You are on page 1of 2

Ang Pakialamerong Simbahan

August 22, 2017


By:
ED B. Odulio, MA

“Bakit na naman nakikialam ang Simbahan?” “Bakit nakikisangkot sa mga usaping panlipunan ang mga
pinuno ng relihiyon at mga guro ng pananampalataya?” Ito ang ilan sa mga tanong at sinasabi ng marami
laban sa panghihimasok ng Simbahan sa mga nangyayari sa politika at lipunan. Sa aking karanasan,
minsan na rin akong nasabihan na huwag maki-alam at magsalita ukol sa mga isyung panlipunan dahil
Teyolohiya naman daw ang itinuturo ko at hindi Economics o Political Science. Tila ba para sa kanila, ang
Simbahan at ang mga lider o guro nito, ay dapat manatili lamang sa mga bagay na pagsamba at
pagdarasal at huwag maki-sangkot sa alinmang isyu na mayroon ngayon sa pambansang lipunan tulad
ng problema sa droga, sa mga patayang nagaganap, sa korapsiyon, at iba pa. Sa isang banda, dapat
nga naman talagang may pamantayan rin ang sinasabi ng Simbahan, mga pinuno at mga tagapagturo
nito dahil kailangan din makinig sa taumbayan na silang mas dalubhasa sa mga larangan na
pinaguusapan tulad ng batas, kalusugan o seguridad sa lipunan. Ngunit tama nga ba na manahimik na
lamang ang mga pinuno, tagapagturo at kasapi ng Simbahan at huwag nang makialam tulad ng sinasabi
ng iba? Tama nga ba na ipaubaya na lamang sa mga nasa larangan ng politika, ekonomiya o agham ang
pag-iisip at pagpapaliwanag sa mga suliranin at isyung panlipunan? Sa maikling akdang ito, nais kong
magbigay ng ilan sa mga dahilan kung bakit hindi maaaring manatiling tahimik na lamang ang Simbahan
sa mga pangyayaring nagaganap ngayon sa lipunan.

Una, ang bawat miyembro ng Simbahan o alinmang relihiyon ay mamamayan pa rin ng lipunang kanilang
kinabibilangan. Hindi iniaalis ng pagiging kabilang sa isang paniniwala o relihiyon ang tao sa kaniyang
pagiging mamamayan. Ang mga Katoliko, Protestante, o mga Muslim ay mamamayan pa rin ng lipunang
kanilang kinabibilangan. Nasa interes at responsibilidad nila, bilang pagtugon sa panlipunang katarungan,
ang magsalita at makialam sa mga pangyayaring nakaka-apekto sa kanilang sarili at kapwa. Kapag
nagsalita ang isang pastor, Imam o pari tungkol sa isang politikal na usapin, hanggat hindi niya
ipinapataw ang kaniyang relihiyosong paniniwala sa may ibang pananampaltaya at nananatiling nakatuon
sa magalang at maayos na pagsugpo ng suliraning panlipunan, siya ay may karapatan magpahayag
sapagkat ito ay parehong tungkulin at karapatan niya bilang aktibong bahagi sa buhay-lipunan at
pamamahala dito (Gaudium et Spes 73). Ang pagpigil sa isang mamamayan upang makapagpahayag ng
kaniyang saloobin tungkol sa mga nangyayari at pamamahala sa lipunan dahil lamang siya ay kabilang
sa isang relihiyosong paniniwala ay isang paglabag sa kaniyang karapatan bilang mamamayan. Sa
katunayan, higit sa pagiging mamamayan, kinakailangan din talagang magsalita ang Simbahan at mga
kasapi nito. Ito ay dahil sa ang pagsusulong ng kabutihang panlahat at paglaban sa kawalang katarungan
sa lipunan ay kinakailangan ang, “aktibo at may pananagutang pakikilahok ng lahat sa buhay-publiko,
mula sa mga indibidwal na mamamayan hanggang sa iba’t-ibang pangkat… Lahat tayo, ang bawat isa,
ang pakay ng buhay-pulitiko at tayo rin ang mga namumunong kalahok nito” (Yugto at mga Dikreto ng
Ikalawang Konsilyong Plenaryo ng Pilipinas, PCP II 353).

