You are on page 1of 20

ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

St. Gabriel Academy


PAGNINILAY 2024
Pilgrimage 2024-A Faculty Recollection
ANG DAAN NG KRUS

PAUNA (MLC)
N/ Ang Debosyon ng DAAN NG KRUS na ginaganap sa loob ng Kuwaresma ay isang
paghahanda sa muling pagkabuhay ni Hesus. Tayo ay inaanyayahan na magnilay sa mga
hirap, sakit, kamatayan at ng kanyang muling pagkabuhay, para sa ikalalago ng ating
buhay-pangkaluluwa.

N/. Sa ngalan ng +Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.


L/. Amen.

PANIMULA

N/. Natitipon tayo ngayon bilang mga mapagmahal at naglilingkod na mga Alagad ng ating
Panginoong Hesukristo, upang magdiwang at maglakbay na kasama ng Banal na Guro sa
makitid na daan patungo sa buhay na walang hanggan: ANG DAAN NG KRUS, na siya
ring tinahak ni Kristo tungo sa tagumpay ng kanyang muling pagkabuhay. Ang pagiging
Alagad o Disipulo ay nangangahulugan ng pagpapasan ng Krus at pagsunod sa kanya
patungong Jerusalem, kung saan siya maghihirap, ipapako at mamamatay. Ngunit sa
ikatlong araw, mabubuhay sa kaluwalhatian.
Ang daranasin ng ating Guro ang siya rin nating kahihinatnan. Alam natin na napakabigat
ng katumbas ng pagiging isang alagad at nangangailangan ito ng pagkamatay sa sarili; ang
mamatay sa sarili sa piling niya upang matagpuan ang bagong buhay, gaya ng kanyang
sinabi:

“....Malibang mahulog sa lupa ang buto ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga ng
marami..” (Jn 12:24)

Sa simula ng paglalakbay na ito tungo sa pasko ng pagkabuhay ni Hesus: sa kanyang


pagtawid sa kamatayan tungo sa muling pagkabuhay, alalahanin natin ang mga salita ni
San Andres ng Kreta: “Kung walang krus, hindi naipako si Kristo. Kung walang krus, hindi
naipako ang búhay sa puno. At kung hindi naipako dito ang búhay, hindi dadaloy ang
kawalang-kamatayan na umagos sa tagiliran ni Kristo: dugo at tubig sa ikadadalisay ng
sangkatauhan. Kaya kahanga-hangang kadakilaan at kagalang-galang ang krus. Ang krus
ang tinatawag na luwalhati ni Kristo, pinagpupugayan ito bilang kanyang tagumpay.”

HIMNO
SA KAHOY NA KRUS NA BANAL
NI HESUS NA POONG MAHAL
NALUPIG ANG KAMATAYAN
AT SA MULING PAGKABUHAY,
ANG PAG-ASA AY SUMILAY.

St. Gabriel Academy Page 1


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

O kaya:

KRUS FIDELIS
KRUS NA DAKILA, BINHI AT BUNGA
BULAKLAK NA NAGLILIGTAS.
KAHOY AT PAKO, AT KANYANG BIGAT;
LIGAYA NATING HINAHANGAD.

PAMBUNGAD NA PANALANGIN

N/. Halina at sama-sama tayong manalangin upang makasunod kay Kristo.


(tumahimik sandali at magnilay..)

L/. Amang mapagmahal, naghirap alang-alang sa amin ang iyong Anak na si Hesukristo,
binigyan niya kami ng halimbawa, upang makasunod kami sa kanya.

Pinasan niya ang aming mga kasalanan, hanggang sa kahoy na krus upang mula sa
pagkaligtas namin sa kasalanan, ay mabuhay kami sa kabanalan. Kagalingan ang hatid sa
amin ng kanyang mga sugat.

Palakasin mo ang aming loob sa kanyang pagmamahal; patnubayan kami sa kanyang


halimbawa at tulungan kaming tahakin ang daan ng krus, sapagkat handa kaming sumunod
sa kanyang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni
Hesus na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang
hanggan. Amen.

Ang lahat ay magpruprusisyon patungo sa Unang Estasyon).

