You are on page 1of 15

UNIBERSIDAD NG PILIPINAS Diliman, Lunsod ng Quezon

SINGLE-MOTHER: ANG BAGONG MUKHA NG PILIPINANG INA SA GITNA NG MGA SULIRANIN NG KASALUKUYANG PANAHON

Ni:

Frauline C. Tadle BA Political Science

Isang Papel Panananliksik na Ipinasa kay Dr. Ma. Luisa M. Camagay Bilang Bahaging Katuparan sa kursong Kas 118

Marso 2013

INTRODUKSYON Ang pagiging magulang ay isang propesyon na karamihan sa ating lipunan ay nakatakdang tahakin at sadyang hindi maiiwasan. Ito ang hanap-buhay na siyang nasa sentro ng isang pamilya sapagkat layunin nitong hubugin ang mga susunod na henerasyon ng isang lahi. Kaakibat nito ang di mabilang na mga tungkulin at responsibilidad kaya't ito ay karaniwang pinag-tutulungan ng mag-asawa. Silang dalawa ang siyang magtataguyod ng isang pamilyang may maayos na pamumuhay at buklod. Ang ama ang siyang tumutugon sa una sa pamamagitan ng paghahanap-buhay, samantalang ang huli'y isang krusyal na prosesong nagaganap sa loob ng tahanan na kung saan, ang ina ang siyang punong abala. Sa kulturang Pilipino, 'Ilaw ng Tahanan' ang taguring sa mga ina. Bilang ilaw, pangunahin niyang responsibilidad ang magbigay 'tanglaw' sa kanyang mga supling. Mula pa lamang sa sinapupunan, pagkaluwal hanggang sa pagpapalaki, ina ang pumapasan. Bagaman may mga kontribusyon din ang ama, ang ina, bilang siya ang naiiwan sa tahanan ang siyang namamahala dito. Bukod pa dito, kasama rin sa kanyang mga pang-araw-araw na gawain ang pamamahala ng tahanan. Sa madaling sabi, ang pagkakaroon ng maayos na pamumuhay ng pamilya ay hindi lamang pinansyal na usapin kundi pantahanan rin. Samaktwid, ang ama at ina ay nananatiling magkatuwang para maayos na mamuhay ang pamilya. Sa ina rin nakasalalay ang harmonya sa loob ng pamilya, bilang bahagi ng kanyang responsibilidad para sa pagkakabuklod-buklod ng pamilya. Ayon kay Linda Perez, ang tibay ng loob ng isang ina ang isa sa susi upang mapagtagumpayan ito (n.p.). Masasabi rin na ang karakter na ito ng isang Pilipinong ina ay isang reaksyon ng kanyang pagnanais na mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang mga anak. Napatunayan nang malaki ang kinalaman ng maaayos na kapaligiran, lalo na sa loob ng tahanan sa paglaki ng bata. Ang mapayapang tahanan ay isang mahusay na lugar upang mapaghusay ng bata ang kanyang pagkatao- bagay na siyang

