You are on page 1of 31

Di Masilip Ang Langit

ni Benjamin P. Pascual

1981 Palanca Awards

********************************************************************

– at pag-iinitan ka pa. Bago ka pa lang dito, pare. Yan ang unang matututuhan mo dito sa ob-lo
pagtagal-tagal mo.
Umiiyak kanina ang waswas ko, pare. Isi ka lang, sabi ko. Ito ang kapalaran natin, e. Naawa
siguro sa ‘kin. Matagal nang ito ang haybol ko at bibilang pa ng maraming taon na ito ang
haybol ko. Sabi ko naman, ayaw ka ba n’on, konkreto ang bahay ko at ginugwardiyahan pa ng
les-pu? Nagpapatawa lang ako, pare lungkot din ako. Sabik na ako sa laya, pare. Naaawa na rin
ako sa waswas ko na di ko alam kung paano nabubuhay ngayong narito ako sa ob-lo.
Pare, sindihan mo yan. Huwag mo lang ipapatanaw ang baga sa labas. Takpan mo ng lukong ng
palad mo.
Anong kaso mo pare? Arson, pare. Ha-Ha-ha! Isang ospital ang sinunog ko – o pinagtangkaang
sunugin. Dahil hindi nasunog lahat, pare. Tersiya parte lang ng bilding ang kinain ng apoy.
Hindi ka siguro maniniwala, pare. Kami ang gumawa ng ospital na iyon. Sa Quezon City ‘yun,
pare. Yong pribadong ospital na ari ng magkapatid na mestisong instik, Lim ang apelyido. Ang
ibig kong sabihin, pare. isa ako sa mga peon, ‘yung nagtayo n’on, kantero ‘ko pare — ‘yon bang
tagahalo ng semento.
Nang magawa namin yon pare, para ‘kong pintor na nakagawa ng obra maestra. Gano’n pala ang
mararamdaman mo pag nakagawa ka, pag nakabuo ka ng isang magandang bagay. ‘Yon lang
kasi ang magandang bagay na nagawa ko sa buong buhay ko. Alam ko, ang arkitekto ang
nagplano n’on, pero, isa ‘ko sa mga gumawa. Kung masasabi niyang siyang gumawa n’on,
masasabi ko rin na ako. paano mo matatayo ang isang bilding pare, kung wala kang tagahalo ng
semento? Di mo ‘yon maitatayo sa pamamagitan ng lapis at papel lang.
Nang mayari namin ‘yon pare, di ko pagsawaang tingnan. Paulit-ulit kong minasdan. Lalagay
ako sa malayo, sa harapan, at hahagurin ko ng tingin. Papa’no parang isang magandang babae,
pare na maya’t maya’y gustong mong ukulan na humahanga at nagmamalaking tingin dahil alam
mong mga kamay mo ang katulong na gumawa at bumuo.
At ito ang pinagtangkaan kong sunugin, pare! Ha-Ha! Sasabihin ko sa ‘yo kung bakit.
Uumpisahan ko sa simula.
Mahigit na ‘sang taon naming ginawa ang ospital na ‘yon pare. Nang mayari ang pundasyon,
marami sa mga kasamahan ko ang doon na natutulog. Alam mo na, para makatipid sa pasahe.
Nang malaon, sinabi ko ke Luding — Luding ang pangalan ng waswas ko, pare — na do’n na rin
ako matutulog, kasi kahit na nasa Quezon City rin kami nakatira e malayo sa amin ang
ginagawang bilding, kailangan magdalawang sakay ka sa bus at dyip.
“Sige” sabi ng waswas ko.”Nang makatipid tayo ng kontisa gastos” Kasi pare, minimum lang
ang pagana sa ‘kin sa ginagawang ospital. Ang minimum no’n disiotso, hustong-husto lang sa
pagkain at pangangailangan naming mag-asawa.
Sasabihin Ko muna sa ‘yo Kung saan kami nakatira no’n, pare. Ang haybol namin no’n e hindi
talagang bahay kundi isang maliit na kubo, mas tama sigurong tawaging barung-barung ‘yon,
dahil mas marami ang yero – na unti-unti naming naitayo sa isang bakanteng lote sa tabi ng isang
bagong tayo ring subdibisyon. Pinsan ng waswas ko ang inhenyerong nagtayo ng subdibisyon at
napakiusap namin sa kanyang bakanteng ngang loteng ‘yon, na di na sakop ng lupa ng
subdibisyon, na kaibigan naman ng inhiyerong pinsan ng waswas ko. Ang ibig ko lang sabhin
dito, pare, legal naman ang pagkatira sa subdibisyon, hindi kami talagang iskwater na basta na
lang nagtayo ng bahay, sa lupa ng me lupa. Sabihing nakatira, pero hindi iskwater.
Ang hirap ng lagay namin do’n pare. Para kaming etat, sa tabi ng isang basong gatas. Bakit e
medyo maaskad ang kara ko. Kung tingnan ako ng mayayamang taga sabdibisyon e parang bang
sa anumang sandali’y lolooban ko ang malaki at magaganda nilang bahay. Ang talagang dahilan
lang nama’y nakakapagpapangit ang aming barung-barong, sa tingin, sa magaganda nilang bahay
sa sabdibisyon at ibig nilang kami’y umalis.
Hirap kami no’n, pare. Ang layo ng iniigiban ko ng tubig. Wala pang ilaw. Ayaw kaming
pakabitin ng koryente sa sabdibisyon. Ang ibig nga nila’y Kami’y umalis.
Sa itinatayong bilding na nga ako natutulog at umuuwi lang kung Sabado ng hapon. Me kasama
naman sa bahay ang waswas ko, ang kanyang ina na nakapisan na sa amin mula pa nang kami’y
ikasal. kung gabi, masaya kami sa ginagawang bilding. Me magpa¬pabili ng kuwatro kantos at
pararaanin namin ang mga oras sa kantahan at kwentuhan. O gagalain namin ang buong bilding
na kung baga sa tao e kalansay pa lang. Ang pasikot-sikot ng bilding e alam na alam namin, pare,
na parang guhit ng aming palad.
Nang matapos na ang bilding – nang matapos na, ang ibig kong sabihin at me doktor na at me
tumatanggap na ng pasyente – siya namang pagbubuntis ng waswas ko. ‘Yon ang una naming
anak, pare. Wala pa kaming ‘sang taong kasal nang umpisahan naming gawin ang ospital.
“Hanggang Maagay magplano tayo”, sabi ko sa waswas ko isang gabi, at sinabi ko sa kanya na
mabuti siguro’y sa ospital na itinayo namin siya manganak.
“Mahal roon,” sabi ng waswas ko. “Mayayaman lang ang nanganganak at nagpapagamot doon.”
“Me pri ward doon”, sabi ko naman.
“Hindi ko alam”,sabi niya.
“Alam ko”, sabi ko. kailangan ‘yon. kami ang gumagawa no’n, di ba? Gamot at pagkain lang ang
babayaran mo sa pri ward doon at konting donasyon na ibibigay.”
“Ikaw, kung gusto mong do’n ako manganak e di do’n” sabi ng waswas ko.
“Meron ka bang alam na ibang ospital na maari mong pangana¬kan?” , sabi ko.
Tumingin lang sa akin ang waswas ko at hindi sumagot. Alam na niya na ang pinakamalapit na
ospital sa ‘min e ang ginawa namin. Me ilang ospital naman na me pri ward din, pero iyo’y
malayo na sa amin o nasa maynila na.
Wala pa ‘kong masasabi sa ‘yo tungkol sa waswas ko. Mabait siya, pare. Siya ‘yong kung
sisigawan mo’y tatalungko na lang sa isang sulok. Sunud-sunuran sa gusto ko, pare. Maganda pa.
nakita mo naman sa bisitor rum kanina. Me mukha naman, di ba?
Tayung-tayo pa ang suso, di ba? Pagkatapos naming mag-usap ng waswas ko kung saan siya
manganganak, Isang araw na napagawi ako sa ospital na ginawa namin e nagtuloy ako sa loob.
Wala naman akong ipapagamot. Gusto ko lang mag-usisa, mag-usyoso. Ginala ko ulit ang
palibot, sinundan ng tinginang nagsasalimbayang mga nars at doktor. Pare, gusto kong sabihin sa
lahat ng tao ro’n na isa ‘ko sa mga gumawa no’n.
Sa madaling salita’y lumaki at lumaki ang tiyan ng waswas ko. Nang walong buwan na ang
kanyang kabuntisan e ping-uusapan uli namin ang kanyang panganganak. Para kaming nagdidril
kung ano ang gagawin kung magkakasunog. Sabagay, kailangan ‘yon. Malayo ang subdibisyong
aming iniiskwat sa kalsada na daanaan ng mga sasakyan. kaya halos lahat ng taga subdibisyon e
me kotse.
“Pa’no kung dumating ang oras ng manganganak kang wala ako rito sa bahay?” tanong ko ke
Luding. Mangyayari lang ‘yon, pare sa araw na nasa trabaho ako. Me ginagawa kaming bahay
no’n sa Pasay.
“Lalakad ako hanggang sa abangan ng sasakyan at tatawag ng dyip o taksi at magpapahatid sa
ospital,” sabi ng waswas ko.
“Makaya mo kayang lumakad hanggang sa kalsada?” tanong ko.
“Kakayanin ko,” sabi niya.
