You are on page 1of 14

Iglesia Filipina Independiente

Parokya ng Nuestra Seńora Del Rosario


Culianin, Plaridel, Bulacan

LITURHIYA PARA SA
LINGGO NG MGA PALASPAS

Marso 2024

1
LITURHIYA PARA SA
LINGGO NG MGA PALASPAS

Ang Paghahanda

Dala ang kanilang mga palaspas, ang mga tao ay magtitipon sa isang lugar ng may
katamtamang layo mula sa bahay-sambahan, upang doon gagawin ang panimulang
liturhiya: ang pagbabasbas ng mga palaspas at ang prusisyon patungo sa bahay-
sambahan bilang paggunita sa matagumpay na pagpasok ng Panginoon sa Herusalem.

Ihahanda ang isang mesa upang doon ilalapag ang mga palaspas. Ihahanda rin ang mga
bendita at insenso. Pagsapit sa takdang oras, nakatayo ang lahat sa paligid ng mesa, at
ang pari, na nakasuot ng pula ay tatayo sa gitna. Bilang pasimula, maaaring umawit ang
koro ng isang angkop na imno. Pagkatapos sasabihin ng pari ang sumusunod:

Pari Mga ginigiliw sa Panginoon,


Sa loob ng limang linggo ng kwaresma, tayo ay naghahanda sa
pamamagitan ng ating pagsisisi, pananalangin at pagkawanggawa upang
ipagdiwang ang hiwaga ng Paskwa ng ating Panginoon. Ngayon, tayo ay
nagkakatipon-tipon; upang ito’y taimtim na pasimulan sa pagkakaisa ng
buong simbahan.

Sa araw na ito, ang ating mapagpalang Panginoon ay buong tagumpay


na pumasok sa lungsod ng Herusalem bilang Mesiyas: para magdusa,
mamatay at muling bumangon mula sa kamatayan.

Halina’t ating ipagdiwang ng may kagalakan at pamamanata ang isang


linggo ng Paskwa, at ang pagpasok ng Panginoon sa Herusalem, tayo na
at sumunod sa Panginoon ng may matibay na pananampalataya. At ating
ipahayag Siya bilang ating tagapagligtas at ating hari, upang tayo’y
mapasama sa kanyang buhay at kamatayan sa Krus. At tayo’y
makibahagi sa kanyang maluwalhating pagkabuhay.
Lahat Osana sa Anak ni David, mapalad siya na dumarating sa Pangalan ng
Panginoon.
O Hari ng Israel: Osana sa kaitaasan!

Pari Ang Panginoon ay sumainyo.


Bayan At sumainyo rin.

Pari Tayo’y manalangin.

2
O Panginoong Diyos na aming kaligtasan, kami ay tulungan at
patnubayan ng may kaawaan: upang kami ay makapasok ng may
kagalakan, sa paggunita iyong pambihirang gawa, kailanman kami ay
bibigyan mo ng buhay na walang hanggan; sa pamamagitan ni
Hesukristong aming Panginoon. Amen

ANG PAGBASA NG EBANGHELYO

Sa bahaging ito, babasahin ng pari o diyakono o di kaya ng isang lay reader ang
ebanghelyo sa pagpasok ni Hesukristo sa templo ng Herusalem. Pagkatapos, sasabihin
ng pari ang pagbabasbas ng mga palaspas.
Taon A: Mateo 21:1-11
Taon B: Marcos 11:1-11a
Taon C: Lukas 19:29-40

ANG PAGBABASBAS NG MGA PALASPAS

Pari Ang Panginoon ay sumainyo.


Bayan At sumainyo rin.

Pari Magpasalamat tayo sa Panginoong Diyos.


Bayan Nararapat na siya’y purihin at pasalamatan.

