You are on page 1of 2

1. Ano ang CARP? Ano ang CARPER?

Nangangahulugan ang CARP ngComprehensive Agrarian Reform Program, isang pagsisikap ng pamahalaan na
pagkalooban ang mga walang-lupang magsasaka at manggagawa sa bukid ng pagmamay-ari sa mga lupang
sakahan.Isinabatasito ni Pangulong Corazon C. Aquino noong Hunyo 10, 1988, at nakatakdang lubusang
maisakatuparan pagdating ng 1998. Pagsapit ng taning nito, ipinasa ng Kongreso ang isang batas (Republic Act No.
8532) na naglalagak ng dagdag na pondo sa programa at awtomatikong inilalaan ang mga nakaw na yamang nabawi ng
PCGG [Presidential Commission on Good Governance] para sa CARP hanggang 2008.

Ang CARPER naman, oComprehensive Agrarian Reform ProgramExtension with Reforms, ayisang batasna muling
iuusog ang taning ng pamamahagi ng lupang sakahan sa mga magsasaka, sang-ayon sa CARP. Babaguhin din nito ang
ibang mga kondisyong nakasaad sa CARP. Isinabatas ang CARPER noong Agosto 7, 2009.

2. Sino-sino ang mga benepisyaryo ng CARP?

Ang mga walang-lupang magsasaka kasama na ang mga nangungupahan, regular, panahunan, at iba pang uri ng
manggagawa sa bukid. Tutukuyin at sasalain ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga posibleng benepisyaryo
at titiyakin din nito ang kanilang kuwalipikasyon. Halimbawa, kailangan mong maging 15 taong gulang o higit pa,
residente ng barangay kung nasaan ang lupang sakahan, at magmay-ari ng hindi hihigit sa 3 ektarya ng lupang sakahan
upang maging karapat-dapat na benepisyaryo.

3. Ano-ano ang mga sangay ng pamahalaang kabilang sa pagpapatupad ng programa?

Maraming ahensya ang kabilang sa pagpapatupad ng CARP. Ang mga pangunahing ahensya ay ang Department of
Agrarian Reform (DAR), at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Tungkulin nilang tukuyin at
ipamahagi ang mga sakop na lupa ng programa o ang mga tinatawag na CARPable land.

4. Gaano kalawak na lupain ang napapasailalim sa repormang agraryo?

Tinatayang 7.8 milyong ektarya ng lupain ang sakop ng CARP.

5. Gaano kalawak na lupain ang nasakop at naipamahagi na sa ngayon?

Noong Disyembre 31, 2013, nakasakop at nakapamigay na ng 6.9 milyong ektarya ng lupa ang pamahalaan, katumbas
ng 88% ng kabuuang lupa sa ilalim ng CARP.

6. Gaano kalawak na lupain ang naipamahagi na sa mga benepisyaryo sa ilalim ng administrasyong ito?

Mula Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2013, nakapagpamahagi na ang administrasyon ng 715,514 ektarya o 45% ng
kabuuang lupaing naiwan sa administrasyong ito na dapat ipamigay sa mga benepisyaryong magsasaka.

Mula rito, 412, 782 ektarya ng lupain na ang naipamahagi ng DAR at 338,732 ektarya naman ang sa DENR.

7. Gaano kalawak pang lupain ang kailangang sakupin ng pamahalaan upang ipamahagi sa mga magsasaka?

Kailangan pa ng DAR na sumakop ng 771,795 ektarya habang kailangan naman ng DENR na sumakop ng 134,857
ektarya—906,652 ektarya sa kabuuan.

8. Paano masasakop ng pamahalaan ang mga lupain?

Maraming iba’t ibang paraan sa pagkamit at pamimigay ng pampubliko at pribadong lupaing pansaka. Para sa mga
pribadong lupain na sasailalim sa sapilitang pagkuha, magbibigay ang DAR ng Notice of Coverage sa mga orihinal na
may-ari ng lupain. Nabigyan na ng Notice of Coverage ang higit sa karamihan ng mga lupain pagsapit ng Hunyo 30,
2014.

9. Ano ang Notice of Coverage?

Ang notice of coverage (NOC) ay isang sulat na ipinapaalam sa may-ari ng lupain na sakop ng CARP ang lupain niya, at
maaaring bilhin ng pamahalaan at ipamahagi sa mga benepisyaryo ng CARP. Kasabay noon, ipinapaalam din nito sa
may-ari ang mga karapatan niya sa ilalim ng batas, kasama na ang karapatang panatilihin ang 5 ektarya sa kaniyang
pagmamay-ari .

10. Pagtapos ng panahon ng CARPER (Agosto 7, 2009 hanggang Hunyo 30, 2014), paano maipamamahagi ng
DAR sa mga benepisyaryo ang natitirang mga lupain na nakapailalim sa sapilitang pagkuha?
Hangga’t naipamigay ang mga Notice of Coverage nang hindi lalampas sa Hunyo 30, 2014, magpapatuloy ang
pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo hanggang tuluyan itong matapos. Sang-ayon ito sa Seksyon 30 ng CARPER
(R.A. No. 9700). Ibig-sabihin, kahit pagkatapos ng palugit ng CARPER, ipinag-uutos ng batas mismo sa mga
kinauukulang ahensya na tapusin ang pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo hanggang sa pinakahuling ektarya.
Nagsisilbi itong panigurado sa mga magsasaka na magpapatuloy ang mga kasunod na proseso sa pagtanggap ng
kanilang lupa (hal. pagtukoy ng benepisyaryo, sarbey, paggawa at pagrerehistro ng mga titulo ng lupa sa mga
benepisyaryo).

11. Paano binabalak ng DAR pangasiwaan ang nalalabing lupain (771,795 ektarya) na dapat pa nitong ipamahagi?

Tinataya ng DAR na mamamahagi ito ng 187,686 ektarya sa 2014; 198,631 ektarya sa 2015; at 385,478 sa 2016.

Sa natitirang CARPable na lupain, 551,275 ektarya ang itinuturing na kayang ipamahagi habang 220,520 ektarya ang
itinuturing na problematiko. Gagawaan ng paraan ang mga problematikong lupain.

12. Ano-ano ang mga naging hamon sa pagsakop at pamimigay ng mga pribadong lupain?

May mga pagkakataon na ang technical description (ang tumutukoy sa hangganan ng lupain) sa titulo ay mali at
kailangang itama. May ilang mga titulong nasira; kailangang maglabas ulit nito ang korte. Minsan may mga alitan sa mga
posibleng benepisyaryo kung sino ang dapat o hindi dapat maging benepisyaryo; kailangang pamagitnaan o ayusin nito.
Maaari ding magpetisyon ang may-ari ng lupa na hindi masali ang lupa niya sa sakop ng CARP; kailangang maayos ang
mga ito (umaabot pa nga minsan ang iba hanggang sa Korte Suprema).

Ang mga maliliit na tipak ng lupa (5-10 ektarya) ay pinayagan lamang na prosesuhin sa huling taon ng pagpapatupad ng
CARPER (Hulyo 1, 2013 hanggang Hunyo 30, 2014). Unang pinroseso para ipamigay ang malalaking tipak ng lupa. Ang
problema ay mas maraming titulong poprosesuhin at ipamimigay dahil mas maliliit ang hatian ng lupa.

You might also like