LEADER: CHARLENE NAPAO

UNANG ESTASYON
ANG HULING HAPUNAN

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

St. Gabriel Academy Page 2


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

+ANG MABUTING BALITA (Lk. 22:14-20)


Ayon kay San Lukas

Noong panahong iyon, dumating na ang oras, dumulog si Hesus sa hapag kasama ng kanyang mga
apostol. At sinabi niya sa kanila, “Malaon ko nang inaasam-asam na makasalo kayo sa Hapunang
Pampaskuwang ito bago ako magbata. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang
sa ito’y maganap sa kaharian ng Diyos.” Hinawakan niya ang isang saro, at matapos magpasalamat
sa Diyos ay ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo na
mula ngayo’y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga’t hindi dumarating ang kaharian ng
Diyos.” At dumampot siya ng tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos, kanyang pinagpira-piraso at
ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang
pag-aalaala sa akin.” Gayon din naman, dinampot niya ang saro pagkatapos maghapunan, at sinabi,
“Ang sarong ito ang bagong tipan ng aking dugo na mabubuhos dahil sa inyo.”

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

(JERICA ALNAS)
PAGNINILAY (EMHC)
(Sandaling katahimikan)
Pasalamatan natin ang ating Panginoong Hesukristo na nagbigay sa atin ng kahanga-hangang
Sakramento ng Pag-ibig—ang Banal na Eukaristia. Sa salu-salong itinatag niya noong unang
Huwebes Santo, ipinakilala niya ang tunay na pagmamahalan na ninanais niyang mangyari sa pagitan
ng mga Kristiyano. Ipinakita niya ang paghahandog ng sarili para sa iba—tulad ng pagpira-piraso ng
tinapay upang pagkatapos ay ibahagi naman ito sa iba.
Walang halaga ang pagbibigay kung ito ay labis lamang sa ating sariling pangangailangan at hindi
natin kailangan, kundi paghahandog at pagbibigay ng bahagi ng ating sarili at buhay kung saan
nararamdaman natin ang sakit ng pagbabahagi nito.

(JANE CUDIAMAT)
PANALANGIN (MLC)
Panginoon, ipinakita mo sa amin ang iyong lubos at walang hanggang pagmamahal sa pamamagitan
ng pag-aalay ng iyong sarili sa krus at higit sa lahat ay ang iyong pananatili sa aming piling hanggang
sa wakas ng panahon sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya. Tulungan mo kaming ibahagi rin sa
iba ang pag-ibig na ibinigay mo sa amin nang walang sukat. Ituro mo sa amin ang tunay na birtud ng
kababaang-loob sa paglilingkod at nawa’y maging lakas namin ang iyong katawan at dugo na
tinatanggap namin sa anyo ng tinapay at alak sa Banal na Eukaristiya patungo sa buhay na walang
hanggan.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati.

AWIT
NARO’N KA BA SA HAPUNAN NG POON?
NARO’N KA BA SA HAPUNAN NG POON?
SA HAPUNAN NG POON...
(JUDY ANN PENILLA)
St. Gabriel Academy Page 3
ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

IKALAWANG ESTASYON
ANG PAGDURUSA NI HESUS
(Ang Panalangin sa Halamanan ng Getsemani)

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA (Lk. 22:39-44)


Ayon kay San Lukas

Noong panahong iyon, gaya ng kinaugalian, umalis si Jeus at nagtungo sa Bundok ng Olibo; at
sumama ang mga alagad. Pagdating doo’y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo, nang hindi kayo
madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila ng may isang pukol ng bato, saka lumuhod at nanalangin:
“Ama,” wika niya, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang sarong ito. Gayunma’y huwag ang kalooban ko
ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at
pinalakas ang loob niya. Tigib ng hapis, siya’y nanalangin nang lalong taimtim; tumutulo sa lupa ang
kanyang pawis na nimo’y malalaking patak ng dugo.

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan.


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

(MISCHEL BONGOSIA)
PAGNINILAY (EMHC)
(Sandaling katahimikan)
Ang ating pagpapabaya sa pangangailangan ng ating kapwa sa sandali ng kanilang pagdurusa ay
nagsasariwa rin ng gabi ng pagdurusa ng ating Panginoon— walang karamay upang magtiyaga, ni
maglaan ng iilang sandali upang samahan siya sa pagdurusa at pananalangin.

(JOY ANN DAGOMAN)


PANALANGIN (MLC)
Ama naming makapangyarihan, ang pag-aalaala namin sa pagdurusa ng iyong Anak sa halamanan
ng Getsemani ay pumukaw nawa sa aming mga puso upang bigyan namin ng pagpapahalaga ang
mga taong nasa aming paligid; damayan sila sa kanilang pangangailangan at akayin sila patungo sa
iyong walang hanggang pag-ibig.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
St. Gabriel Academy Page 4
ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

Luwalhati.