“Pa’no kung di mo makaya?” sabi ko. “Pa’no kung mapanganak ka sa daan?”
“Bahala na,” sabi niya.
“Sana’y narito ‘ko pag nanganak ka na,” sabi ko.
Tumawa ang waswas ko at ang sabi, “Di ganon din ‘yon. Maglalakad din ako hanggang sa
abangan ng sasakyan.” “iba talaga ‘yung narito ‘ko,”sabi ko.
“Sabagay,”sabi niya.
“Sana’y sa gabi ka manganak,” sabi ko. “Narito ‘ko.
Huwag lang sa hating-gabi o madaling araw. Baka mahirapan tayong makakita ng taksing
maghahatid sa ‘tin sa ospital.”
Naging problema sa ‘kin ang panganganak ng waswas ko. Unang anak ko ‘yon, pare, unang
pagkakataon na magiging tatay ako. Maiintindihan mo naman siguro kung bakit gano’n na lang
ang paghahangad kong malagay sa ayos ang panganganak niya, huwag malagay sa panganib ang
aming magiging anak.
Pare,halos gabi-gabi’y pinag-uusapan namin kung ano ang ipapangalan sa aming magiging anak.
Ang waswas ko’y mahilig sa mga pangalang Amer’kano at gusto niya ang mga pangalang
Michael at Leonard at Robert, kung lalaki ang bata at kung babae nama’y gusto niya ang
pangalang Elizabeth at Jocelyn at Roda. Ang gusto ko nama’y Lualhati, kung babae ang bata, at
Joselito kung lalaki. Me kapatid kasi akong namatay na Jose ang pangalan at ikinabit ko ang Lito
dahil ‘yon ang gusto kung maging palayaw n’ya Paboritong ko kasing artista si Lito Lapid, pare,
Gaya ng nasabi ko na, sunod-sunuran sa ‘kin ang waswas ko at nagkasundo kami sa pangalang
gusto ko.
Me isa pang dahilan kung bakit ayokong malagay sa panganib ang buhay ng aming magiging
anak, pare. Gustong-gusto ng waswas ko ang kanyang pagbubuntis. Ang ibig kong sabihin pare,
gustong-gusto niyang maging ina. Napapakiramdaman ko ‘yon sa ‘ming mga pag-uusap tungkol
sa batang isisilang, kung nagsasabi siya ng mga pangalang Amer-kano na ibig niya para sa bata,
kung pinag-uusapan namin kung saan pag-aaralin ang bata. Likas lang siguro ‘yon sa bawat
babae. Bawat babae’y gustong maging ina. At ayokong maging sentimental, pare. Ang gusto ko
sa waswas ko’y natural din sa mga lalaki, di ba?
Nobyembre, manganganak ang waswas ko at alam ko kung papasok ang buwang ito. Matatapos
pa lang ang Oktubre, namumulaklak na ang talahib sa pagpasok ng Nobyembre at sa
panganganak ng waswas ko.
Pumasok ang Nobyembre, nakaipon na ‘ko ng sandaang piso. Sa gaya kong nagkakantero lang,
pare, hindi madaling mag-ipon ng sandaang piso na ilalabas mo sa gastusan sa bahay.
Kinakailan¬gang awasin ko yon, nang unti-unti, sa gastos ko sa pagkain sa tanghali, sa paghinto
muna sa paninigarilyo, sa hindi muna pagto¬ma. Pare, kung minsa,y nagpupunta sa birhaws o sa
putahan ang mga kasama ko pero nagtiis akong maiwan sa ginagawang bilding. Tinipid kong
talaga nang husto ang sarili ko, pare. Ang sandaang pisong ‘yon e inilaan ko sa biglaang
pagkakagastusan, gaya ng ibabayad sa taksi kung dadalhin na sa ospital si Luding, o bayad sa
ospital kasi nga’y me pagbabayaran ka rin sa ospital kahit pri ward.
Nasa trabaho ‘ko pare, nang magdamdam ang waswas ko. Umaga no’n. Ang pangyayari’y hindi
ko nakita. Ikinuwento na lang sa ‘kin ng waswas ko kinagabihang puntahan ko siya sa ospital.
Gan’to, pare. Isang oras pagkaalis ko ng bahay, sumakit ang tiyan ng waswas ko – talagang oras
na ng panganganak niya, naramdaman niya. Hindi niya ‘ko matawagan sa telepono – siyempre
walang telepono sa bahay na ginagawa namin. Hindi naman daw niya mautusan ang nanay niya
na puntahan ako at pasabihan. Medyo engot ang matanda, pare, aanga-anga at mahina pa ang
tenga. Sinabi na lang niya sa nanay niya na pumirme sa bahay at pupunta na siyang mag-isa sa
ospital. Lalakad siya hanggang sa kalsada, gaya ng usapan namin, at sasakay sa dyip o taksi at
magpapahatid sa ospital. Me pantaksi siya. Lagi siyang may nakahandang pantaksi na ibinigay
ko sa kanya mula sa sandaang naipon ko.
Nang naglalakad na ang waswas ko sa mga kalye ng subdibisy¬on, pasiyorkat sa abangan ng
sasakyan, bigla raw humilab ang tiyan at hindi siya makalakad. Napilitan siyang lumapit sa isang
malaking bahay do’n na ari ng isang taga-BIR na ang pangla’y Mr. Cajucom, na me kotse, at
kumatok siya nang kumatok at tumawag nang tumawag sa geyt. Ang lumabas, pare, e ‘yong
asawa ni Mr. Cajucom, na ito at tinanong siya kung bakit. Sabi ng waswas ko’y manganganak na
siya at kung maaari’y makikiangkas sa kotse at padadaan sa ospital.
“Kumakain pa, e”, sabi raw ni Miss Cajucom
Biruin mo ‘yon, pare? Kumakain pa raw! Pare, akong may kotse at me nagsasabi sa ‘kin na ang
kapitbahay ko’y manganganak, maski na ‘ko nasa ibabaw ng waswas ko’y, babangon ako at
uunahin kong asikasuhin ‘yung manganganak. Pero, pare, kumakain pa raw! Hindi man lang
pumasok at sinabi ro’n sa asawa na ang waswas ko’y nasa labas at parang asong naghahanap ng
mapapanganakan!
‘Mapapanganak na ‘ata ‘ko , Misis”, sabi raw ng asawa ko. “Baka di na ko umabot sa ospital.”
Buti na lang at lumabas si Mr. Cajucom at nakita ang waswas ko. Naawa naman siguro – o baka
nisip na kargo de konsensiya niya kung mamamatay ang waswas ko sa labas ng kanyang geyt –
iniwan ni Mr. Cajucom ang pagkain at agad daw nagbihis, pinasakay sa kotse ang waswas ko at
isinugod sa ospital. Ang totoo, pare, nag-oopisina ang Mr. Cojucom na ito. Hindi naman niya
kailangan ihatid sa ospital ang waswas ko, kailangan idaan lang niya sa ospital sa pagpasok niya
sa opisina.
Eto na ang masakit, pare. Kung sa iyo nangyari ‘to e baka nakapatay ka ng tao.
Sasabihin ko muna sa ‘yo kung anong kotse meron ang Mr. Cojucom na ‘to, pare. Mustang ‘yon,
pare, erkondisyon at bago. Malalaman mo naman kung bago ang kotse dahil sa plaka, di ba? Ang
gara pare, kulay berde. Nakikita ko ang kotseng ‘yon pag gumagala si Mr. Cajucom sa loob ng
subdibisyon. Pare, kahit sa layong isang kilometro, masasabi mong ang me are no’n e hindi
basta-bastang tao. Maatik, ibig kong sabihin.
Eto na pare. Nang dumating na sila sa ospital, sabi ng waswas ko – sa ospital na ginawa namin,
pare – salubungan daw sa kanila ang mga nars at attendant. Akala siguro, pare, misis ni Mr.
Cajucom ang waswas ko.
Bumaba raw ng kotse ang waswas ko, sapo ang parang babagsak niyang tiyan, at sabi raw ke Mr.
Cajucom: “Salamat ho, Mr. Cajucom”, at no’n siguro nalaman ng mga sumalubong na ang
waswas ko’y nakiangkas lang sa kotse, “Sa pri ward lang ako”.
Pare, isa-isa raw tumalikod ang mga nars at attendants. Me natira namang isang nars, na sabi raw
sa waswas ko: “Titingnan ko ho kung me bakante, maghihintay muna kayo ro’n”.
Maghintay muna raw, pare. Namimilipit na ang waswas ko sa sakit ng tiyan. maghintay raw
muna.
Naupo ang waswas ko sa lobi at naghihintay. At nakalimutan na siya pare. Sinabi kong
nakalimutan, pero ang dapat ‘atang sinabi ko’y hindi inintindi. Dahil beinte minutos pa ang
naka¬raan, sabi ng waswas ko, e hindi pa rin sumisipot ang nars na nagsabi sa kanya na
maghintay siya ro’n.
Malungkot, pare. Do’n na napanganak ang waswas ko, at ang pagkaguluhan siya ng mga nars at
doktor at isakay sa estretser at isugod sa elebeytor para dalhin sa emerdiyensi rum. Eh huli na
patay na ang bata. Bopol ako sa ingles pare, mahina ‘ko riyan at wala ‘kong naiintindihan sa mga
salitang ingles na sinabi nila na siyang dahilan raw ng pagkamatay ng bata. Pero ang waswas ko
pa rin ang pinaniniwalaan ko. Sabi ng waswas ko’y namatay ang aking anak dahil bumagsak sa