Pari Nararapat na purihin ka namin, Makapangyarihang Diyos. Nang dahil sa


iyong dakilang pag-ibig kami ay iyong tinubos sa pamamagitan ng iyong
Anak na si Hesukristong aming Panginoon. Ngayong araw na ito, siya ay
pumasok sa banal na lungsod ng Herusalem ng buong tagumpay at
ipinahayag na Hari ng mga Hari, ng sambayanang naglatag ng kanilang
mga kasuotan at mga sanga ng olibo sa kanyang daraanan. Tulutan Mo,
Panginoon, na ang mga palaspas na ito ay maging palantandaan ng
iyong tagumpay. At pagkalooban mo, na ang mga may dala nito, ay
dumakila sa iyong Pangalan at ipahayag ka naming bilang aming hari, at
nawa’y makasunod kami sa kanya, sa daan ng buhay na walang
hanggan: siya na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu
Santo, ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen.

Wiwisikan ng Pari ang mga palaspas. Samantala ay bibigkasin ng koro at bayan ang mga
sumusunod na mga kataga ng Pueri Hebaeorum:

Koro Ang mga batang Hebreo ay naglatag sa daan ng kanilang mga kasuotan,
sumigaw at nagsabing: Osana sa Anak ni David; purihin ang dumarating
sa Pangalan ng Panginoon.

3
Bayan Ipalakpak ninyo ang mga kamay, kayong lahat ng mga bayan. Sa Diyos
ay magsihiyaw kayo ng tinig ng kagalakan. Ang Panginoon ay nasa
kaitaasan, at siya,y karapat-dapat na katakutan; siya’y dakilang hari ng
sandaidigan.

Koro Ang mga batang Hebreo na may tangan na mga sanga ng olibo ay
lumabas upang kanilang salubungin ang Panginoon; sila’y sumisigaw at
nagsasabi: Osana sa Kaitaasan!
Bayan Kanyang ipinasuko sa atin ang mga bayan at ang mga bansa ay kaniyang
ipinagapi sa ilalim ng ating mga paa. Ipinili niya tayo ng mga pamana;
mana na ikararangal ni Jacob na kanyang minamahal.

Koro Ang mga batang Hebreo na may tangan ng mga sanga ng olibo ay
lumabas upang kanilang salubungin ang Panginoon, sila’y sumisigaw at
nagsasabi: Osana sa Kaitaasan!
Bayan Pumailanlang ang Diyos na may hiyawan; ang Panginoon ay
sumahimpapawid na kasabay ng tunog ng palakpak. Magsi-awit kayo ng
mga papuri sa Diyos, idalit nyo ang kanyang karangalan. Sa ating hari,
kayo ay magsi-awit ng papuri.
Koro Ang mga batang Hebreo na may tangan na mga sanga ng olibo ay
lumabas upang kanilang salubungin ang Panginoon; sila’y sumisigaw at
nagsasabi: Osana sa Kaitaasan!
Bayan Ang Bathala ay Hari ng buong sansinukob; kayo’y umawit sa
pamamagitan ng mga salmo. Naghahari ang Diyos sa mga bansa; naupo
ang Diyos sa kanyang banal na luklukan.

Koro Ang mga batang Hebreo na may tangan na mga sanga ng olibo ay
lumabas upang kanilang salubungin ang Panginoon; sila’y sumisigaw at
nagsasabi: Osana sa Kaitaasan!
Bayan Ang mga prinsipe ng mga bayan ay nangagkatipon bilang bayan ng Diyos
ni Abraham. Siya ay Diyos na lubhang dakila; Kanyang alipin lamang ang
mga prinsipe sa buong kalupaan.

Koro Ang mga batang Hebreo na may tangan na mga sanga ng olibo ay
lumabas upang kanilang salubungin ang Panginoon; sila’y sumisigaw at
nagsasabi: Osana sa Kaitaasan.
Bayan Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo. Katulad noong una,
ngayon at magpakailanman, at magpasawalang hanggan. Siya nawa.

Koro Ang mga batang Hebreo na may tangan na mga sanga ng olibo ay
lumabas upang kanilang salubungin ang Panginoon; sila’y sumisigaw at
nagsasabi: Osana sa Kaitaasan.

4
Ang Prusisyon

Paghahanda para sa Prosisiyon. Ilalagay ang kamanyang sa lalagyan.

Pari Humayo tayo sa kapayapaan.


Bayan Sa Ngalan ng Kristo. Amen.

Itataas ng lahat ang kani-kanilang palaspas at sasabihin:

Lahat OSANA SA KAITAASAN! MAPALAD ANG DUMATING SA NGALAN NG


PANGINOON! OSANA SA KAITAASAN!

