You are on page 1of 14

PILYEGO NG MGA GAWAING PAMPAGKATUTO

Pagbasa at Pagsusuri sa Iba’t Ibang


Teksto Tungo sa Pananaliksik
Unang Markahan- Modyul 2 (Aralin 2)
Tekstong Impormatibo

1
Layunin

Ang Pilyego ng mga Gawaing Pampagkatuto (Learning activity Sheet-LAS) na ito ay


magsisilbing gabay mo sa iyong pagtuklas sa ilang panimulang kaalaman na kakailanganin
mo sa pagkatuto tungkol sa Tekstong Impormatibo. Nakapaloob dito ang mga gawain, mga
pagsasanay na sasagutan nang sa gayon ay masukat ang iyong kaalamang malinang sa
gawaing pampagkatuto na ito.

Ang Pilyegong mga Gawaing Pampagkatuto ay naglalaman tungkol sa:


Aralin: Nakasusulat ng ilang halimbawa ng iba’t ibang uri ng teksto. F11PU – IIIb –
89

Pagkatapos ng mga gawaing ito, ikaw ay inaasahang:


1. nakatutukoy ng mga pahayag patungkol sa tekstong impormatibo
2. nakababahagi ng katangian at kahulugan ng tekstong impormatibo.
3. nakasusulat ng halimbawa ng tekstong impormatibo.

2
Pag-aralan

TEKSTONG IMPORMATIBO
Ang tekstong impormatibo Ang tekstong impormatibo ay isang uri ng babasahing di piksyon.
Ito ay naglalayong magbigay ng impormasyon o magpaliwanag nang malinaw at walang
pagkiling tungkol sa iba’t ibang paksa tulad ng sa mga hayop, isports, agham o siyensiya,
kasaysayan, gawain, paglalakbay, heograpiya, kalawakan, panahon, at iba pa.

Hindi ito nakabasi na isang opinyon kundi pawing katotohanan lamang. Karaniwang may
malawak na kaalaman tungkol sa paksa ang manunulat o kaya’y nagsasagawa siya ng
pananaliksik at pag-aaral ukol dito.

Dahil sa katangiang ito ng tekstong impormatibo, lagging may nadadagdag na bagong


kaalaman o kaya’y napagyayaman ang dating kaalaman ng taong nagbabasa nito.

Element ng tekstong impormatibo


1. Layunin ng may-akda
- Maaaring magkaiba-iba ang layunin ng may-akda sa pagsulat niya ng isang tekstong
impormatibo. maaaring layunin niyang mapalawak pa ang kaalaman ukol sa isang
paksa; maunawaan ang mga pangyayaring mahirap ipaliwanag; matuto ng maraming
bagay ukol sa ating mundo; magsaliksik; at mailahad ang mga yugto sa buhay ng
iba’t ibang uri ng insekto, hayop, at iba pang nabubuhay; at iba pa. Gayunpaman,
anuman ang layunin ay mapapansing kaugnay ito lagi ng pagbibigay o paglalahad ng
impormasyon.
2. Pangunahing ideya
- Di tulad ng tekstong naratibo na hindi agad inihahayag ng manunulat ang mga
mangyayari upang mapaabot ang interes ng mambabasa sa kasukdulan ng akda, sa
tekstong impormatibo naman ay dagliang inilalahad ang mga pangunahing ideya sa
mambabasa. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng pamagat sa bawat
bahagi – tinatawag din itong organizational markers na nakatutulong upang agad
makita at malaman ng mambabasa ang pangunahing ideya ng babasahin.
3. Pantulong na kaisipan
- Mahalaga rin ang paglalagay ng angkop na mga pantulong na kaisipan o mga
detalye upang makatulong mabuo sa isipan ng mambabasa ang pangunahing
ideyang nais niyang matanim o maiwan sa kanila.