AWIT
NARO’N KA BA NG TUMANGIS ANG POON?
NARO’N KA BA NG TUMANGIS ANG POON?
NANG TUMANGIS ANG POON..

(CATHY PIÑON)

IKATLONG ESTASYON
SI HESUS SA HARAP NG
SANEDRIN

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Mk. 14:60-64, 15:1)


Ayon kay San Markos

Noong panahong iyon, tumindig ang pinakapunong Saserdote sa harap ng kapulungan at tinanong si
Jesus: Ikaw ba ang Mesiyas, ang Anak ng Kataas-taasan? “Ako nga,” ang sagot ni Jesus. “At makikita
ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. At makikita ninyong
siya’y dumarating, nasa alapaap ng langit.” Winasak ng pinakapunong Saserdote ang sariling
kasuotan at sinabi, “Hindi na natin kailangan ang mga saksi! Kayo na ang nakarinig ng kanyang
kalapastanganan sa Diyos! Ano ang pasya ninyo?” Ang hatol nilang lahat ay kamatayan.
Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong Saserdote, ang mga matatanda ng bayan, ang mga
eskriba at ilan pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Jesus at dinala kay Pilato.

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(VIRGINIA DE GUZMAN)
PAGNINILAY (EMHC)
(sandaling katahimikan)
Nasa harap si Kristo ng mga taong ganid sa kapangyarihan na binulag ang katuwiran dahil sa
tinatamasang layaw at tungkulin sa lipunan. Isa itong hamon sa ating lahat: kung ikaw ay isang
namumuno o pinuno ng bayan, paano mo ipapatupad ang tamang hatol at katuwiran ayon sa
kalooban ng Diyos? At kung ikaw naman ay binigyan ng kapangyarihang pumili ng mga namumuno sa
bayan, ginamit mo ba ito nang tama?
(LYRA JOYCE LAZARO)
PANALANGIN (MLC)

St. Gabriel Academy Page 5


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

Panginoong Jesukristo, ikaw ang hukom ng sangkatauhan, gawin mo kaming mga matitibay na moog
na tagapagtanggol ng katarungang panlipunan. Sa mundo ng hindi pantay-pantay na pagkakahati,
tulungan mo kaming itaguyod ang wagas na pagmamahalan at pagbabahaginan. Matuto nawa kaming
pumili ng mga taong may tunay malasakit upang umugit at mamuno sa aming bansa.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati.

AWIT
NARO’N KA BA NANG HAMAKIN ANG POON?
NARO’N KA BA NANG HAMAKIN ANG POON?
NANG HAMAKIN ANG POON...

(JANICE MANAS)

IKAAPAT NA ESTASYON
ANG PAGHAMPAS AT PAGPUPUTONG NG
KORONANG TINIK

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Jn. 18:33-40


Ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus na
tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako sa Krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa
niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pa nilang isinigaw , “Ipako sa krus!” at ipinahagupit si Jesus at
ibinigay sa kanila upang ipako sa krus. Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo,
at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa
kanya, saka pinaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhud-
luhuran at binati: “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!”.

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(GRACE MIRAFUENTES)
PAGNINILAY
(Sandaling katahimikan)
St. Gabriel Academy Page 6
ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

Binigyan si Pilato ng pagkakataon upang itama ang isang pagkakamali.


Kung ikaw si Pilato, makikinig ka rin ba sa udyok ng iba o susundin mo ang ibinubulong ng iyong
konsensiya? Araw-araw ay binibigyan tayo ng pagkakataon upang magpasiya ayon sa ating
konsensiya at pananampalataya— nasa ating mga kamay ang pribilehiyo ng kalayaang humatol at
magpasiya.

(MA. LORENA PICAÑA)


PANALANGIN
N/. Mapagmahal naming Ama, nagpapasalamat kami sa ibinigay mong buhay at sa kaakibat
nitong kalayaan na gabay namin sa aming pang-araw-araw na pamumuhay. Hinihiling namin sa iyo
na bigyan mo kami ng katalinuhan sa paghatol at panatilihin sa aming mga puso at kalooban ang
Espiritu Santo, upang sa mga mabibigat na hamon ng buhay at sa pagkakataong kinakailangan namin
ang isang mahusay na pagpapasiya ay marinig at pakinggan namin ang iyong banayad na tinig na
gagabay sa amin sa tamang daan at pagpapasiya.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati.