Aayusin kaagad ang hanay para sa prusisyon. Mauuna sa prusisyon ang mga seryales at
mga bata. Habang naglalakad patungo sa bahay-sambahan, maaaring may mga bata na
magsasabog ng mga bulaklak at papatunugin ang kampanaa kapag papalapit na ang
prusisyon sa bahay-sambahan. Hawak-hawak ng mga tao ang kanilang mga palaspas, at
aawit ng mga imno. Pagdating ng prusisyon sa bahay sambahan; haharap ang pari sa
madla habang nakasara ang pinto nito, sasabihin niya ang sumusunod:

Koro Mabuhay ang kaharian ng Anak ni David na manunubos ng daigdig.


Ipinangako ng mga banal na propeta noong unang panahon upang
maging Tagapagligtas ng sambayanang Israel.

Osana sa anak ni David. Mapalad ang dumarating sa pangalan ng


Panginoon. Osana sa Kaitaasan!

Lahat Magdiwang ang lahat ng mga nilikha, pumalakpak kayong may awit at
tuwa; bilang papuri sa Diyos na dakila. Ang Diyos na si Yahweh, kataas-
taasan, ay dakilang Haring dapat katakutan; siya’y naghahari sa
sangkatauhan.

Tayo ay pinagwagi sa lahat ng tao, sa lahat ng bansa ay mamahala tayo;


siya ang pumila ng ating tahanan; ang lupang minana ng mga hinirang.
Umakyat sa trono ng Panginoong Diyos, hatid ng trumpetang malakas
ang tunog, masayang sigawan ang ipinansuob.

Purihin ang Diyos; siya ay awitan; awitan ang hari, siya ay papurihan.
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa, awitan at purihin ng mga
nilikha. Maghahari siya sa lahat ng mga bansa, magmula sa tronong
banal at dakila.

Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham, sasama ang madlang pamunuan;


ng lahat ng bansa sa sandaigdigan, ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos, na hari ng tanan.
5
Maaring awitin ang “All Glory”. Aawitin ito ng tugunan, koro na nasa loob at mga bata o
bayan na nasa labas

Ang Pagpasok

Kukunin ng Pari ang krusipiho at itutuktok niya ito ng makatatlo sa pinto. Bubuksan ang
pinto ng yaong mga nasa loob. Bago pumasok ang lahat, gagawin muna ang panalangin:

Pari Ang Panginoon ay sumainyo.


Bayan At sumainyo rin.

Pari Tayo’y manalangin: Makapangyarihang Diyos, ang iyong pinakamamahal


na Anak ay nagpakasakit at nagpakamatay para sa amin: Ipagkaloob mo
na sa aming paggunita ngayon ng kanyang pagpasok sa Herusalem
upang harapin ang kanyang kamatayan para sa aming kaligtasan, amin
nawang matagpuan ang tanging daan ng buhay at kapayapaan; sa
pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon.
Bayan Amen.

Papasok ang mga tao. Sagutan o sabay-sabay na basahin ang susunod na bahagi ng
Salmo 118.

Lahat Ang mga pintuan ng banal na templo’y inyo ngayong buksan, ako ay
papasok, at itong si Yahweh itong papurihan, ito yaong pintong pasukan
ni Yahweh, Ang Panginoong Diyos; tanging ang matuwid ang
pababayaang doon ay makapasok. Aking pinupuri Ikaw, O Yahweh,
yamang pinakinggan, dininig mo ako’t pinapagtagumpay. Ang batong
natakwil ng yirahan-bahay, sa lahat ng bato ay higit mahusay. Ang lahat
ng ito ang nagpamalas ay ang Diyos na si Yahweh, kung iyong
mamasdan ay kawili-wili.

