You are on page 1of 2

Indatapatra at Sulayman

Epiko ng Mindanao

(1) Noong unang panahon ayon sa alamat, ang pulong Mindanao ay wala ni kahit anong
kapatagan. Pawang kabundukan ang tinatahanan ng maraming taong doo’y namumuhay. Maligaya
sila sapagkat sagana sa likas na yaman.

(2) Subalit ang lagim ay biglang dumating sa kanila na dati’y payapa. Apat na halimaw ang doo’y
nanalot.Una’y si Kurita na may maraming paa at ganid na hayop pagkat sa pagkain limang tao’y
kanyang nauubos.

(3) Ang bundok na Matutum ay tirahan naman ng isang halimaw na may mukhang tao na
nakakatakot kung ito’y mamasdan, ang sinumang tao na kanyang mahuli’y agad nilalapang at ang
laman nito’y kanyang kinakain nang walang anunaman.

(4) Ang ikatlo’y si Pah na ibong malaki. Pag ito’y lumipad ang bundok ng Bita ay napapadilim
niyong kanyang pakpak. Ang lahat ng tao sa kuweba tumatahan upang makaligtas sa salot nitong
may matang malinaw at kukong matalas.

(5) Ang bundok Kurayang pinaninirahan ng maraming tao ay pinapalagim ng isa pang ibong may
pito ang ulo; walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na kuko pagkat maaaring kanyang
natatanaw ang lahat ng tao.

(6) Ang kalagim-lagim na kinasasapitan ng pulong Mindanao ay nagdulot-lungkot sa maraming


baya’t mga kaharian, si Indarapatra na haring mabait dakila’t marangal ay agad nag-utos sa kanyang
kapatid na prinsipeng mahal.

(7) “Prinsipe Sulayman, ako’y sumasamo sa iyong iligtas ang maraming taong nangangailangan ng
tulong mo’t habag”. “O mahal na hari aking kapatid, ngayon din lilipad at maghihiganti sa mga
halimaw ang talim ng tabak.”

(8) Si Indarapatra ay matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay
ng mga dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang
ikinalungkot ang mga pangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.

(9) Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal.
Inutusan ni Indarapatra si Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga
tao. Agad na sumunod si Sulayman. Bago umalis si Sulayman nagtanim si Indarapatra ng halaman
sa may durungawan. Aniya kay Sulayman ,“Sa pamamagitan ng halaman ito ay malalaman ko ang
nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito,nangangahulugan ikaw ay namatay.”

(10) Binigyan ng isang singsing atisang espada ang kanyang kapatid upang sandatahin sa
pakikibaka, kanyang isinabit sa munting bintana ang isang halaman at saka nagsulit,”Ang halamang
ito’y siyang magsasabi ng iyong nasapit. Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang
Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig ang lupa, kaya pala ay dumating
ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban nina Sulayman at Kurita.

(11) Nang siya’y dumating sa tuktok ng bundok na pinaghaharian nitong Kurita, siya’y nagmasid
at kanyang natunghan ang maraming nayong walang kahit isang taong nanahan. Ika’y magbabayad
mabangis na hayop!”Yaong kanyang wika.

(12) Di pa nagtagal ang kanyang sinabi,nagimbal ang bundok at biglang lumabas itong si Kuritang
puso’y may poot; silay nagbaka at hindi tumigil hanggang sa malagot ang tangang hininga niyong si
Kuritang sa lupa ay salot. Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.

(13) Tumatag ang puso nitong si Sulayman sa kanyang tagumpay kaya’t sa Matutum ang hinanap
naman ay si Tarabusaw, sa tuktok ng bundok ay kanyang namalas ang nakahahambal na mga
tanawin”Ngayon di’y lumabas lumabas nang ika’y mamatay.”Noon di’y nahawi ang maraming puno
sa gilid ng bundok. At ilang saglit pa’y nagkaharap silang puso’y nagpupuyos. Yaong si Sulayman’y
may hawak na tabak na pinang-uulos. Ang kay Tarabusaw na sandata nama’y panghambalos.
(14) At sa paghahamok ng dalawang iyong balita sa tapang,ang ganid na hayop sa malaking pagod
ay napahandusay.”Ang takdang oras mo ngayo’y dumating na.” sigaw ni Sulayman. At saka sinaksak
sa kanyang sandata ang puso ng halimaw.