semento. Simpleng-simple. pare. Bumagsak sa semento.
Nakita ko ang bata, pare. Nang gabing iyon ng sumugod ako sa ospital pagkagaling sa bahay.
Nakapagpapaalala, pare, sa isang kuting na nabalian ng leeg. Kuting, pare. pusa. Napaiyak ako,
pare.
Pare, mamamatay ba ang batang ‘yon kung halimbawang ang asawa ng waswas ko’y si Mr.
Cajucom? Kung halimbawang kame ang me are ng mustang?
At nangyari yon. Pare, sa ospital na ang mga kamay ko ang katulong na gumawa. Masakit, pare!
Nang gabing ‘yon, sa priward, pare – iyak nang iyak ang waswas ko. Gusto raw niyang
maghabol. Hindi raw niya mapapaya¬gang mamatay ng gano’n na lang ang aming anak. Sabi
ko’y ano ang magagawa namin? Mapapalabas ba naming kasalanan ng ospital kung nanganak
siya sa paghihintay sa lobi? Pinaghintay naman siya. di ba? At ang ospital e maraming pera sa
husgado, kami’y wala. Inalo ko na lang waswas ko. Pare, nagtawa pa ‘ko. Sabi ko’y gagawa uli
kami ng beybi. Gagabigabihin namin, sabi ko. Pero ngitngit ako, pare. Iyak ng iyak ang misis ko.
Kawawa naman daw ang aming anak.
Babae ang bata, pare.
Eto pa ang isa na talaga namang nakakaasar, pare. Kinabukasan ng gabing youn sumugod ako sa
ospital, kinuha ko ang patay na bata at ibinurol sa aming bahay. Kinabukasa’y nagbalik ako para
ilabas ang waswas ko. Ayaw ni Luding na magtagal do’n, pare, at naiitindihan mo siguro kung
bakit. Isa pa’y inaalala niya na baka lumaki ang babayaran. At gano’n nga ang nangyari, pare.
Nang pinaghahanda ko na ang waswas ko sa paglabas, sinabi sa ‘kin ng isang nars na pumunta
raw muna ako sa kahero at babayaran ko ang dapat bayaran. Nagpunta naman ako. Pare, ang
pinababayaran sa ‘kin sa ospital, sa gamot daw at sa pagkain at sa kuwarto e dos sientos beinte!
Pare para ke pang naging pri- ward ‘to kung magbabayad din ako ng ganitong kalaki? Halos
naisigaw ko sa kahero. Hindi ngayo’t priward ang tinigilan ng asawa mo e pri ward na lahat.
Sabi naman ng kahero, pare. Gusto kong mandagok!
Ang dala kong pera’y sisenta pesos – ang beinte pesos ng sandaan ko’y ibinigay ko nga ke
Luding at ang iba’y di ko alam paano nagasta ibinayad ko yon sa kahero at nangako ako –
pumirma ako promissori not ‘ata ang tawag don’n – na bukas e babayaran ko ang kakulangan.
Dahil namatay ang bata, pumayag na rin ang ospital. Saka ko pa lang nailabas ang waswas ko.
Ayokong maawa sa sarili, pare. Hindi raw dapat sa tao yang maawa ka sa sarili dahil pag naawa
ka sa sarili mo e maiingit at mamumuhi ka naman sa iba, na hindi raw dapat. Pero nang gabing
‘yong nakaburol ang anak ko at patulo nang patulo ng luha ang waswas ko e gano’n ang
nararamdaman ko. Pare, ni walang umilaw sa patay ng sanggol kundi dalawang kandila na
inalagay namin ni Luding sa ulunan at paanan ng kabaong. Hindi namin magawang makikabit ng
koryente sa pinakamalapit na bahay sa subdibisyon, dahil baka kami tanggihan at pumayag man
ang bahay na ‘yon e kailangang bumili rin kami ng kordon at iba pang gamit, na baka hindi na
kaya ng bulsa ko. Ang ibinayad namin sa ataul e inutang ko lang sa me ari ng bahay na aming
gingagawa, Me mga kasama ako sa trabaho at kaibigan na nag-abot sa ‘kin ng sampu, lima,
dalawa, pero iniukol ko ‘yon sa gagastusin sa libing at sa dapat ko pang bayaran sa ospital.
Awang-awa ako sa sarili, pare. Bale ba’y ni walang nagpunta sa bahay sa dalawang gabing pag-
kakaburol sa bata. Sabagay, mabuti na rin ‘yon dahil wala kang malaking iintindihing
pakakapehin at aalukin ng biskuwit. Pero sa mga nakatira ro’n e hindi makidalamhati sa ‘yo
kung me patay ka, makakaramdam ka ng sakit ng loob. Maaawa ka sa sarili mo.
Kinabukasan namin inilibing ang bata. Pumalya uli ako sa trabaho. Dalawang araw na ‘kong
pumapalaya sa trabaho at ikatlo ang araw na ‘yon. Nang umuwi kami nang maggagabi na,
pagkagaling sa libing, naupo ang waswas ko sa tabi ng bintana at tumingin sa labas. Parang
walang nakikita tumitingin lang sa labas. Ayaw magsalita, pare. Para ‘lang mabubuwang, pare.
Ang nanay niya’y ayaw ring magsalita at mahirap namang kausapin dahil medyo engot nga at
mahina ang tenga. Lumalabas ako, pare. Nagpunta ako sa daraanan ng sasakyan na me tindahang
nagbibili ng alak at pumasok at nagbuwal ng isang bilog.
No’n ko naisip na magpunta sa ospital. Hindi na malinaw sa isip ko kung bakit nagpunta ako
ro’n sa ospital. Siguro’y no’n ko naisip na magbayad ng kulang ko – ng utang ko. Siguro’y gusto
ko ipakilala sa ospital na kahit na ‘ko mahirap, kahit hirap na hirap sa buhay e me konti ako, ng
tinatawag na dignidad at nakakakilala ako ng masama’t mabuti at marunong akong magbayad ng
utang ko – kahit sa kanila na pumatay ng sanggol ko. Ewan ko, anu’t anuman, pare, nagpunta ‘ko
sa ospital. Binayaran ko ang utang ko. Ipinakilala kong marunong akong magbayad ng utang at
nasiyahan ako ng
konti at sinira ko ang promisori not sa harap ng kahero, nang ibigay niya ‘yon sa ‘kin nang
magbabayad ‘ko.
Galing ako sa kahero, patungo na sa labasan ko, nang mapatingin ako sa palibot na gaya ng
nakaugalian ko sa ospital na ‘yon. Pare, siguro nga’y senglot ako, ang tingin ko sa mga doktor at
mga nars na nakikita ko’y nakatawang mga alamid na pumatay sa batang inilibing ko at ang
waswas kong nakatulala sa bahay at ang pangyayaring sa mga susunod na araw e maaaring wala
na kaming kakanin. Naramdaman kong gusto kong manira, pare. Gusto kong sirain, wasakin ang
bilding na ‘yon na lagi kong ipinagmamalaking isa ‘ko sa mga gumawa.
Pumanhik ako sa ikalawang palapag. Me isang silid do’n na no’ng ginagawa pa lang namin ang
bilding e tinutulugan namin ng mga kasama kong peon. Ngayo’y pahingahan ‘yon ng mga dalaw
at ng nars at doktor na napapagod sa trabaho. Pumasok ako ro’n at umihi sa sopa. Inihian ko rin
ang telebisyon na para sa bisita. Ang gusto ko lang e Magdumi at manira, pero nang wala na
‘kong maiihi, naisip ko namang magwasak. Nabuwang na nga ‘ko, pare. Ibinuwal ko ang mga
kurtina. Siniliban ko rin ang mga magasing naro’n at ang apoy e idinuldol ko sa lahat ng bagay
maaring magdingas.
Naglagablab na ang silid nang lumabas ako. Isang attendant na lalaki and nakakita sa ‘kin.
Nakita niya ang usok at apoy na lumalabas sa ilalim ng nakasarang pinto at nahulaan ang ginawa
ko. Tumakbo ako. Hinahabol niya ‘ko at sa ibaba inabutan. Pero malaki na ang apoy, pare.
Nagpalipat-lipat na ‘yon sa maraming silid.
Apat na atendant at guwardiya and gumulpe sa ‘kin pare, bago ako ibinigay sa les-pu. Pero
tersiya parte nga ng ospital ang nasunog ko.
Yosi pa, pare? Nadadalhan pa ‘ko ng yosi ng waswas ko, Ewan ko kung sa’n siya kumuha ng
ibinigay nito. Naghahanap buhay daw siya kahit pa’no pero di ako nagtatanong kung ano ang
hanapbuhay ‘yon. Wala siyang alam na trabaho pare. Paris ko rin siyang bopol. Baka masaktan
lang ang loob ko kung malalaman ko kung anong hanapbuhay ‘yon kaya di ako nagtatanong.
Sige, pare, matulog na tayo. Mag-aalas diyes na siguro. Dito sa ob-lo, pare, lalo na sa gabi,
kailangan hulaan mo lang ang oras. Kasi nga’y walang me relo dito. Ni hindi mo naman masilip
ang langit sa labas mahulaan mo sa ayos ng mga bituin, kung anong oras na nga. Wala kang
masisilip dito kundi pader at rehas. Ewan ko naman kung me langit nga sa labas. Hindi na ‘ko
bilib sa langit, pare. Matagal na ‘kong kinalimutan ng Diyos.

