You are on page 1of 1

Sa pagdeklara ng pangulo ng batas militar sa buong Mindanao, naging kaakibat na rin nito ang

usapin ng writ of habeas corpus. Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng writ of habeas corpus?

Nangangahulugan ang salitang 'habeas' sa Ingles na 'to have' at 'body' naman ang salitang 'corpus'.
Ibig sabihin, 'may katawan', ayon kay Atty. Marisol Anenias sa programang Usapang de Campanilla
ng DZMM.

Kapag naglabas ng writ of habeas corpus ang Korte Suprema, na siyang may jurisdiksiyon sa mga
petisyon ng writ na ito, inuutusan nito ang isang indibidwal o opisyal ng gobyerno na may kustodiya
sa isang tao na dalhin ito sa korte upang mapagpasiyahan kung legal o hindi ang pagkakadetine nito.

Kung ilegal ang pagkakadetine rito, kailangang pakawalan agad ang ikinulong.

Sa madaling salita, pinoprotektahan ng writ of habeas corpus ang bawat mamamayan mula sa mga
ilegal na detensyon at mga pagkakaaresto nang walang ipinakikitang 'warrant of arrest'.

Hindi maaaring idetine ang tao nang higit sa tatlong araw kung hindi pa ito nasasampahan ng kaso.

Ayon sa Bill of Rights ng 1987 Constitution, may karapatan ang lahat ng tao sa due process at maaari
lamang madetine kung may inisyu ang korte na warrant of arrest o kung nahuling ginagawa ang
krimen. May karapatan din ang lahat ng tao na mapalaya sa detensyon kung naaayon sa batas.

Maaari lang suspendihin ng pangulo ang writ of habeas corpus sa loob ng 60 araw kung may
paglusob o rebelyon kung kinakailangan sa kaligtasan ng publiko.

Para mapalawig ang suspensyon, kailangang makakuha ang presidente ng karamihan sa mga boto ng
mga kongresista. Ang mga mambabatas ang magsasabi kung gaano katagal mananatili ang
suspensyon kapag magpatuloy ang paglusob o rebelyon.

Sa kasaysayan, sina dating pangulong Elpidio Quirino, Ferdinand Marcos, at Gloria Macapagal-
Arroyo ang presidenteng nakapag-suspende ng writ of habeas corpus.

You might also like