pinakahahangad ng sinumang ina. Kaya't ang pagpapatibay ng loob ng isang ina para sa harmonaya ng pamilya ay para pa rin sa kanyang mga anak. Sa kabila ng lahat ng ito, ang pagkakakulong ng ina sa loob ng tahanan ang nagiging dahilan kung bakit madalas na naisasantabi ang kanyang kapakanan at karamihan ng mga kontribusyon sa pamilya. Ngunit, sa paglipas ng panahon, nag-iiba ang istruktura ng lipunan. Kasabay niyon ay ang kamalayan at paraan ng pag-iisip ng mga mamamayan. Marami nang babae, kasabay ng kanilang pagiging ina ay nagiging propesyunal. Pinapasok na nila ang mundo na tinuturing na para sa mga kalalakihan. Tinatawag sila ngayon na mga working mom. Sila yaong mga ina na nagsisilbi nang buong husay sa bayan at sa kanilang pamilya. Sila ay isa sa mga bagong mukha ng mga Pilipinong ina. Isa pang umuusbong ngayon na bagong imahe ng mga Pilipinong ina ay ang mga singlemother. Kabilang ang populasyon ng mga single-mother sa lumalaking populasyon ng mga single-parent families sa bansa na noong 2000 ay 4% pa lamang ng populasyon (Dacanay, 1) ay naging 14% na noong 2012 (TUCP, n.p.). Hindi kataka-takang tawagin ito ni Patricia Tanner Nelson na fastest growing family lifestyle (Castillo, 16) sa mundo. Ano nga ba ang single-parent families? Binigyang kahulugan ito ni Carmela D. Ortigas. Ito ang depinisyon na kanyang ibinigay batay sa orihinal na pagkakasulat: ...an individual who is raising a child or children independetly of a spouse for an extended period of time. The children are raised in single-parent families or in one-parent homes, without having to deal with the stigma attached to having come from a broken family...The term 'one-parent family' or 'single/solo-parent home' is in fact the more accurate and positive description of a lifestyle and status (Creative Solo Parenting, 12). Marami sa mga single-mother ay dulot ng paghihiwalay na mag-asawa. Maliit na porsyento lamang ang dulot ng pagkamatay ng kabiyak at mga asawa ng OFW. Sang-ayon din sa 'SoloParent's Welfare Act of 2002, matututring ding single-mother ang mga asawa ng mga bilanggo at mga nag-ampon (NSO, n.p.).

Kabilang din sa mga kategoryang kapuwa ibinigay ni Oritigas at ng 'Solo-Parent's Welfare Act of 2002 ang mga magulang, partikular na dito ay ang mga ina na pinili lamang magkaroon ng anak. Hindi pang-karaniwan ang ganitong kaso sa ating lipunan. Ang pagiging magulang ay mahirap at hihigit pa kung ikaw lamang mag-isa. Hindi maiiwasang magkaroon ng interes ang mananaliksik hinggil sa buhay ng mga ina na ito na mas piniling itaguyod nang magisa ang anak sa kabila ng labis na hirap. Isa pang uri ng single-mother ay dulot ng teenage-pregnancy (Castillo, 18). Pangunahing sanhi nito ay ang tumataas na bilang ng mga kabataang matuturing na 'liberated' pagdating sa usapin ng seks (Bautista, 22). At dahil sa ang populasyon ng bansa ay karamihang

Katoliko,lubhang ipinagbabawal ang aborsyon dito. Upang hindi maging pabigat sa ibang kasapi ng pamilya, may 66% ng mga batang ina ang pinipili na lamang na maging single-mother sa halip na panagutin ang ama ng kanyang anak (Castillo 18). Ang buhay, partikular na ang mga suliranin ng dalawang klase ng single-mother na ito ang siyang paksa na pinili ng mananaliksik. Tulad ng nasabi na, ang pagiging magulang ay lubhang mahirap, lalo na kung nag-iisa na lamang. Sa kabila ng katotohanang ito, anu-ano nga ba ang mga kondisyong nagtulak sa kanila para tahakin o masadlak sa ganitong sitwasyon? Anu-ano ang mga problema na kanilang kinahaharap, lalo na sa usapin ng pagpapalaki ng bata at pinansyal at paano nila ito nasosoluyunan? Ito ang mga katanungang sinubukang sagutin ng mananaliksik sa ginawa niyang pag-aaral sa buhay ng dalawang single-mother: isang pinili o intensyunal at isang aksidente lamang o hindi intensyunal. Susubukan ding tignan ng mananaliksik ang epekto ng traditional na istruktura na pamilyang Pilipino sa kalagayan ng mga single-mother sa bansa.

