You are on page 1of 1

Mga Basang Unan

Noong iwan mo ako nang walang pasabi at pangako ng pagbabalik umiyak ako
buong gabi. Umiyak ako nang sobrang tindi, kinailangan kong ibilad sa araw ang
unan ko kinabukasan.
Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong pag-iyak. Naisip ko,
hindi pinakuluang dahon ng bayabas o alak ang sagot sa ganitong klaseng sakit.
Luha ang pinaka-mabisang panglanggas sa sugat ng puso.
Kaya inaraw-araw ko ito. Sinisimulan at tinatapos ko ang mga araw na ginagamot
ang mga sugat na iniwan mo. Iniisa-isa ko ang mga alaala at hinahanap kung saan
sila bumaon ditto sa puso ko. Nakakatawa. Ang akala ko noon, kung dumating man
ang panahon na 'to, puro alaala ng mga away at hindi natin pagkakasunduan ang
iintindihin ko. Na sila ang mahirap gamutin. Na sila ang, kahit ilang balde na ng luha
ang aking pigain mula sa mga mata ko, magdurugo pa rin.
Pero mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga
patawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga yakap mo. Sa kung paanong ang balat ko
ay parang nalalapnos kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at ang hininga ko
ay nahahapo at kinakapos kapag niyayapos kita.
Nadurog ako noong gabing umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na
pinili mong manatili. Nadurog ako noong gabing sabihin mo sa akin na ayaw mo na,
pero mas nagdurugo ako sa gabing tinanong mo ako kung puwede pa ba. Nadurog
ako noong gabing tinalikuran mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod
ko, nandoon ka pa. At nadurog ako noong gabing sabihin mo sa aking hindi mo na
ako mahal. Pero nagdurugo ako, at nagdurugo ako, at nadudurog at nadudurog at
nagdurugo pa rin ako sa alaala na ikaw pa ang mas naunang magsabi ng "Mahal
kita."
Mahal. Kita.
Mahal. Kita.
Kung titignan maigi ang mga salitang isinulat ng lahat ng mga sugat na iniwan mo,
yang dalawang yan ang mababasa ko. Mahal. Kita. At sa inaraw-araw ng
pagbibilad-unan ko, nagmamahid na sila. Mahal. Kita. At sa dami ng luha na
pinanglanggas ko rito, naglalangib na sila. Mahal. Kita. At sa tagal nilang kumikirot
dito sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal. Kita. At sa hinaba-haba ng
panahon na ginugol ko sa gamutan, magsasara na sila. Magsasara at magiging
mga pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay "Mahal kita."
Mahal, kung magkita man tayong muli at tanungin mo ako uli kung puwede pa ba,
ang hihilingin ko lang sa'yo ay mga bagong unan. Dahil ang lahat ng sa akin ay 'kala
mo naulanan dahil lahat sila ay akin nang naiyakan ng mga kwento natin at nagiwan ng marka sa kanila at ayaw ko na. Ayaw ko nang matulog sa mga unang basa
at malunod sa pagtulog sa alaala na mahal kita. Mahal nga pala kita. Mahal pa rin
pala kita. At sa wakas, hindi na kasing sakit ng dati, pero mahal, masakit pa.

You might also like