Impong Sela(Maikling Kwento)


Epifanio G. Matute
Noon ay buong kataimtimang minalas ni Impong Sela ang kanyang lalabing-animing taong
apong lalaki sa pagkakahigang walang katinag-tinag. Sa ilalim ng maputing kumot, ang kanyang
apong nakatihaya ay matuwid na matuwid na katulad ng isang bangkay, walang kakilus-kilos
maaliban, marahil, sa maminsan-minsang pagkibot ng mga labing nanunyo at halos kasiimputla
na ng isperma. Maya-maya’y marahang dinama ng kanyang palad ang noo ng nahihimlay na
maysakit. Sa gayong pagkakadantay, ang nakahiga ay napakislot na animo’y biglang nagulat
ngunit hindi rin nabalino sa pagkakahimbing.
“Maria Santisima!” ang nahihintakutang bulong ni Impong Sela sa kanyang sarilisamantalang
iniaangat ang kanyang kamay mula sa pagkakadantay sa noo ng apo.” Nagbalik na naman ang
kanyang lagnat.”
Ang matanda’y nakaramdam ng isang biglang bugso ng lungkot sa kanyang dibdib. Ang lagnat
ng bata ay nawala na, dalawang araw na ang nakararaan, salamat sa kanyang santong kalagyo,
ngunit ngayo’y. . .
Mahal na Ina ng Awa!
Ito’y kanyang ikinababalisa. Nalalaman niyang ang lagnat na nagbabalik ay lubhang
mapanganib. Ano kaya kung ang kanyang apo, ang kanyang pinakamamahal na si Pepe’y. . .
Maawaing langit!
Bakit, hindi ba siya ang maituturing na nagpalaki sa kanyang apong ito! Kauna-unahan niyang
apong lalaki sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki, sa katauhan ni Pepe ay ibinuhos ni Impong
Sela ang lahat na pagmamahal at pag-aaruga ng isang impo. Hindi halos nalalaman ng mga
magulang nito kung paano siya lumaki. Laki sa Nuno ang tawag sa kanya. At tapat sa kasabihang
iyon, si Pepe’y lumaki sa layaw, sa malabis na pagpapalayaw.
Siya ang nagging dahilan ng malimit na pagkakagalit I Conrado at ni Impong Sela. May mga
pagkakataong ang anak at ang ina ay nagkakapalitan ng maiinit na sagutan, ngunit kailanman,
palaging ang matanda ang nagtatagumpay. Hindi niya mapapayagang masaling man lamang ng
ama ang kanyang si Pepe.
At saka ngayo’y. . .
Si Impong Sela’y nagsimulang mag-isip nang malalim. Kailangang si Pepe’y maligtas sa kuko
ng kamatayan. Sa kanyang pagkalito ay pumasok sa diwa ang gunita ng mga santo, panata,
debosyon…
A. . .!
“ Mahal na Hesus Nasareno!” ang kanyang marahang bulong kasabay ang pagtitirik ng mga
mata, “Para Mo nang awa! Iligtas Mo po ang aking apo at magsisimba kami ng siyam na
Biyernes sa Quiapo. Huwag Mo po siyang kunin.”
Natatandaan pa niyang ang panata ring yaon ang nagligtas sa kanyang anak na ama ni Pepe
nang ito’y pitong taon pa lamang. Kahimanawari ay ito rin ang magligtas naman sa kanyang apo!
Maya-maya, ang maysakit ay kumilos. Dahan-dahang idinilat niya ang kanyang mga matang
wari ay nananaginip at saka tumingin-tingin sa kanyang paligid. Hindi naglaon at namataan niya
ang kanyang impo sa kanyang tabi.Inilabas niya ang kanyang kamay sa kumot at saka iniabot
ang kamay sa matanda.
“Lola.” ang mahinang tawag.
“Oy, ano iyon, iho?” ang tugon ni Impong Sela sabay pihit at yumukod nang bahagya upang
mapakinggan niyang mabuti ang sasabihin ni Pepe.
“Nagugutom ako.”
“Ikukuha kita ng gatas.”
“Ayoko. Sawa na ako sa gatas.”
Ang matanda ay nag-atubili. Gatas, sabaw ng karne, katas ng dalandan, tsaa, at wala na. Ang
mga ito lamang ang maaaring ipakain sa kanya ayon sa bilin ng doctor.
“Ibig mo ng kaldo, anak?”
“Ayoko!”
1
“Katas ng dalandan?” Kangina lamang umaga’y itinulak niya at natapon tloy ang idinulot ng
matanda. At si Pepe’y ayaw na ayaw ng tsaa, noon pa mang siya’y malakas.
“Lola, nagugutom ako!” Ang tinig ni Pepe’y may kahalo nang pagkainip.
“Sandali lang, iho,” sabay tindig ng matanda at lumabas sa silid.
Pagkaraan ng ilang sandali, Si Impong Sela’y nagbalik na taglay na kanyang kamay ang isang
pinggan ng kaning sinabawan ng sinigang na karne , at isang kutsara.
“Eto, anak, ngunit huwag kang kakain nang marami, hane?”
Pagkakita sa pagkain, si Pepe’y nagpilit na makaupo ngunit pabagsak na napahigang muli sa
unan. Ang matanda’y nagmamadaling lumapit sa apong nanghihina.
“Huwag kang pabigla-bigla, iho,” aniya, samantalang inaayos ang mga unan sa tabi ng
dingding.”O, dito ka sumandal.”
Sa tulong ng kanyang lola, si Pepe’y nakasandal din sa unan. At siya’y sinimulan nang pakainin
ni Impong Sela. Isang kutsara. Dalawang kutsara. Tatlo. Apat. Katulad ng isang hayok na hayok
sa gutom ay halos sakmalin ni Pepe ang bawat subo ng kanyang lola.
“Nanay! Ano ang . . . “ Si Conrado’y patakbong pumasok sa silid at tinangkang agawin mula kay
Impong Sela ang pinggan ng kanin ngunit huli na! Ang pinggan ay halos wala nang laman.
“Nanay! Wala ba kayong isip?” ang sa pagkabigla ay naibulalas ni Conrado .
“Hindi ba ninyo nalalaman ang bilin ng doctor na…”
“Ow, hayaan mo ako!” ang madaling putol sa kanya ng matand. “Nalalaman ko kung ano ang
aking ginagawa. Paano lalakas ang bata kung papatayin ninyo sa gutom? Hindi siya mamamatay
sa kaunting kanin. Bayaan mo siyang mamatay na nakapikit ang mata at huwag nakadilat.
Totoooooy! Neneeeee!”
Ang dalawang maliliit na kapatid ni Pepe’y tumatakbong pumasok sa loob ng silid.
“Huwag kayong tatakbo! Hindi ba ninyo nalalamang may sakit ang inyong kapatid? O , kanin
ninyo ito,” at idinulot ni Impong Sela sa mga bata ang natirang pagkain ni Pepe, “saying kung
itatapon itong grasya ng Diyos.”
“Huwag!” ang halos naisigaw ni Conrad. “Inay, hindi ba ninyo nalalamang si Pepe’y may
tipus?”
“E, ano ngayon? Ang mga bata ay mahahawa, hindi ba?” anang matanda sa tinig na
naghahamon. “Ang hirap sa inyo’y pinaniniwalaan ninyong lahat ang dala rito ng mga
Amerikano. May korobyo kuno ang sakit ni Pepe na siyang makakain ng mga bata.Tse! Bakit
noong kapanahunan naming, walang paku-pakulo ng tubig, walang poso-artesyano, at
nanggagaling lamang sa balon an gaming iniinom na kung minsan ay may liya pa. Tingnan mo
ako. Gaano na ako katanda ngayon? Kung ang karobyong iyang pinagsasasabi ninyo ay totoo,
bakit hindi ako namatay? At kayong mga tubo sa panahong ito na masyadong delikado sa lahat
ng bagay, ilan sa inyo ang umaabot sa edad naming? Kaukulang lahat iyang pinagsasasabi ninyo.
Kung ibig ng Diyos na ikaw ay mamatay ay mamamatay ka, magpagamot ka man sa isang
libong doctor. Sa kanya ka umasa at huwag sa kalokohan. Kanin ninyo ito.” ang baling sa mga
apo, “ at huwag kayong parang tuod sa pagkakatayo!”
Si Totoy at si Nene ay nag-atubili at tinapunan ng tingin ang kanilang amang pagkatpos ng
mahabang “sermon” ng kanilang lola ay walang nagawa kundi ang magsasawalang- kibo na
lamang.
“Bakit, natatakot ba kayo?” ang tanong ni Impong Sela sa kanyang mga apo. Hinagisan pa
mandin ng isang irap ang kanyang anak, at saka hinugot ang tsinelas mula sa kanyang paa.
“Tingnan natin kung sino ang masusunod sa bahay na ito!, Kanin ninyo ito, kung hindi’y…”
Nanginginig na sumunod ang mga bata, samantalang ang kanilang ama’y tumatanaw na lamang
sa labas ng durungawan.
Kinabukasan, si Pepe’y nahibang sa lagnat. Nagbalik ito sa isang matinding bugso na siyang
hindi ikapalagay ng maysakit. Tila siya iniihaw, pabiling-biling sa hihigan, at nakalulunos kung
humahalinghing. Sa mga mata ni Sinang na kanyang ina ay nalalarawan ang isang paghihirap ng
kaloobang isang ina lamang ang maaaring makadama sa gayong mga sandali, samantalang
minamalas niya ang kahambal-hambal na ayos ng kanyang anak. Naroon din si Impong Sela.
“Masama ang kanyang lagay.”
Hindi nagkamali ang doctor. Sa loob ng sumunod na oras ay pabali-balikwas si Pepe sa kanyang
higaan at naghihiyaw ng kung anu-anong ikinakakagat ng labi ng mga nakamamalas. Ang mga
luha ni Sinang ay tila walang-lagot na tanikala. Walang patid. Walang-tila. Ang mga ngipin ni
Conrado’y nagtitiim. Samantalang si Impong Sela ‘y bumubulong ng walang katapusang mga
panalangin.
2
“Sinang,” ang marahang tawag ng lalaki sa kanyang asawa, “huwag kang umiyak. Ang mabuti
kaya’y dalhin natin siya sa ospital.”
“Ospital? At nang siya’y pabayaang mamatay roon? Hindi! Huwag ninyong madala-dala si Pepe
ka sa ospital. Kung kayo’y nagsasawa nang mag-alaga sa kanya ay bayaan ninyo kaming
maglola.Maaalagaan ko rin siyang mag-isa. Mabuti ka ngang ama! Noong ikaw ay maliit pa, sa
tuwi kang magkakasakit , ako ang nagtitiyaga sa iyo at hindi kita inihihiwalay sa aking mga
paningin. Kung ito’y hindi mo magagawa sa sarili mong anak ngayon – hayaan mo’t ako ang
gagawa!”
“Ngunit, Nanay!” nasa tinig ni Conrado ang pagsusumamo at pagmamakaawa.
“Ano ang ating magagawa rito? Kulang tayo sa mga kagamitan. Samantalang sa ospital. . .”
“Samantalang sa ospital,” kapag si Impong Sela’y nagsimulang manggagad, siya’y handing
makipaglaban, “lalo na’t ikaw ay nasa walang bayad, ay titingnan ka lamang nila kung kailan ka
nila ibig tingnan. Ano ang kuwenta sa kanila ng isang maysakit na hindi naman nila kaanu-ano?
Mamatay ka kung mamatay ano ang halaga sa kanila niiyon? Tingnan mo ang nangyari kay
Kumareng Paula, isang araw lamang sa ospital at. . . Ave Maria Purisima! Huwag ninyong
gagalawin ang apo ko! Hindi maaari!”
Sa mukha ni Conrado ay biglang sumulak ang dugo! Ibig niyang humiyaw, ibig niyang
maghimagsik, ibig niyang magtaklob na ang langit at lupa!
Ngunit mula sa kanyang nangangatal na mga labi ay walang namutawi kundi ang impit na
“Diyos ko! ! !” Sa gitna ng kanyang pagluha, ang mabait na si Sinang ay lumapit sa asawa at
tinapunan iyon ng isang “hayaan- mo- na- ang- Nanay” na tingin. Kasabay ang isang malalim na
bunting-hininga si Conrado’y nalugmok sa isang likmuan. Ang salitaan ay napinid na.
Umagang-umaga kinabukasan, nagtaka na lamang sila’t natagpuan nila sa isang sulok si Impong
Selang nananangis, umiiyak na nag-iis. Siya’y hindi man lamang tinuluan ng luha nang si Pepe’y
naghihirap at saka ngayon pang si Pepe’y matiwasay na, salamat sa suwerong tinusok sa kanya
ng manggagamot ay saka. . .
“Bakit, Nanay?” ang namamanghang tanong ni Conrado.
“Naiisip-isip ko,” ang kanyang hikbi, “ ang anak na dalagita ni Juan ay kamamatay lamang
noong isang lingo!”
“O, ay ano?” lalo namang namanghang tanong ng anak na hindi maiugpong ang pagkamatay ng
anak ni Mang Juan sa mga luha ng kanyang ina.
“Iya’y totoo! Huwag mong pagtatawanan ang matatandang pamahiin. Marami na akong nakita.
Iya’y hindi nagkakabula.”
“Pawang nagkataon lamang ang nakita ninyo. Huwag ninyong guluhin ang isip ninyo sa
kaululang iyan.”
“ Ang isa pa,” ang patuloy ng matandang hindi siya pinapansin, “kagabi, ang mga manok ay
nagputakan. Nang ang nasira mong ama ay namatay ay ganyan din ang nangyari noong huling
gabi bago siya pumanaw. Kaawa-awang Pepe kooo!”
At…
Kataka-taka o hindi kataka-taka, ang luha ni Impong Sela ay nagpatuloy ng pagdaloy hanggang
ang mga luntiang damo sa ibabaw ng puntod ng pinakamamahal niyang apo ay halos isang
dangkal na ang angat sa lupa.