AWIT
NARO’N KA BA NG HATULAN ANG POON?
NARO’N KA BA NG HATULAN ANG POON?
NANG HATULAN ANG POON...

(AMELITA QUIAMBAO)

IKALIMANG ESTASYON
TINANGGAP NI JESUS ANG KRUS

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Jn 19:16-17


Ayon kay San Juan

St. Gabriel Academy Page 7


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

Noong panahong iyon, si Jesus ay ibinigay ni Pilato sa mga Judio upang ipako sa krus. Kinuha nga
nila si Jesus. At lumabas siya na pasan ang kanyang krus, patungo sa lugar na kung tawagi’y ‘Dako
ng Bungo’ (sa wikang Hebreo’y Golgota).

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(CRISSA MAY MANALILI)


PAGNINILAY (EMHC)
(sandaling katahimikan)
N/. Bawat isa sa atin ay mayroong mga krus sa buhay na ating pinapasan sa araw-araw, ngunit
mayroon ding mga krus na iniaatang natin sa balikat ng iba upang sila ay magdusa. Pagnilayan
natin sa ating sarili ngayon: Ilang tao na — maging kaibigan, kapamilya o kahit minamahal ang
nagdusa nang dahil sa atin? Ilang pagkakataon, na naging sanhi tayo ng pagdurusa at paghihirap
ng iba?

(PATRICK JAMES I. VENTURA)


PANALANGIN (MLC)
N/. O Panginoong Hesukristo, labis kong pinagsisihan ang maraming pagkakataong naging dahilan
ako ng paghihirap at pagdurusa ng iba. Inihihingi ko ang iyong pagpapatawad nang paggamit ko
sa maraming tao upang iangat ang aking sariling kapakanan at kaginhawaan. Itulot mo pong
baguhin ako ng aking pagtahak sa Daan ng iyong Krus, at sa aking pagtitika ay bigyan mo ako ng
pagkakataong maging instrumento ng pag-unlad ng aking kapwa.

L/. Amen

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG HINAMPAS ANG POON?
NARO’N KA BA NANG HINAMPAS ANG POON?
NANG HINAMPAS ANG POON...

(SERAFIN PARAISO)

IKAANIMNA ESTASYON
SI JESUS AY NADAPA

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri, O Panginoong Hesukristo,


L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
+ANG MABUTING BALITA Mt. 16:24-26
Ayon kay San Mateo

St. Gabriel Academy Page 8


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa
akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang
naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang mag-alay ng
kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit nito. Ano nga ang mapapala ng isang tao,
makamtan man niya ang buong daigdig kung ang ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay?
Ano ang maibabayad ng tao para maibalik sa kanya ang kanyang buhay?
N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,
L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(RYAN PAOLO SARMIENTO)


PAGNINILAY
(sandaling katahimikan)
N/. Sa katapusan ng ating buhay, masasabi lamang natin na naging makabuluhan ito kung sa
kabuuan ay sumunod ito sa yapak ng ating Panginoong Hesukristo, sapagkat kung gayon, sa kabila
man ng maraming pagsubok, nanatili itong matatag. Sa kasalukuyan, mabuting pagnilayan natin:
Paano ko kaya ginagamit ang bawat minutong ipinagkaloob sa akin ng Diyos? Alin ang higit na
binibigyan ko ng pagpapahalaga: ang aking pansariling pag-unlad ba, o kasama ko ang aking kapwa
sa aking pag-unlad?

(RACHEL LANZAROTE)
PANALANGIN
N./ Mahal naming Panginoon, totoong ang buhay ay maraming pagsubok, ngunit dahilan sa
iyong walang hanggang biyaya at pagkabukas-palad, nananatili kaming matatag at muling
bumabangon upang makihamok sa buhay. Itulot mong pahalagahan namin ang iyong kalooban nang
higit sa aming sarili, upang sa bawat pagkarapa ay muli kaming bumangon dala ang matibay at
matatag pananampalataya sa iyo sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG PASAN NIYA ANG KRUS?
NARO’N KA BA NANG PASAN NIYA ANG KRUS?
NANG PASAN NIYA ANG KRUS.

(JULIE ANN SABLAN)

St. Gabriel Academy Page 9


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

IKAPITONG ESTASYON
SI JESUS AY TINULUNGAN NI SIMON
CIRENEO

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Lk. 23:26


Ayon kay San Lukas

Noong panahong iyon, nang dala na nila si Jesus upang ipako, nakasalubong nila ang isang lalaki na
galing sa bukid, ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigilan nila ito, ipinapasan sa kanya ang krus,
kasunod ni Jesus.

