You are on page 1of 7

KABANATA I

Aralin 1

Tekstong Impormatibo

"Maraming impormasyon at mga kaalaman,


sa mga tekstong impormatibo iyong matutuklasan."

Alam Mo Ba?

Marami ang nag-aakalang mas nagugustuhan ng mga batang mag-aaral ang magbasa ng
mga tekstong naratibo tulad ng maikling kuwento, tula, pabula, alamat, at iba pa. Gayumpaman,
sa pag-aaral na ginawa ni Duke (2000), ang dahilan kung bakit hindi gaanong nakapagbabasa ng
tekstong inpormatibo ang mga mag-aaral ay dahil limitado ang ganitong uri ng mga babasahin sa
kanilang kapaligiran. Sa isang pag-aaral na isinagawa sa 20 silid-aralan sa unang baitang,
nakitang wala pang 10% ng mga aklat sa mga aklatang pansilid-aralan ang nabibilang sa
tekstong impormatibo. Lumabas din sa nasabing pag-aaral na wala pang 3% ng mga bagay o
kagamitang nakadispley sa paligid ng mga silid-aralan ang maibibilang sa tekstong impormatibo.
Sa isa pang pag-aaral, napatunayan ni Mohr (2006), na kung mabibigyan ng pagkakataong
makapamili ng aklat ang mga mag-aaral sa unang baitang, mas pipiliin nila ang aklat na di
piksyon kaysa piksyon. Sa pag-aaral na ito, ang mga mag-aaral sa unang baitang mula sa
sampung paaralang pinili nila ay dinala sa isang eksibit ng mga aklat. Pinaikot sila sa mga
nakadispley na aklat at pinapili ng isang aklat na magiging kanila na. Humigit kumulang 85% sa
mga mag-aaral ang pumili ng aklat na di piksyon. Nang isagawa ang kaparehong pag-aaral sa
mga mag-aaral sa kinder ay mas pinili rin ng mga bata ang mga aklat na may impormatibong
teksto kaysa piksyon.
Ang mga pag-aaral na ito ay sumasalungat sa pananaw na higit na nagugustuhang basahin
ng mga bata ang mga tekstong naratibo kaysa impormatibo. Kung hindi bibigyang-pagkakataon
ang mga mag-aaral na magbasa ng mga di piksyon na nagtataglay ng mga tekstong impormatibo
at lilimitahan lang ang mga babasahin ng mga batang ito sa naratibo tulad ng maikling kuwento,
maaari itong maging hadlang sa pagkakaroon ng buo, malawak, at epektibong pagkatuto.

Ang Tekstong Impormatibo

Ang tekstong impormatibo ay isang uri ng babasahing di piksyon. Ito ay naglalayong


magbigay ng impormasyon o magpaliwanag nang malinaw at walang pagkiling tungkol sa iba't
ibang paksa tulad ng sa mga hayop, isports, agham o siyensiya, kasaysayan, gawain,
paglalakbay, heograpiya, kalawakan, panahon, at iba pa.
Di tulad ng ibang uri ng teksto, ang mga impormasyon o kabatirang inilahad ng may-akda
ay hindi nakabase sa kanyang sariling opinyon kundi sa katotohanan at mga datos kaya't hindi
nito masasalamin ang kanyang pagpabor o pagkontra sa paksa. Karaniwang may malawak na
kaalaman tungkol sa paksa ang manunulat o kaya'y nagsasagawa siya ng pananaliksik at pag-
aaral ukol dito. Ang mga tekstong impormatibo ay karaniwang makikita sa mga pahayagan o
balita, sa mga magasin, textbook, sa mga pangkalahatang sanggunian tulad ng encyclopedia,
gayundin sa iba't ibang website sa Internet.
Dahil sa mga katangiang ito ng tekstong impormatibo, laging may nadadagdag na bagong
kaalaman o kaya'y napagyayaman ang dating kaalaman ng taong nagbabasa nito.