INTENSYUNAL NA SINGLE-MOTHER Fe Delos Santos 37 taong gulang na si Fe nang magkaroon ng kinakasama na higit pang bata sa kanya. May ilang taon na rin sila nagsasama nang mapagtanto niyang ang pagbuo ng pamilya ay isang bagay na hindi niya ninanais pa. Ayaw niyang magkaasawa at ang gusto niya lamang ay magkaroon ng sex life at maranasang manganak bago siya tumanda. Nakadagdag pa sa mga dahilan niya ng hindi pag-aasawa ay ang masasakit na karanasan niya sa tuwing sila ay magtatalik ng kanyang partner. Ang pagkaroon ng anak na lamang ang kanyang inaasam. May katagalan din bago sila makabuo. Bagaman nakahanda ang kanyang kapareha na siya'y pakasalan, buo na ang kanyang isip na iiwan ang bata sa ama nito at bumalik sa buhay dalaga pagkatapos manganak. Noong araw ng kanyang panganganak, una silang nagpunta sa isang ospital sa Malati kung saan ninais ng mga doctor na isailalim siya sa isang caesarian na operasyon. Hindi siya sumang-ayon dito at lumipat sila ng osiptal ng Boni kung saan pumayag sila sa hiling niya. Ang kanyang determinasyon na iwan ang anak ay naglahong bigla nang masulyapan niya ang supling. Ika nga niya, natural pa lang lumalabas ang 'motherly instinct' ng babae sa oras na makita niya ang kanyang anak. Biglang nagbago ang kanyang isip at nagdesisyong kunin ang bata. Dali-dali niyang inasikaso ang sertipiko ng kapanganakan nito at literal na itinakas mula sa ospital. At doon nagsimula ang buhay nila bilang isang single-mother. Pinansyal na mga problema at solusyon Dahil hindi alam ng pamilya niya na siya'y nagdalang-tao, nagulat na lamang ang mga ito nang bumalik siya sa kanilang tahanan na dala ang anak. Pinapili siya ng mga magulang: kung makikipag-usap sa ama ng bata ay hindi siya tutulungan o susubukang kalimutan ang kapareha at siya'y tutulungan ng pamilya. Pinili niya ang huli. Tinulungan nga siya ng mga kapatid, lalo na

ang mga lalaki. Subalit, kalaunan nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan kaya't umalis siya sa tahanan nito. Nagtungo siya sa kung saan siya ngayon nakatira nang wala anumang papeles na dala na maaari niyang magamit upang makapasok. Naging mahirap ang buhay nilang mag-ina. Tumira sila pansamantala sa isang bakanteng bahay hanggang sa may isang empleyado ng DILG ang naawa at pinatuloy sila sa tahanan nito. Dahil sa kawalan ng sapat na papeles para sa isang trabahong may sapat na kita, napilitan siyang mamasukan bilang katu-katulong ng kung sinusino hanggang sa mapadpad siya sa puder ng isang may-ari ng panaderya. Nang isang araw, bilang siya ay may pinag-aralan, kinausap niya sa wikang Ingles ang anak ng may-ari. Laking gulat ng ina ng bata nang sumagot ito kay Fe sa parehong wika. Inalok siyang maging tyutor ng bata. Noong una ay ayaw niya sapagkat hindi niya talga pinangarap na maging isang guro. Ngunit dahil kailangan niyang kumita para sa anak, tinanggap niya ito. Sa ngayon, kilala siyang magaling na tyutor sa lugar na iyon. Kalaunan, kinuha siya ng baranggay bilang hukom. Maraming taon rin siyang nanilbihan sa baranggay, kasabay ng pagiging tyutor niya. Nang siya'y bumitiw dahil sa dami ng trabaho bilang isang hukom, inalok sa kanya ng kapitan ang posisyon na mamahala sa Women's Desk. Tinanggap niya rin ito. Sa ganitong pamamaraan niya binuhay at tinutusan ang pangangailangan nilang mag-ina bukod pa sa mga tulong na ibinibigay ng ilan sa kanyang mga kapatid na nangibang-bansa. Mag-isang Pagpapalaki ng Anak Nasa ikalawang taon na sa sekondarya ang anak na lalaki ni Fe. Sa loob ng maraming taon, naging katuwang niya ang kanyang mga kapatid na lalaki sa pagpapalaki ng anak. Ang kanyang mga kapatid na lalaki, lalo na iyong empleyado ng Kagawaran ng Edukasyon ang siyang tumatayong ama sa kanyang anak.

