You are on page 1of 3

Higit pa sa Salita at Damdamin

Sa kaalaman ng nakararami at mga kabataan, ang nasyonalismo ay isang salita na tumutukoy sa


umaapaw na damdamin ng pagmamahal at respeto sa bansa. Ngunit, sa aking pagpapakahulugan ay may
mas malalim na personal na koneksyon ang bawat indibidwal sa iba’t ibang institusyon at sa bansa
mismo. Isa sa mga tanyag na simbolo ng pagiging makabayan ay ang mga sayaw, kasuotan, at behikulo.
Ngunit, mananatili ba na simbolo na lamang ang tingin natin sa mga ito na ginugunita lamang sa isang
buwan mula sa tatlong daan at anim na pu’t limang araw na mayroon tayo? Sang-ayon ako kay David
(2015) na ang nasyonalismo ay maipapamalas sa pamamagitan ng gawa at kailanman ay hindi sa salita.
Gayunpaman, tumatak sa aking isipan mula sa mga nakaraang paksa na ang wika ay ang siyang kaluluwa
ng isang tao. Dahil dito ay napagtanto ko na ito rin ay ang balangkas ng kultura at pambansang kaluluwa.
Isang personal na halimbawa na naranasan ko ng pagkakaroon ng pag-uugali ng nasyonalismo ay ang
pagtangkilik na bumili sa mga lokal na tindahan na nagbebenta rin ng mga lokal na produkto. Kadalasan
na ang mga tinda nila ay mga may kaugnayan sa kulturang Pilipino kagaya ng mga kasuotang may habi at
disenyo ng kagaya sa mga kasuotan ng mga taga Ifugao. Kung kaya’t malaki ang gampanin ng wika,
pag-iisip, at kultura tungo sa pag-unlad ng nasyonalismo sa bansa.

“Ang wika ay gabay ng pagkatao, kompas ng pagiging pagka-Pilipino” ayon kay David (2015).
Ang pangungusap na nakasipi ay maikli ngunit nakapagbibigay ng malawak na kahulugan ngunit
dumidiretso sa tumpak na punto: ang wika ay isang malaking salik tungo sa pag-unlad ng bawat aspeto ng
bansa. Ngunit, dahil ang ating wikang pambansa at mga wika naimpluwensyahan ng mga banyagang
bansa kagaya ng Espanyol at Ingles ay mayroong kolonyal na pagkontrol sa kaisipan. Ang epekto ng
kolonyalismo sa ating wika ay pag-iisip na kapag ang isang tao ay magaling magsalita sa Ingles ay kusa
nang nakatatak sa kanya ang pagiging mahusay o matalino. Kaya naman, kapag ang isang Cebuano o
Bisaya ay ang nagsalita ng wikang Filipino sa kanilang punto ay agad itong pinagtatawanan dahil sa
kaisipan na kapag mas malayo sa sentro ay mas bumababa ang tingin sa wikang iyon. Ang mga
halimbawa na aking ibinigay ay mula sa personal na karanasan na makikita o mararanasan ng maraming
Pilipino. Ngunit, bilang isang katolikong bansa ang Pilipinas, naging malaking gampanin sa ating kultura
ang pagpapalit ng wikang pananampalataya sa ating wikang pambansa. Dahil sa matatag na relasyon sa
simbahan ay naimpluwensyahan ang malaking populasyon ng masa upang mas gamitin ang wikang
Filipino sa kani-kanilang mga tahanan, hanapbuhay, o sa labas.

Subalit ay makikita pa rin na mayroong mga pagkakataon kung saan may kaibhan sa pagtangkilik
sa wikang kinagisnan. Ang pagdiriwang ng buwan ng wika na nagsimula lamang sa pagkilala kina
Balagtas at Quezon ay nagsilbing buwan ng paggunita lamang na hindi isinasabuhay (Peregrino, n.d.).
Kinakailangang maayos ang sistema upang sumunod na ang ibang institusyon at aspeto sa pag-unlad ng
bansa bilang isang lahi na may pagkakaisa. Kagaya ng mga hapon at pranses, mahigpit ang kanilang
pag-iingat sa kanilang sariling kultura at wika – makikita rin na sila ay nangungunang bansa sa daigdig.
Maaaring hindi lamang ang wika ay siyang salik sa kanilang estado, ngunit isa itong krusyal na salik sa
pag-angat. Ang paglingon sa ating pinanggalingan ay maaaring mag-udyok upang makagawa ng
magandang kinabukasan para sa sarili at sa nakararami.
Sanggunian:
David, R. (2015). Ang wika bilang instrumento ng pambansang pagpapalaya.
GMA News. (2012, August 23). Panayam kay Jovy Peregrino. YouTube.
https://www.youtube.com/watch?v=DpVZ4oBS7JI
Peregrino, J. M. (n.d.). Pambansang ritwal ang buwan ng pambansang wika.
TVUP. (2016, December 8). Wika, nasyonalismo at panlipunang katarungan | Dr. Gonzalo
Campoamor. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=sHGzcoWMKto

You might also like