Elemento ng Tekstong Impormatibo


Kung ang tekstong naratibo ay may mga elementong kinabibilangan ng tauhan, tagpuan,
suliranin, at mahahalagang pangyayaring tulad ng simula, kasukdulan, kakalasan, at wakas, ang
tekstong impormatibo ay mayroon ding mga elemento. Ang mga ito'y ang sumusunod:
 Layunin ng may-akda – Maaaring magkaiba-iba ang layunin ng may-akda sa pagsulat
niya ng isang tekstong impormatibo. Maaaring layunin niyang mapalawak pa ang
kaalaman ukol sa isang paksa; maunawaan ang mga pangyayaring mahirap ipaliwanag;
matuto ng maraming bagay ukol sa ating mundo; masaliksik; at mailahad ang mga yugto
sa buhay ng iba't ibang uri ng insekto, hayop, at iba pang nabubuhay; at iba pa.
Gayunpaman, anuman ang layunin ay mapapansing kaugnay ito lagi ng pagbibigay o
paglalahad ng impormasyon.
 Pangunahing Ideya – Di tulad ng tekstong naratibo na hindi agad inihahayag ng
manunulat ang mga mangyayari upang mapaabot ang interes ng mambabasa sa
kasukdulan ng akda, sa tekstong impormatibo naman ay dagliang inilalahad ang mga
pangunahing ideya sa mambabasa. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng
pamagat sa bawat bahagi – tinatawag din itong organizational markers na nakatutulong
upang agad makita at malaman ng mambabasa ang pangunahing ideya ng babasahin.
 Pantulong na Kaisipan – Mahalaga rin ang paglalagay ng mga angkop mga pantulong
na kaisipan o mga detalye upang makatulong mabuo sa isipan ng mambabasa ang
pangunahing ideyang nais niyang matanim o maiwan sa kanila.
 Mga estilo sa pagsulat, kagamitan/sangguniang magtatampok sa mga bagay na
binibigyang-diin – Makatutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mas malawak na
pag-unawa sa binabasang tekstong impormatibo ang paggamit ng mga estilo o
kagamitan/sangguniang magbibigay-diin sa mahahalagang bahagi tulad ng sumusunod:
 Paggamit ng mga nakalarawang representasyon – makatutulong ang paggamit ng
mga larawan, guhit, dayagram, tsart, talahanayan, timeline, at iba pa upang higit na
mapalalim ang pang-unawa ng mga mambabasa sa mga tekstong impormatibo.
 Pagbibigay-diin sa mahahalagang salita sa teksto – nagagamit dito ang mga
estilong tulad ng pagsulat nang nakadiin, nakahilis, nakasalungguhit, o nalagyan ng
panipi upang higit na madaling makita o mapansin ang mga salitang binibigyang-diin
sa babasahin.
 Pagsulat ng mga talasanggunian – karaniwang inilalagay ng mga manunulat ng
tekstong impormatibo ang mga aklat, kagamitan, at iba pang sangguniang ginamit
upang higit na mabigyang diin ang katotohanang naging basehan sa mga
impormasyong taglay nito.

Mga Uri ang Tekstong Impormatibo

Ang pangunahing layunin ng tekstong impormatibo ay makapagpahatid ng impormasyong


hindi nababahiran ng personal na pananaw o opinyon ng may-akda. Makikita ang layuning ito sa
ilang uri ng tekstong impormatibo tulad ng sumusunod:
1. Paglalahad ng Totoong Pangyayari/Kasaysayan – Sa uring ito ng teksto inilalahad
ang mga totoong pangyayaring naganap sa isang panahon o pagkakataon. Maaaring
ang pangyayaring isasalaysay ay personal na nasaksihan ng manunulat tulad ng mga
balitang isinusulat ng mga reporter ng mga pahayagan o maaari ding hindi direktang
nasaksihan ng manunulat kundi mula sa katotohanang nasaksihan at pinatutunayan ng
iba tulad naman ng sulating pangkasaysayan o historical account. Ang uring ito ng
teksto ay karaniwang sinisimulan ng manunulat sa isang mabisang panimula o
introduksiyon. Kung ito ay isang balita, mababasa sa bahaging ito ang
pinakamahahalagang impormasyon tulad ng kung sino, ano, saan, kailan, at paano
nangyari ang inilalahad. Sinusundan ito ng iba pang detalyeng nasa bahagi naman ng
katawan, at karaniwang nagtatapos sa isang kongklusyon.
2. Pag-uulat Pang-impormasyon – Sa uring ito nakalahad ang mahahalagang kaalaman
o impormasyon patungkol sa tao, hayop, iba pang bagay na nabubuhay at di
nabubuhay, gayundin sa mga pangyayari sa paligid. Ang ilang halimbawa ay mga
paksang kaugnay ng teknolohiya, global warming, cyberbullying, mga hayop na
malapit nang maubos, impormasyong kaugnay ng mga halaman, at iba pa. Ang
pagsulat ng ganitong uring teksto ay nangangailangan ng masusing pananaliksik
sapagkat ang mga impormasyon at detalyeng taglay nito ay naglalahad ng katotohanan
ukol sa paksa at hindi dapat samahan ng personal na pananaw o opinyon ng manunulat.
3. Pagpapaliwanag – Ito ang uri ng tekstong impormatibong nagbibigay paliwanag kung
paano o bakit naganap ang isang bagay o pangyayari. Layunin nitong makita ng
mambabasa mula sa mga impormasyong nagsasaad kung paano humantong ang paksa
sa ganitong kalagayan. Karaniwang itong ginagamitan ng mga larawan, dayagram, o
flowchart na may kasamang mga paliwanag. Halimbawa nito'y ang siklo ng buhay ng
mga hayop at insekto tulad ng paruparo, palaka, at iba pa.