Uhaw ang Tigang na Lupa ni Liwayway A. Arceo


1
Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init ng
kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa
malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng bagay, paghikbi...
2
Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang
isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang buhok,
singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing duyan ng isang ngiting puspos-
kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki
ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay Ina...
3
Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at sukat ang pangungusap. Hindi niya ako
inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang
pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ako makita. Kailangang ‘do ko masaksihan ang
kikislap na poot sa kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa
kanyang labi. Kailangang ‘do ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin ang
katumbas ng kanyang mariing huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal.
Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw
na uhaw...
4
Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko
mapaniwalaang may magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat
kapwa sila may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot kailanman.
5
Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang amang nagsasalaysay tungkol sa
mga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at
nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.
Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang pagsusulat; sa kanyang
pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangunot ang
kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano
siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang kanyang mga mata;
kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat...
Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-aayos ng
mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda ng
aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay natutunghan ko ang isang
kapana-panabik na kuwento. Ngunti, ang pananabik na ito’y napapawi.
Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay: isang batang
marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may ngiti ng
kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay na nakatutuwang pisilin,
may mga pisngi at labing walang bahid-kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid ba
kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan...
6
Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit man ay sadyang hindi
ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng
mga biruan.
Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na ang
maniningil sa ilaw o sa tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng isang
hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya.
Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si Ama,
si Ina at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-aaliw.
7
Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng kakaibang kilos
si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung nakatutulog siya o
hindi ay hindi ko matiyak.
Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng madla...
Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig.
8
Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik na aklat ang aming tagapaglaba:
yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina:
yaon daw ay talaarawan ni Ama.
Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi
pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.
Ano ang nasa isang talaarawan?
9
Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si Ama ngunit, kakaiba ang
kalasingan niya nagyong gabi. Hinihilamusan siya ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala
itong naibigay na ginhawa.
Hindi rin kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol.
Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating
ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat...
10
Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti.
Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.
Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa
aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat kilos ko.
Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti, buhat sa tuhod
hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na inakala kong
matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahong ng alagaw. Kinulob ko siya ng
makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig na pinigaan ng
kalamansi.
Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga!
Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang yaon: hindi ako dating binibiro ni
Ama.
Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong ituturing na mahalaga ang nadarama
kong kasiyahan...
11
Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya
hinihiwalayan ni Ina: si ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na
guhit.
Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit, ayaw niyang
ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama.
12
Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang kanyang makinilya. Idinikit ko
ang kagugupit na kuwentong kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa
kanyang mga kahon.
Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong pagtataka:
may isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at mga bilugang titik
bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga nasa sobre.
13
Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha, may ilong na kawangki ng tuka
ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga titik sa
bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot... Ang larawan ay walang lagda ngunit nadama
ko ang biglang pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay natutuhan ko ang
maghinanakit kay Ama.
14
Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang aking
katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis na
hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng
tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...
15
Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo maaaring dayain ng ating nadarama.
Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang malawak na katotohanang pumupigil sa
kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na lamang natin sa alaala. Panatilihin na
lamang natin sa diwa ang katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising sa
katotohanan...
16
Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang
magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko
mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay mahal sa
akin; ang mahal sa akin ay hindi ko maaaring paluhain...
17
Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat ako
ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang tugtuging
nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo
akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa akin...
18
Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?
19
Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may
pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan niya ang
mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.
Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay
muling binati ng kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag
daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay...
20
Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang
pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa mga
paninging yaon.
21
Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni, nang mapaniwala ko siyang masama
sa kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang susulat nang
ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit,
hindi ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga.
Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko!
Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang ilang salitang ito.
22
Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang uang tibok ng puso ay hindi pag-
ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng iyong
Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga
kalungkutang magpapahirap sa iyo habang-buhay...
Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin ni Ama sa akin.
23
Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.
Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag-idlip, patuloy
sa kanyang pahluha kung walang makakita sa kanya...
24
Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais tumakas
na damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.
Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa kanyang
mga palad.
Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo sa akin
kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking
wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...
Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni Ina ay nabasag at ilang butil niyo
ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa
pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punung-puno
ng pagbasa. Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya namasid
ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na hindi mabigkas.
25
Nasa mga palad pa rin ni Ina ang kaliwang kamay ni Ama:Sabihin mo, mahal ko, na maaangkin
ko na ang kaligayahan ko...
Kinagat ni Ina nang mariin ang kanyang labi at nang siya’y mangusap ay hindi ko naaming kay
Ina ang tinig na yaon:Maaangkin mo na, mahal ko!
Ang init ng mga labi ni Ina ang kasabay ng kapayapaang nanahanan sa mga labi ni Ama at nasa
mga mata man niya ang ilaw ng pagkabigo sa pagdurugtong sa isang buhay na wala nang luhang
dumadaloy sa mga iyon: natitiyak niya ang kasiyahang nadama ng kalilisang kaluluwa...
Uhaw ang Tigang na Lupa ni Liwayway A. Arceo
1
Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init ng
kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa
malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng bagay, paghikbi...
2
Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang
isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang buhok,
singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing duyan ng isang ngiting puspos-
kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki
ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay Ina...
3
Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at sukat ang pangungusap. Hindi niya ako
inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang
pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ako makita. Kailangang ‘do ko masaksihan ang
kikislap na poot sa kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa
kanyang labi. Kailangang ‘do ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin ang
katumbas ng kanyang mariing huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal.
Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw
na uhaw...
4
Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko
mapaniwalaang may magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat
kapwa sila may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot kailanman.
5
Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang amang nagsasalaysay tungkol sa
mga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at
nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.
Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang pagsusulat; sa kanyang
pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangunot ang
kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano
siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang kanyang mga mata;
kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat...
Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-aayos ng
mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda ng
aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay natutunghan ko ang isang
kapana-panabik na kuwento. Ngunti, ang pananabik na ito’y napapawi.
Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay: isang batang
marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may ngiti ng
kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay na nakatutuwang pisilin,
may mga pisngi at labing walang bahid-kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid ba
kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan...
6
Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit man ay sadyang hindi
ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng
mga biruan.
Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na ang
maniningil sa ilaw o sa tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng isang
hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya.
Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si Ama,
si Ina at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-aaliw.
7
Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng kakaibang kilos
si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung nakatutulog siya o
hindi ay hindi ko matiyak.
Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng madla...
Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig.
8
Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik na aklat ang aming tagapaglaba:
yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina:
yaon daw ay talaarawan ni Ama.
Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi
pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.
Ano ang nasa isang talaarawan?
9
Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si Ama ngunit, kakaiba ang
kalasingan niya nagyong gabi. Hinihilamusan siya ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala
itong naibigay na ginhawa.
Hindi rin kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol.
Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating
ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat...
10
Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti.
Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.
Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa
aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat kilos ko.
Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti, buhat sa tuhod
hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na inakala kong
matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahong ng alagaw. Kinulob ko siya ng
makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig na pinigaan ng
kalamansi.
Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga!
Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang yaon: hindi ako dating binibiro ni
Ama.
Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong ituturing na mahalaga ang nadarama
kong kasiyahan...
11
Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya
hinihiwalayan ni Ina: si ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na
guhit.
Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit, ayaw niyang
ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama.
12
Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang kanyang makinilya. Idinikit ko
ang kagugupit na kuwentong kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa
kanyang mga kahon.
Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong pagtataka:
may isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at mga bilugang titik
bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga nasa sobre.
13
Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha, may ilong na kawangki ng tuka
ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga titik sa
bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot... Ang larawan ay walang lagda ngunit nadama
ko ang biglang pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay natutuhan ko ang
maghinanakit kay Ama.
14
Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang aking
katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis na
hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng
tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...
15
Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo maaaring dayain ng ating nadarama.
Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang malawak na katotohanang pumupigil sa
kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na lamang natin sa alaala. Panatilihin na
lamang natin sa diwa ang katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising sa
katotohanan...
16
Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang
magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko
mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay mahal sa
akin; ang mahal sa akin ay hindi ko maaaring paluhain...
17
Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat ako
ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang tugtuging
nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo
akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa akin...
18
Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?
19
Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may
pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan niya ang
mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.
Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay
muling binati ng kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag
daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay...
20
Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang
pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa mga
paninging yaon.
21
Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni, nang mapaniwala ko siyang masama
sa kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang susulat nang
ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit,
hindi ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga.
Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko!
Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang ilang salitang ito.
22
Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang uang tibok ng puso ay hindi pag-
ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng iyong
Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga
kalungkutang magpapahirap sa iyo habang-buhay...
Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin ni Ama sa akin.
23
Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.
Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag-idlip, patuloy
sa kanyang pahluha kung walang makakita sa kanya...
24
Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais tumakas
na damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.
Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa kanyang
mga palad.
Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo sa akin
kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking
wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...
Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni Ina ay nabasag at ilang butil niyo
ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa
pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punung-puno
ng pagbasa. Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya namasid
ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na hindi mabigkas.
25
Nasa mga palad pa rin ni Ina ang kaliwang kamay ni Ama:Sabihin mo, mahal ko, na maaangkin
ko na ang kaligayahan ko...
Kinagat ni Ina nang mariin ang kanyang labi at nang siya’y mangusap ay hindi ko naaming kay
Ina ang tinig na yaon:Maaangkin mo na, mahal ko!
Ang init ng mga labi ni Ina ang kasabay ng kapayapaang nanahanan sa mga labi ni Ama at nasa
mga mata man niya ang ilaw ng pagkabigo sa pagdurugtong sa isang buhay na wala nang luhang
dumadaloy sa mga iyon: natitiyak niya ang kasiyahang nadama ng kalilisang kaluluwa...