3
4. Mga estilo sa pagsulat, kagamitan/sangguniang magtatampok sa mga bagay na
binibigyang-diin.
- Makatutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mas malawak na pag-unawa sa
binasang tekstong impormatibo ang paggamit ng mga estilo o
kagamitan/sangguniang magbibigay-diin sa mahahalagang bahagi ng tulad ng
sumusunod:
 Paggamit ng mga nakalarawang representasyon – makatutulong ang
paggamit ng mga larawan, guhit, dayagram, tsart, talahanayan, time line, at
iba pa upang higit na mapalalim ang pag-unawa ng mga mambabasa sa mga
tekstong impormatibo.
 Pagbibigay-diin sa mahahalagang salita sa teksto – nagagamit dito ang
mga estilong tulad ng pagsulat nang nakadiin, nakahilis, nakasalungguhit, o
nalagyan ng panipi upang higit na madaling makita o mapansin ang mga
salitang binibigyang-diin sa babasahin.
 Pagsulat ng mga talasanggunian – karaniwang inilalagay ng mga
manunulat ng tekstong impormatibo ang mga aklat, kagamitan, at iba pang
sangguniang ginamit upang higit na mabigyang-diin ang katotohanang nagin
basehan sa mga impormasyong taglay nito.

Mga uri ng tekstong impormatibo

Ang pangunahing layunin ng tekstong impormatibo ay makapaghatid ng impormasyong


hindi nababahiran ng personal na pananaw o opinyon ng may-akda. Makikita ang layuning
ito sa ilang uri ng tesktong impormatibo tulad ng sumusunod:

1. Paglalahad ng totoong pangyayari/kasaysayan – Sa uring ito ng teksto inilalahad ang


mga totoong pangyayaring naganap sa isang panahon o pagkakataon. Maaaring ang
pangyayaring isasalaysay ay personal na nasaksihan ng manunulat tulad ng mga
balitang isinusulat ng mga reporter ng mga pahayagan o maaari ding hindi direktang
nasaksihan ng manunulat kundi mula sa katotohanang nasaksihan at pinatutunayan ng
iba tulad ng sulating pangkasaysayan o historical account. Kung ito ay isang balita,
mababasa sa bahaging ito ang pinakamahalagang impormasyon tulad ng kung sino,
ano, saan, kalian, at paano nangyari ang inilahad.
2. Pag-uulat pang-impormasyon – Sa uring ito nakalahad ang mahahalagang kaalaman
o impormasyon patungkol sa tao, hayop, iba pang bagay na nabubuhay at di
nabubuhay, gayundin sa mga pangyayari sa paligid. Ang ilang halimbawa ay mga
paksang kaugnay ng teknolohiya, global warming, cyberbullying, mga hayop na malapit
nang maubos, impormasyongkaugnay ng mga halaman at iba pa. Ang pagsulat ng

4
ganitong uri ng teksto ay nangangailangan ng masusing pananaliksik sapagkat ang mga
impormasyon at detalyeng taglay nito ay naglalahad ng katotohanan ukol sa paksa at
hindi dapat samahan ng personal na pananaw o opinyon ng manunulat.
3. Pagpapaliwanag – Ito ang uri ng tekstong impormatibong nagbibigay paliwanag kung
paano o bakit naganap ang isang bagay o pangyayari. Layunin nitong makita ng
mambabasa mula sa mga impormasyong nagsasaad kung paano humantong ang paksa
sa ganitong kalagayan. Karaniwan itong ginagamitan ng mga larawan, dayagram, o
flowchart na may kasamang mga paliwanag. Halimbawa nito’y ang siklo ng buhay ng
mga hayop at insekto tulad ng paruparo, palaka, at iba pa.

Halimbawang ng Tekstong Impormatibo

CYBERBULLYING

Sa makabagong panahon kung saan laganap ang paggamit ng teknolohiya, isang uri
ng pambu-bully ang nabigyang-daan nito: ang cyberbullying o ang pambu-bully sa kapwa
gamit ang makabagong teknolohiya. Ang ilang halimbawa nito ay ang pagpapadala ng
mensahe ng pananakot, pagbabanta, o pagtataglay ng masasamang salita maging sa text o
e-mail; pagpapalaganap ng mga nakasisirang usap-usapan, larawan, video, at iba pa sa e-
mail at sa social media; pag-bash o pagpo-post ng mga nakasisira at walang basehang
komento; paggawa ng mga pekeng account na may layuning mapasama ang isang tao; pag-
hack sa account ng iba upang magamit ang personal account ng isang tao nang walang
pagsang-ayon niya o sa paninira sa may-ari nito; at iba pang uri ng harassment sa
pamamagitan ng teknolohiya. Ang mga ito’y karaniwang nagbubunga ng pagkapahiya,
pagkatakot, o pagkawala ng kapayapaan sa nagiging biktima nito.

o Paano naiiba ang Cyberbullying sa harapang Pambu-bully?