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(ELIOUS MAY TUAZON)


PAGNINILAY (EMHC)
(sandaling katahimikan)
N/. Sa pang-araw-araw nating pamumuhay, ilang beses tayong tinawag upang maging isang ‘Simon
Cireneo’, na tulad niya ay napilitan lamang na tumulong dahil hinihingi at kailangan ng
pagkakataon. Buksan natin ang ating mga mata sa ating kapaligiran, kumakatok sa ating mga
puso ang Diyos ng Pag-ibig. Tumulong tayo upang maibsan ang paghihirap ng marami at sa ating
munting paraan ay simulang baguhin ang ating lipunan.

(JIAN RAY VALIENTE)


PANALANGIN (MLC)
N/. O Mairuging Ama, ikaw ang nagsugo sa daigdig ng Espiritu ng iyong pag-ibig. Pukawin mo ang
aming mga puso upang madama namin ang kalooban at paghihirap ng iba at mula roon ay
kusang-loob kaming tumulong at makisangkot sa lipunang aming ginagalawan. Gawin mo kaming
daan ng pagkakasundo at pagdadamayan sa aming kapitbahayan, upang ang aming
pagtutulungan ay hindi bunsod lamang ng pagkakataon kundi dahilan sa taos puso naming
pagsunod sa iyong Banal na Kalooban.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
St. Gabriel Academy Page 10
ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

NARO’N KA BA NANG TUMULONG SI SIMON?


NARO’N KA BA NANG TUMULONG SI SIMON?
NANG TUMULONG SI SIMON.

(MELCHOR SOMACUTE)

IKAWALONG ESTASYON
NASALUBONG NI JESUS ANG MGA
KABABAIHAN NG JERUSALEM

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Lk. 23:27-28


Ayon kay San Lukas

Noong panahong iyon, Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy
at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Mga kababaihan ng
Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga
anak.”

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(JOENA SEBASTIAN)
PAGNINILAY
(sandaling katahimikan)
N/. Ang pagtangis ay nangangahulugan ng pagtanggap ng pagkakamali, hindi ito tanda ng kahinaan,
bagkus ng katatagang harapin ang katotohanan ng buhay. Narinig natin ang mga katagang iniwan ni
Hesus sa mga kababaihan ng Jerusalem; at dito, isang bagay ang tiyak—mayroong mga dapat tayong
higit na pagtuunan ng pansin: ang ating sarili—at ang ating mga anak na dapat nating isuko at turuang
sumunod sa kalooban ng Diyos.

(VILMA CORPUZ)
PANALANGIN
N/. O Panginoong Hesukristo, ikaw ang aliw sa aming kalungkutan at pag-asa ng aming kinabukasan.
Kung wala ka sa aming piling hindi kami mangangarap at magsisikap na maging matuwid at banal.
Tulungan mo kaming tanggapin ang mga pagkakamali at ihingi ito ng tawad sa Diyos. Isinusuko namin

St. Gabriel Academy Page 11


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

sa iyo ang aming sarili, sampu ng aming mga pangarap. Ikaw ang maghari at manguna sa aming
buhay upang sa katapusan ay makapiling ka namin sa buhay na walang hanggan.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG TANGISAN ANG POON?
NARO’N KA BA NANG TANGISAN ANG POON?
NANG TANGISAN ANG POON?

(MARNELLI AMISTOSO)

IKASIYAM NA ESTASYON
SI JESUS AY IPINAKO SA KRUS

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Jn. 19:23-24


Ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, nang maipako na ng mga kawal si Jesus, kinuha niya ang kanyang kasuotan at
pinaghati-hatian ng apat. Kinuha rin nila ang kanyang tunika; ito’y walang tahi at hinabi nang buo
mula itaas hanggang sa ibaba. Nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito,
magsapalaran na lamang tayo para malaman kung kanino ito mauuwi.” Nangyari ito upang matupad
ang isinasaad ng Kasulatan, “Pinaghati-hatian nila ang aking mga kasuotan; at ang aking damit ay
kanilang pinagsapalaran.”

