You are on page 1of 4

EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 8 – 4TH QUARTER- WEEK 3

MOST ESSENTIAL LEARNING COMPETENCY:


13.1 Natutukoy ang tamang pagpapakahulugan sa sekswalidad (EsP8IPIVa-13.1)
13.2 Nasusuri ang ilang napapanahong isyu ayon sa tamang pananaw sa sekswalidad
(EsP8IPIVa-13.2)

TOPIKO: Ang Sekswalidad ng Tao

SUSI NG KONSEPTO:

Ang Seksuwalidad ng Tao


Nagbibinata o nagdadalaga ka na. Kaya ang mga interes mo ay nagbabago na rin.
Ang mga dati mong kinahihiligan ay hindi na nakalilibang sa iyo. Ang mga pisikal mong
kakayahan bilang lalaki o babae ay patuloy na lumalaki at nagiging ganap. Kasabay ng
mga pagbabagong ito ay napupukaw na rin ang iyong seksuwal na interes. Hindi ito dapat
na ikabahala o ikahiya. Bahagi ito ng proseso upang maging ganap ang iyong pagkalalaki o
pagkababae. Ang prosesong ito ay mahaba at hindi dapat madaliin. Katunayan
magpapatuloy ang paglago mo bilang isang lalaki o babae hanggang sa iyong pagtanda.

Sa ngayon ang tungkulin mo ay paghandaan ang pagdating ng tamang panahon


upang hanapin ang iyong kapares o magiging kabiyak sa katapat na kasarian (kung sa
palagay mo ay pag-aasawa ang iyong bokasyon). Ang tamang babae o lalaki ay
matatagpuan mo sa tamang panahon – ito ay sa panahonng handa ka na at kaya mo nang
magmahal nang lubos at wagas.

Sa panahong ito ng iyong paghahanda, kailangan mo ang masusing pag-aaral


tungkol sa tamang pananaw sa seksuwalidad at ang paglinang ng isa sa
pinakamahalagang birtud – ang pagmamahal.

Ano nga ba ang seksuwalidad?


Ang seksuwalidad ng tao ay kaugnay ng kaniyang pagiging ganap na babae o lalaki.
Hindi ka magiging ganap na tao maliban sa iyong ganap na pagiging babae o lalaki. Maaari
ding sabihing, sa iyong pagkalalaki o pagkababae magiging ganap at bukod-tangi kang tao.
Halimbawa, may kaugnayan ang iyong pagiging babae o lalaki sa papel na ginagampanan
mo sa pamilya at sa lipunan. Sa pamilya, babae lang ang maaaring maging ina, ate, lola o
tiya. Ang babae lamang ang may kakayahang magsilang ng isang sanggol; at lalaki lang
ang puwedeng maging ama, kuya, lolo o tiyo. Siya rin ay may bukod tanging katangian sa
para sa kanya lamang. Ito’y makikita sa pisikal at emosyunal na katangian. Malaki ang
kanilang pagkakaiba sa bawat isa. May mga gampanin din na kakaiba sa lalaki o babae
ayon sa dikta o pamantayan ng lipunan o kulturang kinamulatan.

Ang seksuwalidad ay tumutukoy sa kasarian, kung lalaki o babae. Ito ay may


kaugnayan sa kaisipan, emosyon at ispirituwal na katangiang taglay ng pagiging babae at
lalaki. Ito rin ay tumutukoy sa biyolohikal at pisyolohikal na katangian na nagtatakada ng
pagkakaiba ng babae sa lalaki. Ang seksuwalidad ng tao ay mabuti at sagrado dahil nilikha
ang tao ng Diyos na sekswal kaya siya ay kabahagi ng Diyos sa Kaniyang pagiging
Manlilikha
Ang unang katangian na nagpabukod-tangi sa iyo nang ikaw ay ipinanganak ay
noong una kang makita sa ultrasound imaging ng iyong ina – ay ang iyong pagiging lalaki o
babae. Ito ang unang itinatanong sa doktor ng mga magulang mo at itinatanong naman sa
magulang mo ng ibang tao tungkol sa iyo. Ngunit ang pagkalalaki o pagkababae ng isang
tao ay hindi nakikita lamang sa pisikal o bayolohikal na kakanyahan niya. Ang kaniyang
pagkakalalaki o pagkababae ang mismong katauhan niya.Gayonpaman kailangang
tanggapin at igalang natin ang ating katawan, dahil ito ang pisikal na pagpapakita ng ating
pagkatao.

