You are on page 1of 1

Suntok ng Tagumpay

Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang isang ordinaryong tao, ni hindi
nakapagtapos ng pag-aaral ay naging tanyag, tinitingala, at iniidolo hindi lang ng mga
nakatatanda kundi ng mga kabataan dito sa Pilipinas at sa buong mundo.
Si Emmanuel Dapidran Pacquiao o mas kilala sa pangalang Manny “Pacman”
Pacquiao, isang Pilipino, kampeon sa larangan ng boxing, tinaguriang “Tagawasak”, ay
isinilang noong Disyembre 17, 1978 sa Kibawe, Bukidnon, Pilipinas. Siya ay anak nina
Rosalio Pacquiao at Dionisia Dapidran Pacquiao at naninirahan sa bayan ng General
Santos City, South Cotabato.
Mula sa pagiging mahirap hanggang sa pagiging napakayaman na boxer, si
Manny ay hindi nagbago, bagkus nanatili siyang mapagkumbaba, matulungin, may takot
sa Diyos, at magalang sa kanyang mga katunggali at mga tagahanga.
Sa sobrang hirap ng buhay noon at sa pag-iwan sa kanila ng kanyang ama, si
Manny ay huminto sa pag-aaral upang tulungan ang ina sa paglalako ng mga tinapay at
donut na gawa nila mismo.
Bata pa lamang si Pacman ay nakahiligan na niya ang maglaro ng boxing.
Sumasali siya sa mga palaro lalo na kapag pista sa iba’t ibang bayan. Ang napanalunang
pera sa halagang isang daan ay iniuuwi niya sa kanilang bahay upang magamit sa
kanilang mga gastusin.
Sa edad na 16 at timbang na 106 lbs. ay nagsimula ang ‘professional boxing
career’ ni Pacquiao. Naipanalo niya ang iba’t ibang laban hanggang sa naimbitahan
siyang magsanay sa Maynila. Dahil sa matinding pagsasanay, pagsabak sa mga laban,
dedikasyon, at disiplina sa sarili, si Manny ay nakapaglaro sa iba’t ibang bansa tulad ng
Japan, Thailand, at South Korea kung saan tinalo niya ang kanyang mga naging kalaban
sa boxing. Nagpatuloy siya sa pagsabak sa mga laban hanggang sa nakilala siya at
naging matagumpay sa larangan ng boxing. Hindi nagtagal, tuluyan nitong binago ang
kanyang buhay at tinamasa ang tamis ng tagumpay hanggang sa kasalukuyan.
Ang buhay ni “Pacman” ay isang magandang modelo. Ito’y isang indikasyon na
ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap. Sa kanyang bawat suntok,
kaakibat ay tagumpay. Siya ang tunay na inspirasyon at huwaran ng kabataang Pinoy
hindi lang sa larangan ng boxing kundi sa bawat aspeto ng buhay!

Sources:
facebook.com/MannyPacquiao/https://www.millionacts.com/1874/many-pacquiao-
success-story.html

You might also like