Napakalaking tulong ang naibibigay ng cell phone, tablet, computer, at Internet sa tao. Ang
social media ay isa ring malaking biyaya lalo na kung pakikipag-ugnayan sa napapalayong
kapamilya o kaibigan ang pag-uusapan. Ang Internet ay isa sa pinakamahalagang
kagamitan sa ikadalawampu’t isang siglo sapagkat sa pamamagitan nito’y “lumiiiit” ang
mundo. Napaglalapit nito, ang magkakalayong magkakapamilya, napupunan nito ang
kasabikang makita at makausap ang isang minamahal, at nakatutulong ito upang magawa
ang maraming bagay tulad ng pagbili ng mga bagay-bagay, pag-a-apply sa trabaho,
paggawa ng transaksiyon sa bangko, at iba pa kahit ika’y nasa bahay lamang at hindi na

5
kailangang lumabas. Nakatutulong din ito nang malaki na paghahanap sa anumang
impormasyong mahalaga sa tao.

Subalit sa kabilang banda, napadadali rin ng Internet ang paggawa ng iba’t ibang
krimen, panloloko sa kapwa, at paggawa ng maraming hindi mabubuting bagay tulad ng
cyberbullying. Para sa isang biktima, mas mahirap at mas matindi ang cyberbullying kaysa
sa harapang pambu-bully. Ang harapang pambu-bully ay nangyayari sa isang lugar at isang
panahon. Kapag hindi na magkaharap ang bully at ang biktima ay ‘walang pambu-bully na
nagaganap. Samantala, ang cyberbullying ay maaaring mangyari nang 24/7. Ibig sabihin,
kahit hindi magkaharap ang biktima at ang bully, o kahit natutulog ang biktima, .o nasa loob
ng kanyang tahanan, ang cyberbullying ay patuloy na nangyayari. Maaari ding magtago ng
kanyang tunay na pagkatao ang nambu-bully upang hindi makilala kung sino siya habang
ipinakakalat niya ang anumang bagay na makasisira sa kanyang biktima. Minsa’y mahirap
malaman o ma-trace kung sino ang nagpasimula ng pagpapakalat nito. Kapag nai-post o
naipadala na sa iba ang mga bagay na ito, napakahirap nang mawala o maihinto ang
pagkalat ng mga nakasisirang bagay sapagkat wala nang kontrol ang nag-post sa
puwedeng gawin ng bawat makatatanggap o makakikita sa kanyang post. Ang reaksiyon
kasi ng makatatanggap ay maaaring huwag pansinin o hayaan na lang, i-delete at huwag
patulan, o maaaring i-share rin sa iba na lalong magdudulot ng pagkasira ng biktima dahil sa
napakabilis na pagkalat ng mga bagay na naka-upload na sa Internet

o Ano-ano ang epekto ng Cyberbullying?

Sa cyberbullying ay walang pisikal na pananakit na nangyayari di tulad ng harapang pambu-


bully na kung minsa’y humahantong sa pananakit subalit mas matindi ang sakit at
pagkasugat ng emosyon o emotional at psychological trauma na maaaring maranasan ng
isang biktima ng cyberbullying. May pangmatagalang epekto ito sa tao lalo na kung hindi
maaagapan o matutulungang ma-proseso ang damdamin ng isang naging biktima nito.
Maaari siyang magkaroon ng mga isyung sikolohikal hindi lang sa kasalukuyan kundi sa
mga dar.ating pang panahon.

Naririto ang ilan pa sa mga epekto ng cyber bullying:

 Mga senyales ng depresyon—Ang sugat sa emosyon ay mas matindi pa kaysa


pisikal na sugat. Kapag matindi ang emosyonal na trauma dahil sa mga nakasisirang
post sa Internet, ang biktima ay nakararanas ng mga sintomas ng depresyon tulad
ng hindi maipaliwanag na kalungkutan, hindi makatulog, kawalan ng ganang kurnain,

6
o minsa’y humahantong sa pananakit sa sarili, o pag-iisip na wakasan na ang sariling
buhay.

 Pag-inom ng alak o paggamit ng ipinagbabawal na gamot – Ito ay nagiging


paraan ng biktima upang makalimot o magkaroon ng tapang o lakas ng loob na
harapin ang bully at ang mundo. Madalas, dahil dito’y hindi niya namamalayang
nagiging bully na rin siya. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong nagiging bully sa
senior high o sa kolehiyo ay ang mga taong nakaranas ma-bully noong sila ay nasa
middle school o high school.
 Pagliban o pag-iwas sa pagpasok sa paaralan—Ito’y isang paraan upang
makaiwas sa taong nambu-bully.

