You are on page 1of 5

PANITIKAN

- Ang tunay na Panitikan ay ang pagpapahayag ng kaisipan, damdamin,


karanasan, at pangarap ng sangkatauhan na nasusulat sa isang masining o
malikhaing paraan sa pamamagitan ng isang aestetikong anyo at kinapapalooban
ng pandaigdigang kaisipan at dahil nasusulat matitiyak ang kawalang maliw nito.

URI NG PANITIKAN

Uri ng Panitikan ayon sa Pagsasalin


1. Panitikang Pasalin-dila - ang paraan ng paglilipat ng panitikan mula sa
dila at bibig ng tao. Noong hindi pa marunong magsulat ang mga ninuno ng
mga makabagong Pilipino, binibigkas lamang nila ang mga tula, awit, nobela,
epiko, at iba pa.
2. Panitikang Pasalinsulat – ito ay isinatitik, isinulat, inukit, o iginuhit ng mga
ninuno ng pangkasalukuyang panahong mga Pilipino ang kanilang panitikan.
Naganap ito noong matutunan nila ang sinaunang abakada o alpabeto,
kabilang na ang mas naunang baybayin at mga katulad nito.
3. Panitikang Pansalintroniko - Isang bagong kaparaanan ng pag-uuri ang
pansalintroniko, o pagsasalin ng panitikan sa pamamagitan ng mga
kagamitang elektroniko na dulot ng teknolohiyang elektronika. Ilan sa mga
halimbawa nito ang paggamit ng mga diskong kompakto, plaka, rekorder
(tulad ng tape recorder at ng VHS), mga aklat na elektroniko (hindi na
binubuklat dahil hindi na yari sa papel, bagkus ay nasa mga elektronikong
anyo na), at ang kompyuter.

Uri ng Panitikan ayon sa Anyo

1. Patula - Nasa anyong patula ang panitikan kung saknungan ito at may
taludturan. Katangian ng mga taludtod ng mga tula ang pagkakaroon ng bilang
at sukat ng mga pantig at ang pagkakatugma-tugma o pagkakasintunug-tunog
ng mga pantig. Subalit mayroon din namang mga panitikang patulang tinatawag
na Malaya sapagkat walang bilang, sukat, tugmaan, at pagkakasintunugan ng
mga pantig ng taludtod.

Mayroong apat na uri ang anyong patula:

a. Tulang pasalaysay - ay uri ng tula na nagsasaad ng kuwento. Ito’y


kadalasang ginagamitan ng boses ng tagapagsalaysay at ng mga tauhan; at ang
buong istorya ay nasusulat sa may sukat na taludtod. Hindi kailangang mayroong
huwarang pang-ritmo ang tulang pasalaysay. Ang ganitong uri ng tula ay
maaaring maikli o mahaba, at ang istoryang kinukwento nito ay maaaring
komplikado. Ito ay karaniwang dramatiko, may layunin, iba’t ibang tauhan, at
sukat. Kabilang sa tulang pasalaysay ang epiko, ballad, idyll at lays.

Uri ng Tulang Pasalaysay


Ang epiko ay tulang pasalaysay na nagsasaad ng kabayanihan ng
pangunahing tauhan na nagtataglay ng katangiang nakahihigit sa
karaniwang tao na kadalasan siya’y buhat sa lipi ng mga diyos o diyosa.

Biag ni Lam-ang (Epikong Ilokano) Hudhud (Epiko ng Ifugao)


Ibalon (Epiko ng Bicol) Kudaman (Epiko ng Palawan)
Manimimbin (Epiko ng Palawan) Ullalim (Epiko ng Kalinga)
Hinilawod (Epiko ng Panay) Humadapnon (Epiko ng Panay)
Labaw Donggon (Epiko ng Bisayas) Maragtas (Epiko ng Bisayas)
Bantugan (Epiko ng Mindanao) Darangan (Epiko ng Maranao)
Indarapatra at Sulayman (Epiko ng Maguindanao) Agyu (Epiko ng Mindanao)
Bidasari (Epiko ng Mindanao) Olaging (Epiko ng Bukidnon)
Sandayo (Epiko ng Zamboanga)

Ang awit at korido ay mga patulang salaysay na paawit kung basahin.

