You are on page 1of 2

Ano ba ang kaugnayan ng wika sa kultura?

Ang wika ay nalilinang dahil sa kultura, ang kultura ay nalilinang


dahil sa wika at ang wika ay ang kultura mismo. Maari natin itong ituring bilang batayang gabay sa matibay na
kaugnayan ng wika at kultura bilang mabisang kasangkapan sa pagtataguyod ng pagkakakilanlan nating mga
Pilipino.
Ang wika ay nalilinang dahil sa kultura. Ayon kay Walt Whitman, ang wika ay hindi abstraktong nilikha ng
mga nakapag-aral o ng bumubuo ng diksyunaryo, kundi ito ay isang bagay na nalikha mula sa mga gawa,
pangangailangan, kaligayahan, panlasa ng mahabang talaan ng henerasyon ng lahi at nagtataglay ito ng
malawak na batayang makamasa (Peña et. al 2012). Malinaw na ang wika ay nalilinang at napagtitibay sapagkat
ang kultura ang nagbibigay katuturan sa ipinapahayag na kaisipan ng wika. Ginagamit ang wika dahil ito ay
daluyan ng komunikasyon upang magpasimula ng isang tiyak na pagkilos o paggawa. Ito rin ay
pangangailangan ng tao sa pakikipag-ugnayan sapagkat siya ay itinuturing na may pangangailangang sosyal.
Ang wika ay nakapagpapahayag din ng iba’t ibang damdamin at natutukoy din dito ang pananaw sa iba’t ibang
bagay napagpapasiyahan kung ano ang magiging kalugod-lugod sa atin, ang pagpapasiyang  mayroong 
impluwensiya mula sa ating kapuwa at ng kabuuan ng lipunang ating kinabibilangan.

Gayunpaman, maari ring sabihin na ang kultura ay nalilinang at napagtitibay din ng wika. Binigyang kahulugan
ni Virgilio Almario ang wika bilang katutubong halagahan o value para sa marangal na buhay ng ating mga
ninuno, isang dakilang pamantayang nararapat sundin saanman at kailanman tungo sa wastong
pakikipagkapuwa-tao, isang banal na tuntuning kailangang tupdin upang hindi ‘maligaw ng landas’. Hindi
mapasusubalian na ang ating sariling wika ang siyang midyum na ginamit ng ating mga ninuno sa
pagpapahayag ng mga itinakdang batas at pamantayan sa lipunan pasalita man o pasulat. Sa batas ni Maragtas at
Kalantiaw, malinaw na nakapaloob sa kaisipang ipinapahayag ng wikang ginamit ang pamantayang itinakda ng
batas na ito na siya namang pinagbabatayan ng pamumuhay at pagkilos ng isang mamamayang Pilipino sa
lipunan na kaniyang kinabibilangan. Matagumpay ding naipabatid at naipasa sa bawat henerasyon ang mga
paniniwala at pamamaraang Pilipino bunga ng sabi-sabi o ‘word of mouth’. Samakatuwid, natutukoy ang mga
pamantayan gayon na rin ang kultura ng lipunang Pilipino gamit ang wika sa diskursong pasalita at pasulat.

Ang kultura ay nalilinang dahil sa wika. Ang wika ay daluyan ng komunikasyon at sa pagkakaroon ng
komunikasyon ay naisasakatuparan ang ugnayan ng isang tao sa kaniyang kapuwa. Sa pagkakaroon naman ng
ugnayan ay maaring bumuo ng pagkakasunduan at dahil ang tao ay tunay na isang sosyal na nilalang, ang
pagkakasunduang ito ang maghahantong upang  magpasya upang makisama sa kapuwa at ang pagkakabigkis na
ito ay nagkakaloob sa mga tao upang magtaguyod  ng isang lipunan. Ang isang lipunan ay may tiyak na kultura
na nakasalig naman sa napagkasunduang katotohanan. Ito ay nabuo sapagkat may pagkakasundo bunga ng
komunikasyon na mauugat naman sa katangian ng wikang maging daan na nag-uugnay ng mga kaisipan.