N./ Ang Mabuting Balita ng ating Kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(CHONA BACUS)
PAGNINILAY
(Sandaling tumahimik)
N/. Kapag pinagsasamantalahan natin ang iba, kaisa tayo sa mga nagpako kay Kristo sa Krus— mga
naghati at nagsugal kung kanino mapupunta ang kanyang damit. Sapagkat tulad ng pagpapako kay
Hesus sa krus noon, ipinapako rin natin sa pagdurusa ang mga walang kalaban-laban, mga mahihina
St. Gabriel Academy Page 12
ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

at naaaping bahagi ng ating lipunan.... Isa ba ako sa gumagamit ng aking yaman, lakas, impluwensiya
at kapangyarihan upang pagsamantalahan ang mga mahihina na wala nang pagpipilian kundi kumapit
sa patalim?

(EVELYN NERVATO)
PANALANGIN
N/. O Makatarungang Diyos, ikaw ang sandigan ng mga mahihina at naaapi. Ikaw ang hahatol sa mga
mapang-api at mapagsamantala, tunghayan mo ako sa iyong harapan, humihingi ako sa iyo ng tawad
kung ako ma’y naging instrumento ng pagdurusa ng iba. Idinalangin ko sa iyo ang mga nasadlak sa
prostitusyon, sa droga at mga gawaing masasama dahil sa paggamit sa kanilang kahinaan at
pagsasamantala sa kanilang kahirapan at sa pangangailangang mabuhay. Patatagin mo mo kami
bilang isang nagkakaisang Simbahan na tulungang ibangon at ibalik ang dangal at dignidad ng mga
biktima ng pang-aapi at pananamantala.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG KINUHA ANG DAMIT?
NARO’N KA BA NANG KINUHA ANG DAMIT?
NANG KINUHA ANG DAMIT.

(FREDDIE GONZALES JR.)

IKASAMPUNG ESTASYON
ANG NAGSISISING MAGNANAKAW

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Lk. 23:39-43


Ayon kay San Lukas

Noong panahong iyon habang nakapako sa Krus, tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang
sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na rin kami!” Ngunit pinagsabihan
siya ng kanyang kasama. “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya!
Matuwid lamang na tayo’y parusahan ng ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y
St. Gabriel Academy Page 13
ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

walang ginawang masama.” At sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(MA. CORAZON VALMEO)


PAGNINILAY
(sandaling katahimikan)
N/. Ang pagkilala at pagtanggap sa pagkakamali ang ugat ng isang tunay at wagas na
pagsisisi. At ang pagsisising nagmumula sa kaibuturan ng puso ay hindi maaaring hindi tanggapin ng
Diyos. Sapagkat ang Diyos na namuhay sa ating piling, ang nakaranas at nakaunawa sa ating mga
kahinaan, ang siyang nagbukas sa atin ng pinto ng kaligtasan.

(MARY ANNE ORTEGA)


PANALANGIN
N/. Amang mapagmahal, mula sa paghihirap sa krus, inihatid ni Jesukristong Anak mo ang
nagsisising magnanakaw sa ligaya ng iyong kaharian. Panginoon, sa sandali ng aming mga
kasalanan, gabayan mo kami sa pagbabalik-loob at nang kami’y makarating sa piling mo sa langit, sa
ligayang walang hanggan sa iyong kaharian.
L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG IPAKO ANG POON?
NARO’N KA BA NANG IPAKO ANG POON?
NANG IPAKO ANG POON

(LORNA PICARDAL)

IKALABING-ISANG ESTASYON
SI MARIA SA PAANAN NG KRUS

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Jn 19:25-27


Ayon kay San Juan
St. Gabriel Academy Page 14
ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

Noong panahong iyon, nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng
kanyang ina, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at
sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina, “Babae, hayan ang iyong anak!”
Pagkatapos sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap
siya ng alagad sa kanila.

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(JENNIFER JAVIER)
PAGNINILAY (EMHC)
(sandaling katahimikan)
N/. Hindi nalimutan ni Hesus ang kanyang ina na sa loob ng mahigit 30 taon ay kapiling niya... Gaano
natin pinahahalagahan ang ating mga ina, na nagluwal sa atin at unang nagturo sa mura nating isipan
na mayroong Diyos na mapagmahal? Gaya ni Hesus, si Maria man ay hindi rin nakalimot sa kanyang
anak at maging sa paanan ng krus ay naroon at matapang na nakikipaglaban.

(JOWELL BAYNO)
PANALANGIN (MLC)
N/. O Panginoong Hesukristo, salamat sa pagbibigay mo ng iyong Ina—si Mariang kalinis-linisan
upang maging amin ring ina. Maging matibay na halimbawa nawa para sa amin ang katatagan ni
Maria sa paanan ng Krus upang manindigan para sa kabutihan at kaligtasan ng daigdig. Tulutan mong
tulad ni Maria, ay dalhin ka namin sa mga kaluluwang naghahanap sa iyo.