 Pagkakaroon ng mabababang marka sa paaralan—Ang madalas na pagliban at


kawalan ng konsentrasyon sa pag-aaral dahil sa kakaisip sa nangyayaring pambu-
bully ay nagreresulta sa mabababang marka sa paaralan.

 Pagkawala ng tiwala sa sarili o pagkakaroon ng mababang self-esteem—Ang


mga a.laala ng panunukso o pananakit ay nagdudulot ng kawalan ng tiwala sa sarili
o mababang pagpapahalaga sa sarili.

 Pagkakaroon ng problema sa kalusugan—Karaniwang ang mga bik-tima ng


bullying ay nakararanas o nagsasabing sila ay may sakit tulad ng karaniwang ubo,
sipon, sakit ng ulo, sakit ng tiyan, at iba pa.

 Pagiging biktima rin ng harapang bullying—Minsan bago pa mangyari o kapag


nangyari na ang cyberbullying, ang biktima ay karaniwan ding nagiging biktima ng
harapang bullying dahil nawawala ang tiwala niya sa sarili at ang kakayahang gawin
ang nararapat upang maipagtanggol ang kanyang karapatan.

o Ano na ba ang sitwasyon ng Cyberbullying sa Pilipinas?

Ayon sa ulat ng Google Trends, ang ikaapat sa mga bansa sa buong mundo kung saan may
pinakamaraming naghanap ng impormasyon ukol sa cyberbullying noong 2013 ay ang
Pilipinas. Isa itong indikasyon na ang isyu ng cyberbullying ay isa nang realidad sa ating
bansa. Bagama’t sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na estadistika ang Pilipinas
patungkol sa cyberbullying, sa bansang Amerika ay lumalabas na nasa 9% ng mga mag-
aaral sa Grades 6 hangpng 12 ang nakaranas ng cyberbullying noong 2010 at 2011 at
noong 2013, tumaas sa 15% ang mga mag-aaral sa Grades 9 hanggang 12 na nakaranas
ng cyberbullying.

7
Sa sarbey na isinagawa ng www.stopcyberbullying.org, ang sumusunod ang
isinasagawa ng mga nagiging biktima ng cyberbullying:

o 36% ang nagsabi sa bully na huminto sa pambu-bully niya


o 34% ang gumawa ng paraan upang mahadlangan ang komunikasyon sa bully
34% ang nagsabi sa mga kaibigan ukol sa pambu-bully
o 29% ang walang ginawang anuman ukol sa pambu-bully
o 28% ang nag-sign-ofiline 11% lang ang nagsabi sa magulang ukol sa
nangyayaring cyberbullying

o Ano ang maaaring gawin ng isang taong nabiktima ng cyberbullying?

Ang cyberbullying, tulad din ng iba pang uri ng bullying ay nagkakaroon ng


matitinding epekto sa buhay at pagkatao ng biktima kaya ipinapayo ng mga ekspertong hindi
dapat basta manahimik lang ang sinumang nakararanas ng ganitong pangyayari sa buhay.
Ipinapayo ni Sonnie Santos, isang eksperto sa cyberbullying ang pagsasagawa ng alinman
sa sumusunod, depende sa sitwasyon o pangangailangan.

o Laging kunan ng screenshot ang mga nakasisirang mensahe at i-save ito


para magamit bilang ebidensiya o katibayan sa ginawang pambu-bully.

o Ipaalam sa mga kapamilya ang mga pangyayari o pag-atake.

o I-report sa awtoridad tulad ng guro o guidance counselor kung sa paaralan ito


nangyayari o sa Human Resources kung ang pambubu-bully ay nangyayari sa
trabaho.

o I-report sa pamunuan ng social media (tulad ng Facebook o Twitter) ang


nangyayari upang magawan nila ng karampatang hakbang.

