You are on page 1of 3

Dapat bang tanggalin ang mga Krusipiho o Krus sa mga simbahan at dambana?

By
Jearvi Evidor

Libong taon na ang lumipas buhat ng ipako sa krus ang Panginoong Jesukristo at matagpuan
ding naigulong na ang bato ng kanyang libingan at bumangon sa kamatayan. Matapos na isugo
ang mga apostol at mga banal upang ipahayag ang mabuting balita ni Kristo Jesus, mahigit
libong taon na rin nilang dinala ang krus sa kanilang mga pangangaral, paghahati ng tinapay
(Eukaristiya) at pagpapahayag ng salita ng Diyos. Sa pagsisimula ng isang bagong kabihasnan,
marami sa mga bagong usbong na relihiyon ang kumekwestyon tungkol sa imahen na
karaniwang nakikita sa mga altar at dambana ng Simbahang Katoliko-“Ang Krusipiho”. Ang
imahen ng Kristong naghihirap o “namatay” sa krus. Ayon sa kanila, si Jesus ay muli nang
nabuhay at bumangon sa kamatayan at di na makikita pang muli na nakabayubay sa Krus gaya
ng mga nakikita natin sa mga Krusipiho. Marami din ang nagsasabing ang Krus ay simbolo ng
kamatayan, kasalanan at paghihirap kung kaya’t hindi na dapat pa itong ilagay sa mga
dambana sapagkat si Jesus ay buhay na at wala na sa krus. Oo. Tama nga na si Jesus ay
muling nabuhay at bumangon sa daigdig ng mga patay, wala na siya sa krus. Pero ito nga ba
ang nais ipabatid sa atin ng muling pagkabuhay ni Jesus? Ang pawalan ng saysay at halaga
ang krus?

Una, totoong ang krus ay simbolo ng kamatayan, kasalanan at paghihirap sapagkat ito’y isang
pamamaraan at instrumento ng mga Romano upang bitayin at patayin ang mga akusadong
kriminal sa kanilang panahon. Subalit naiba ang kahulugan nito nang ibitin nila dito sa Jesus.
Ang Krus ang siyang ginamit at naging daan ni Jesus upang tayo’y tubusin sa ating mga
kasalanan. Nais mo bang iwaksi ang kanyang Krus? Ang krus ay hindi isang laruan o bagay na
basta-basta sapagkat Oo, ito ay simbolo ng kasalanan, kamatayan, kahihiyan at kahirapan
subalit buong puso itong niyakap ni Jesus habang binabaybay niya ang daan ng krus, buong
tiyaga tiyaga niyang pinasan at tinanggap ang kamatayan sa krus para tubusin tayo sa ating
mga kasalanan. At sa huli, sa Krus ay napagtagumpayan niya ang kamatayan kung kaya’t ang
Krus ay simbolo ng kanyang tagumpay. Sapamamagitan ng lahat ng ito, ng pagyakap niya sa
Krus, ng katubusang ginawa niya sa Krus ay napabanal ng mga ito ang Krus. Nang ipako si
Jesukristo sa Krus, nagkaroon ng halaga ang kahoy na krus. Palalimin natin: Pinabanal ni Kristo
ang Krus, hindi Krus ang nagpabanal kay Kristo sapagkat sapamamagitan ng dugo ni Kristo’y
naging banal ang Krus.

Ito ang dalawang pagninilay na nakita ko sa pagtingin ko sa Krus bago ko isinulat ang lahat ng
ito:

1. Ang Krus ay simbolo ng kahirapan, kamatayan o sa madaling sabi’y Problema. Subalit sa


harap ng Krus ay naroroon ang Diyos, naroroon si Kristong nakapako na para bang
nagsasabing: Alalahanin mong sa kabila ng mga PROBLEMA at PAGHIHIRAP, palaging nasa
harapan lang nito ang solusyon at kapayapaan ng kalooban kung titingin ka lamang kay Kristo
sa krus.

2. Nagkasala ang ating mga unang magulang ng kainin nila ang bunga ng ipinagbabawal na
Punong Kahoy. Subalit nagbunga naman ng katubusan ng kasalanan ang Krus na kahoy
sapamamagitan ng ipinakong Kristo. Nagkasala ang unang tao sapamamagitan ng bunga ng
kahoy at gayundin tinubos tayo sa kahoy na nagbunga naman ng kaligtasan. Parehong kahoy
ang mga ito subalit magkaiba ng bunga, mula sa bunga ng kasalanan ay naging bunga ng
kaligtasan, isang bagong pagkain na mula sa bunga ng Krus, hindi ipinagbabawal kundi
ipinakakain sa lahat, hindi itinatago kundi ipinakikita sa lahat. Kung kaya’t ang Krus ay hindi na
simbolo ng Problema at kamatayan kundi simbolo na ng katubusan at tagumpay.

Pangalawa, dapat bang tanggalin ang krusipiho sa mga simbahan at palitan na lamang ng
Kristong muling nabuhay?

