You are on page 1of 2

Isa sa mga patunay ng sinaunang pamayanan sa Rizal ay ang mga ukit sa isang kuweba sa

Angono na tinaguriang mga Petroglipo ng Angono. Tinatayang ginawa noong 1000 BC, ang
mga petroglipo ay kinabibilangan ng mahigit 120 ukit na hugis tao, palaka, at butiki.

Ang mga sinaunang mamamayan ng lalawigan ng Rizal ay unang nanirahan sa mga pampang
ng Laguna de Bay. Bago dumating ang mga Kastila, ang mga pamayanang ito, gayundin ang
mga pamayanan sa pampang ng Ilog Pasig, ay pinamumunuan ni Raha Sulayman na
pamangkin ni Lakandula, ang pinuno ng Tondo.

Matapos gapiin ng unang Kastilang gobernador-heneral na si Miguel López de Legazpi ang


mga raha, inatas niya sa kanyang pamangkin na si Juan de Salcedo na lupigin ang mga bayan
sa katimugan ng Luzon. Noong 1571, sunod-sunod na nakuha ni Salcedo ang mga bayan sa
pamamagitan ng diplomasiya at pakikipagkasundo sa mga mamamayan.

Inorganisa ang mga bayan sa mga munisipyo ng gobyernong Kastila sa Maynila. Matapos
nito, ipinadala ang mga misyonero tulad ng mga Pransiskano at Heswita upang magtayo ng
mga simbahan sa mga bayan at ipalaganap ang Kristiyanismo. Isa sa mga unang simbahan ay
ipinatayo ng Heswitang si Padre Pedro Chirino, Kastilang iskolar na sumulat ng mga aklat
tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bago pa man maging lalawigan ang Rizal, ang mga pamayanan nito ay naging bahagi ng mga
lalawigan ng Tondo at Laguna noong panahon ng mga Kastila. Gayunpaman, bago dumating
ang mga Kastila, ang mga bayan ng Pasig, Parañaque, Taytay at Cainta ay binubuo na ng
mga pamayanang Tagalog na nakikipag-ugnayan na sa mga Tsino at iba pang mga Asyano.

Noong 1853, ang mga bayan ng Morong, Pililla, Tanay, Baras, Binangonan, Jalajala,
Angono, Antipolo, Boso-Boso, Cainta at Taytay ay inalis sa lalawigan ng Tondo at inilipat sa
bagong tatag na Distrito Politico-Militar de los Montes de San Mateo. Makalipas ang apat na
taon, ito ay pinangalanang Distrito-Militar de Morong upang bigyang-diin na Morong ang
kabisera ng distrito.

Noong 1860, ang lalawigan ng Tondo ay naging lalawigan ng Maynila at ang lahat ng bayan
nito ay isinailalim sa pangagasiwa ng gobernador ng Maynila.

Sa kalagitnaan ng hidwaang Pilipino-Amerika noong 1900, sinimulan ang diskusyon ukol sa


pagsasanib ng mga lalawigan ng Maynila at Morong. Noong ika-5 ng Hunyo 1901, 221
delegado ang dumalo sa pagpupulong sa Simbahan ng Pasig. Sa pagpupulong na ito,
iminungkahi ni Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera na pagsamahin ang Maynila at Morong sa
isang lalawigan ng tatawaging Rizal bilang paggunita sa bayaning si Dr. José Rizal.

Noong ika-11 ng Hunyo, 1901, sa pamamagitan ng Batas Blg. 137, nilikha ng Ikalawang
Komisyon sa Pilipinas ang lalawigan ng Rizal na binubuo ng 19 na bayan mula sa Maynila at
14 na bayan mula sa Morong sa kabuuang 33 bayan.

Sa loob ng maraming taon, nagbago ang kinasasakupan ng lalawigan ng Rizal hanggang sa


ito ay buuin ng 26 na bayan (maliban sa mga lungsod ng Kalookan, at Quezon]): Las Piñas,
Malabon, Makati, Parañaque, Taguig, Pateros, Pasig, Marikina, Muntinlupa, Mandaluyong,
Navotas, San Juan, San Mateo at Montalban (mula sa dating lalawigan ng Maynila), at
Angono, Baras, Binangonan, Cainta, Antipolo, Cardona, Jalajala, Morong, Pililla, Tanay,
Taytay at Teresa (mula sa Distrito-Militar de Morong).
Noong ika-7 ng Nobyembre 1975, sa pamamagitan ng Atas ng Pangulo Blg. 824, ang 12 sa
pinakamaunlad na mga bayan ng Rizal—Las Piñas, Muntinlupa, Taguig, Parañaque, Pateros,
Makati, Mandaluyong, San Juan, Malabon, Navotas, Pasig at Marikina—ay inilipat sa
bagong tatag na Kalakhang Maynila. Kabilang din sa bagong rehiyon ang bayan ng
Valenzuela na dating sa Bulacan, at ang mga lungsod ng Quezon, at Kalookan.[1]

Sa ngayon, ang lalawigan ng Rizal ay binubuo na lamang ng 14 na bayan—San Mateo,


Montalban, Cainta, Taytay, Angono, Antipolo, Binangonan, Teresa, Morong, Cardona,
Tanay, Pililla, Baras at Jalajala.

Noong ika-13 ng Pebrero 1998, nilagdaan ng Pangulong Fidel V. Ramos ang Batas Pambansa
Blg. 8505 na nagtatag sa bayan ng Antipolo bilang isang lungsod. Ito ay niratipika matapos
ang plebisitong ginawa noong ika-4 ng Abril 1998.

You might also like