Ikalawa, ang pakikisangkot ng Simbahan sa mga usaping panlipunan ay pundasyon ng kaniyang pag-iral
at pagkakakilanlan. Isang makulit ngunit makatotohanang paliwanag ang narinig ko mula sa isang
kasamahan ko na nagtuturo ng Teyolohiya kung bakit kailangan makialam ng Simbahan kahit sa mga
panglipunan o politikal na usapan. Ang dahilan daw ay dahil ang Panginoon, ulo at tagapagtatag ng
Simbahan mismo ay pakialamero. Oo, sinabi niya na si Hesus mismo ay pakialamero. Sa tingin ko, ang
ibig niyang sabihin ay bahagi na ng buhay ni Hesus ang makialam dahil ito ang pinaka-dahilan ng
kaniyang misyon, ang pakikisangkot at pakikiisa sa buhay ng tao upang mapalaya sila. Ang pakikialam
na ginagawa ng Diyos ay hindi para hadlangan ang karapatan ng tao sa paggamit ng kanilang kalayaan
kundi para mas lalong palayain sila sa anumang hahadlang at makasisira sa paglago ng kanilang buhay
at kalayaan (tingnan ang Lukas 4:18). Bilang tagasunod ni Kristo, kinikilala ng Simbahan na bahagi rin ng
kaniyang pag-iral at tungkulin ang gawain ng pakikisangkot lalo na kung ito ay may kinalaman sa
pangkabuoang kaligtasan ng tao. Kinilala ito ng Simbahan nang sinabi niya na, “Ang pagkilos para sa
katarungan at pakikibahagi sa pagbabago ng mundo ay maliwanag para sa amin na kabuuoang bahagi
ng pagpapahayag ng Ebanghelyo, o, sa ibang salita, sa misyon ng Simbahan para sa kaligtasan ng
sangkatauhan at sa paglaya nito sa anumang mapang-aping kalagayan” (Justicia in Mundo 6). Tungkulin
ng Simbahan ang makialam o makisangkot sa anumang bagay na may kinalaman sa kaligtasan at
paglaya ng tao. Ang pagtalikod sa tungkuling ito ay isang pagtanggi hindi lamang sa Panginoong
kaniyang sinusundan kundi sa mismong katotohanan ng kaniyang pag-iral bilang tagapagpahayag ng
Mabuting Balita ng Diyos. Sabi nga ni Elizabeth Johnson, “Kung ang Tagapagligtas ay minamahal ang
sangkatauhan at…, inangkin ang sangkatauhan sa kaniyang sarili upang maging tunay na kaisa ng
bawat tao, kung saan ang kinahantungan ay ang pag-aangat sa dangal ng tao sa halagang di
mapantayan…, ang Simbahan ay nararapat din gawing pangunahing alalahanin ang pagtataguyod sa
dignidad ng tao” (malayang salin). Ang pagtataguyod ng dignidad ng tao ay di matutupad sa pananatili
lamang ng Simbahan sa loob ng mga gusaling dalanginan kundi sa pakikisangkot sa mga pangyayari at
usapin sa pamahalaan, lansangan, mga tahanan, o kahit sa mga pamilihan kung saan ang mga aktuwal
na kalagayan ng katiwalian at katarungan ay nagaganap at natatagpuan. Kaya nga’t ganoon na lamang
ang panghihikayat ng Katolikong Simbahan ng Pilipinas sa mga layko na aktibong makilahok at manguna
sa pagpapanibago sa politika nang naaayon sa mga pagpapahalaga ng Mabuting Balita (PCP II 350)
sapagkat sa pamamagitan nila tuwirang nakikisangkot ang Simbahan sa lipunan at poltika (PCP II 348).

