You are on page 1of 4

komunikasyon

Ang Sulating Pananaliksik


Ang sulating pananaliksik ay malalimang pagtalakay sa isang tiyak at naiibang paksa. Hindi lang ito
basta pagsasama-sama ng mga datos na nasaliksik mula sa iba’t ibang primarya at sekundaryang
mapagkukunan ng impormasyon, kundi taglay rin nito ang obhetibong interpretasyon ng manunulat sa
mga impormasyong kanyang nakalap. Ang interpretasyon ng manunulat ang pinakamahalagang elemento
ng isang sulating pananaliksik.
Ayon kina Constantino at Zafra (2010), ang pananaliksik ay isang masusing pagsisiyasat at pagsusuri sa
mga ideya, konsepto, bagay, tao, isyu, at iba pang ibig bigyang-linaw, patunayan, o pasubalian.
Ayon naman kay Galero-Tejero (2010), ang pananaliksik ay may tatlong (3) mahahalagang layunin:
una, isinasagawa ito upang makahanap ng isang teorya; pangalawa, mula sa pananaliksik ay malalaman o
mababatid ang katotohanan sa teoryang ito; pangatlo, isinasagawa ang pananaliksik upang makuha ang
kasagutan sa mga makaagham na problema o suliranin.
Ang pananaliksik ay isang sistematikong proseso ng pangangalap, pag-aanalisa, at pagbibigay-
kahulugan sa mga datos mula sa mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon upang
masagot ang isang tanong, makadagdag sa umiiral na kaalaman, o pareho. Ang resulta ng isang
pananaliksik ay maaaring maghatid ng bagong teorya o konsepto, tumaliwas o sumuporta sa isang teorya
o konsepto, rekomendasyon, o isa pang tanong na nangangailangan nang mas malalim na pananaliksik.
Pananaliksik

 Isang magandang pagkakataon ang pagbuo ng sulating pananaliksik upang


mapatunayan ang katotohanan sa isang teorya at nang mapabulaanan ang mga
haka-haka kaugnay nito. Kaya naman, dito papasok ang pangangalap ng mga
impormasyon, pagsusuri, at pagbibigay-interpretasyon sa mga nakalap na
impormasyon at datos upang makita o maibatid ang katotohanang taglay ng mga
ito.
Katangian ng Pananaliksik
Upang higit pang mapagtibay ang iyong kaalaman ukol sa pananaliksik ay kailangang
kilalanin mo ang mga katangian nito. Ang pananaliksik ay:
 Obhetibo – Naglalahad ng mga impormasyong hindi basta galing sa opinyon o
kuro-kurong pinapanigan ng manunulat, kundi nakabatay sa mga datos na maingat
na sinaliksik, tinaya, at sinuri.
 Sistematiko – Ito ay sumusunod sa lohikal na mga hakbang o proseso patungo sa
pagpapatunay ng isang katanggap-tanggap na kongklusyon.
 Napapanahon o maiuugnay sa kasalukuyan – Nakabatay sa kasalukuyang
panahon (tukoy nito ang petsa at taon), nakasasagot sa suliraning kaugnay ng
kasalukuyan, at kalalabasan ay maaaring maging desisyong pangkasalukuyan.
 Empirikal – Ang kongklusyon ay nakabatay sa mga nakalap na datos mula sa
tunay na naranasan at/o na-obserbahan ng mananaliksik.
 Kritikal – Maaaring masuri at mapatunayan ng iba pang mananaliksik ang proseso
at kinalabasan ng pag-aaral dahil taglay nito ang maingat at tamang paghahabi at
paghahatol ng mananaliksik.
 Masinop, Malinis, at Tumutugon sa Pamantayan – Nararapat itong sumunod sa
mga pamantayang inilahad, at kakikitaan ng pagiging masinop at malinis sa
kabuuan.

You might also like