O kahanga-hanga ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay, tayo ay


magalak, ating ipagdiwang. Kami ay iligtas, tubusin mo Yahweh, kami ay
iligtas, at pagtagumpayin kami sa layuni’t hangad. Ang pumarito sa
ngalan ni Yahweh ay pagpapalain; magmula sa templo, mga pagpapala’y
kanyang tatanggapin. Si Yahweh ang Diyos, pagkabuti niya sa mga
hinirang.
Tayo ay magtaglay ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang at tayo’y
lumapit sa dambanang banal. Ikaw ay aking Diyos, kaya naman ako’y
nagpapasalamat, ang pagkadaakila mo ay ihahayag. O pasalamatan ang

6
Diyos na si Yahweh, pagkat siya’y mabuti, ang kanyang pag-ibig ay
napakatatag at mananatili at magpakailanman.

Ang mga tao ay tutungo sa kani-kanilang mga upuan. Ang Pari ay tutungo sa kanyang
pwesto sa may dako ng atar upang simulan ang pagdiriwang ng Banal na Misa, sa may
bahagi ng panalangin para sa araw ng ipinagdiriwang.

ANG PANALANGIN NG ARAW

Pari Ang Panginoon ay sumainyo.


Bayan At sumainyo rin.

Pari Tayo’y manalangin.

Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, Sa tindi ng iyong pag-ibig


sa sangkatauhan ay isinugo mo ang iyong Anak, upang kami ay sagipin at
magdusa na kamatayan sa krus, bilang pagpapakumbaba at pagbibigay
halimbawa. Buong pagkahabag na loobin mo na kami ay makasunod sa
kanyang pagdurusa at mkibahagi sa kanyang pagkabuhay; siya na
nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos,
ngayong at magpakailanman. Amen

PAGBASA MULA SA LUMANG TIPAN


Isaias 45:21-25 Isaias 52:13-53:12

Uupo ang lahat at taimtim na pakinggan ang mga banal na pagbasa.

Lahat O Diyos ko! O Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan? Masidhi ang
pagtaghoy ko upang ako ay tulungan, ngunit hindi dumarating ang
saklolong hinihintay.

Araw-gabi dumaraing, tumatawag ako, O Diyos, hindi ako mapanatag, di


ka pa rin sumasagot. Ikaw yaong pinutungang tanging banal, walang iba,
dinakila ng Israel, pinupuri sa twina;

Sa iyo ang lahi nami’y nagtiwala at umaasa, nagtiwala silang lubos,


iniligtas mo nga sila. Noong sila ay tumawag, ang panganib ay nawala,
lubos silang nagtiwala at di naman napahiya.

Tila ako’y isang uod at hindi na isang tao, kung makita’y inuyam,
nagtatawa kahit sino. Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito: “Nagtiwala siya sa Diyos, ang
patnubay magmula sa pagkabata, ako’y iyong iningatan. Kaya naman

7
mula noon, sa iyo na umaasa, sapul noon ikaw na lang ang Diyos na
kinilala.

H’wag mong lilisanin, huwag mo akong talikdan, pagkat walang saklolo sa


panganib na daratal.

PAGBASA MULA SA BAGONG TIPAN Filipos 2:5-11

Pagkatapos ng pagbasa ng Epistola ang lahat ay tatayo. Isang angkop na hinmo ang
aawitin.

ANG PAGBASA NG PASYON

Ang Pasyon ay maaaring basahin o awitin ng mga layko. Ipapaganap sa kanila ang iba’t-
ibang tauhan ng nasabing Pasyon. Manatiling nakaupo ang mga tao hanggang sa
bahaging Pasyon kung saan binabanggit ang pagdating ni Hesus sa may Kalbaryo. Sa
bahaging ito, tatayo ang mga tao habang patuloy na binabasa ang Pasyon.

Ang pagbasa ng Pasyon ay sisimulan sa pagbigkas ng ganitong pambungad: “ANG


PASYON NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO AYON KAY..”
Taon A: Mateo 26:36-27:554 / 27:1-54
Taon B: Marcos 14:32-15:39 / 15:1-39
Taon C: Lukas 22:39-23:49 / 23:1-49
Sa araw na ito ay walang Sermon at hindi bibigkasin ang Kredo. Magpatuloy ang Misa sa
bahagi ng Kapayapaan.

ANG KAPAYAPAAN

Pari Mga kapatid, tayo ang katawan ni Kristo: sa pamamagitan ng isang


Espiritu tayong lahat ay pinag-isang katawan ng tayo ay binyagan.
Bayan Ingatan natin ang pagkakaisa na dulot ng Espiritu sa bigkis ng
kapayapaan.

