You are on page 1of 1

Sa Dunong ng Lupang Hinirang

Ni: Tokuo Torres Ueda Jr.


Teacher II
Placer National High School
Schools Division of Surigao del Norte

Naikubli ang piping daing sa hiwaga ng bawat titik


Sa indayog ng pluma naimulat ang bayang magiliw na humihibik
Sa ningning ng perlas ng silangan na bahagi ng panitik
Nakapiglas sa hawla ang kalayaang hindi naitirik
Dimasalang kung ika'y tawagin, kabayanihang lubhang may hitik

Kagitingan at alab ng puso ay humagibis


Sa dibdib mo’y buhay na walang hilakbot na naibuwis
Ang lupang hinirang na minsa'y nagtiis
Duyan ka ng magiting na noo'y nilitis
Bayang lumaban sa manlulupig sa pangunguna ni Andres

Mga magigiting na kailanma'y 'di ka pasisiil


Sa dagat at bundok sumibol ang mga pangil
Sa simoy at sa langit mong bughaw na noo'y nabuwal
Mga supling ng bayang lihim na nailuwal
May dilag ang tula na mistulang pagkukumpisal

Mga hibik ng bilanggong inabuso't naparam


At awit sa paglayang minamahal na hindi dinamdam
Pangarap na pagwagayway at ang kislap ng watawat mo'y inaasam
Tagumpay na nagniningning na noon pa hiniram
At walang habas na inaangki't kinakamkam

Ang bituin at araw niya ay puno ng talinhaga


Ang tinta ng kahapon na patuloy na nagbabaga
Kailan pa ma'y 'di magdidilim itong bayang may bakas ng halaga
Lupa ng araw at langit ng buwan ang siyang bumulaga
Ng luwalhati’t pagsinta nitong bayang minsa'y tinaga

Tuluyang nang nalipad ng ibong may laya


At ang Buhay ay langit sa piling mo na isang pananampalataya
Tuluyang natikman ang tamis ng aming ligaya
Na pag may mang-aapi ay amin nang makakaya
Sapagkat ang mamatay nang dahil sa iyo ay isang tunay na paglaya

You might also like