilandok tungo sa sawa?


A. masaya C. nangungulila
B. naluluha D. natatakot

6. Paano iniligtas ni Pilandok ang sawang nasa panganib?

7. Paano nakumbinsi ni Pilandok ang agila na huwag siyang kainin?

8. Batay sa iyong dating kaalaman tungkol sa ugnayan ng mga hayop sa ecosystem


(ang agila at ang sawa ay mga halimbawa ng carnivore o hayop na kumakain ng
karne at ang pilandok naman ay isang halimbawa ng herbivore o hayop na kumakain
ng halaman),paano kaya mababago ang wakas ng kuwento?Ano kaya ang maaaring
mangyari kina Sawa at Pilandok sa huli?Ipaliwanag.

9. Gaano kahalaga ang mga kaibigan? Paano nakikipagkaibigan sa iyong kapuwa?

10. Sa inyong palagay, ano ang susunod na mangyayari sa pagkakaibigan


nina Pilandok at Sawa?

24 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Karagdagang Gawain

Panuto: Isulat ang mga aral na napulot sa mga pabulang binasa. Isulat ang sagot
sa sagutang papel.

A. Ang Leon at ang Daga


B. Ang Tagak at ang Buwaya
C. Ang Maya at ang Kalabaw
D. Si Pilandok at si Sawa

25
SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Susi sa Pagwawasto

26 SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Sanggunian

Marasigan, Emily V. at Louie C. Tesalona. Pinagyamanang Pluma 6 Wika at


Pagbasa para sa Elementarya. Quezon City, Philippines: Phoenix Publishing
House Inc., 2017.

Raflores, Ester V. Bagong Binhi Filipino… Wika at Pagbasa. Philippines: Rex Book
Store Inc., 2013.

Reyes, Alvin Ringgo C. at Jayson D. Petras. Kasanayan sa Filipino 6. Makati City,


Philippines: Diwa Learning System Inc., 2018.

27
SDCB_Q1_Filipino 6_Module 1
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Sangay ng mga Paaralan ng Lungsod Batac


Kagawaran ng Edukasyon – Rehiyon I

Office Address: 16S Quiling Sur, City of Batac,


2906 Ilocos Norte, Philippines
Telephone No: (077) 677-1993
Website: www.csdbatac.combatac.
E-mail: city@deped.gov.ph

20

You might also like