Isang araw, pumasok si Bong sa klase na naka-benda ang
kamay. Nagtaka ang kanyang mga kaklase at unti-unting naglapitan sa kanya. “Anong nangyari sa iyo, Bong?”, tanong ni Annie. “Plaster yan, hindi ba? Naku, nabalian ka ng buto!” ang malakas na sigaw ni Tito mula sa likuran “Oo, Tito. Nabali ang buto ko sa braso. Nag-bisikleta kasi ako sa madulas na kalsada at nadisgrasya. Dapat talaga nakinig ako kay Nanay. Hindi pa sana nangyari ito.”, mahinang sagot ni Bong. “Hayaan mo na, Bong. Gagaling din yan pagkatapos ng ilang buwan.”, sabi ni Emy habang inaalalayan si Bong sa kanyang upuan. Tumahimik ang lahat ng dumating si Gng. Santos. Hudyat na ito ng simula ng klase. Matapos nilang magdasal ay nagsalita ang guro sa lahat. “Salamat sa pag-aalala ninyo sa inyong kaklase. Tulungan muna natin siya sa ilang mga gawain habang ang kamay niya ay naka-plaster.” 1. Ano kaya ang nangyari kung sinunod ni Bong ang utos ng kanyang ina? 2. Bakit kaya naisip kaagad ni Tito na nabalian ng buto si Bong? 3. Paano kaya ipapakita ng mga kaklase ni Bong ang pagtulong sa kanya habang ang kamay niya ay naka-plaster? Ang Alamat ng Langaw Noong unang panahon, mayroong isang bayang kahit saan ka lumingon at may basura. Ang mga tao ay masasayang namumuhay sana ngunit hindi sila marunong maglinis ng kanilang mga bakuran. Ang mga bata ay laging marurumi at hindi marunong maligo. Ngunit walang gumagawa ng hakbang para luminis ang lugar. Kuntento lamang ang mga tao sa kanilang buhay hanggang isa-isang nagkawalaan ang mga tao. Natakot ang mga mamamayan ng bayan. Napadalas kasi ang pagkawala ng kanilang mga kababayan. Iniutos ng hari na magkaroon ng mga grupo ng tao na mag-iikot araw at gabi upang magbantay. Doon nila nakita ang higanteng si Angaw. “Masarap talagang kumain ng tao lalo na kung ito’y marumi, ” narinig pa nila itong sinabi ni Angaw habang nag-iikot sa kadiliman ng gabi. Isinumbong ito ng mga mamamayan sa hari. Dahil doon, ipinagutos ng hari na magtulong-tulong ang lahat na maglinis ng kanilang bayan. Tinuruan din nila ang mga batang maglinis ng katawan. Bumango at luminis ang bayan. Natigil ang pagkawala ng mga tao mula sa bayang ito. Nagtaka sila kung anong nangyari kay Angaw. Sa kanilang paghahanap, nakita nilang ito’y namatay na sa gutom dahil wala nang makaing maruruming tao. Inihagis nila ang bangkay nito sa isang malalim na bangin kung saan nila itinapon ang mga basura ng kanilang bayan. Pagkatapos ng ilang lingo ay nawala ang bangkay ni Angaw at nagkarooon ng maraming lumilipad-lipad na insekto dito. Tinawag nila itong Langaw upang maalala ang higanteng si Angaw. Tinabunan nila ang basura ng lupa at nawala ang mga langaw na lumilipad-lipad. Magmula noon ay hindi na pinabayaan ng mga mamamayan ang kalinisan sa kanilang lugar at mga katawan. Ayaw na nilang bumalik ang mga langaw sa kanilang lugar. 1. Ano ang pangyayaring nagdulot ng takot sa mga mamamayan ng bayan? 2. Ano ang pangalan ng higanteng kumakain ng tao sa kanilang lugar? 3. Bakit gustong-gustong kainin ng higante ang mga tao sa kanilang bayan? 4. Ano ang ginawa ng mga tao upang mapuksa ang higante? 5. Ano ang kanilang natagpuan sa bangin kung saan nila itinapon ang bangkay ng higante?