You are on page 1of 2

Raian B.

Razal July
30, 2008
Section HHH Bb. C.
Bellen

Tarong: Isang Pagsusuri

Mapanghusga ang lipunan. Binibigyang depenisyon ng lipunan ang mga bagay na


nararapat o tuwid. Itinatakda nito kung ano ang tama o mali. Sa mahabang panahon,
tinanggap nating tama ang mga depenisyong ito kaya’t maituturing na silang tradisyon o
nakasanayan. Subalit, hindi nangangahulugang ang itinakda bilang tama ang siyang
laging magiging tama. Kung minsan, kailangan nating tumawid sa mga nakasanayan
upang tayo ay maging malaya. Ito ang sentral na ideya na inilalahad sa atin ng dulang
“Tarong: Tatlong Dula ng Pagtawid.”

Ang tatlong dula ay naka-angkla sa mga tradisyonal na mga aral. Sa dulang


Bulung-Bulongan sa Sangandaan, inihayag doon na ang identidad ay nakabatay sa
propesyon at obligasyon ng isang indibidwal. May kanya-kanyang pangarap ang mga
manggagawa. Iba’t iba ang kanilang motibo upang lisanin ang trabahong kanilang
kinasanayan. Hindi sila binibigyan ng angkop na sahod. At para sa kanila, paulit-ulit
lamang ang mga bagay na kanilang ginagawa. Sa pagiging paulit-ulit nito, nabigyan ng
isteryotipo kung ano ang isang manggagawa – mangmang, walang pinag-aralan at
mahirap. Sila ay kinulong ng kanilang trabaho. At magpahanggang ngayon, sila pa rin ay
nakakulong sa gumuhong Film Center dulot ng kanilang kamatayan. Sila ay mga
multong nakulong - patuloy na hinahanap ang katarungan at pagkakapantay-pantay.

Sa dulang Pobreng Alindanaw, makikita natin ang pagkatradisyonal sa pagamit ng


isang pabula. Ang pabula ay isang kwento ng mga hayop na nagbibigay-aral. Sa
madaling salita, didaktiko ang dula. Mabisa ang paggamit nito sapagkat madali lamang
unawain ang mensahe mula sa mga pabula. Imahen ng isang paru-paro ang pagiging
makulay at maganda. Ngunit nangangahulugan din bang maganda at masaya ang
kanilang buhay? Imperyalismo ang institusyong patunay na tradisyonal ang dula. Ang
mga paru-paro ang siyang tila nanakop at nang-impluwensiya sa mga tutubi. Kaya para
sa mga tutubi, nararapat ang maging isang paru-parong makulay, maganda at masaya.
Bilang pagpapalalim, marami sa ating mga Pilipino ang naghahangad maging tulad ng
mga banyaga. Isa itong impluwensya ng pagiging kolonya ng Pilipinas sa iba’t ibang
bansa. Sinasalamin ng mga tutubi ang mga Pilipinong nais maging banyaga. Ang
impluwensiyang banyaga ang nagkukulong sa ating mga Pilipino. Isa itong dahilan kung
bakit di tayo umuunlad. Hindi pa natin kayang tumayo para sa sarili.

Ang huling dulang Baclofen ay napupuno ng damdamin at emosyon. Para sa


lipunan, hindi katanggap-tanggap ang mga bakla. Sila ay laging linalait, itunuturing na
iba, sinisira at tila ba mga basura ng lipunan. Pinapagtibay ng institusyong Katolisismo
ang pagbabawal sa mga bakla. Sinasabi sa Bibliya na lalaki at babae lamang ang ginawa
ng Diyos. Hindi binibigyan ang mga bakla ng pagkakataong ihayag ang sarili at maging
malaya. Si Naomi ang karakter na nagpapakita ng isteryotipo ng isang bakla. Habang si
Jonathan ang karakter na itinaas ang estado ng mga bakla sa lipunan. Hindi nalilimitahan
ang isang bakla sa parlor. Ang mga bakla ay tao rin na maaaring magpakita ng tunay na
sarili. Naging malaya si Jonathan sa kamatayan ng dating sarili nito. Isang alegoryang
ginamit sa dula ay ang pangalan ng parlor ,“Femme fatale.” Si Femme fatale ay isang
magandang babae na pumapatay ng mga lalaki matapos niya itong akitin. Isa rin marahil
itong foreshadowing sa pagpatay na gagawin ni Jonathan kay Naomi.