L/. Amen.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG MAGBILIN SA INA?
NARO’N KA BA NANG MAGBILIN SA INA?
NANG MAGBILIN SA INA.

(GERALD DAYAG)

IKALABINDALAWANG ESTASYON
ANG PAGKAMATAY NI JESUS

St. Gabriel Academy Page 15


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

ANG MABUTING BALITA Jn. 19:28-30


Ayon kay San Juan

Pagkatapos nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay, at bilang katuparan ng Kasulatan
ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila
rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng esopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip ang
alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” iniyukayok niya ang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

(ang lahat ay sandaling tatahimik)

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(RONALD LIBERATO)
PAGNINILAY
N/. Ang prosesong dinaanan ng ating Panginoon sa pagliligtas niya sa sangkatauhan ang
pinakaperpekto, sapagkat pumailalim siya sa buhay ng tao—mula sa pagsilang hanggang sa
kamatayan at ito ang pinagtagumpayan niya sa kanyang muling pagkabuhay. Iniiwan nito sa atin ang
isang malalim na pagmumuni, tulad ng sinabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga Taga-Galacia:
‘Ako’y napako sa krus kasama ni Kristo, at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang
nabubuhay sa akin.’ Ang pagkamatay natin sa ating sariling pita at magsisilang sa atin sa buhay na
walang hanggan.

(TEODORO ROBEGIO)
PANALANGIN
N/. Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, ibinigay mo sa sangkatauhan si Jesukristong aming
Tagapagligtas bilang halimbawa ng kababaang-loob. Isinakatuparan niya ang iyong kalooban sa
pagpapakatao at pagbibigay ng kanyang buhay sa krus. Tulungan mo kaming magpakatotoo sa iyo
sa pagsunod namin sa kanyang halimbawa ng pagpapakasakit at gawin kaming marapat na
makibahagi sa kanyang muling pagkabuhay.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG YUMAO ANG POON?
NARO’N KA BA NANG YUMAO ANG POON?
NANG YUMAO ANG POON.

St. Gabriel Academy Page 16


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

(GRACE MIRAFUENTES)

IKALABINTATLONG ESTASYON
SI JESUS AY INILIBING

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

+ANG MABUTING BALITA Mt. 27:57-61


Ayon kay San Mateo

Nang magtatakipsilim na, dumating ang isang mayamang taga-Arimatea na nagngangalang Jose,
alagad din siya ni Jesus. Lumapit sila kay Pilato upang hingin ang katawan ni Jesus, at iniutos naman
ng Gobernador na ibigay ito sa kanya. Kaya kinuha ni Jose ang katawan ni Jesus, binalot ng telang
linen at inilibing sa bago niyang libingan na iniuka sa bato. Pinagulong niya ang isang malaking bato
sa bukana ng libingan at saka umalis. Nakaupo naman si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa
harap ng libingan.

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.

(MELISSA GABRIEL)
PAGNINILAY
(sandaling katahimikan)
N/. Ang tao ay pagkatapos ng buhay sa lupa ay sumasapit sa kamatayan. Ngunit dahil kay Kristo,
nagkaroon tayo ng pag-asa sa buhay na walang hanggan.

(CHARLEN NAPAO)
PANALANGIN
N/. Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, nanaog sa yumao ang bugtong mong Anak, at
nabuhay na muli sa kaluwalhatian. Sa iyong kagandahang-loob, ibangon mo ang matapat mong
bayan na nalibing na kasama niya sa binyag, ibuklod mo kami sa kanya sa buhay na walang hanggan
sa langit.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG SIYA AY ILIBING?
NARO’N KA BA NANG SIYA AY ILIBING?
NANG SIYA AY ILIBING.

St. Gabriel Academy Page 17


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

(MELCHOR SOMACUTE)

IKALABING-APAT NA ESTASYON
ANG MULING PAGKABUHAY NI JESUS

N/. Sinasamba ka namin at pinupuri,


O Panginoong Hesukristo,

L/. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.

ANG MABUTING BALITA Mt. 28:1-8


Ayon kay San Mateo

Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, pumunta


sa libingan ni Jesus si Maria Magdalena at ang isa pang Maria. Biglang lumindol nang malakas.
Bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan at
naupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakasisilaw na parang kidlat at kasimputi ng busilak
ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay at nabulagtang animo’y patay nang makita
ang anghel.