Pari Lagi nawang sumainyo ang kapayapaan ng Panginoon.


Bayan At sumainyo rin.

Ang lahat ay magbibigayan o magkamayan sa isa’t-isa ng Bati ng Kapayapaan.

ANG PAGHAHANDOG NG MGA ALAY

Pari Mag-aalay tayo ng hain ng pasasalamat at tatawag sa Pangalan ng


Panginoon. Aawit tayo at magsasalita ng papuri sa Panginoon.

8
Lilikumin ang mga handog, at ang altar ay ihahanda. Dadalhin sa altar ang mga lalay.
Tatayo ang mga tao.

ANG PAGHAHANDOG NG MGA ALAY

Ilalapag ang mga alay, tinapay, at alak, pagkatapos, sasabihin ang mga sumusunod:

Lahat Walang hanggang Diyos, idinudulog naming sa iyo ang mga handog na
alay, tinapay at alak. Marapatin Mong tanggapin ito bilang tanda ng pag-
aalay ng aming sarili sa Iyo. Nawa’y sa pamamagitan nito, matanggap
naming ang lahat ng Iyong kaawaan, mabuklod kami sa bigkis ng pag-
iibigan at mapaging-bago kami sa paglilingkod sa Iyo sa bias ng
Sakramento ng Katawan at Dugo ng Iyong Anak na si Hesukristo.
Bayan Amen.

Babalik sa kanilang mga upuan ang mga nag-alay. Aawit ang koro para sa pagsusuob ng
insenso. Manaliting nakatayo ang mga tao.

ANG DAKILANG PASASALAMAT

Pari Ang kagandahang loob ng Panginoon ay mananatiling walang hanggan


sa mga may takot sa kanya, at ang Kanyang pagkamatuwid sa sali’t-
saling lahi;
Bayan Maging sa mga sumusunod sa Kanyang tipan, at nakaala-alang sumunod
sa Kanyang kautusan.

Pari Itinatag ng Panginoon ang Kanyang luklukan sa langit; at ang Kanyang


paghahari ay sumasaklaw sa lahat.
Bayan Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat Niyang mga anghel; kayong
may lakas at kapangyarihan na tumatalima sa Kanyang Salita.

Pari Purihin ninyo nag Panginoon, kayong lahat Niyang mga hukbo. Kayong
mga lingkod Niya na sumusunod sa Kanyang kalooban.
Bayan Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat Niyang mga gawa sa lahat ng
dako na Kanyang nasasaklawan, purihin ang Panginoon!
Pari Ang Panginoon ay sumainyo.
Bayan At sumainyo rin.

Pari Itaas ang inyong mga puso.


Bayan Itinataas namin sa Panginoon.

Pari Magpasalamat tayo sa ating Panginoong Diyos.


Bayan Nararapat na siya’y ating pasalamatan at purihin.

9
Pari Tunay na marapat, aming tungkulin at kaligayahan, lagi at saan man na
magpasalamat sa iyo, o Panginoon, banal na Ama makapangyarihan at
walang hanggang Diyos.

Itinakda Mo na ang kaligtasan ng sangkatauhan ay maganap sa


pamamagitan ng Krus na kahoy: Ang punong kahoy ng paglupig ng tao
ay naging Punong kahoy ng kanyang tagumpay; Kung saan natapos ang
kanyang buhay, doon din ito masasauli, sa pamamagitan ni Hesukristong
aming Panginoon:

Kaya nga, kasama ang mga anghel at mga arkanghel, at lahat ng


kalipunan ng langit, buong kagalakan naming ipinahahayag ang iyong
kaluwalhatian, laging nagpupuri sa Iyo at nagsasabing:

Lahat Banal, banal, banal na Panginoon, Diyos na makapangyarihan at lakas,


ang langit at lupa’y puspos ng iyong kaluwalhatian, Osana sa kaitaasan.
Pinagpala ang dumarating sa Pangalan ng Panginoon. Osana sa
kaitaasan.