Kung babasahin ang banal na kasulatan, nang unang magpakita si Kristong muling nabuhay sa
kanyang mga alagad na nagkakatipon, nakapinid ang mga pinto dahil sa takot, UNA niyang
ipinakita ang kanyang mga SUGAT sa kamay at paa maging ang sinibat sa kanyang tagiliran
upang makilala siya (Jn 20:20). Sa pagtatagumpay ni Jesus na muling nabuhay, narito ang
isang bagong imahen na nakita ng mga alagad subalit sa kanyang bagong anyo ng kanyang
tagumpay ay mapapansin nating ipinakita niya, naroroon parin ang mga sugat na dulot ng krus,
mga butas sa kanyang kamay at paa, naroroon parin ang mga sariwang bakas ng paghihirap
niya sa Krus.

Bakit hindi nalamang ito inalis, pinaghilom o di kaya’y tinakpan ni Jesus? Bakit nagtagumpay na
siya, bumaba na siya sa krus at umahon sa kamatayan ay naroroon parin ang mga butas ng
pako at ang sugat sa kanyang tagiliran? Bakit di nalamang niya ito inalis sa kabila nang ito’y
alaala lamang ng kanyang kamatayan? Ayun? Isang tanong na namumuo sa naguguluhang
isipan.

Iyon po’y dahil sa hindi pinawawalang-halaga ni Jesus ang Krus sapagkat kung wala nga iyong
halaga’y inalis na lamang sana niya ang mga sugat o di kaya’y pinaghilom subalit hindi. Hindi
niya inalis ang bakas ng Krus sa kanya bagkus ito’y pinarangalan pa ng muli niyang
pagkabuhay ng una at hayagan niya itong ipinakita sa mga alagad. Ang muling pagkabuhay ni
Jesus ay hindi nagpapawalang-saysay sa Krus bagkus ay mas pinanariwa, pinahahapdi pa nito
ang mga alaala at sugat na likha ng Krus. Hindi inalis ni Jesus ang hirap sa kanyang tagumpay.

Malinaw na sugat ang binanggit sa banal na kasulatan, hindi peklat kundi sugat. Mga sariwang
sugat na hindi naghihilom na siyang nagpapaalala sa krus na tropeyo ng kanyang tagumpay.
Mga sariwang sugat na nagpapaalala sa ating tumingin sa kanyang krus, gayundin sa ating
mga sariling krus at sa ating sariling mga sugat. Mga sariwang sugat na mananatiling sariwa at
masakit hangga’t may makasalanan. Dinala niya ang krus sa kanyang tagumpay. Isang
sariwang paghihirap kahit nagtagumpay na siya upang makilala natin siya na ‘SIYA AY SIYA
NGA’ gaya ng pagkakakilala ng mga alagad niyang nagkakatipon sa takot.

Ipinakikita ng Ebanghelyong iyon (Juan 20) na kung tayo’y nahaharap sa matinding takot,
kapighatian, pang-uusig at pagsubok, tingnan lamang natin ang Krus, ang mga sugat na dulot
ng Krus at makatatagpo tayo ng tunay na kapayapaan gaya ng sinabi ni Jesus sa mga
natatakot nyang alagad na nagkakatipon pagkatapos nilang tumingin sa kanyang mga sugat:
“Sumainyo ang Kapayapaan”. Marahil ay nag alinlangan ang mga alagad ng unang bumati si
Jesus sa kanila ng “Sumainyo ang Kapayapaan” kung kaya’t ipinakita niya ang kanyang mga
sugat mula sa krus, at dito’y nakilala nila si Jesus, muli niyang binati ” Sumainyo ang
kapayapaan” (Juan 20:21) ay silay nakatagpo na ng tunay na kapayapaan ng makita nila ang
mga sugat at ulitin ni Jesus ang pagbati.

Ganoon kahalaga ang mga sugat ng Krus, ganoon kahalaga ang Krus, sapagkat kung
pinawalan niya ng saysay ang krus sa kanyang muling pagkabuhay, marami ang mag
aalinlangan sa kanya matapos siyang makita. Ganoon din tayo, makakatagpo tayo ng
kapayapaan kay Jesus pagkatapos nating tingnan ang kanyang mga sugat mula sa Krus at
maririnig din nating sasabihin nya “Sumainyo ang kapayapaan”. Hindi iwawaksi ng simbahan
ang krus gaya ng hindi pagwaksi ni Jesus sa kanyang Krus sa kabila ng kanyang tagumpay.

Ito ang hamon sa atin ngayong siya’y muling nabuhay: Hindi natin lubos na mauunawaan ang
muling pagkabuhay kung hindi tayo marunong tumingin sa Krus, hindi natin mauunawaan ang
tagumpay kung hindi tayo titingin sa paghihirap, kung itatakwil natin at kalilimutan ang mga
paghihirap kung tayo’y nagsisimula na sa tagumpay. Nakahanda ba akong tumingin sa sarili
kong mga sugat ? O kagaya din nila akong duwag tumingin sa mga sugat na dulot ng
paghihirap kaya iwinawaksi nila amg Krus? Kagaya din ba nila akong nag iisip na ang tagumpay
ay puro kaginhawahan lamang at wala nang problema at sugat na darating sa aking buhay?
Nanaisin ko rin ba tulad ng Panginoon na hindi nagwaksi ng kanyang Krus, sugat at paghihirap
o tulad din nila akong takot makita ang aking Krus, mga pagkakamali, takot humarap at
nagnanais tumakas sa mga paghihirap?

Sapagkat ang Krus ay simbolo ng kanyang maluwalhating pagwawagi!

Kung kaya ang nagwawaksi sa Krus ay nagwawaksi din sa kanyang sariling tagumpay!

You might also like