You are on page 1of 3

Department of Education

Region IX, Zamboanga Peninsula


SCHOOLS DIVISION OF ZAMBOANGA DEL SUR
DUMALINAO 1 DISTRICT
Dumalinao, Zamboanga del Sur

GAWAING PAMPAGKATUTO SA FILIPINO 8


Kwarter 2, Modyul 2
Pangalan
Seksyon
Pamagat ng Aralin
Pagbibigay ng Opinyon o Katuwiran
Pamantayang Pangnilalaman
Naipamamalas ng mga mag-aaral ang pag-unawa sa mga akdang pampanitikang lumaganap sa
Panahon ng Amerikano, Komonwelt at sa Kasalukuyan
Kasanayang Pampagkatuto at Koda
Naibibigay ang opinyon at katuwiran tungkol sa paksa ng balagtasan (F8PB-IIc-d-25)
Konseptong Pangkaalaman
Ang opinyon ay paglalahad ng sariling iniisip na maaaring mayroon at walang pinagbabatayan o
pinagbabasehan. Maaring agarang reaksyon sa bagay na nakita, nahawakan o nararamdaman.
Halimbawa: 1. Uulan mamaya
2. Nasaktan siya ng husto.
Ang katuwiran naman ay paglalahad ng mga rason o dahilan ng mga pangyayari. Kadalasang
kinakatwiranan ang isang pangyayari kung may patunay, ebidensya o pruweba.
Halimbawa:
1. Uulan mamaya. (opinyon)
Nag-iitim ang kalangitan at medyo maginaw ang simoy ng hangin.
(katuwiran)
2. Nasaktan siya ng husto. (opinyon)
Nakitang umiyak, namamaga ang mata, matamlay, at walang gana sa
lahat ng bagay. (katuwiran)
Pamprosesong Tanong
1. Ano ang kahulugan ng pagbibigay ng opinyon at paglalahad ng katuwiran?
2. Ano ang kaibahan ng opinyon sa katuwiran?
3. Gaano kahalaga ang makapagpahayag ang isang tao ng kanyang opinyon at katuwiran?
Pagsasanay 1
Panuto: Ilahad ang iyong sagot kung saka-sakaling biniyayaan ka ng dunong at yaman, paano mo ito
gagamitin para makatulong sa mga nangangailangan lalo na sa panahon ng pandemya? Sundan ang
pormat sa ibaba sa pagsagot at isulat ito sa iyong sagutang papel.

Pagsasanay 2
Panuto: Basahin ang sipi mula sa isang balagtasan. Ibigay ang sariling opinyon at katuwiran tungkol sa
paksa ng balagtasan. Isulat ito sa iyong sagutang papel.

ALIN ANG NAKAHIHIGIT SA DALAWA: DUNONG O SALAPI


(Bahagi lamang ito ng Balagtasan)

Dunong:
Gayon nalang ang ngitngit mo sa nilikhang nagagahol
Ngunit kapag nagkasakit ay tatawag din ng doktor;
Baka bukas makalawa’y sa away ka mapasuong,
Tiyak namang lalapit ka sa isang manananggol . . .
Itong ating pagtatalo ay lumilinaw na rin ngayon,
Sa Dunong din ang hawak mo kapag ikaw’y nililindol

Salapi:
Kung ako man ang tatawag ng sariling manggagamot,
May salaping ibabayad sa kanilang pagpapagod;
Dapat mo ring unawaing Salapi ko ang nag-uutos,
Kaya kayo pag hinili ay malimit magkumamot;
Maging iyang manananggol ay sa akin nakatanod
Pagka’t dito sa yaman ko’y sabik kayong makiamot.

Dunong:
Yamang dito sa matwid ko ay lagi kang nakikinig
Ay masdan mo ang ginawa ng maraming palisip;
Di ba’t dahil sa Apolo, pati buwa’y nasaliksik
Na hiwagang di matalos na gumigimbal sa daigdig?
Pati bapor; mga autong sinasakyan mo, katagis
Ay utak din nitong Dunong ang bumuo at nagtindig.