o Magpalit ng numero ng telepono kung cell phone ang ginagamit sa pag-atake


o pambu-bully.
o I-deactivate ang lahat ng social media account at huwag munang mag-online
pansamantala. Gayumpaman, magtalaga ng kapamilya o kaibigang magmo-
monitor sa mga pangyayari sa online.
o Sumangguni sa propesyonal na tagapayo kung kinakailangan.
o Suportahan ang mga grupong nagla-lobby para sa isang batas patungkol sa
cyberbullying o harassment para sa lahat at hindi lang para sa kabataang wala
pa sa tarnang gulang. Kaugnay nito, isang batas ang ipinasa sa mababang
kapulungan ukol sa pagpaparusa sa mga taong nasasangkot sa cyberbullying

8
gamit ang social media. lto ang Social Media Regulation Act of 2014 na ipinasa ni
Leyte Rep. Sergio Apostol upang matulungan ang mga biktima ng pambu-bully
gamit ang social media. Sa nasabing batas, ang tao o mga taong
mapatutunayang nagkasala ng cyberbullying ay mapapatawan ng mula anim
hanggang labindalawang taong pagkabilanggo. Maaari din silang magmulta ng
mula PHP30,000 hanggang PHP50,000.

Kung sakaling mabiktima ng cyberbullying, gumawa ng mga hakbang upang mahinto


ito. Huwag basta manahimik at sa halip ay magsuplong sa kinauukulan. Maaaring makipag-
ugnayan sa National Bureau of Investigation sa ccd@nbi.gov.ph o tumawag sa telepono
bilang 521-9208 local 3429 (para sa kaniIang hepe) o sa 3497 (para sa mga kawani).

o May pag-asa pa bang makabangon mula sa Cyberbullying?

Ang pagiging biktima ng cyberbullying ay hindi katapusan ng mundo. Maraming


biktima ang nagtagumpay na malampasan ang ganitong kalagayan sa sarili nilang
pagsisikap, matibay na pananalig sa Diyos, at sa tulong ng mga taong nagmalasakit upang
sila’y muling makabangon mula sa masakit na karanasan. Isa sa mga ito si Paula Jamie
Salvosa, ang babaeng binansagang “Amalayer girl” nang makunan ng video ang pasigaw
niyang pakikipagtalo sa babaeng guwardiya ng LRT habang paulit-ulit niyang sinasabi ang
“Do you think I’m a liar.” Nang mai-post ang videong ito ay naging viral ito sa Internet at
umani ng napakaraming bashing ang “Amalayer girl.” Halos hindi niya nakayanan ang mga
pangungutya, gaIit, at pagbabantang natanggap mula sa mga netizen na nakapanood ng
video. Nahusgahan ang -kanyang pagkatao nang dahil sa video at ang pangyayaring ito ay
bumago sa takbo ng kanyang bhay. Masakit ang pinagdaanan niya subalit napatunayan
niyang ang panahon nga ang pinakamabisang lunas. Sa paglipas ng panahon ay unti-unting
nalimot ng tao ang pangyayari at kasabay nito’y unti-unti rin siyang nakabangon sa mapait
na karanasan. Ngayon siya’y aktibo sa kanilang simbahan at nangangaral ng salita ng
Diyos. Marami pang ibang tulad ni Salvosa na nabiktima rin ng cyberbullying ang
nakabangon at nabigyang-pagkakataong ipagpatuloy ang kanilang buhay.

9
Mga Gawaing Pampagkatuto

Gawin 1. Kilalanin mo!

Panuto: Tukuyin ang tamang sagot ng mga sumusunod na pahayag sa ibaba. Isulat ang
sagot sa inyong sagutang papel.

_____1. Ito ang uri ng tekstong impormatibong nagbibigay paliwanag kung paano o bakit
naganap ang isang bagay o pangyayari.
_____2. Ito ang uri ng tekstong impormatibong inilalahad ang mga totoong pangyayaring
naganap sa isang panahon o pagkakataon.
_____3. Isa sa mga elemento ng tekstong impormatibo na tinatawag na organizational
markers.
_____ 4. Ito ay isang uri ng babasahing di piksyon.
_____ 5. Ito ang uri ng tekstong impormatibong nakalahad ang mahahalagang kaalaman
impormasyon patungkol sa tao, hayop, iba pang bagay na nabubuhay
at di nabubuhay, gayundin sa mga pangyayari sa paligid.

Gawain 2. Ihayag mo!

Panuto: Gamit ang graphic organizer sa ibaba sagutan ang tanong na; Ano-ano ang mga
katangian at kalikasan ng tekstong impormatibo? Gawing basehan ang mga binasa at
tinalakay sa pagpuno ng mga kahon sa ibaba. Isulat sa inyong sagutang papel.

