ISULONG ANG 'NO HOMEWORK POLICY' : BUNUTIN ANG TINIK NA
MATAGAL NANG NAGPAPAHIRAP SA BUHAY NG MGA GURO, MGA
KABATAANG PILIPINO, AT SA PAMILYANG PILIPINO Posisyong Papel na nauukol sa House Bill No. 3661 at House Bill No. 3883 o 'No Homework Policy'
Isang nakakagalak na hakbang nang maihain sa Kamara ang dalawang magkahiwalay
na panukala na patungkol sa pagbabawal ng takdang-aralin para sa ikabubuti ng kapakanan ng mga estudyante at mga guro. Isa na rito ang kay Deputy House Speaker na si Evelina Ecudero ang House Bill No. 3661 o mas kilalang 'No Homework Policy' na naglalayong pagbawalan ang takdang aralin o 'homework' na ibigay ng mga guro sa mga mag-aaral ng kurikulum nang K to 12 araw-araw. Sa kabila nito, meron namang kaparehong panukala si Quezon Representative Alfred Vargas - ang House Bill No. 3883, pero ang isinusulong niyang 'No Homework Policy' ay tuwing sasapit lamang ang katapusan ng linggo. Sa ilalim ng panukala niya, ang guro na magtatangkang suwayin ang panukala ay pagmumultahin ng 50,000 na libo at maaaring makulong ng hanggang 2 taon. Layon ng dalawang House Bills na dapat magkaroon ng sapat na panahon ang buong pamilya upang makasama ang bawat isa at makadama ng kaginhawahan pagkatapos umuwi ng mga estudyante galing sa kanilang paaralan. Ngunit, ayon sa Teacher's Dignity Coalition National Chairperson na si Benjo Basas : "Pinakamasakit sa amin, ano? Iyong tingin namin dito, ito ay isang pambabalewala sa aming propesyon, insulto sa aming mga teacher." Hindi ba at bukod sa mga estudyante ay makikinabang din dito ang mga guro? Kaya paano masasabing isa itong pagpapasawalang-bawala sa kapakanan ng mga guro? Mababawasan ang kanilang trabaho. Hindi na nila kailangan pang iuwi ang mga takdang-aralin sa kanilang mga bahay upang doon ang mga ito suriin. O, hindi na nila kailangan pang mag-obertaym sa trabaho dahil sa pagtapos lamang ng pag-susuri ng mga takdang-aralin ng mga mag-aaral na sa katunayan ay wala naman itong dagdag sa kanilang suweldo. Kung sa gayon, kung maipasa ang panukala na ito, magkakaroon sila ng oras upang gawin ang mga 'paperworks' na kailangan nilang isumite bilang isang guro. At hindi rin naman lingid sa kaalaman na meron din silang kaniya- kaniyang pamilya na kung maipasa man ang polisiyang ito ay madaragdagan ang panahon na makakasama nila ang kanilang pamilya. Walang 'homework', walang magsasakripisyo. Nagpahayag na rin ng suporta si DepEd Secretary Leonor Briones na ipatupad ang polisiyang pagbabawal ng takdang-aralin. Nararapat lamang daw na mas magkaroon ang bawat estudyante ng panahon upang makasamuha ang kanilang pamilya. Naniniwala siya na isang napakalaking benepisyo nito para sa mga mag-aaral lalong-lalo na sa mga guro. Dahil sa patong-patong na mga takdang-aralin, nawawalan na minsan ng panahon ang mga kabataan na makapaglambing sa kanilang mga magulang o maging sa kanilang mga kapatid. Minsan may mga problema o mga bagay na simple lamang sanhi ng hindi pagkakaintindihan pero dahil kulang na sa oras para pag-uusapan ay hindi nalulutas at mas lalo lamang lumalala. Binanggit ni Representative Vargas ang isang pag-aaral sa South Africa noong 2018 na ang 'homework' daw ay may negatibong epekto sa buhay- pamilya. Napakahalaga ng oras sa isang pamilya dahil ito ay isang napakahalagang kasangkapan upang mas mapatibay pa ang pundasyon ng pagsasamahan at ito rin ay nagsisilbing tulay upang mas mapalalim pa ang relasyon ng bawat isa. Dapat may oras ang pamilya upang pag-usapan ang mga bagay-bagay