You are on page 1of 3

Maikling Kwento ng Pag-ibig at Paninidigan

Filed under: Writings Jayson Yang @ 10:26 am

Isang araw, naabutan kitang umiiyak sa labas ng iyong apartment. Lumapit ako sa yo at nakita ko ang takot, galit, at lungkot sa iyong mga mata. Nagsimula ang ating kwento sa isang kilos-protesta na ating dinaluhan sa pakiusap ng isang propesor sa isang kurso kay Rizal. Ang alam lang natin, laban daw ito ng mga magsasakang tinanggalan ng karapatan sa kanilang sariling lupain. Tulad ko ay hindi mo din nauunawaan ang lahat, pero kapwa din natin piniling manatili at tapusin ang pagtitipon sa paniniwalang pagkatapos nito ay mayroon tayong mababaong mga bagong pananaw. Magkatabi tayong nakinig sa mga lider ng pakikibaka na nagbibigay boses sa mga hinaing ng mga naabuso nating kababayan. Natapos ang rally at sabay tayong naglakad papunta sa sakayan pero nagpasya munang tumigil sa isang batong upuan sa sunken garden. Ilang araw na lamang noon at matatapos na ang sem, pero iyon pa lang ang unang araw na nagkausap tayo. Andami-dami mong kwento, mula sa mga housemates mo sa isang apartment sa teacher s vill, ang dating taksil na kasintahang halos isumpa mo, ang mga engg subjects na binagsak mo at kung paano ka naging non-major. Hindi ko na natandaan kung paano natapos ang ating kwentuhan, pero malinaw pa din sa isipan ko ang sinabi mo bago ka magpaalam. Ngayon lang ako naging ganito kasaya. Kung ano ang kahulugan ng mga salitang yun ay hindi ko na muna inalam. Kung dati y hindi naman tayo magkatabi at nagpapansinan sa klase, sa sumunod na mga araw ay hindi na tayo mapaghiwalay. Hinihintay mong matapos ang huli kong klase at maglalakad tayo sa campus na parang walang katapusan ang araw. Tatambay tayo sa likod ng Quezon Hall at ikukwento mo sa akin kung paanong nabago ng unibersidad ang buhay mo. Paulit-ulit mo ding ikukwento ang iyong kabataan at saglit na tatahimik upang bigyang daan ang mga damdaming gusto mo nang kalimutan. Sa ganoong mga oras ko nakikita ang pinakamalungkot na itsura ng iyong mga mata. Nakamasid ka lang sa kalangitan, magbibitaw ng isang malakas na buntong-hininga, at sasabihin sa aking Ang gulo ng mundo. . Sunod ay maririnig ang ating tawanan na parang wala nang bukas. Ilang pagwalkout sa klase pa ang iyong sinang-ayunan upang dumalo sa mga kilosprotesta. Di nagtagal ay naging pormal kang kasapi ng grupo ng mga mag-aaral na aktibo sa mga pag-aalsa laban sa pang-aabuso sa karapatang pantao. Gayong kasama mo ako sa paniniwala sa mga bagay na ito, naunawaan mong hindi ko magawang sumapi sa inyong samahan dala ng aking sariling mga plano. Hindi mo ako kailanman tinanong, bagkus ay lagi mo akong pinapaalalahanan kapag may mga nakakalimutan akong gawaing pang-akademiko. Naging abala ka man sa pagmartsa sa iba t ibang lugar sa Kamaynilaan, sinisiguro mong magkikita pa din tayo kahit dalawang beses sa isang linggo. At sa mga araw na iyon, nararamdaman kong sa atin lang umiikot ang mundo, at tulad ng dati, lalakad tayo hanggang mapagod ang ating

mga paa, magkukwentuhan nang walang humpay, at ibabahagi ang kanya-kanyang pangarap sa buhay. Marami tayong pangarap na nabuo. At sa bawat pangarap na iyon, nangako tayo na walang maiiwan, walang mag-iisa. Isang araw, naabutan kitang umiiyak sa labas ng iyong apartment. Lumapit ako sa yo at nakita ko ang takot, galit, at lungkot sa iyong mga mata. Hindi ko alam kung bakit ngunit nang masilayan ko ang sakit na iyong nararamdaman ay bigla din akong napaiyak. Nagyakap tayo habang patuloy na umiiyak. Wala ni isang salitang lumabas. Halos kalahating oras tayo sa ganoong posisyon nang tumigil ka at hinawakan mo ang aking kamay, at inilapit sa iyong bibig. Muling pumatak ang iyong luha. Hindi ko mabasa ang isip mo ngunit naramdaman kong kailangan kitang hagkan. Iyon ang una nating halik, na nauwi sa pagsasalo sa magdamag. Dalawang araw pagkatapos ng gabing iyon ay sinabi mong kailangan mong bumalik ng probinsya. Halos tapos na din noon ang sem kaya inisip kong panahon na din iyon para makapagbakasyon ka. Hinatid pa kita sa terminal at hindi iniwan hanggang makaalis ang bus. Pababa na ako nang hinawakan mo ang aking kamay. Tiningnan mo ako na tila inaaral mo ang bawat sulok ng aking mukha. Malamlam ang iyong ngiti at nagbabadyang pumatak ang iyong mga luha. Salamat. Iyan lamang ang salitang sinabi mo. Tumawa ako at pinisil ang iyong ilong nang malakas na nagpasigaw sa yo. Sige na. Ingat ka. Pasalubong! Habang pababa ay naramdaman ko ang labis na kabang hindi ko maipaliwanag. Habang papalayo ay tinatanaw kita. Nakatingin ka pa din sa akin hanggang tuluyan ka na ngang umiyak. Tumalikod ako upang di na masilayan ang iyong pagluha. Hindi ko sigurado kung para saan iyon, ngunit hindi ko na muna inisip nang mga sumunod na araw. Hihintayin na lang kita sa sunod na pasukan. Nakasakay ako sa bus kahapon nang matanaw ko sa labas ang isang pamilyar na mukha, paakyat sa isang istasyon ng MRT, walang ipinagbago pagkatapos ng apat na taon. Ang huli kong balita y tumungo ka sa isang lalawigan upang ituloy ang laban sa lupain ng mga magsasakang iyong nakasalamuha sa isang kilos-protesta sa labas ng Kagawaran ng Agrilutura. Hindi ka na bumalik sa unibersidad. Hindi na din tayo muling nagkita at nagkausap. Gusto ko sanang bumaba para lapitan ka, ngunit may kung anong pumigil sa akin. Naging laman ka ng isip ko buong araw, ang mga alala ng ating naging samahan, hanggang maisulat ko ang ating kwento. Marahil sa susunod na makita kita, magagawa ko nang lapitan ka, at magpakwento, maraming-maraming kwento.

You might also like