Ang Tekstong
Impormatibo ay ……

10
Gawain 3. Tara tayo ay magsulat!
Panuto: Ngayon ay ikaw naman ang sumulat ng sarili mong halimbawa ng tekstong
impormatibo. Dahil katotohanan at hindi sarili mong opinyon ang pagbabatayan sa
iyong isusulat, mangangailangan ito ng pagkuha o pangangalap ng datos upang
mapaunlad ang tekstong iyong isusulat. Maari kang mag-isip ng sariling paksang
susulatin na ihihingi mo ng pahintulot sa iyong guro o maaari kang pumili ng
alinman sa mga paksang nakalahad sa ibaba:

 Mga paraan ng pagpapanatiling malusog ang katawan


 Paglalakbay sa iba’t ibang lugar sa bansa kahit limitado ang badyet
 Pagsisimula ng isang negosyong puwedeng pagkakitaan kahit nag-aaral pa lamang
 Epekto sa katawan ng mga pagkaing na-proseso tulad ng de-lata, instant noodles, at iba
pa.
 Mga puwedeng gawin upang mas madaling maunawaan ang mga paksang pinag-aralan
at makakuha ng mas magagandang marka sa paaralan
 Isang balitang local na personal mong nasaksihan
 Sarili mong paksa______________________

Gawing gabay ang rubrics sa ibaba para sa iyong susulating tekstong impormatibo.

Puntos Pamantayan

4 Ang tekstong impormatibo ay siksik sa mga bagong kaalamang nakabatay sa


mga angkop na datos mula sa pananaliksik.

3 Ang tekstong impormatibo ay may taglay na mga bagong kaalamang nakabatay


sa mga angkop na datos mula sa pananaliksik.

2 Ang tekstong impormatibo ay may taglay na ilang bagong kaalamang nakabatay


sa ilang mga datos mula sa pananaliksik.

1 Ang teksto ay hindi maituturing na impormatibo dahil wala itong mga bagong
kaalamang taglay at wala ring mga datos na pinagbatayan kundi pawang
opinyon lamang.

11
Gawain 4. 3-2-1 tsart
Panuto: Punan ang 3-2-1 tsart ng iyong mga natutunan hinggil sa Tekstong Impormatibo.
Isulat ang iyong sagot sa sagutang papel.

Ang natutunan ko…

1. ___________________________________
bagay
3 na natutunan
2. ___________________________________
3. ___________________________________

Mga bagay na nakapukaw sa aking interes…


bagay na
1. ___________________________________
2 naka pukaw
ng interes 2. ___________________________________

Kailangan ko pang matutunan ang…

bagay 1. ___________________________________
1 na nakapag-
papalito

12
Susi sa Pagwawasto

Gawain 3
Ang sagot ay maaring magkaiba

Gawain 2
Ang sagot ay maaring magkaiba

Gawain 1
1. Pagpapaliwanag

2. Paglalahad ng totong pangyayari/kasaysayan

3. Pangunahing ideya

4. Tekstong Impormatibo

5. Pag-uulat pang-impormasyon

13
Sanggunian

Aklat:

Alma M. Dayag & Mary Grace G. del Rosario. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto
Tungo sa Pananaliksik. Quezon City: Pinagyamang Pluma 11 (k to 12), 2016

Published by the Department of Education, Caraga Region


Schools Division Office of Surigao City
Schools Division Superintendent: Karen L. Galanida
Assistant Schools Division Superintendent: Florence E. Almaden

Bumuo sa Pagsusulat ng Learning Activity Sheets (LAS)


Manunulat : Mary Jane A. Cacao
Editor : Klaim G. Dumaicos
Tagasuri : Filipina F. Meehleib
Fe M. Clerigo
Alexander N. Dubduban
: Daisy M. Solante
Tagaguhit : Alexander N. Dubduban
Tagapamahala : Karen L. Galanida
Florence E. Almaden
Noemi D. Lim
Carlo P. Tantoy
Filipina F. Meehleib

Printed in the Philippines by the Schools Division Office of Surigao City


Office Address : M. Ortiz Street, Barangay Washington
: Surigao City, Surigao del Norte, Philippines
Telephone : (086) 826-1268; (086) 826-3075; (086) 826-8931
E-mail Address : surigao.city@deped.gov.ph

14

You might also like