Magpapatuloy ang Pari, habang nanatiling nakatayo ang lahat:

Banal at butihing Ama, sa Iyong walang hanggang pag-ibig ay nilalang Mo


kamin para sa Iyong sarili; nang kami’y nagkasala at napaalipin sa
kasamaan at kamatayan, sa awa mo’y isinugo Mo si Hesukristo, na Iyong
bugtong at walang hanggang Anak, upang maging taong tulad namin,
upang mabuhay at mamatay bilang isa sa amin, at muling ipagkasundo
kami sa Iyo, ang Diyos at ang Ama ng lahat. Siya ay ipinako sa krus, at
nag-alay ng Kanyang sarili, na isang ganap na hain para sa
sangkatauhan bilang pagsunod sa Iyong kalooban.

Sa mga sumusunod na salita hinggil sa Tinapay at Kalis, ipapatong ng Obispo at Pari ang
kanilang mga kamay sa ibabaw ng Tinapay at Kalis.

Sapagkat ng gabing siya’y ipinagkanulo, kumuha siya ng tinapay: at ng


siya’y makapagpasalamat sa iyo. Ito’y kanyang piniraso, at ibinigay sa
kanyang mga alagad at sinabi,

“Kunin, kanin, ito ang aking katawan na ipinagkakaloob ko sa inyo.


Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.”

Matapos ang hapunan ay kinuha niya ang kalis, at nang siya’y


makapagpasalamat, ito’y kanyang ibinigay sa kanila at sinabi,

10
“Inumin ninyo ito, kayong lahat, sapagkat ito ang aking dugo ng
bagong tipan na ibinubuhos para sa inyo at para sa marami sa
ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Kailanman at inumin ninyo ito
ay gawin sa pag-alaala sa akin.”

Sasabihin ng lahat sa malakas na tinig:

Lahat SI KRISTO AY NAMATAY.


SI KRISTO AY NABUHAY.
SI KRISTO AY MULING DARATING.

Magpapatuloy ang Pari

Pari Aming ginaganap ang pag-alaala sa pagkaligtas sa amin O Ama, sa haing


ito ng papuri at pasasalamat, at ini-aalay namin sa Iyo ang mga handog
na ito.

Pakabanalin Mo ang mga ito sa pamamagitan ng Iyong Espiritu Santo


upang, para sa Iyong Bayan, maging Katawan at Dugo ng Iyong Anak, na
siyang banal na pagkain at inumin bago at walang katapusang buhay sa
Kanya. Pakabanalin Mo rin kami upang buong katapatan naming
tanggapin ang banal na Sakramentong ito, at mapaglingkuran Ka ng may
pagkakaisa, katatagan at kapayapaan; at sa huling araw ay dalhin Mo
kami kasama ng lahat ng Iyong mga banal sa kaligayahan ng Iyong
walang hanggang kaharian. At ang lahat ng ito’y aming isinasamo sa
pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesukristo; sa pamamagitan Niya, at
kasama Niya, at sa Kanya, na kaisa ang Espiritu Santo,
Itataas ng Obispo ang Tinapay at Kalis. Luluhod ang mga tao at mananatiling tahimik ng
ilang sagit.

Pari Ang lahat ng karangalan at kaluwalhatian ay sa Iyo, O Amang


makapangyarihan, ngayon at magpakailanman.

Sasagot ang bayan ng malakas.

Bayan AMEN!

ANG AMA NAMIN

Pari Tulad ng itinuro sa atin ng ating tagapagligtas na si Hesukristo, tayo’y


manalangin

11
Lahat Ama namin sa langit, sambahin ang ngalan Mo, sumapit nawa ang
kaharian Mo, sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit. Bigyan
mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. Patawarin Mo ang
aming mga kasalanan tulad ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa
amin. Huwag Mo kaming ipahintulot sa pagsubok kundi iadya mo kami sa
masama. Sapagkat sa Iyo nagmumula ang kaharian, at kapangyarihan at
ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. AMEN.

ANG PANALANGIN NG KAPAYAPAAN

Pari Panginoon, isinasamo namin sa Iyo na iligtas kami sa lahat ng masama at


ipagkaloob Mo sa amin ang iyong kapayapaan sa panahon namin. Sa
tulong ng iyong awa ay ilayo kami sa pagkakasala at iligtas sa ligalig; sa
pamamgityan ng Iyong Anak na si Hesukristo na aming Panginoon, na
nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ang Espiritu, iisang Diyos,
ngayon at magpakailanman.
Bayan Amen.