Bagama’t tiyak na natutukoy sa kapanganakan pa lang ang pagiging lalaki o babae


ng isang tao. Ito’y malaya ring tinatanggap at ginagampanan ng tao ayon sa tawag ng
pagmamahal at batay sa kaniyang pagkatao.

Ang pagkababae o pagkalalaki na malayang pinili ay hindi mo taglay lang o


katangian, kundi ikaw mismo at kung ano pa ang magiging kaganapan mo bilang tao: may
pamilya, dalaga o binata, namamasukan o nagnenegosyo, namumuno o tagasunod,
relihiyoso, at iba pa - depende sa iyong potensyal.

Ang seksuwalidad kung gayon ay ang behikulo upang maging ganap na tao – lalaki o
babae – na ninanais mong maging. Hindi ito pisikal o bayohikal na kakanyahan lamang,
ang pagpapakalalaki at pagpapakababae ay isang malayang pinili at personal na tungkulin
na gagampanan mo sa iyong buong buhay.

Ang Tamang Pananaw sa Sekswalidad


SUSI NG KONSEPTO:
Ang usapin tungkol sa seksuwalidad ay malawak. Ito ay hindi basta tumutukoy
lamang sa pakikipagrelasyon sa katapat na kasarian. Ang kakulangan ng kaalaman nito ay
magdudulot ng hindi tamang pananaw at magbunga nga iba’t-ibang isyu o usapin. Kung
kaya kailangan ang pagsusuri sa mga isyung ito ayon sa tamang pananaw sa sekswalidad.

Malaki ang impluwensiya ng sekswalidad ng tao, babae o lalaki man, sa pagkilala at


lubusang pag-unawa ng sarili. Isang malaking hamon sa kabataang katulad mo ang
makilala ang iyong pagkatao upang mapagtagumpayan mo ang hamon na may kinalaman
sa iyong sekswalidad. Maraming napapanahong isyu tungkol sa sekswalidad ng tao na
nagbunga ng kalituhan at nagiging dahilan ng pagkasira ng mabuting pakikitungo sa iyong
kapwa. Bawat isyung ito ay may kaakibat na pamantayang moral na kailangang
maunawaan upang maging maayos ang iyong pag-unlad bilang tao. Hayaan mong
malinang ang iyong pag-unawa sa mga isyung ito upang ikaw ay magkaroon ng tamang
pananaw.

1. Teenage Pregnancy o Maagang Pagbubuntis.


Maaring dahil sa kahihiyan at sa pangamba sa mabigat na responsibilidad na
kaakibat ng maagang pagbubuntis, nakagagawa ang maraming kabataang babae ng isang
kalunos-lunos na krimen: ang pagpapalaglag ng sanggol. Ayon sa istadistika, taun-taon,
halos 64,000 na mga kabataang babae ang nagpapalaglag sa ating bansa. May mga
kumplikasyon sa kalusugan ng isang babae ang pagpapalaglag. Tulad halimbawa ng labis
na pagdurugo dahil sa pagkasugat ng matris, pagkabaog, pagkaroon ng kanser sa matris,
at sa iba’y kamatayan. Isa ring pangmatagalang epekto ng pagpapalaglag ang tinawatag na
post abortion syndrome o PAS. Isa itong karamdaman sa isip na maihahantulad sa
depresyon. Karaniwan nang nagiging sugapa sa alak o droga ang mayroon PAS. Marami rin
sa kanila ang nagpapapalit-palit ng karelasyon at hindi na muli pang nagkaroon ng
malusog na ugnayan o relasyon sa katapat na kasarian.