Hindi maikakaila ni Fe na malaki ang kinalaman ng pera sa maayos na pagpapalaki ng anak kaya't di kataka-takang ganoon na lamang ang kanyang pagsisikap upang matugunan ang mga pangangailangang materyal nilang mag-ina. Bukod sa suliranin ng salapi, minsan na rin naging problema ni Fe ay ang pakikibarkada na anak. Nabarkada ang anak niya sa ilang mga kabataang humaling na humaling sa paglalaro ng kompyuter. Umabot din sa punto na kung saan ay nangungupit na ang bata mula sa kanya at hindi na rin pumasok sa loob ng isang buwan. Upang matigil ang pagloloko na ito ng anak, tuluyang isinantabi ni Fe ang pamamalo at sa halip ay masinsinang kinausap ito. Ayon kay Fe, hindi na epektibo ang pamamalo ng kabataan ng kasalukuyan sapagkat higit silang magrerebelde kung sa ganoong paraan sila didisiplinahin. Hinikayat niya ang anak na maging bukas sa usapan. Kinausap niya ito kung gusto na ba nitong tumigil sa pag-aaral at ipatitigil niya ito. Nabigla ang anak at nagsabing nais pang mag-aral. Nagsimulang magtino ang anak. Ikinatuwa na lamang ni Fe na hindi nalulong sa iba pang bisyo ang anak tulad ng sigarilyo at alak. HINDI INTENSYUNAL NA SINGLE-MOTHER Jennifer Matias Halimbawa ng isang batang ina si Jennifer. 18 taong gulang siya nang mabuntis. Nakulong ang kanilang ama halos isang dekada na ang nakalilipas kaya ang ina na lamang nila ang kanilang tanging magulang. May pagkapamapangaral ito at mahigpit ngunit, ayon kay Jennifer, hindi naging mahusay na modelo ng sarili niyang mga pangaral ang ina. Ninais niyang lumaya mula dito. Ito ang ang nakikita niyang pangunahing dahilan kung bakit siya napunta sa ganoong sitwasyon. Pakiramdam niya ay tila wala siyang masasandalan. Nahanap niya ang sandigan na iyon nang sumali siya sa isang text clan. Nang minsan ay nagdesisyong magkita-kita ang mga kasapi niyon ay hindi naiwasang nagkainuman sila. Doon nangyari ang hindi inaasahan. Noon una ay hindi niya alam na nagbunga pala ang ginawa nila

noong gabing iyon. Sa loob ng tatlong buwan ay hindi siya nagduda dahil iregular naman ang kanyang buwanang dalaw. Inakala niya na lamang na bilbil ito ngunit nang maramdaman niyang may gumagalaw sa loob ng kanyang tiyan, alam niya nang buntis siya. Sa kasamaang palad, hindi pa handa ang ama ng bata sa bagong responsibilidad na ito. Dahil sa takot lumayas siya sa kanilang tahanan at nagpalipat-lipat siya nang tahanan hanggang sa patuluyin siya ng dating kasintahan at ng pamilya nito. Doon ay inalagaan siya nang buong husay hanggang siya'y manganak. Binalak niya pang ipalaglag ito ngunit dahil may tatlong buwan na ay delikado nang gawin ito. Naisip niya ring ipaampon ang kanyang anak ngunit nang masilayan niya ang kanyang sanggol at nakitang maganda ang bata ay naawa siya rito at hindi na lamang itinuloy ang kanyang binalak. Nang mabalitaan ng ina at mga kapatid ang kanyang kinaroroonan, agad siyang pinuntahan doon at iniuwi sa kanila.Magkahalong galit at awa ang natanggap niya mula sa sariling pamilya. Tinangka pang hanapin ng kanyang kuya ang lalaking nakabuntis sa kanya ngunit si Jennifer na rin ang pumigil sa kanya. 'Para saan pa?,' ika niya. Bagaman nakatatanggap ng mga panunumbat, lalo na mula ina, nanatili na lamang siyang tahimik dahil alam niya sa sariling na kasalanan niya ang nangyari. Liban na lamang kung nadadamay na ang anak ay nagsasabi siya huwag nang idamay pa ito. Pinansyal na mga problema at solusyon Dahil bata pa nang siya ay magkaanak, natural lamang para kay Jennifer ang walang trabaho. Hindi pa niya natatapos ang Sekondarya nang siya ay mabuntis. Kaya't upang sabay na mabigyang oras ang kanyang anak at pag-aaral, pumasok siya sa isang Open High School program nang sa gayon ay tuwing Sabado lamang niya kailangang pumasok. Kapag makatapos, binabalak niyang magkolehiyo at kumuha ng kursong may kinalaman sa kompyuter upang makangibang bansa.

