Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.
Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.
“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at
pagkabagal-bagal mong lumakad.”
Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang
may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.
“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro
akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?” Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya.
Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag
matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.
Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.
Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang
makasasaksi ng isang tunggalian.
Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na
maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.
Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban.
Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.
Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na
tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.
Maraming naawa sa mabagal na Pagong.
“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang
tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan. “Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.
Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy
sa pag-isod.
Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali
upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip.
Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na
ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.
Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay
lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.
Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.
Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na
ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.
REPLEKSYON:
1. Mula sa pabulang binasa, anong pangyayari ang iyong paborito?
Bakit?
Ang parte na paborito ko ay noong nagsimula na ang paligsahan
nina Pagong at Kuneho sa pag-akyat sa bundok. Maraming naawa sa mabagal na Pagong, ngunit mas marami ang kumutya sa kanya at hindi naniwalang siya ay magtatagumpay sa kanyang pag-akyat sa bundok. Subalit ang buong pusong pag-suporta nang pamilya ni Pagong ang nagpapalakas ng kanyang loob na magpatuloy sa kanyang laban.
Paborito ko po ang parteng ito kasi nakikita ko po ang aking sarili
sa katauhan ni Pagong. Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Parang ako lang po, kahit minamaliit ako dahil hindi ako madaling makaintindi lalo na sa mga leksyon na ang gamit ay wikang Pilipino hindi ko po iniintindi ang sinasabi ng ibang tao, ang mahalaga sa akin kahit mahirap pinipilit kong matuto. Kasi sabi palagi nila mommy, daddy, lolo at lola na “Learning is not a race. Never mind if you are the last one, as long as you are able to finish and you learn something from it.” Mabagal man po akong umintindi dahil sa maraming tumatakbo sa aking isip na gusto kong gawin, hindi po ako pinanghihinaan ng loob kahit may panahon na naiiyak na ako sa pagod at pagkabagot pinipilit ko pa ring intindihin sa aking sariling paraan.
Hindi man ako kagaya ng ibang bata o ng aking mga kaklase na
mabibilis sa lahat ng bagay, hindi pa rin ako pinanghihinaan ng loob kasi po para sa akin mabagal man ako o nasa hulihan, ang mahalaga ay may natutunan ako. Hindi naman nasusukat ang tagumpay o talino sa kung gaano ka kabilis matapos, mas mahalag ay matatag at buo ang iyong loob na pagsikapang matapos ang isang Gawain o adhikain.
Kagaya ni Pagong, buong pusong may tiwala sa akin ang aking
pamilya na matatapos ko anuman ang aking nasimulan. Hindi man ako ang nasa unahan o kasali sa mga kaklaseng may natatanggap na karangalan, masaya po ako para sa kanila at para sa akin na rin po kasi maswerte ako hindi lang sa aking pamilya kundi pati na rin sa aking mga naging guro at kaklase na walang sawang umiintindi at gumagabay sa akin para buong puso na magpatuloy sa pag-isod sa aking pag-aaral kahit maraming hindi naniniwala o kumukutya na hindi ako magtatagumpay na makatapos sa aking mga adhikain sa buhay. 2. Anong mahalagang aral ang natutunan mula rito?
Natutunan ko po na walang imposible sa taong nagsusumikap.
Huwag maging mayabang. Tandaan, ang taong nagmamataas ay lalong bumababa at ang taong nagpapakababa ay siyang tinataas. At huwag magpaka-kampante sa isang labanan o tunggalian. Huwag mong hamakin ang kakayahan ng iyong kalaban.
Isang Araw Ay Nagkasalubong Sa Daan Ang Kuneho at Ang Pagong. Ngingisi-Ngising Inaglahi NG Kuneho Ang Pagong. "Hoy, Pagong," Sigaw NG Kuneho, "Pagkaikli-Ikli NG Mga Paa Mo at Pagkabagal-Bagal Mong