Halimbawa ng Tekstong Impormatibo

Cyberbullying
Sa makabagong panahon kung saan laganap ang paggamit ng teknolohiya, isang uri ng
pambu-bully ang nabigyang-daan nito: ang cyberbullying o ang pambu-bully sa kapwa gamit ang
makabagong teknolohiya. Ang ilang halimbawa nito ay ang pagpapadala ng mensahe ng
pananakot, pagbabanta, o pagtataglay ng masasamang salita maging sa text o e-mail;
pagpapalaganap ng mga nakasisirang usap-usapan, larawan, video, at iba pa sa e-mail at sa social
media; pag-bash o pagpo-post ng mga nakasisira at walang basehang komento; paggawa ng mga
pekeng account na may layuning mapasama ang isang tao; pag-hack sa account ng iba upang
magamit ang sariling account ng tao; sa paninira sa may-ari nito; at iba pang uri ng harassment
sa pamamagitan ng teknolohiya. Ang mga ito'y karaniwang nagbubunga ng pagkapahiya,
pagkatakot, o kawalan ng kapayapaan sa nagiging biktima nito.

Paano Naiiba ang Cyberbullying sa Harapang Pambu-bully?


Napakalaking tulong ang naibibigay ng cellphone, tablet, computer, at Internet sa tao. Ang
social media ay isa ring malaking biyaya lalo na kung pakikipag-ugnayan sa napapalayong
kapamilya o kaibigan ang pag-uusapan. Ang Internet ay isa sa pinakamahalagang kagamitan sa
ikadalawampu't isang siglo sapagkat sa pamamagitan nito'y "lumiliit" ang mundo. Napaglalapit
nito ang magkakalayong magkakapamilya, napupunan nito ang kasabikang makita at makausap
ang isang minamahal, at nakatutulong ito upang magawa ang maraming bagay tulad ng pagbili
ng mga bagay-bagay, pag-a-apply sa trabaho, paggawa ng transaksiyon sa bángko, at iba pa kahit
ika'y nasa bahay lámang at hindi na kailangang lumabas. Nakatutulong din ito nang malaki na
paghahanap ng anumang impormasyong mahalaga sa tao.
Subalit sa kabilang banda, napadadali rin ng Internet ang paggawa ng iba't ibang krimen,
panloloko sa kapwa, at paggawa ng maraming hindi mabubuting bagay tulad ng cyberbullying.
Para sa isang biktima, mas mahirap at mas matindi ang cyberbullying kaysa sa harapang pambu-
bully. Ang harapang pambu-bully ay nangyayari sa isang lugar at isang panahon. Kapag hindi
na magkaharap ang bully at ang biktima ay walang pambu-bully na nagaganap. Samantala, ang
cyberbullying ay maaaring mangyari nang 24/7. Ibig sabihin, kahit hindi magkaharap ang
biktima at ang bully, o kahit natutulog ang biktima, o nasa loob ng kanyang tahanan, ang
cyberbullying ay patuloy na nangyayari. Maaari ding magtago ng kanyang tunay na pagkatao
ang nambu-bully upang hindi makilala kung sino siya habang ipinakakalat niya ang anumang
bagay na makasisira sa kanyang biktima. Minsa'y mahirap maláman o ma-trace kung sino ang
nagpasimula ng pagpapakalat nito. Kapag nai-post o naipadala na sa iba ang mga bagay na ito,
napakahirap nang mawala o maihinto ang pagkalat ng mga nakasisirang bagay sapagkat wala
nang kontrol ang nag-post sa puwedeng gawin ng bawat makatatanggap o makakikita sa kanyang
post. Ang reaksiyon kasi ng makatatanggap ay maaaring huwag pansinin o hayaan na lang, i-
delete at huwag patulan, o maaaring i-share rin sa iba na lalong magdudulot ng pagkasira ng
biktima dahil sa napakabilis na pagkalat ng mga bagay na naka-upload na sa Internet.