(15) Pumunta si Sulayman sa bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain
na ng mga halimaw at ang natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang
magdilim pagkat dumating ang dambuhalang ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon.
Mabilis at ubos lakas na tinaga ito ni Sulayman. Bumagsak at namatay ang ibong Pah. Sa kasamaang
palad nabagsakan ng pakpak ng ibon si Sulayman na siya niyang ikinamatay. Samantala, ang
halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang
nanlanta ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.

(16) Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang
kalansay ni Tarabusaw. Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang
paghahanap niya kay Sulayman. Narating niya ang bundok Bita. Nakita niya ang patay na ibong
Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon at nakita ang bangkay ni Sulayman.

(17) Ang kasawiang ito ay agad na nabatid ng mahal na hari pagkat ang halaman noon di’y nalanta
sangay nangabali; siya’y patay na! Sigaw ng kanyang namumtlang labi,” Ang kamatayan mo’y
ipaghihiganti buhay may masawi”.

(18) Nang siya’y dumating sa bundok Bita ay kanyang binuhat ang pakpak ng ibon. Nanangis si
Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni Sulayman. Nahabag sa kanya ang
kanyang Bathala; biglang nagliwanag at ilang saglit pa ay nakita niya ang tubig na lunas.

(19) Kanyang ibinuhos ang tubig na yaon sa lugaming bangkay at laking himala. Ang kanyang
kapatid ay dagling nabuhay. Sila ay nagyakap sa gitna ng galak at ng katuwaan saka pinauwi itong
si Sulayman sa sariling bayan. Sa bundok Kurayan na kanyang sinapit ay agad hinanap ang ibong
sa tao ay nagbibigay-lagim at nagpapahirap. Dumating ang ibong kay laki ng ulo at kukong matalas
subalit ang kalis ni Indarapatra’y nagwagi sa wakas.

(20) Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa bundok Gurayu. Dito’y


wala ring natagpuang tao. Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pito ang ulo. Sa tulong ng
kanyang engkantadong sibat na si Juris Pakal ay madali niyang napatay ang ibon.

(21) Hinanap niya ang mga tao. May nakita siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng
tubig sa sapa. Mabilis naman itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at
nakipag-usap kay Indarapatra. Ipinagsama ng matandang babae si Indarapatra sa yungib na
pinagtataguan ng lahat ng tao. Sa pook na iyon. Ibinalita ni Indarapatra ang mga pakikipaglaban
nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon, sinabi rin niyang maaari na silang
lumabas sa kanilang pinagtataguan.

(22) Sa kanyang tagumpay may isang diwatang bumating magalang,” Salamat sa iyo butihing
bayani na ubod ng tapang kaming mga labi ng ibong gahaman ngayo’y mabubuhay”at kanyang
namalas at ng maraming taong noo’y nagdiriwang.

(23) Nabihag ang puso ng mahal na hari sa ganda ng mutya. Kaya’t sa naroon ay kanyang hiniling
na lakip ng sumpa na sila’y ikasal. Noon din ay pinagbuklod ng isang adhika ang kanilang
puso.’Mabuhay ang hari!”ang sigaw ng madla.

(24) Ang tubig ng dagat ay tila hinigop sa kailaliman at muling lumitaw ang lawak ng lupang
pawang kapatagan. Si Indarapatra’y hindi na bumalik sa sariling bayan at dito naghari sa mayamang
lupa ng pulong Mindanao. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu, ipinakasal kay Indarapatra ang
anak ng hari, ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.

Source: DALUYAN,Modyul sa Filipino-Grade 7 (Salig sa Kurikulum ng K-12) ni Sharon Ansay-


Villaverde, pahina 47-60.)

You might also like