Tumutulong na rin ang kanyang ina sa pag-aalaga ng apo sa tuwing aalis at papasok sa eskwelahan si Jennifer. Malaking bahagi ng salaping ipinantutustos niya sa mga pangangailangan ng anak ay mula sa kapatid niyang naghahanap buhay sa ibang bansa. Palibahasa ay walang anak, inalok siya ng kapatid na aalagaan ang anak sa oras na kinailangan niya nang maghanapbuhay. Ito ang isang bagay na hindi niya tinanggihan. At dahil nga unang pamangkin, giliw na giliw ang kanyang mga kapatid na lalaki sa anak ni Jennifer. Maging ang kuya niya na may trabaho sa Sucat ay tumutulong din. Ito pa ang punong abala sa paghahansa sa unang kaarawan ng pamangkin. Ang suporta mula sa ama ng bata ay hindi niya kailanman hinanap pa. Mag-isang Pagpapalaki ng Anak Nasa isang taon pa lamang ang anak na babae ngayon ni Jennifer. Sa ngayon ay hindi pa ito magtatanong ng tungkol sa ama. Isa pa, ang mga tiyuhin naman nito ang siyang tumatayong ama para sa sanggol. Para kay Jennifer, kung darating ang panahon na hanapin ng anak ang ama, sasabihin niya ritong iniwan na silang mag-ina nito. Kung magpumilit ay dadalhin niya ang anak sa tahanan ng ama. Aminado si Jennifer na tulad ng ibang ina, ayaw niyang maranasan ng anak ang mga naranasan niya. Hindi niya nanaising gayahin ang paraan ng pagdidisiplina ng sariling ina. Sa halip ay bibigyan niya ang anak ng higit na kalayaan na matagal na ipinagkait sa kanya. Ang kalayaang iyon, nang hindi mamihasa ang anak, ay bibigyan rin niya ng limitasyon. Maaaring sa ngayon ay mahirap itong isipin at isakatuparan, lalo na sa katulad ni Jennifer na maagang namulat sa pagiging ina. Ganoon pa man, ang paghahangad niya na magkaroon ng maayos na buhay ang anak ang siyang nagpapatibay ng loob niya. Maraming napagtanto si Jennifer mula nang maging ina. Tuluyan siyang nawalan ng kalayaang gawin ang anumang naisin niya at higit pang inuuna ang kaligayahan ng anak kaysa sa

sarili niya. Ngunit mababakas kay Jennifer ang kaligayahang dala ng anak sa kanya. Oo nga't maraming nagbago sa kanya ngunit tila higit pa niyong pinagtibay ay kanyang pagkatao. PAGSUSURI Ang dalawang maikling salaysay na ito ay ukol buhay ng dalawa sa mga klase ng singlemother: yaong intensyunal o pinili lamang magkaroon ng anak ngunit hindi ng asawa at hindi intensyunal, samakatwid ay hindi sinsadyang napasok sa ganoong estado ng buhay. Bahagi rin nito ang dahilan kung bakit sila nahantong sa ganoong sitwasyon. Sinuri rin kung paano binibigyang solusyon ng isang single-mother ang mga problemang pampinansyal at pagpapalaki ng bata. Naipakita rin dito ang naging kontribusyon ng pamilya upang matulungan ang singlemother. Kahit na sa magkaibang pamamaraan nag-ugat ang dahilan ng kasalukuyan nilang sitwasyon, may mga bagay na parehas sa buhay nina Fe at Jennifer. Pinakauna at pinakamahalaga na rito ay nang piliin nilang akuin ang responsibilidad ng pagiging magulang. Matatandaan na nakapagpasya na si Fe na iiwan ang anak sa ama nito at babalik sa buhay dalaga samantalang si Jennifer naman ay binalak pa itong ipalaglag at tinangkang ipaampon. Ngunit ang kanilang mga desisyon ay nagbagong bigla nang masilayan nila ang kanilang mga anak. Napatunayan dito na ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak ay tila natural nang nakatanim sa katauhan ng bawat babae. Walang desisyon ang makapipigil sa isang ina na pangalagaan ang supling. Ikalawang pagkakatulad ng dalawang ina ay pareho silang tinanggap ng pamilya. Kahit na noong una ay pagkabigla ang kanilang nakuhang reaksyon mula sa ito ay bukas palad pa rin silang tinggap. Ayon sa isa pang akda ni Carmela D. Ortigas, mahalaga para sa isang singleparent ang suporta ng pamilya lalo na sa pagpapalaki ng anak (Solo-Parent Experience, 25) dahil