Ano-ano ang Epekto ng Cyberbullying?


Maaaring sa cyberbullying ay walang pisikal na pananakit na nangyayari di tulad ng
harapang pambu-bully na kung minsa'y humahantong sa pananakit subalit mas matindi ang sakit
at pagkasugat ng emosyon o emotional at psychological trauma na maaaring maranasan ng isang
biktima ng cyberbullying. May pangmatagalang epekto ito sa tao lalo na kung hindi maaagapan
o matutulungang maproseso ang damdamin ng isang naging biktima nito. Maaari siyang
magkaroon ng mga isyung sikolohikal hindi lang sa kasalukuyan kundi sa mga darating pang
panahon.

Naririto ang ilan pa sa mga epekto ng cyber bullying:


 Mga senyales ng depresyon – Ang sugat sa emosyon ay mas matindi pa kaysa pisikal na
sugat. Kapag matindi ang emosyonal na trauma dahil sa mga nakasisirang post sa
Internet, ang biktima ay nakararanas ng mga sintomas ng depresyon tulad ng hindi
maipaliwanag na kalungkutan, hindi makatulog, kawalan ng ganang kumain, o minsa'y
humahantong sa pananakit sa sarili, o pag-iisip na wakasan na ang sariling buhay.
 Pag-inom ng alak o paggamit ng ipinagbabawal na gamot – Ito ay nagiging paraan ng
biktima upang makalimot o magkaroon ng tapang o lakas ng loob na harapin ang bully at
ang mundo. Madalas, dahil dito'y hindi niya namamalayang nagiging bully na rin siya.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong nagiging bully sa senior high o sa kolehiyo ay ang
mga taong nakaranas ma-bully noong sila ay nasa middle school o high school.
 Pagliban o pag-iwas sa pagpasok sa paaralan – Ito’y isang paraan upang makaiwas sa
taong nambu-bully.
 Pagkakaroon ng mabababang marka sa paaralan – Ang madalas na pagliban at
kawalan ng konsentrasyon sa pag-aaral dahil sa kaiisip sa nangyayaring pambu-bully ay
nagreresulta sa mabababang marka sa paaralan.
 Pagkawala ng tiwala sa sarili o pagkakaroon ng mababang self-esteem – Ang mga
alaala ng panunukso o pananakit ay nagdudulot ng kawalan ng tiwala sa sarili o
mababang pagpapahalaga sa sarili.
 Pagkakaroon ng problema sa kalusugan – Karaniwan ang mga biktima ng bullying ay
nakararanas o nagsasabing sila ay may sakit tulad ng karaniwang ubo, sipon, sakit ng ulo,
sakit ng tiyan, at iba pa.
 Pagiging biktima rin ng harapang bullying – Minsan bago pa mangyari o kapag
nangyari na ang cyberbullying, ang biktima ay karaniwan ding nagiging biktima ng
harapang bullying dahil nawawala ang tiwala niya sa sarili at ang kakayahang gawin ang
nararapat upang maipagtanggol ang kanyang karapatan.

Ano na ba ang Sitwasyon ng Cyberbullying sa Pilipinas?


Ayon sa ulat ng Google Trends, ang ikaapat sa mga bansa sa buong mundo kung saan may
pinakamaraming naghanap ng impormasyon ukol sa cyberbullying noong 2013 ay ang Pilipinas.
Isa itong indikasyon na ang isyu ng cyberbullying ay isa nang realidad sa ating bansa. Bagama't
sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na estadistika ang Pilipinas patungkol sa cyberbullying, sa
bansang Amerika ay lumalabas na nasa 9% ng mga mag-aaral sa Grades 6 hanggang 12 ang
nakaranas ng cyberbullying noong 2010 at 2011 at noong 2013, tumaas sa 15% ang mga mag-
aaral sa Grades 9 hanggang 12 na nakaranas ng cyberbullying.
Sa sarbey na isinagawa ng www.stopcyberbullying.org, ang sumusunod ang isinasagawa ng
mga nagiging biktima ng cyberbullying:

 36% ang nagsabi sa bully na huminto sa pambu-bully niya 34% ang gumawa ng paraan
upang mahadlangang ang komunikasyon sa 20 bully
 34% ang nagsabi sa mga kaibigan ukol sa pambu-bully
 29% ang walang ginawang anuman ukol sa pambu-bully
 28% ang nag-sign-offline
 11% lang ang nagsabi sa magulang ukol sa nangyayaring cyberbullying

Ano ang Maaaring Gawin ng Isang Taong Nabiktima ng Cyberbullying?