Pagkatapos, luluhod ang lahat at dito ay pipirasuhin ng Obispo at mga katuwang ang
tinapay habang aawitin ng mga tao ang mga susmusunod.

ANG KORDERO

Lahat Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,


Maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Ipagkaloob mo sa amin ang iyong kapayapaan.

ANG PANALANGIN NG PAGPAPAKUMBABA

Lahat Dumudulog kami sa Iyong hapag, maawaing, Panginoon, na hindi


nagtitiwala sa sarili naming pagkamatuwid, kundi sa iyong marami’t
dakilang awa. Hindi kami karapat-dapat na mamulot ng mga mumo sa
ilalim ng Iyong hapag.

Subalit likas sa Iyo ang pagmaunawain: Ipagkaloob mo sa amin, kung


gayon butihing Panginoon, na aming tanggapin ang katawan ng iyong
12
mahal na Anak na si Hesukristo, at inumin ang kanyang Dugo upang kami
na pinalalakas at pinagiging bagong sa kanyang buhay ay Manahan sa
kanya, at siya’y sa amin magpakailanman. Amen.

ANG KOMUNYON

PARI ANG MGA KALOOB NG DIYOS PARA SA BAYAN NG DIYOS. KUNIN


NINYO ANG MGA ITO SA PAG-ALAALA NA IBINIGAY NI KRISTO ANG
KANYANG SARILI PARA SA INYO, AT TANGGAPIN NINYO SIYA SA
IYONG MGA PUSO SA PAMAMAGITAN NG PANANAMPALATAYA, NG
MAY PASASALAMAT.

Uupo ang lahat para sa komunyon. Ang lahat ng nais makinabang ay maari lamang pumila
sa mga nakatakdang lugar. Aawitin ang mga himno o awitng pangkomunyon.

ANG PANALANGIN PAGKATAPOS NG KOMUNYON

Tatayo ang mga tao, ang pari nama’y pupuntaa sa gitna, tatayo na nakatayo sa harap ng
mga tao.

Pari Ang Panginoon ay sumainyo.


Bayan At sumainyo rin.

Pari Tayo’y manalanggin.


Lahat Makapangyarihang Diyos, pinasasalamatan Ka namin sapagkat kami’y
Iyong pinakain ng pagkaing espiritwal: ang kamahal-mahalang Katawan
at Dugo ng aming Tagapagligtas na si Hesukristo. At sa mga banal na
misteryong ito ay tiniyak Mo na kami’y mga buhay na bahagi ng katawan
ng Iyong Anak, at tagapagmana ng kanyang walang hangggang kaharian.
Ngayon Ama, isugo Mo kami upang gawin namin ang tungkuling ini-atas
Mo sa amin, upang ikaw ay ibigin at paglingkuran at ang aming kapwa
bilang mga tapat na saksi ni Kristong aming Panginoon: sa Kanya, sa Iyo,
at sa Espiritu Santo, ang lahat ng karangalan at kaluwalhatian ngayon at
magpakailanman. Amen.

ANG PAGHAYO

Luluhod ang lahat para sa pagpapala.

Pari Ang kapayapaan ng Diyos na di malirip ng buong pang-unawa, matatag


na ingatan kayo sa kaalaman at pag-ibig sa Diyos, at sa Kanyang Anak
na si Hesukristo na ating Panginoon.
13
At ang pagpapala ng makapangyarihang Diyos: ang Ama, ang Anak, at
ng Espiritu Santo, nawa’y sumainyo at laging manatili sa inyo, ngayon at
magpakailanman.
Bayan Amen.

Kaagad na tatayo ang mga tao, at sasabihn ng pari ang mga sumusunod:

Pari Ang Panginoon ay sumainyo.


Bayan At sumainyo rin.

Pari Ngayon din ay humayo kayo upang ibigin at paglingkuran ang Panginoon
at ating kapwa.
Bayan Salamat sa Diyos.

Sa bahaging ito ay aawitin ang pangwakas na himno. Nararapat lamang muna na


pumasok ang pari sa sakristiya bago lumabas ang mga tao sa bahay sambahan.

14

You might also like