sa kanila huhugot ng lakas ng loob at suporta ang isang single-mother. Patunay dito ay ang malaking tulong na nagawa ng pamilya nina Fe at Jennifer sa kanila. Mula sa mga pangangailangang pampinansyal hanggang sa mahusay na pagpapalaki ng bata ay nariyan ang kanilang pamilya na handa umalalay. Isa pang mahalagang tulong naiibibigay ng pamilya sa katulad nina Fe at Jennifer na mga single-mother ay ang pagkakaroon ng mga taong tatayo bilang ama sa kanilang mga anak, sa katauhan ng kanilang ama at mga kapatid na lalaki. Ito ay sa kabila ng tumataas ng bilang ng pamilyang Pilipinong nukleyar na umabot na sa halos 80%. (Castillo, 13). Bagaman nukleyar sa istruktura, ayon kay Castillo, nanatiling ekstended ang fanksyon ng pamilyang Pilipino. Samakatwid, kahit na hindi nakatira sa isang bubong, nanatili ang pagsuporta ng bawat kasapi ng pamilya sa isa't-isa. Makikita natin ito sa naging kapalaran nina Fe at Jennifer kung saan bukal sa loob na tumayong ama ang kanilang mga kapatid na lalaki sa kanilang mga anak. Pareho din silang hindi humingi ng tulong sa ama ng kanilang anak. Kahit na alam nilang may nag-aabang sa kanilang labis na paghihirap dahil sa pinili nilang istruktura ng pamilya, buo ang loob nilang hinarap iyon para sa anak. Hindi na inalam pa ng mananaliksik ang dahilan kung bakit nila ginawa iyon bilang pagrespeto sa kanilang pribado at personal na buhay ngunit kung ibabatay sa takbo na kanilang buhay matapos na magkaroon ng anak ay masasabing isa iyong mekanismo ng single-mother nang sa gayon ay hindi na siya makulong pa sa nakaraan at tuloytuloy na makasulong sa hinaharap upang higit na mabigyan ng magandang buhay ang anak. Bilang bunga ng hindi nila paghingi ng tulong mula sa ama ng kanii-kanilang mga anak, hindi na rin ginawang tungkulin nina Fe at Jennifer ang sabihin ang katotohanan sa kanilang mga anak. Sa kasalukuyan ay hindi naman gaanong nangungulit ang anak ni Fe hinggil sa katauhan ng kanyang ama. Marahil ay dulot na rin ito ng presensiya ng mga tiyo na tumatayong ama at maging ng positibong pananaw sa buhay ng ina ang tumutugon sa kawalan ng ama (Ortigas, sa