Ikatlo, kailangan ng Simbahan na sagutin ang mga katanungan tungkol sa kasamaan, kahirapan at
kaligtasan ng tao. Hindi maiaalis na ang tao ay magtatanong tungkol sa dahilan bakit may masama, bakit
may kamatayan, kawalang katarungan at kahirapan sa mundo. Hindi maiaalis na tanungin ng tao kung
ano ang kinalaman ng Diyos sa mga ito, nasaan ang Diyos, at ano ang ginagawa Niya. Minsan, may
nagtanong sa akin bakit hinayaan ng Diyos, malunod ang mga kapamilya nila sa isang malaking baha na
idinulot noon ng isang bagyo sa amin. Sinabi ko sa taong ito na hindi ito ang kalooban ng Diyos. Nangyari
ito dahil hindi kaagad ipinagawa ng lokal na pamahalaan ng bayan nila ang kanilang dike bagamat may
pondo naman na at lubhang mahina at luma na ang dikeng bumigay. May mga nagalit sa akin noong
panahon na iyon, dahil sinasama ko raw ang pamumulitika sa pagsagot sa isang relihiyosong tanong.
Ngunit sa pagsagot sa mga tanong na tulad ng aking nabanggit, hindi maaaring sabihin ng Simbahan na
misteryo lamang ang lahat, magdasal at magtiwala na lamang sa pagmamahal ng Diyos. Kinakailangan
ng Simbahan na ipaliwanag ang mga sanhi at epekto ng mga hindi magagandang karanasan ng tao sa
mundo. Sa pagpapaliwanag sa mga ito, hindi maaari na di mapag usapan ang katiwalian, korapsiyon,
pang aabuso sa kalayaan, kawalang katarungan, karahasan at iba pang materyal o pisikal na konteksto
ng kasalanan. Ang lahat ng mga makasalanang konteksto na ito ay di makikita o maipapaliwanag sa
mundo ng panalangin o doktrina lamang. Ang mga makasalanang konteksto na ito ay kailangang
unawain, ipaliwanag at tugunin ng Simbahan gamit ang pang araw-araw na karanasan ng tao sa
kaniyang politiko-ekonomikal, pangkasaysayan at kultural na kalagayan.

Sa huli, gusto kong tugunin ang sinasabi ng iba na ang Simbahan ay dapat nakatuon lamang sa iisang
tungkulin; ang tumulong sa pagliligtas ng kaluluwa. Bagamat pinanghahawakan pa rin ng Simbahan ang
tungkuling ito hanggang ngayon, kailangang maintindihan na ang kaluluwa ng tao ay palaging kaisa ng
kaniyang katawan sa buhay na ito. Ang kaligtasan ng kaluluwa ay palaging konektado sa kaligtasan at
kaginhawaan ng katawan. Upang mangyari ang kaligtasang pangkaluluwa, kailangan tumulong at
magsalita ang Simbahan tungkol sa kaligtasang pangkatawan. Sa gawaing ito, ang pakikisangkot sa mga
isyung panlipunan na may direktang epekto sa buhay at katawan ng tao ay isang pagpili na di maaaring
kalimutan o talikdan ng mga naniniwala kay, at tagasunod ni Kristo.

Ang mga bagay na aking nabanggit ay ilan lamang sa iba pang mahalagang kadahilanan kung bakit hindi
maaaring manahimik na lamang ang Simbahan sa mga nangyayari ngayon sa lipunan. Siguro, ang
maaari pa natin pag-isipan ay kung paano rin dapat makinig ang Simbahan sa sinasabi ng lipunan at
mula rito ay ang paghuhulma ng mga pagtugon na tunay na magpapalaya at magpapa-ginhawa sa buhay
ng tao at ng mundong ito.

You might also like