SANDAANG DAMIT ni Fanny Garcia


2:08 AM MAXIS YOON 9 COMMENTS

May isang batang mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang


kaniyang pagiging walang-imik. Malimit siyang nag-iisa. Laging nasa isang sulok. Kapag
nakaupo na’y tila ipinagkit. Laging nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang
kapag tinatawag ng guro. Halos paanas pa kung magsalita.
Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang natuklasang kaiba ang kaniyang
kalagayan sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kaniya. Mayayaman
sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Malimit nila
siyang tuksuhin sapagkat ang kaniyang damit, kahit nga malinis, ay halatang luma na,
palibhasa’y kupasin at punung-puno ng sulsi.
Ilarawan ang pisikal at emosyunal na kalagayan ng batang babae.
Kapag oras na ng kainan at labasan na ng kani-kanilang pagkain, halos ayaw niyang
ilitaw ang kaniyang baon. Itatago niya sa kandungan ang kaniyang pagkain, pipiraso ng
pakonti-konti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase ang
kaniyang dalang pagkain. Sa sulok ng kaniyang mata ay masusulyapan niya ang mga
pagkaing nakadispley sa ibabaw ng pupitre ng mga kaklase: mansanas, sandwiches,
kending may iba-ibang hugis at kulay na pambalot na palara.
Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagwawakas sa kaniyang mga damit.
Tatangkain nilang silipin kung ano ang kaniyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag
nakita nilang ang kaniyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang
palaman.
Kaya lumayo siya sa kanila. Naging walang kibo. Mapag-isa.
Ang nangyayaring ito’y hindi naman lingid sa kaniyang ina. Sa bahay ay di minsan
o makalawa siyang umuuwing umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase, at siya’y
magsusumbong. Mapapakagat-labi ang kaniyang ina, matagal itong hindi makakakibo,
at sabay haplos nito sa kaniyang buhok at paalong sasabihin sa kaniya, hayaan mo
sila anak, huwag mo silang pansinin, hamo, kapag nakakuha ng maraming pera ang
iyong ama, makakapagbaon ka na rin ng masasarap na pagkain, mabibili na rin kita ng
maraming damit.
At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama’y hindi pa rin nakapag-uwi ng
maraming pera kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ngunit ang bata’y unti-unting
nakaunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin
ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga
kaklase. Hindi na siya umuuwing umiiyak. Hindi na siya nagsusumbong sa kaniyang ina.
Sa kaniyang pagiging tahimik ay ipinalalagay ng kaniyang mga kaklase na siya’y
kanilang talun-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pambubuska. Lumang damit. Di
masarap na pagkain. Mahirap. Isinalaksak nila sa kaniyang isip.
Hanggang isang araw ay natuto siyang lumaban.
Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang nagkatinig ang mahirap na batang
babaeng laging kupasin, puno ng sulsi, at luma ang damit, ang batang laging kakaunti
ang baong pagkain. Yao’y isa na naman sanang pagkakataong walang magawa ang
kaniyang mga kaklase at siya na naman ang kanilang tinutukso.
“Alam n’yo,” aniya sa malakas at nagmamalaking tinig, “ako’y may sandaang damit sa
bahay.”
Nagkatinginan ang kaniyang mga kaklase, hindi sila makapaniwala.
“Kung totoo ya’y ba’t lagi na lang luma ang suot mo?”
Mabilis ang naging tugon niya, “Dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit.
Ayokong maluma agad.”
“Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa’min para kami maniwala!” Iisang tinig na sabi
nila sa batang mahirap.
“Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto n’yo’y sasabihin
ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may laso o
bulaklak.”
At nagsimula na nga siyang maglarawan ng kaniyang mga damit. Ayon sa kaniya’y
may damit siya para sa iba-ibang okasyon. May damit siyang pambahay, pantulog,
pampaaralan, pansimbahan, at iba pa.
Naging mahaba ang kaniyang pagkukuwento. Paano’y inilarawan niya hanggang
kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kaniyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng
isang damit na pandalo niya sa pagtitipon. Makintab na rosas ang tela nito na sinabugan ng
pinaggupit-gupit na mumunting bulaklak at makikislap na rosas at puting abaloryo.
Bolga ang manggas. May tig-isang malaking laso sa magkabilang balikat. Hanggang
sakong ang haba ng damit.
O kaya’y ang kaniyang dilaw na pantulog na may prutas sa kuwelyo, manggas, at
laylayan. O ang kaniyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malalaking
bulsa.
Mula noo’y naging kaibigan niya ang mga kaklase. Ngayo’y siya ang naging
tagapagsalita at sila naman ang kaniyang tagapakinig. Lahat sila’y natutuwa sa kaniyang
kuwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kaniyang pagkamahiyain. Naging
masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kaniyang pamamayat kahit ngayo’y
nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich, isa o dalawang
kendi.
Ngunit isang araw ay hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaeng may
sandaang damit. Saka ng sumunod na araw. At nang sumunod pa. At pagkaraan ng isang
linggong hindi niya pagpasok ay nabahala ang kaniyang mga kaklase at guro.
Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal na lumiban sa klase. Ang
natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
Sumungaw ang isang babaeng payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Pinatuloy
sila at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa anumang
marangyang kasangkapan. At sa isang sulok ay isang lumang teheras at doon nakaratay
ang batang babaeng may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit
ang napagtuunang-pansin kundi ang mga papel na maayos na maayos na nakahanay
at nakadikit sa dingding na kinasasandigan ng teheras. Lumapit sila sa sulok na yaon
at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay ang drowing ng bawat isa
sa kaniyang sandaang damit. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kaniyang
naikuwento. Totoo’t naroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pandalo sa pagtitipon.
Naroon din ang drowing ng kaniyang pantulog, ang kaniyang pansimba, ang sinasabi
niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa
kaniya’y nakatago’t iniingatan niya sa bahay.
Sandaang damit na pawang iginuhit lamang.