Solo-Parent Experience, 26). At kung sakaling dumating ang araw na magtanong ang kani-kanilang mga anak tungkol sa ama, magkaiba ang naging sagot nila. Para kay Fe, hahayaan niya ang anak na hanapin ito samantalang si Jennifer naman ay nakahandang ituro ang tahanan ng ama sa anak. Ang pagkakaibang ito ay marahil dulot ng magkaibang sitwasyon na naging dahilan ng kanilang pagiging single-mother. Si Fe, na kung saan ang relasyon niya sa ama ng bata ay natapos nang araw na itakas niya ang anak ay wala nang intensyong makipagkita dito. Samantala, dahil aksidente lamang ang pagkakabuntis ni Jennifer, maaaring pinasan niya ang responsibilidad na ipaalam ang katotohanan sa anak at sa ama ng bata kaya't gayon na lamang ang pagpayag niya na ituro sa anak ang kinaroroonan nito. Magkagayunpaman, pareho nilang hindi ipinagkait sa mga anak na makilala ang tunay nilang ama. Hindi rin nakaligtas ang dalawang ina na ito sa hirap na dulot na pagiging single-mother. Dahil magkaiba ng dahilan kung bakit sila naging isang single-mother, magkaibang aspeto ng kani-kanilang buhay ang nagpahirap sa kanila Fe at Jennifer. Si Jennifer, bilang isang dalagang ina ay kinaharap ang epekto ng biglang pagbabago sa kanyang buhay. Tulad rin ng iba pang single-mother dahil nabuntis nang hindi sinasadya, nakatanggap rin siya ng mga panghuhusga mula sa pamilya at ng konserbatibong lipunan. Kinaharap niya ang takot nang mag-isa sa loob ng ilang buwan siyang naglayas mula sa kanilang tahanan. Wika nga niya, 'Parang panaginip lang. Gusto ko nang magising. Kasi hindi ko akalain na may anak na ako eh'. Iba ito kay Fe dahil intensyunal ay higit siyang naging handa sa pagbabagong ito, kaakibat rin ng edad niyang maituturing nang matanda para maging bagong ina. Sa kabilang banda, pawang ekonomikal ang naging problema ni Fe. Dahilan ito upang tumanggap ng kahit anong marangal na trabaho upang kumita lamang, kahit na nakatuntong soya ng kolehiyo. Patunay lamang ang buhay niya sa limitadong mga oportunidad at mababang kita

ng kababaihan. Doble ang pasanin ng mga single-mother dahil sa kawalan ng asawang maaaring mangalaga sa anak kung maghahanap-buhay. Pumapasok din dito ang mabuting naidudulot ng ekstended na fanskyon ng pamilyang Pilipino dahil maaaring ipagkatiwala ng single-mother ang anak sa kanyang mga kapatid at magulang. Sa kabilang banda, si Jennifer naman ay halimbawa ng isang inang nagsisikap na makatapos ng pag-aaral upang makakuha ng diploma para sa isang matinong trabaho. Ayon nga kay Ortigas, ang labis na pagnanais na maibigay ang maayos na buhay ang kanyang mga anak ang nagtutulak sa single-mother upang maghanap-buhay (The Solo-Parent Experience, 92). Kasabay nito, higit na nailalabas ng isang babae ang kanyang natatagong potensyal kaysa kung nakatago lamang siya sa loob ng tahanan. Marami sa mga single-mother ang pumapasok sa mga negosyo upang kumita. May iba naman, katulad ni Jennifer na itinutuloy ang kanilang pag-aaral at ginagamit ang pinag-aralan upang maging ganap na mga propesyunal. Kung iisipin, ang pagiging isang single-mother ay hindi lamang negatibo kundi may positibo ring naidudulot sa isang babae. Higit siyang nabibigyan ng laya na paunlarin pa ang kanyang sarili, liban pa ang maging isang ulirang ina. May pagkakaiba o pagkakatulad man sa mga karanasan nina Fe at Jennifer, hindi pa rin nito mababago ang katotohanang sila ay bahagi ng lumalaking populasyon ng mga single-mother sa Pilipinas. Sila na kumakatawan sa mga bagong mukha ng pagiging isang Pilipinang ina ay nagpapamalas ng katatagan ng loob higit kanino man. Higit pang marami suliranin silang dinaranas bukod sa mga nabanggit na, ngunit dahil sa suporta ng pamilya at pagmamahal sa anak ay nalalampasan nila ang mga iyon. Ang mga kwento ng mga single-mother na sina Fe at Jennifer ang nagpapatunay na ang tapang, tibay, lakas ng loob, pagmamahal at dignidad ng isang Pilipina kailanman ay hindi natinag. KONKLUSYON

