You are on page 1of 1

Ikadalawampu’t walo ng Hunyo, taong dalawang libo at dalawampu’t tatlo, araw ng Miyerkules, Pagmimisa sa

Bisperas ng Dakilang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, mga Apostol at Martir (Pula)

Maikling Katesismo

Tayo ngayon ay nagbibisperas para sa pagbubukang-liwayway ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San
Pedro at San Pablo. Sila ay ang dalawang prinsipe at haligi ng Simbahan, na sa kanila nakasentro ang
ministeryo ng Simbahan sa pagpapastol ng Santo Papa (tagasunod ni San Pedro) at mga Obispo (tagasunod
ni San Pablo, pati ng mga Apostol) para sa pangangalaga ng kawan, pagtataguyod ng buhay ng bawat isa, at
ang pagmimisyon ng bawat binyagan na kinabibilangan sa Simbahan, kapwang sa Orden at sa Laiko.

Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang pagiging saksi nina San Pedro at San Juan matapos ang Muling
Pagkabuhay at Pag-akyat ni Hesus, at ng pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol noong Pentekostes.
Sila’y nagpunta sa templo upang manalangin, at dito natagpuan nila ang isang lalaking pilay mula pagkasilang.
Nang makita ng pilay sina Pedro at Juan, akala niya ay bibigyan siya ng mga ito ng limos. Subalit mas higit pa
sa pera ang binigay ni San Pedro: ang pagpapagaling sa Ngalan ng Panginoong Hesukristo. Kaya’t umahon
ang lalaki, nakalakad, at tumatalon habang nagpupuri sa Diyos. Ito ang ministeryo ng pagpapagaling ng
Simbahan na iniatas ni Hesus sa mga Apostol, kaya’t itinatag niya ang mga Sakramento ng Pagpapahid ng
Langis sa Maysakit at Kumpisal upang magkaroon tayo hindi lang ng pisikal na paghilom, kundi pati na rin ng
espirituwal na pagpapagaling para bigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataong mamuhay pa nang masagana.

Ang Ikalawang Pagbasa ngayon ay ang ministeryo ng pagpapahayag ni San Pablo. Alam niya na dati ay
pinag-uusig niya ang mga Kristiyano noong siya’y nabibilang pa sa grupo ng mga Pariseo. Ngunit parang
niloob ng Diyos na ipakita ang Anak na Muling Nabuhay sa kanya sa daan papuntang Damasco, kaya’t
nabulag siya sa loob ng tatlong araw. At nang makakita na siya, natunghayan niya na sa kabila ng kanyang
tinding galit noon sa mga Kristiyano, pinili pa rin siya ng Panginoon upang maging isang hinirang na sisidlan
na ipahayag ang Mabuting Balita hindi lang sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Kaya’t tinanggap
na siya ni San Pedro at Santiago sa Kolehiyo ng mga Apostol.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pangyayari matapos magpakita ang Muling Nabuhay na Panginoon sa lawa,
kaya’t nagkaroon sila ng maraming huli ng isda. Makikita natin sa simbolo ng Kapangyarihan ng Susi na ang
Panginoon ay nag-atas sa mga nagmumuno sa Simbahan na makapagligtas ng mga kaluluwa sa
pamamagitan ng mga Sakramento dahil nais ni Kristo na maramdaman ng lahat, lalung-lalo na ang mga
nagkasala, na patuloy silang minamahal at tinatawag pabalik sa Kanya.

Mga kapatid, sa pamamagitan nina Apostol San Pedro at San Pablo, patuloy ang misyon ng Simbahan na
pangalagaan ang kawan ng Panginoon. Ang Santo Papa, mga Obispo, at kaparian ay patuloy na
nagpapahayag ng Mabuting Balita upang magkaroon ng bunga ng pananampalataya sa bawat komunidad,
teritoryo, at pangkalawakang Simbahang kanilang nasasakupan. At tayo rin bilang Laikong bininyagan ay
inaatasan rin na makibahagi sa misyon ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pagiging saksi niya sa mga
sitwasyon ng buhay, ayon sa katauhan/personalidad na ninais niya para sa atin.

Apostol San Pedro at San Pablo, ipanalangin ninyo kami.

Pinagkunan: PAGNINILAY https://www.awitatpapuri.com/2023/06/28/miyerkules-hunyo-29-2023/

You might also like