2. Pornograpiya o malalaswang babasahin at palabas.


Ang pornograpiya ay nanggaling sa dalawang salitang Griyego, “porne”, na may
kahulugang prostitute o taong nagbebenta ng panadaliang aliw, at “graphos” na
nangangahulugang pagsulat o paglalarawan. Samakatuwid, ang pornograpiya ay mga
mahahalay na paglalarawan (babasahin, larawan, o palabas) na may layuning pukawin
ang sekswal na pagnanasa ng nanonood o nagbabasa. Batay sa pag-aaral ni Iyoob (2008),
ang maagang pagkahumaling sa pornograpiya ay may kaugnayan sa pakikibahagi o
paggawa ng mga abnormal na gawaing sekswal, lalung-lalo na ang panghahalay. Ayon
parin kay Iyoob, ang mga taong sugapa sa pornograpiya ay nakararanas lamang ng
sekswal na kasiyahan sa panonood at pagbabasa ng pornograpiya at pang-aabuso sa sarili
(masturbation) at hindi sa normal na pakikipagtalik. Karamihan ng mga awitin ng mga
kabataan ngayon ay nakabababa ng pananaw sa mga kababaihan at sa sekswalidad.
Nakasisirang-puri rin ito para sa mga kalalakihan dahil sa ang mga awit na ito ay madalas
na tungkol sa kung ano ang kanilang makukuha at hindi ang kanilang maibibigay sa
pakikipag-ugnayan sa kababaihan. Habang paparami nang paparami ang mga kabataang
nalulung sa pornograpiya, isang mapanganib na mensahe ang nakikintal sa kanilang
isipan: ang pakikipagtalik nang walang kaakibat na pagmamamhal o pananagutan.

3. Pre-Marital Sex o Pagtatalik na walang kasal.


Ayon sa sikolohiyang si Joan Kinlan, ang pakikipagtalik sa unang pagkakataon para
sa isang bababe ay maaaring sanhi ng labis na emosyon o pakiramdam na siya’y mahina.
Maraming kababaihan ang nagsisisi matapos gawin ito na naging sanhi ng depresyon o
labis na kalungkutan. Pakiramdam nila ay marumi sila at nagamit. Maraming mga
kabataan ang hindi nakakayanan ang ganitong pakiramdam kung kayat nalululong sa alak
o bawal na gamut. Mayroon ding ilan na nagtatangkang magpatiwakal. Binabagabag sila
ng kanilang konsensiya at ito ay may pangmatagalang epekto. Karaniwang nahihirapan na
silang magkaroon ng isang malusog na ugnayan sa kabiyak o asawa pagdating ng
panahon.

Ang sekswalidad ay ang kabuuang katauhan ng isang indibidwal o nilalang. Ito rin ang
pagkakaranas sa sarili kung ano ka bilang tao, lalaki man o babae. Malaki ang
impluwensiya ng sekswalidad ng tao, babae o lalaki man, sa pagkilala at lubusang pag-
unawa ng sarili. May kinalaman ito sa paghahanap ng kahuliugan niya bilang tao o ng
kanyang true self. Anuman ang itinakdang kasarian, babae o lalaki ka man ay may mga
naitatanging gawain na nakaatang. Masasabi na may kaugnayan ito buong pusong
maghandog sa pamamagitan ng pinagsanib na katawan at ispiritu na taglay ng bawat isa.
Ang katawan ng tao, kasama ang kanyang itinakdang kasarian ay hindi lamang
instrumento sa pagpaparami at pagtiyak ng pagpapatuloy ng bawat salinlahi, kundi to rin
ay daan sa pagpapahayag natin ng pagmamahal. Dahil dito, ang tao ay nagiging handog sa
kanyang kapwa. Hindi dapat gamitin ang iyong seksuwalidad sa sariling kaligayahan
lamang bagkus gamitin ito bilang instrumento sa pagbabahagi ng sarili tungo sa mabuting
pakikipag-kapwa. DIto nabibigyang kaganapan ang kahulugan ng ating buhay at pagiging
tao.
Bilang isang kabataan, ayon sa iyong natutunan sa tamang pananaw sa
seksuwalidad, paano pangangalagaan ang iyong sarili mula sa kapahamakan na maaring
dulot ng mga isyung ito na may kinalaman sa seksuwalidad?

You might also like