Salapi:
Ang Apolong binanggit mo’y parang di mo nalalamang
Bilyun-bilyon ang panustos na salaping mga dolyar;
Ang auto ma’t mga bapor na madalas mong lulanan
Ay utang din sa Salapi katalo kong paraluman;
Samakatuwid ay Salapi ang talagang kailangan
Upang ganap na umunlad itong ating pamumuhay!
Halimbawa:
Opinyon:
1. Ang dunong ang bumuo ng bapor at auto.
Katuwiran:
1. Tama dahil kung wala ang dunong hindi makaiimbento ng mga
sasakyan.
Opinyon:
1. ________________________________________________________________________________
2. ________________________________________________________________________________
3. ________________________________________________________________________________

Katuwiran sa opinyon sa itaas:


1. ________________________________________________________________________________
2. ________________________________________________________________________________
3. ________________________________________________________________________________

Repleksyon
Mahalaga ang makapagpahayag ng opinyon upang
___________________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________________
Napatunayan kong ang paglalahad ng katuwiran ay
___________________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________________
Isagawa
Panuto: Isulat sa graphic organizer ang magandang naibibigay ng dunong at salapi. Gamitin ang iyong
sagutang papel sa pagsagot nito.

Pagtataya
Panuto: Isulat sa patlang bago ang bilang ang O kung OPINYON at K naman kung KATUWIRAN ang
mga pahayag sa ibaba. Isulat sa sagutang papel ang sagot.
_____1. Marami ang nagsasabing mahalaga ang dunong sa salapi.
_____2. Totoong kung may talino ka ay tiyak masalapi ka gaya na lamang ng mga
negosyante. Yumaman sila pagkat ginamit nila ang kanilang talino.
_____3. Nagpapatalino rin naman ang salapi kung ako ang tatanungin.
_____4. Sa dunong maaaring yayaman ka ngunit sa yaman, tatalino ka ba?
_____5. Ang yaman ang isa sa nagpapatalino sa tao. Halimbawa, kukuha ka ng tutor
para maging matalino at sapat na kagamitan upang mahasa ang iyong
talino.
Susi ng Pagwawasto

Pagsasanay 1
Ang gagawin ko kung may sapat akong dunong ay:
1. Gagawa ng enerhiya mula sa lupa upang pagkunan ng kuryente
2. Didiskubrihin ko makinang tutunaw sa lahat ng basurang nakakalason ng
kalikasan

Ang gagawin ko kung may sapat akong salapi ay:


1. Bibili ako ng mga lupain na pwedeng sakahin ng mga magsasaka
2. Magpapaaral ng mga masisipag at matatalinong mga mag-aaral
*Maaaring magkaroon ng iba’t ibang sagot ang mga mag-aaral

Pagsasanay 2
Opinyon
1. Dunong ng doktor ang nagpapagaling sa sakit
2. Salapi ang gagamitin upang sakit ay malunasan
3. Dunong ng isang abogado ang magtatanggol sa isang nasasakdal
Katwiran
1. Sa pamamagitan ng kaalaman ng doktor sa panggagamot, malulunasan ang sakit ng sangkatauhan
2. Sa pamamagitan ng salapi, mababayaran ang serbisyo ng doktor
3. Dunong ang dahilan ng pagkakaroon ng mga mabuting abogado
*Maaaring magkaroon ng iba’t ibang sagot ang mga mag-aaral

Pagtataya
1. O 2. K 3. O 4. O 5. K
Sanggunian
Ikalawang Edisyon Pinagyamang Pluma 8 (K to 12), pahina 152 – 156.
Alma M. Dayag, et.al; 2017. Phoenix Publishing House, Inc.
Manunulat ROCHELLE B. INIEGO

Tagasuri JOHN MARK C. LLOREN LOVILA M. AMAYA

You might also like