Ngunit sinabi nito sa mga babaw, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na
ipinako sa krus. Wala na siya rito, sapagkat siya’y muling nabuhay tulad ng kanyang sinabi. Halikayo,
tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Lumakad na kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na
siya’y muling nabuhay at mauuna sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Tandaan ninyo ang mga sinabi
ko sa inyo.” At dali-dali silang umalis ng libingan. Pinagharian sila ng magkahalong takot at galak. At
patakbong nagpauna sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

N/. Ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan,


L/. Pinupuri ka namin, Panginoong Jesukristo.
(JIAN RAY VALLIENTE)
PAGNINILAY
(Sandaling katahimikan)
N/. Ituon natin ang kalooban kay Jesus, ang Kristong nabuhay! Narito ang ating buhay!
Katulad ng Banal na Gurong si Jesus dumaraan din tayo sa ‘maraming paghihirap at
pagsubok’ patungo sa kaluwalhatian. Hindi ba’t kailangang maghirap si Jesus bago
pumasok sa kanyang kaluwalhatian? At gayundin para sa atin. Tulad ng Daan ng Kalbaryo
kung saan namatay si Jesus, ang daan sa langit. Ngunit maluwalhati siyang lumabas mula
sa kanyang libingan sa muling pagkabuhay.

(RYAN SARMIENTO)
PANALANGIN

St. Gabriel Academy Page 18


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

N/. Diyos naming Ama, noong buhayin mo ang iyong Anak na si Kristo, nilupig mo ang
kapangyarihan ng kamatayan at binuksan sa amin ang daan sa buhay na walang hanggan.
Sa pagdiriwang namin ng pagkamatay at pagkabuhay ni Kristo, baguhin nawa ang
Espiritung nasa amin ang aming buhay.

Ama namin....
Aba Ginoong Maria at
Luwalhati

AWIT
NARO’N KA BA NANG NABUHAY ANG POON?
NARO’N KA BA NANG NABUHAY ANG POON?
NANG NABUHAY ANG POON.

(FREDDIE GONZALES JR.)


MGA TANGING PANALANGIN
(Darasalin pagkatapos ng ika-14 na Estasyon)

PARA SA MGA HANGARIN NG SANTO PAPA AT SA SANTA IGLESYA SA BUONG DAIGDIG


N/. Idalangin natin ang mga hangarin ng ating Santo at ang katatagan at pagkakaisa ng Santa Iglesya
sa buong daigdig.
(tahimik na panalangin)

N./ Ama naming Makapangyarihan, idinadalangin namin ang aming Santo Papa, _______________
sampu ng kanyang mga hangarin sa para sa taong ito, gayundin, ang Santa Iglesya sa buong
daigdig, ang aming Obispo, si __________, ang aming Kura Paroko, si __________ at ang lahat
ng mga pari at relihiyoso,

L/. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


PARA SA KAPAYAPAAN NG ATING BANSA AT NG BUONG DAIGDIG
N/. Idalangin natin ang kapayapaan ng tanang mga bansa at ng buong daigdig

(Tahimik na panalangin)

L/. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

PARA SA ATING PAMAYANAN AT PAMILYANG PILIPINO


N/. Idalangin natin ang ating pamayanan at bawat Pamilyang Pilipino

(Tahimik na panalangin)

L/. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

PARA SA ATING SARILI AT PANSARILING KAHILINGAN


N/. Sa katahimikan ng ating mga puso, idalangin natin ang pansariling kahilingan.

(Tahimik na panalangin)

L/. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

St. Gabriel Academy Page 19


ANG DAAN NG KRUS Revised 2024

PANGWAKAS NA PANALANGIN
P. Manalangin tayo:
Amang makapangyarihan, tunghayan nang buong pag-ibig ang sambayanan mo gaya ng pag-ibig
na ipinamalas sa amin ni Jesu-Kristo nang ipaubaya niya ang sarili sa mga masasamang tao at
nagpakasakit sa krus ng Kalbaryo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo kasama ng
Espiritu Santo magpasa-walang hanggan.

L. Amen.

PAGHAYO
N. Patnubayan nawa tayo ng Panginoon, iligtas sa lahat ng kasamaan at akayin hanggang sa buhay
na walang hanggan.
L. Amen.

AWIT
PANANAGUTAN
Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang,
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang.

Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa,


Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling Niya.

Sa ating pagmamahalan at paglilingkod sa isa’t isa,


Tayo ay nagdadala ng balita ng kaligtasan.

St. Gabriel Academy Page 20

You might also like