Ang pagiging magulang isang bagay na mahirap gampanan sapagkat dito nakasalalay ang susunod na salinlahi. Dahil sa bigat ng pasanin na ito, karaniwan na itong tangan ng dalawang balikat: isang ama at isang ina. Sa paglipas na panahon ay nagbago ang istruktura ng lipunan. Kaakibat nito ay ang pagbabago rin ng pamilya. Dumarami na ngayon ang bilang ng mga singleparent at malaking populasyon nila ay mga single-mother. Ang pasanin ng dalawang tao ay kinakaya na ngayon ng isa. Maraming problema na dapat solusyunan ng isang single-mother. Dalawa sa mga ito ay ang pinansyal at ang maayos na pagpapalaki ng bata. Ang mga salaysay ng dalawang klase ng ina na inaral ng mananaliksik: intensyunal at hindi intensyunal ay kapuwa nagpamalas ng isang sulyap sa buhay ng isang single-mother. Pareho nilang pinatunayan na ang pagiging isang ina ay natural at lalong umuusbong nang makita nila ang kani-kanilang mga anak. Kapuwa din silang nakatanggap ng tulong mula sa pamilya at hindi rin nila ipinaalam sa anak ang katotohanan ukol sa ama, bagaman handa silang payagan ang anak na hanapin ito. Magkaibang problema ang hinarap ng dalawang ina. Habang ni Jennifer ay problemang pang-emossyunal dahil hindi intensyunal ang kanyang pagdadalang tao, si Fe naman ay pinansyal dahil biglaan ang naging desisyon niyang maging single-mother. Magkaiba man, pareho parin nila itong hinarap nang buong tapang at tatag ng loob upang makamtam lamang ang pinaka-aasam na buhay para sa kanilang anak. Patunay lamang sila, sampu ng mga singlemother sa buong bansa ng tibay ng Pilipinang ina na tunay na kahanga-hanga.

MGA SANGGUNIAN '14M Filipinos are Single Parents.' Trade Union Congress of the Philippines. TUCP.org., 9 Hunyo 2012. <http://www.tucp.org.ph/news/index.php/2012/06/14m-filipinos-are-singleparents/>. Nakuha noong 28 Pebrero 2013. Bautista, Paulina. Young Unwed Mothers: Medical, Psychosocial and Demographic Implications. Quezon City: Giraffe Books, 1997. Castillo, Gelia. Where Food and Population Meet: The Filipino Household Among Other Households. Quezon City : UP-CIDS, c1993. Dacanay, Athena Maniya. Does It Take Two?: A Comparison of the Academic Performance of Filipino Children from Single-Parent and Dual-Parent Families. Quezon City: College of Home Economics Library Archives, University of the Philippines, October 2006. 'Female Headed Households (% of Household with a Female Head) in the Philippines.' Trading Economics.Tradingeconomics.org., n.d. <http://www.tradingeconomics.com/philippines/femaleheaded-households-percent-of-households-with-a-female-head-wb-data.html. Nakuha noong 28 Pebrero 2013. Rojas-Aleta, I., et.al. A Profile of Filipino Woman: Their Status & Role. Manila: Philippine Business for Social Progress, October 1977. National Statistics Office. 'Q&A: Solo Parent's Welfare Act and Parental Leave. ' Republic of the Philippines: National Statistics Office. Census.gov., 3 Marso 2008. <http://www.census.gov.ph/content/q-solo-parents-welfare-act-and-parental-leave>. Nakuha noong 16 Marso 2013. Ortigas, Carmela. Creative Solo Parenting: Here's How!. Quezon City : Office of Research and Publications, Loyola Schools, Ateneo de Manila University, 2008. _____. The Solo- Parent Experience: A Growing Social Phenomenon. Quezon City: Office of Research and Publication, Loyola Schools, Ateneo de Manila University, 1991. Perez, Linda. 'The Filipino Woman's Role in the Humanization of Social Life.' The Humanization of Social Life: Theory and Challenges. Ed. Wheatley, C., et.al. CVRP.org, 6 Pebrero 2009. <http://www.crvp.org/book/Series07/VII-18/chapter-13.htm>. Nakuha noong 16 Marso 2013.

You might also like