KORIDO
Ibong Adarna
Prinsipe Orentis ni Jose Dela Cruz
Rodrigo de Villa ni Jose dela Cruz, Doña Ines ni Ananias Zorilla
AWIT
Florante at Laura ni Francisco Balagtas
Buhay ni Segismundo ni Eulogio Juan de Tandiona
Doce Pares na kaharian ng Francia ni Jose Dela Cruz
Salita at Buhay ni Mariang Alimango
Prinsipe Igmidio at Prinsesa Clariana.

Balada ay isang uri o tema ng isang tugtugin na pasalaysay. Katang-


tanging katangian ng mga sikat na tula at awit noon sa Pulo ng Briton ang
Balada simula noong huling bahagi ng Gitnang Panahon hanggang ika-19
na dantaon at labis na ginagamit sa buong Europa at lumaon ay ginamit
din ng mga bansa sa Amerika, Australia at Hilagang Aprika.

B. Tulang paawit o tulang liriko - ipinapahayag ang saloobin at damdamin ng


makata.

Ang mga awiting-bayan o kantahing-bayan ay mga awit ng mga


Pilipinong ninuno at hanggang ngayon ay kinakanta o inaawit pa rin.
Leron, Leron Sinta, Dalagang Pilipina, Bahay Kubo, Atin Cu Pung Singsing,
Manang Biday at Paruparong Bukid.
Ang Soneto ay isang uri ng tulang may 14 na taludtod tungkol sa
damdamin at kaisipan, may tugma, at may mapupulot na aral ang
mambabasa..

Ang Elehiya ay tula para sa mga yumaong na kamaganak o mahal sa


buhay.
Ang himno o dalit ay isang awit ng papuri, luwalhati, kaligayahan o
pasasalamat, karaniwang para sa Diyos, sapagkat nagpapakita,
nagpaparating o nagpapadama ng pagdakila at pagsamba.
Pastoral ito ay tulang nagpapaksa at naglalarawan ng simpleng paraan
ng pamumuhay, pag-ibig at iba pa. Ang salitang “pastoral” ay mula sa
salitang Latin na “pastor” pero hindi lang pastol at pagpapastol ang
tinutukoy nito, kundi maging ang iba pang paraan ng pamumuhay na
gaya ng pagsasaka, mga katangian ng buhay sa kabukiran at maging ang
kahalagahan ng pagsasaka sa ekonomiya ng bansa.
Ang oda ay karaniwang isang liriko o isang uri ng tulang awitin na
nakasulat bilang papuri o dedikasyon para sa isang tao o isang bagay na
nakakakuha ng interes o pagtuon ng makata o nagsisilbing isang
inspirasyon para sa mismong oda.