Ang isang partikular na kaisipan na bahagi ng kultura ay ganap na nagiging bahagi ng kultura kung ito ay
naipakikilala at naitataguyod. Kung wala ang wika bilang panuluyan ng mga ideyang bumubuo sa kultura tungo
sa kaisipan ng mga tao sa isang lipunan ay magiging imposible ito. Sapagkat ayon sa Encyclopedic Supplement,
Living Webster Dictionary of the English Language, ang mga ideya ay nabubuhay dahil sa wika, ito ay katulad
ng pagbibigay-katawan sa kaluluwa (Bernales et. al 2011). Kaugnay nito, maaring bigyang patotoo na may
kakanyahan ang wika na maging ina ng karunungan ayon kay Krank Kruas (Peña et. al 2012) Samakatuwid,
pinangatwiranan ng librong Social Dimensions of Education, ang pagkatuto ng isang kultura ay sa pamamagitan
ng wika. Mula dito ay nagkakaroon tayo ng kolektibong alaala tulad ng mga alamat, pabula, salawikain at iba
pa na naaayon sa ating kaalaman sa kultura, gayundin ang pagsulat, sining, at kung anu-ano pang mga midya na
humuhubog sa kamalayan at makapag-ipon at makapagbahagi ng kaalaman

Ang wika ay ang kultura mismo. Kung pagbabatayan naman natin ang winika ng karakter na si  Simoun ng El
Filibustersimo ni Dr. Jose Rizal na ang wika ay paraan ng pag-iisip ng tao, samakatuwid tinatanggap natin na
ang wika ay ang kultura mismo. Dahil nga ang kultura ay pamamaraan ng pagkilos at pamumuhay ng isang tao
ay nakabatay sa kaniyang pag-iisip, ito ang pangunahing pinagmumulan ng kaisipan ng kultura.

Paano nga ba magagamit ang wika upang malinang ang pambansang kultura?

Ang wika ay may kakayahan upang sumisid sa pinakamalalim na kaalamang bayan, liparin ang pinakamatayog
na karanasan upang maibalik sa lupa at maipatalas ng ibayong talastasan at praktikang panlipunan (Bernales, et
al. 2011). Ang ating wika ang nagkanlong at nagtago ng hiwaga, kasaysayan, at mayamang kaalaman ng ating
bayan kung saan nahubog ang katauhan ng ating lahi na bumubuo sa ating pagkakakilanlan bilang isang
Pilipino. Nakapaloob sa kaalamang ito ang dakilang nagawa ng magigiting nating mga ninuno. Sa paggamit ng
wika ay mapagtitibay ang mga kaalamang ito sa kaisipan na isang mabisang sangkap upang maiwaksi ang
kolonisadong pag-iisip sapagkat natatamnan ito dahil sa pagpapatibay  ng pamamaraang Pilipino. Binigyang-
diin nga ni Samuel Johnson na ang wika ang nagdadamit sa ating kamalayan, samakatuwid ito ang magbibihis
sa atin ng pagkakakilanlan, ang magkakaloob ng isang tatak na siyang tatak ng ating lahi.

Hindi nagtatapos sa paglikha ng bagong pananaw ang paglilinang ng wikang Filipino tungo sa paglinang din ng
pambansang kultura tungo sa pagkakakilanlan, o hindi nga maaring sang-ayunan pa ang paglikha lamang ng
isang bago at wastong pananaw bagkus ang pagsasangkot ng sariling wika sa pagkilos ng sariling dila. Ang
wika ay maari ring itulad sa isang pirasong papel na ang kabilang mukha ay ang kaisipan at ang kabila ay ang
tunog ayon kay Ferdinand de Saussure. Hindi maaring sa paggupit ng papel, mahahati ang kaisipan at ang
tunog. Anumang bahagi ng putol, magtataglay kapuwa ang mga ito ng kaisipan at tunog. At ang pagtataglay ng
wika na kaisipan at tunog ay kakanyahan nito (Peña et. al 2012). Bigyan ng higit na pansin na ang kaisipan at
tunog ay hindi mapaghihiwalay sa wika. Kung nakapaloob sa wika ang kaisipan ng kultura at ang wika ay
mamumutawi sa ating dila, hindi ba’t mamumutawi rin naman ang kultura sa atin at sa pagkaalam ng kultura ay
matutukoy natin ang ating pagkakakilanlan? Kaya naman, nararapat na  ang wikang Filipino ay higit na
nararapat maunawaan higit sa mababaw na pagkaunawa lamang upang nararapat na magkaroon tayo ng kritikal
na pag-unawa sa ating kultura.

Walang anumang pagsasanay ang makalilikha ng pinakamainam at pinaka-epektibong pagkatuto at pag-unawa


ng isang wika kung hindi ang mismong paggamit at pagpapadaloy nito sa sariling dila. Pinapatotohanan ng
aklat na Social Dimensions Of Education na ang wika ng isang nilalang ay ang repleksyon ng kaniyang
pagkatao at ang pamamaraan at pagkilos na inaasahang aasalin niya. Dagdag pa, ang wika ay ang susi sa
tagumpay ng pag-usbong ng isang lahi sa paglikha at pagpapanatili ng kultura sapagkat kung walang wika, ang
kakayahan upang makabuo ng mga kaisipan at tradisyon ay hindi makatotohanan.

You might also like