Pamana (Maikling Kwento)


ni Lamberto Gabriel
Dapit-hapon na. Sa pagkahiga sa papag ay nakikita ni Mang Karyas ang anino ng malabay na
akasyang sumasablay sa dingding na sasag ng silid. Dapithapon na nga. Naririnig na niya ang
sunud-sunod na pagkukukiya ng asawa sa kanilang alagang mga manok.
Kruuuuk. . . kiya. . . kruuk. . . tikatik. . . tik. . . tik. . .
Makasandali pa ay narinig na ni Mang Karyas ang tila naghahabulang mga paa ng
nagsisipanakbuhang mga sisiw, inahin, at katyaw. Nakinita –kinita niya ang asawa, si Aling
Asyang, na nakaupo sa nakahigang lusong at may kandong na bilao ng mais.Mabubuudbod na si
Aling Asyang. Naging ugali na nitong patukain ang mga manok bago iyon magsipag-hapunan sa
kanilang masinop na silong.
Hiyuu… hiyu. . .hiyuuuu. . .
Mandi’y binubugaw ni Aling Asyang ang kapong baboy na gayong kapapakain pa lamang ay
nanginginain pa ng mais na ibinubudbod sa mga manok.
Maya-maya’y narinig ni Mang Karya ang sunud-sunod na kahol ni Sagani. Alam ni Mang
Karyas kung sino ang kinakahulan ng aso. Iyo’y ang kanyang matandang kalabaw, si Pugante, na
umuwi buhat sa pakawalaan. Magkaaway na mahigpit ang kanyang kalabaw at aso.
Inut-inot na bumangon si Mang Karyas sa pagkakahiga sa papag. Nais niyang makita si Pugante.
Parang may isip ang kalabaw niyang iyon. Itataboy iyon ni Aling Asyang kung umaga,
manginginain sa pastulan, at uuwi iyon kung ganoong magdadapithapon.Hindi na kailangang
saklawan pa si Pugante. Nalalaman nito kung anong oras dapat umuwi.
Kapag nakikita ni Mang Karyas ang kalabaw ay hindi niya napipigilang kahabagan iyon.
Matanda na si Pugante. Payat. Wala na ang dating laman sa dalawang hita. Kung wala lamang
siyang sakit ay hindi magkakaganoon ang kanyang kalabaw.
Mabagal nang lumakad si Pugante. Kung nadadala niya marahil ito sa higit na madaramong
pastulan ay hindi mananalim ang dati nitong bilugang likod. Naihambing ni Mang Karyas ang
sarili sa kalabaw. Kapwa na sila matanda. Subalit malaki ang kanilang pagkakaiba. Laya si
Pugante samantalang siya’y namamalagi sa papag na iyon., nasasabik makabangon,
makapanaog. . .
Matagal nang hindi nadadalaw ni Mang Karyas ang bukid. Malapit lamang sa kanila iyon. Kung
durungaw siya’y matatanaw niya iyon. Kung gabi’y dinig niya ang ingay ng traktorang gumigiik
ng ani ng kanyang mga kahangga. Lihim na naiinggit si Mang Karyas sa kanyang mga kahangga.
Kung hindi niya marahil napabayaan ang bukid ay kabilang siya sa maliligayang magsasakang
nagbibilang ng mga kaban ng palay.
“Tssk. . . tssk. . .tssk. . . Aba’t lalo pang binagalan . . . “
Napahawak nang mahigpit si Mang Karyas sa palababahan ng bintana nang Makita niyang
pabiglang hinatak ni Aling Asyang sa paghapon ang nagmamabagal na kalabaw. Nakaramdam
siya ng pagkaawa sa matandang kalabaw. Nagpumiglas at tila naghimagsik ang nakabalatay na
mga ugat sa kanyang mga bisig.
Nang makaradam ng pangangawit si Mang Karyas ay itinukod niya ang bisig sa papag upang
huwag mabigla ang kanyang paghiga. Ilang sandali lamang siyang naupo subalit sumasakit na
ang kanyang likod. Nakagat ni Mang Karyas ang labi nang sumayad ang katawan sa papag.
“Darating na raw ang anak mo, Karyas. Dumaan kanina si Pablo at sinabi sa akin. Mamayang
gabi raw,” narinig niyang pagbabalita ng asawang nagluluto sa dapugan.
“Ngayon pang gabi ay humuli ka na ng dumalaga, Asyang,” habilin ni Mang Karyas.”Ipagpatay
mo si Kiyel.”
Malalim ang bunting-hiningang hinugot ni Mang Karyas sa dibdib. Naisaloob niyang matutupad
na rin ang kanyang pangarap na mahango sa bukid ang anak. Sumingit sa kanyang kamalayan
ang nangyari nang minsang tangkain ng anak na tulungan siya sa pag-aararo.
“Kiyel, Anak.” Natatandaan pa niyang sinabi sa anak, “mag-aral ka sanang mabuti. Sa kabila n
gating kahirapan ay itataguyod ka naming ng iyong ina.”
Napadiin noon ang ugit ng ararong hawak ni Kiyel.
“Hindi ka sadyang laan dito sa bukid, Kiyel. Hindi ganyan ang pag-aararo. Patag ang kailangang
paghawak sapagkat sa minsang magkamali ka ng diin aay mababali ang sudsod.”
1
Natitigan siya noon ni Kiyel. Alam niyang sa titig na iyon ay kinahahabagan siya ng anak.
“Matanda na kayo, Tatang. Ipaubaya na ninyo saa akin ang paggawa rito sa bukid. Kailangan na
ninyong mamahinga.”
“Hindi mo ako nauunawaan, Anak. Tingnan mo ako. Ilang taon na akong naging alipin ng araro?
Tingnan mo ang aking kamay, kulay sunog. Isa akong magsasaka, Kiyel. Kaya lamang ako
nasisiyahan sa paggawa sa bukid ay sapagkat dito ako nakalaan. Kailangang mag-aral ka, nang
hindi mo malasap ang hirap na aking dinaranas, nang maging higit na maganda ang iyong
kinabukasan. Magsikap ka, Anak, at sa pamamagitan ng bukid na ito’y igagapang ka naming ng
iyong ina.Kaligayahan naming Makita kang Malaya sa ugit ng isang araro.”
Hindi kumibo si Kiyel nang sabihin ni Mang Karyas iyon sa kanya. Nalalaman ni Mang Karyas
na nahihirapan an anak sa pagtatakwil sa buhay-magsasakang kinagisnan. Subalit na kay Kiyel
ang lahat ng katangiang mapupuhunan sa pagtatagumpay. Hindi siya nangangambang mabibigo
si Kiyel.
Nang minsang umuwi si Kiyel ay ganoon na lamang ang galak ni Mang Karyas nang isalaysay
nito ang ginagawang pagsisikap sa pag-aaral. Nagmamalaki ang kanyang puso. Ngayo’y may
karapatan na siyang magmalaki sa nayon: mayroon na siyang anak na nakapag-aral.
Mamayang gabi ay darating si Kiyel.Maligayang-maligaya si Mang Karyas sa pagkakahiga sa
papag. Sa wakas ay malalagot na rin niya ang tanikalang nag-uugnay sa kanilang mag-ama sa
bukid. Malalagot na niya iyon- sa pamamagitan din ng bukid na sinasaka.
Parang nag-iinit ang katawang napaupong muli si Mang Karyas sa papag. Isinaklay niya ang
kamay sa palababahan ng bintana at tinanaw ang dakong pagbubuhatan ng anak. Naramdaman ni
Mang Karyas ang malamyos na dapyo ng amihan sa kanyang pisngi. Naramdaman niyang
parang nasabukay ang maputi na niyang buhok.
Gumagala ang kanyang paningin sa bukid. Sa kumakalat na kadilima’y nababanaagan pa niya
ang punong manggang naghuhumindig sa kalagitnaan ng kanyang bukid. Napangiti si Mang
Karyas. Bukid din niya ang magpapalaya sa kanyang anak. Nagbangon sa kanyang alaala ang
paggawa sa saka. Sa silong ng ulan at liwanag ng kidlat ay nahuhukot siya sa pag-aararo at
pagsusuyod ng putikang linang. Sa panahon naman ng anihan ay tila natatayantang pati ang
kanyang mga labi sa tindi ng sikat ng araw. Isang pagpapakasakit ang buhay ng isang
magsasaka, isang walang katapusang pagpapakasakit.
“Ano ba, Karyas, Kumusta an gating palay?” Kung hindi ko naalagaa’y baka inaksip.” ”Ano ba,
Karyas, kailan ang paggaas?” “Kung hindi gagapasin ng kabisilya ay papayukin naming mag-
asawa!” “Ano ba, Karyas, kailan ang giik?” “Mamayang alas dose ng gabi, pag nagdaan ang
traktorang galing sa ibayo.”
May panahong uhaw ang lupa. May panahong tigang na tigang. May panahong maraming bitak
dahil sa pagsasalat sa bukid. May panahong mabulas ang palay, walang sakit, at nangangako ng
mabuting ani.Naranasang lahat iyan ni Mang Karyas.Nangakakintal ang mga karanasang iyon sa
lapad ng kanyang tila mga luyang mga paa, sa putik ng kanyang hinahalas na binti, at sa
pangangapal ng dalawa niyang palad.
Sa pagsisikap na mapaunlad ang ani sa ginagawang pagpapaaral sa anak ay lalong humigpit ang
kaugnayan ni Mang Karyas sa sinasakang lupa. Naging bahagi sa buhay ni Mang Karyas ang
bukid at sa dakong huli’y tuluyan naman siyang inangkin nito. Nang minsang dinaramuhan ni
Mang Karyas ang mga puno ng palay ay inabot siya ng malakas na ulan. Doon nga nagsimula
ang kanyang sakit.
Nang lumalangitngit ang sahig na kawayan ay napalingon si Mang Karyas. Nakita niyang
nagpapasok na ang asawa ng pagkain. Dagli niyang itinukod ang kanang kamay upang
maalalayan nito ang kanyang paghiga.Subalit huli na. Nahuli siya ni Aling Asyang sa kanyang
pagkakapanungaw.
“Sinabi ko naman sa iyong huwag ka munang mag-uupo, e,” may paninising lumangkap sa tinig
ni Aling Asyang.”Ikaw nga ang dumadaing na masakit ang iyong likod.”