C. Tulang dula o tulang pantanghalan- ay kahit anumang drama na


sinulat bilang isang berso para wikain.At ang dula ay isinasagawa sa
tanghalan kaya ito ay tinawag na dulang pantanghalan. Ang uring ito ng tula
ay hindi lamang sumsaklaw sa moro-moro o komedya, tibag, panuluyan,
sarsuwela, senakulo, kundi gayon din sa mag-isangsalaysay (monologo),
lirikong dula, tulang dulang katatawanan, tulang dulang kalunos-lunos,
melodramang dula, at dulang parsa.
Ang Komedya (Comedy) ay isang termino mapa-pelikula man o
entablado. Ito ay ginagamit kung saan ang mga nagsisiganap ay
nagsasaad ng kasiyahan o lihitimong pagpapatawa sa bawat salitang
mamumutawi sa kanyang bibig.
Ang trahedya ay isang dulang ang bida ay hahantong sa malungkot na
wakas o sa kabiguan. Mayroon ding mga uri ng ganitong dulang may
malungkot ngunit makabuluhang wakas. Nagsimula ang ganitong uri ng
drama mula sa Sinaunang Gresya. Kabilang sa maagang mga bantog na
tagapagsulat ng trahedya sa Gresya sina Aeschylus (o Esquilo), Sophocles
(o Sofocles), at Euripides.
Ang parsa o saynete ay isang komedya na naglalayong magbigay ng
aliw sa mga tagapanood sa pamamagitan ng pagpapakita ng kalabisan,
karangyaan na malayong mangyari. Kadalasang hindi maintindihan ang
balangkas ng saynete ngunit ang mga tagapanood ay hinihimok na huwag
sundan ang balangkas upang hindi malito o malipos. Gumagamit din ang
saynete ng mga pagpapatawang pisikal, ang paggamit ng sinadyang
kalokohan, at malawak na di-makakatotohanang pagganap. Sinusulat ang
mga saynete para sa tanghalan at pelikula. At saka, kadalasang nasa
isang partikular na lokasyon ang tagpuan ng saynete, kung saan
nangyayari ang lahat ng mga kaganapan.
Melodrama- ito ay isang dulang na may malungkot na tema o malungkot
na pangyayari na nakakaantig sa damdamin ng kanyang mga manonood.
Ngunit ang isang melodrama ay nagwawakas sa kasiya siyang pangyayari
ng mga mabubuting tauhan ng dula.

D. Tulang patnigan ay isang uri ng pagtatalong patula na ginagamitan ng


pangagatwiran at matalas na pag-iisip.

Mga Uri ng Patnigan

Karagatan - ang tulang ito ay ginagamit sa laro. Kadalasan itong


ginaganap sa namatayan o may lamay at may matandang tutula ukol sa
paksa ng laro. Mayroon tabong papaikutin, at kung saan matatapat ang
hawakan ng tabo ay syang sasagot sa tanong ng isang dalaga na may
matalinhagang bugtong at matalinhagang sasagot ang binata. Ito ay
nagmula sa isang alamat ng isang prinsesa na nahulugan ng singsing
habang siya'y naglalakbay sa karagatan . Kung sino man ang makakita ng
singsing ay siyang mapapakasalan ng prinsesa.
Duplo - ito ang pumalit sa karagatan. Labanan ito ng pagalingan sa
pagbigkas at pagbibigay katwiran nang patula. Ang mga pagbigkas ay
galing sa mga kasabihan, salawikain at Bibliya. Ito ay madalas laruin
tuwing may lamay sa patay.
Balagtasan- ang balagtasan naman ang pumalit sa duplo. Ito ay debate
na binibigkas nang patula. Ipinangalan ito sa tanyag na manunulat na si
Francisco "Balagtas" Baltazar"Ang Ama ng Balagtasan". Pinatanyag ito ng
"Hari ng Balagtasan" na si Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute).
2. Patuluyan - Tinatawag na patuluyan ang anyo ng panitikan kung kagaya
lamang ng sa pang-araw-araw na paglalahad ang takbo ng pananalitang ginamit
ng may-akda. Nahahati sa mga talata o talataan ang mga bungkos ng
pangungusap at hindi pasaknong. Ilan sa mga uri ng anyong patuluyan ang
maikling kuwento, sanaysay, nobela o kathangbuhay, at kuwentong bayan.
Kinabibilangan ang mga kuwentong bayan ng alamat, mulamat o mito, pabula,
kuwentong kababalaghan, kuwentong katatawanan, at palaisipan.
3. Patanghal- Tinataguriang patanghal ang anyo ng panitikan kung isinasadula ito
sa mga entablado, mga bahay, mga bakuran, mga daan, o sa mga naaangkop
na mga pook. Mayroon itong mga sangkap na diyalogong nasusulat na maaaring
patula o kaya patuluyan ang anyo. Mayroon din itong mga yugto na bumibilang
mula sa isa magpahanggang tatlo. Binubuo ng tagpo ang bawat yugto. Sa moro-
moro, na isang halimbawa ng panitikang patanghal, tinatawag na kuwadro ang
tagpo. Kinakailangang ipalabas ito sa isang tanghalaan o dulaan upang matawag
na patanghal.

You might also like