at mga problema pero dahil sa takdang-aralin kadalasan ay hindi na nila ito nagagawa. Ang 'No Homework Policy' ay nagpapakita sa pangangalaga ng pisikal, spirituwal, at sosyal na aspeto ng mga kabataan na kung saan ang mga ito ay napapabayaan nang dahil sa paggawa ng takdang-aralin. Pisikal, naaapektuhan ito dahil minsan hindi naiiwasan ng mga estudyanteng magpuyat at kaligtaan ang kumain ng meryendahan o hapunan sa kadahilanang kailangan nilang tapusin ang takdang-aralin dahil kailangan din itong maipasa kinabukasan. Dulot nito, dahil puyat sila, hindi nila naibibigay ang buong atensyon upang makinig sa mga aralin, wala sila sa konsentrasiyon sa pag-aaral. Maaari rin silang magkasakit at mabawasan ang kanilang timbang. Napapabayaan ang tamang nutrisiyon na kailangan ng katawan. Espirituwal, dahil napakaraming takdang-aralin ay minsan hindi na sila nakakapagsimba kasama ang kanilang pamilya, hindi na nila nagagampanan ang kanilang gampanin sa kanilang pang-espirituwal na buhay. At sosyal, wala na silang oras upang makipagpanayam sa ibang tao. Nawawalan na sila ng panahon upang makakilala ng iba pang mga kaibigan. Hindi na nila nararamdaman ang totoong saya at diwa ng pagiging isang kabataan. Ayon kay Dr. Bernadette Arcena, hindi lang dapat intelektuwal na aspeto ang pinagtutuunan ng pansin kung hindi pati na rin iba pang mga aspeto ay dapat napagtutuunan ng pansin at mabalanse. Dapat nang itigil ang tradisiyonal na gawain na hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagpapahirap sa mga mag-aaral, sa mga guro, at maging sa pamilyang Pilipino. Bilang hakbang, hindi ba mas mainam kung tanggalin ang takdang-aralin at mas ituro na lamang ng mas maayos ang mga aralin? Mas pagandahin pa sana ang estilo ng mga guro sa pagtuturo upang lubos na maunawaan ng mga estudyante ang kanilang itinuturo. Mas dagdagan na lamang sana ang pagsasanay na ipinapagawa sa estudyante na kung saan ito ay napaka-epektibong paraan upang mas mahasa at masukat ang kaalaman ng mag-aaral. Dagdagan ang mga pasilidad at mga kagamitan lalong-lalo na sa mga pampublikong paaralan na isang napakalaking tulong upang mas maging komportable ang mga mag- aaral sa kanilang pag-aaral. Kung sa gayon, hindi na kailangan pang magpagawa ng takdang-aralin ang guro. Kailangang nang kumilos ng mga mag-aaral at mga guro. Maghain ng mga mungkahi kasama ang pakikipag-ugnayan sa mga iba-ibang paaralan upang matanggal na nga nang tuluyan ang 'homework' na patuloy na nagpapahirap sa mga estudyante at guro. Kasalukuyang umiiral sa sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas ang pagpapagawa ng takdang-aralin sa mga mag-aaral. Lumipas na ang mga araw, dekada, at siglo ngunit nananatili pa rin ang ganitong uri ng kasanayan na patuloy humihila pababa sa mga mag- aaral. Mabuti na lamang dahil sa panahong ito ay nabigyan ito nang kaukulang-pansin. Nararapat lamang na tanggalin na ang takdang-aralin upang makamit na natin ang tunay na pagbabago na matagal na hating inaasam. Hindi uunlad ang bayang Pilipinas kung tayong mga mamamayan nito ay patuloy na nagpapagapos sa bagay na alam nating nagpapahirap na sa atin sa simula pa lamang. Ang ating desisyon ay malaking epekto sa susunod na henerasyon. Sumakatuwid, kung kaya na natin itong putulin sa ngayon, bakit hindi na natin simulan? Mamamayang Pilipino, gumising ka! Hanggang kailan pa ba tayo magtitiis? Hanggang kailan ba tayo magbubulag-bulagan? Bunutin ang tinik na dulot ng nakagawian. 'No Homework Policy' ay isulong!