Makitid ang pananaw ng lipunan. Muli, maliit lamang ang identidad ng isang
indibidwal. Binibigyan nila ng isteryotipo ang mga indibidwal - na ang manggagawa,
paru-paro o bakla ay dapat maging ganito lamang. Ngunit ang mga bagay na ito ay hindi
makatao. Hindi nito nabibigyan ng pagkakataong matuklasan ng indibidwal ang sarili
nitong identidad. Ang mga isteryotipo ay mga bagay na kinukulong tayo at nililimitahan.
Nagbubulag-bulagan ang lipunan sa pag-aakalang ang itinakdang isteryotipo ay laging
tama at laging dapat sundin.

Isang device na ginamit sa dula upang maging ganap ang pagtawid ay ang
konsepto ng kamatayan. Marami sa ating mga Pilipino’y tumitingin sa kamatayan bilang
isang bagay na negatibo. Ang kamataya’y may simbulo ng kalungkutan, kawalang pag-
asa, at pagkasawi. Subalit sa dula, ipinakita sa atin na ang kamatayan ay may hatid na
pagbabago. Sa dulang Pobreng Alindanaw, namatay ang paru-paro kasama ang mga
alaalang masaya. Tutungo siya sa kabilang buhay nang masaya at malaya. Sa Baclofen,
namatay ang paglilihim ni Jonathan na isa siyang bakla, tumawid siya sa isang bagong
buhay. Binasag ng dula ang negatibong impresyong hatid ng kamatayan. Kung tutuusin,
maaaring magamit natin ang kamatay upang tumawid tayo sa kanya-kanyang hamon na
hinaharap sa buhay.

Sa kabuuan, malinaw at maganda ang mensahe ng dula. Ang dula ay nag-aanyaya


sa atin na tumawid. Kahanga-hanga ang paggamit ng pagtawid upang ilahad ang
mensahe ng dula. Bahagi na ng ating araw-araw na buhay ang pagtawid sa mga kalsada.
Subalit hindi natin nakikita ang importansya ng pagtawid. Ang pagtawid ay simbulo ng
pag-usad at paggalaw. Sa pagtawid, maraming bagay ang ating matutuklasan. Hindi
lamang sa mga kalsada tayo tumatawid – pati rin sa buhay. Ginawang kongkreto ang
konseptong ito sa tulong ng isang MMDA Officer. Ginamit bilang transisyon ang tauhan
niya. Ang officer ang siyang gumagabay sa mga tumatawid upang makarating ng ligtas
sa patutunguhan.

Bagamat tradisyonal ang ugat ng mga dula, naitawid nila ito at iniangkop sa
modernong panahon. Isang patunay nito ay ang anyo ng wikang ginamit at komedya.
Gumamit ng kulturang popular sa pamamagitan ng mga novelty songs (Beep, Beep ang
sabi ng Jeep). Kung susuriing sa pormalistikong pananaw, mahusay ang pagganap ng
mga aktor. Minimalist at mapagtimpi ang disenyo ng entablado. Maganda ang pailaw at
sound effects ng dula. Mas mapapahalagahan ng nakababatang henerasyon ang mga
modernong uri ng dula sapagkat sumasabay ito sa pag-usad ng mundo.

Halina’t tumawid na tayo sa buhay. Tayo na’t hanapin ang katarungan at


kalayaang nakatakda para sa atin. Maging inspirasyon nawa sa atin ang mga karakter ng
dulang Tarong na matapang na tumawid sa buhay. Huwag nating hayaang wasakin ng
lipunan ang sarili nating identidad. Palawakin natin ang ating sarili, magpakatotoo tayo.
Sapagkat ayon sa isang salawikain, “ang katotohanan ang magpapalaya sa atin.”

You might also like