Ang cyberbullying tulad din ng iba pang uri ng bullying ay nagkakaroon ng matitinding
epekto sa buhay at pagkatao ng biktima kaya ipinapayo ng mga ekspertong hindi dapat basta
manahimik lang ang sinumang nakararanas ng ganitong pangyayari sa buhay. Ipinapayo ni
Sonnie Santos, isang eksperto sa cyberbullying ang pagsasagawa ng alinman sa sumusunod,
depende sa sitwasyon o pangangailangan.
 Laging kunan ng screenshot ang mga nakasisirang mensahe at i-save ito para magamit
bilang ebidensiya o katibayan sa ginawang pambu-bully.
 Ipaalam sa mga kapamilya ang mga pangyayari o pag-atake.
 I-report sa awtoridad tulad ng guro o guidance counselor kung sa paaralan ito nangyayari
o sa Human Resources kung ang pambubu-bully ay nangyayari sa trabaho.
 I-report sa pamunuan ng social media (tulad ng Facebook o Twitter) ang nangyayari
upang magawan nila ng karampatang hakbang.
 Magpalit ng numero ng telepono kung cellphone ang ginagamit sa pag-atake o pambu-
bully.
 1-deactivate ang lahat ng social media account at huwag munang mag-online
pansamantala. Gayunpaman, magtalaga ng kapamilya o kaibigang magmo-monitor sa
mga pangyayari sa online.
 Sumangguni sa propesyonal na tagapayo kung kinakailangan.
 Suportahan ang mga grupong nagla-lobby para sa isang batas patungkol sa cyberbullying
o harassment para sa lahat at hindi lang para sa kabataang wala pa sa tamang gulang.
Kaugnay nito, isang batas ang ipinasa sa mababang kapulungan ukol sa pagpaparusa sa
mga taong nasasangkot sat cyberbullying gamit ang social media. Ito ang Social Media
Regulation Act of 2014 na ipinasa ni Leyte Rep. Sergio Apostol upang matulungan ang
mga biktima ng pambu-bully gamit ang social media. Sa nasabing batas, ang tao o mga
taong mapatutunayang nagkasala ng cyberbullying ay mapapatawan ng mula anim
hanggang labindalawang taong pagkabilanggo. Maaari din silang magmulta ng mula
PHP30,000 hanggang PHP50,000.

Kung sakaling mabiktima ng cyberbullying, gumawa ng mga hakbang upang mahinto ito.
Huwag basta manahimik at sa halip ay magsuplong sa kinauukulan. Maaaring makipag-ugnayan
sa National Bureau of Investigation sa ccd@nbi.gov.ph o tumawag sa telepono bilang 521-9208
local 3429 (para sa kanilang hepe) o sa 3497 (para sa mga kawani).

May Pag-asa pa bang Makabangon mula sa Cyberbullying?


Ang pagiging biktima ng cyberbullying ay hindi katapusan ng mundo. Maraming biktima
ang nagtagumpay na malampasan ang ganitong kalagayan sa sarili nilang pagsisikap, matibay na
pananalig sa Diyos, at sa tulong ng mga taong nagmalasakit upang sila'y muling makabangon
mula sa masakit na karanasan. Isa sa mga ito si Paula Jamie Salvosa, ang babaeng binansagang
"Amalayer girl" nang makunan ng video ang pasigaw niyang pakikipagtalo sa babaeng
guwardiya ng LRT habang paulit-ulit niyang sinasabi ang "Do you think I'm a liar." Nang mai-
post ang video na ito ay naging viral ito sa Internet at umani ng napakaraming bashing ang
"Amalayer girl." Halos hindi niya nakayanan ang mga pangungutya, gálit, at pagbabantang
natanggap mula sa mga netizen na nakapanood ng video. Nahusgahan ang kanyang pagkatao
nang dahil sa video at ang pangyayaring ito ay bumago sa takbo ng kanyang buhay. Masakit ang
pinagdaanan niya subalit napatunayan niyang ang panahon nga ang pinakamabisang lunas. Sa
paglipas ng panahon ay unti-unting nalimot ng tao ang pangyayari at kasabay nito'y unti-unti rin
siyang nakabangon sa mapait na karanasan. Ngayon siya'y aktibo sa kanilang simbahan at
nangangaral ng salita ng Diyos. Marami pang ibang tulad ni Salvosa na nabiktima rin ng
cyberbullying ang nakabangon at nabigyang-pagkakataong ipagpatuloy ang kanilang buhay.

You might also like