“Tinitingnan ko lamang, Asyang, ang ating bukid,: dahilan ni Mang Karyas at tiningnan ang
asawang nakakunot-noo.
“Siya, siya kumain ka na, Karyas. . .,” wika ni Aling Asyang at inilapag ang mangkok sa papag.
Tinanganan ang kutsara at sinimulang subuan si Mang Karyas.
2
“Sipag nitong anak ni Ba Kayong, oo!” pagbibiro ni Mang Karyas sa asawang may salit-salit na
ring puti ang buhok.
“Sulong. Kumain ka’t darating ang anak mo!” Marahan pang dinunggol ni Aling Asyang ang
baywang ni Mang Karyas.
Nalarawan ang kasiyahan sa mukha ni Mang Karyas. Kay bait ng kanyang asawa! Hindi pa rin
nagbabawa ang kanyang si Asyang. Ito pa rin ang dating masuyo, masipag, at mapagmahal na
anak ni Ba Kayong.
“Ano ang pakiramdam mo?” mayamaya’y nausisa ni Aling Asyang.
“Parang namimigat ang aking katawan, Asyang.”
“Kasi’y bangon ka nang bangon. Hala, ubusin mo ito, o . . .”
Walang imik na kumain si Mang Karyas. Wala siyang gana. Pinipilit lamang niya ang pagkain
ng nilugaw at ng malambot na tapang inihaw.
“Inggit na inggit sa iyo si Kiko, oy,” ani Aling Asyang kay Mang Karyas,
“mabuti ka pa raw at nakapagpatapos.”
“Paggaling na paggaling ko’y lilibutin ko ang buong nayon at ipagsisigawan kong tapos na ang
ating anak, Asyang!” nagmamalaking nawika ni Mang Karyas.” “Paggaling ko ay lilibot kami ni
Kiyel at tingnan mo kung hindi nila ako hangaan!”
Nasa gayon silang pag-uusap nang makarinig sila ng halinghing ng aso. Hindihahalinghing si
Sagani kung kilala nito ang pumapasok. Tatahol ito.
“Bakit si Kiyel na ‘yan, Asyang !” nausal ni Mang Karyas at nagsikap na makaupo upang
makadungaw sa bintana.
Marahang diniinan siya ni Aling Asyang sa balikat.Pagkaraa’y dumungaw ito at inaninaw kung
sino ang sinasalta ni Isagani.
“Tatang, Inang!” Narinig nilang dalawa ang tinig ni Kiyel, Nagmadaling sinalubong ni Aling
Asyang ang anak. Noo’y wala na ang sakit na naramdaman ni Mang Karyas sa likod. Dumating
na si Kiyel! May dumadaloy na panibagong lakas sa mga ugat ni Mang Karyas.Waring para
siyang biglang sumigla.
“Naku, ang dami-dami mong dala, Kiyel!” Narinig niya ang tinig ng asawa.
“ Ang Tatang, kumusta?” Noon pa ma’y nais na ni Mang Karyas na iwan ang papag na
kinauupuan at salubungin ang anak. Sabik na sabik si Mang Karyas. Sa sinabi ni Kiyel na “Ang
Tatang, kumusta?”ay nais niyang isagot na “Narito ako!”
Nang makapanhik na si Kiyel ay tila tumaas pa ito sa paningin ni Mang Karyas.Mabulas ang
katawan ni Kiyel.Matitipuno ang mga bisig, masiglang-masigla ang pusong-ama ni Mang
Karyas.
“Tatang!” ani Kiyel at hinalikan ang kamay ni Mang Karyas.
Makapal ang palad na nadama ni Mang Karyas nang tangnan ng anak ang kanyang kamay.
Subalit hindi niya pinansin iyon. Sa wakas ay narito na si Kiyel!
“Magaling na ako!” Naisaloob ni Mang Karyas. :Lilibot tayo sa buong nayo! Ipakikita k okay
Kiko ang aking anak na aking napagtapos! Lilibutin ni Kiyel ang buong nayon. Ipagmamalaki ko
si Kiyel!”
“Maghubad ka muna, Anak,” anang ina ni Kiyel at ibinigay sa anak ang tsinelas na malapad ang
dahon. “Pagod na pagod ka marahil sa biyahe.” Pagkawika niyo’y nagtungo sa labas si Aling
Asyang upang maghanda ng hapunan.
“Paparito bukas ang mga kaibigan mo, Kiyel,” pagbabalita ni Mang Karyas sa anak.”Marahil ay
babatiin ka.”
Piit ang ngiting nakita ni Mang Karyas na sumilay sa mga labi ng anak. Nakita niyang napatungo
si Kiyel. At naramdaman na lamang niya ang pagpisil ni Kiyel sa kanyang palad.
“Ikinalulungkott ko, Tatang, na sinuway ko kayo,” marahang sabi ni Kiyel sa ama.
Nabaghan si Mang Karyas. Piit nitong sininag sa mukha ng anak kung ano ang ibig ipakahulugan
nito sa sinabing iyon.
“Sinikap kong sundin, Tatang, ang iminungkahi ninyong kurso ngunit hindi ko iyon
naipagpatuloy.”
Sinalat ni Mang Karyas ang palad ni Kiyel.Parang binubuhawi ang kanyang kalooban.
“Makapal ang iyong palad, Kiyel.”
“Agrikultura ang kinuha ko, Tatang, sa Los Banos.”
3
Nakuyom ni Mang Karyas ang dalawag palad. Gumapang sa kanyang katawan ang init. Nang
pagdaupin niya ang mga palad ay naglitawan ang mga ugat sa kanyang mga bisig.
“Sinuway mo ako, Kiyel,” mariin niyang sabi sa anak. Sinuway mo kami ng iyong ina. Sa
kahirapan natin ay sinikap ka naming mapag-aral upang mailayo ka sa bukid. Ayaw kong
maging magsasaka ka. Ang pagsasaka, Kiyel, ay panghabambuhay na pagpapakasakit. Ang
bukid na dati kong sinasaka’y minana ko pa sa iyong mga ninunong nangamatay na mga
magsasaka, Kami’y binhing natanim saa bukid. Sa pagnanais ko na lamang na hindi ka rin
makaugat sa bukid kaya pinapag-aral ka naming ng iyong ina. . . Binigo mo kami, Kiyel.”
“Kung kayo’y aking sinunod ay hindi ko maituturing na ako’y inyong anak,” pagpapaliwanag ni
Kiyel sa ama.
Nanlalim ang mga guhit sa noo ni Mang Karyas sa itinugong iyon ng anak.
“Ako’y anak ng isang magsasaka, Tatang. Anak ninyo.Nananalaytay sa aking mga ugat ang
tubig na dumadaloy sa mga linang. Nakahasik sa aking puso ang mga binhing inyong isinasabog
kung panahon ng punlaan. . .”
Naramdaman ni Mang Karyas ang pagpisil ng anak sa kanyang kamay. Hindi niya
namamalaya’y namalisbis sa kanyang kulubot na mga pisngi ang luha. Napabaling siya sa
bintana upang ikubli iyon sa anak. Pinilakan ang liwanag ng sumisikat na buwan sa kanilang
bukid.Mayaman ang liwanag subalit ang kanilang lupa’y pagas, tigang, mabitak.Mandi’y
naghihintay ng ulan.
“Kayo’y matanda na, Tatang. Tulad ng ginawa ng aking mga nuno’y hinihiling ko sa inyong
ipaubaya ninyo sa akin ang paggawa sa bukid. Ipagmamalaki ninyo ako, Tatang!”
At nayakap ni Mang Karyas ang anak. Ang binhi ng kaligayaha’y muling sumibol sa kanyang
puso. Mayabong ang kaligayahang iyon.
“Ang pagsasakang aking natutuha’y di tulad ng pagsasakang ating ginagawa sa kasalukuyan dito
sa atin, Tatang. Iyo’y pagsasakang pag-uugatan ng pag-unlad. . .”
Naghuhumindig sa bughaw na liwanaga ng buwan ang punong mangga nang tanawin ni Mang
Karyas at Kiyel ang kanilang bukid.
Lugmok na ang Nayon ni Edgardo M. Reyes
posted in Libro by Angelli Monique
Sa kuwento ni Edgardo M. Reyes ay makikita ang pagsasalamin niya sa tunay na kalagayan ng
isang nayon. Isinalaysay niya na sa kabila ng kahirapan ng nayon ay nagawa pa rin ng mga tao
na magbigay ng regalo. Ipinapakita nila na ang mga tao sa nayon ay may hospitalidad sa mga
bisita lalo na sa mga kamag-anak ngunit ang pagiging hospitalidad na ito ay inaabuso ng mga
nakalalamang sa kanila. Sa kuwento o kahit sa totoong buhay ay tradisyon na ang pagbibigay ng
regalo sa ikakasal ngunit kung minsan ay kahit wala ka ng maibigay ay magsasakripisyo ka
makaabot ka lamang ng kaunti.
Ang paraan ng pagkuwento ni Edgardo M. Reyes ay malinaw at diretso. Hindi siya basta
nagsasalaysay lang kung hindi ay ipinapakita din niya ang bawat pangyayari. Detalyado ang
bawat eksena, kahit hindi eksakto ang mga salita ay naipapakita at napaparamdam niya ang
bawat pangyayari, kahit gaano kaikli ay buong buo pa rin ang diwa at daloy ng kuwento.
Malinaw ang pagkakasunod-sunod ng eksena dahil sa detalyado at malinis na paraan ng
pagkukuwento. Mararamdaman mo ang nararanasan ng tauhan dahil ipaparamdam talaga sayo
gamit lamang ang mga salita.
Kung iisipin ay iba ang nayong ikinukuwento ni Edgardo M. Reyes sa nakasanayan at alam
natin. Ipinakita niya ang tunay na mukha at kalagayan ng nayon sa panahong iyon o kahit sa
panahon din ngayon. Inilarawan niya ang mga di kagandahang katangian ng nayon at ng mga tao
dito. Ipinakia din niya ang pananamantala ng ibang tao tulad ni Vic sa kuwento. Mapapansing
wala nang pera o kapos sa buhay ang mga tao sa nayon pero nakuha pa rin ni Vic na hingian ng
regalo ang mga tao.
Realismo ang teoryang pampanitikan ng kuwenton Lugmok na ang nayon dahil ipinapakita nito
tunay na kalagayan ng nayon o isang lugar sa kabila ng mga nakikita ng ibang tao. Makikita agad
sa pamagat na sa umpisa pa lang ay mahirap na sila pero ginawa ni Edgardo M. Reyes ay
ipinakita niya na kahit lugmok na ang pamayanan ay gagawa sila ng paraan makapagbigay
lamang ng regalo na hanggang ngayon ay tradisyon pa rin ng mga tao.

You might also like