You are on page 1of 5

1. Ang Paglalahad bilang Sining at Kaibahan nito sa ibang sulatin.

2. Ang Replektibong Sanaysay ayon sa kahulugan at kabuluhan nito.

3. Mga dapat isaalang-alang sa pagsulat ng Replektibong Sanaysay.

4. Mga Hakbang sa pagsulat ng Replektibong Sanaysay.


ANG LANDAS NG MANUNUBOS

ni Kenneth Cruz

Karaniwang sagot ng mga bata sa tanong na “Ano ang gusto mo paglaki?” ay ang maging doktor, at kung tatanungin pa
kung bakit, ang kanilang sagot ay: “upang makatulong at magamot ang mga may sakit.” Sa ating pagtanda, nagbabago ang
ating pananaw ukol sa landas na nais nating tahakin sa hinaharap. Ang iba ay pinipiling maging inhinyero, karamihan ay
gustong magtrabaho sa barko o di kaya’y maging abogado. Ngunit, kapansin-pansin din na ang rason sa pagpili ng landas na
ito ay nagbabago. Pumipili tayo ng trabahong may malaking kita o di kaya’y maraming benepisyo. Sa kabilang banda,
nakaliligtaan natin ang isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng pagsisilbi, at ito ay ang pagiging propesyonal para sa kapwa at
sariling bayan.

Habang pinapanood ang maikling bidyo tungkol sa mga doktor sa baryo, pumasok sa aking isipan na sa panahon ngayon,
masyadong pinapatrona ng mga tao ang salapi at kapangyarihan. Hindi ko maikakaila na ako, bilang estudyante, ay nabibihag
din ng mga luhong ito sa paraan na hindi ko nababatid, lalong lalo na ng mga maliliit na bagay. Naisip ko rin na tila baligtad ang
ating paglaki, dahil sa ating pagtanda ay nakalilimutan natin ang tunay na esensiya ng paghihirap at pagsisilbi na isa sa mga
konseptong tinatalakay sa mababang paaralan. Noon, nakatatak pa sa ating isipan na tayo ay nag-aaral at magtatrabaho sa
hinaharap upang makatulong sa ating mga kapwa. Ngunit, unti-unti itong nabura sa paglipas ng mga taon at ang kasalukuyan
nating perspektibo ng pagiging matagumpay ay ang pagiging makapangyarihan at pagkita ng malaking salapi. Kung aalalahanin
natin ng mabuti, ang tagumpay ay nakabase hindi sa mga materyal na bagay kundi sa bilang ng mga ngiting ating nabubuo at
pasasalamat na natatanggap.

Mabigat para sa ating ang pagsasakripisyo ngunit, kung ating susuriin ang pinagdaanan ng ating Tagapagligtas sa Krus,
maituturing itong maliit lamang. Tumatak sana sa ating mga isipan na responsibilidad nating ipagpatuloy ang landas ng
manunubos.
PAGTANAW HINGGIL SA LAYON NG BUHAY

ni Jean Mendoza

Lahat tayo ay nabubuhay sa mundo habang nagbibigay ng pagpapakahulugan sa iba’t ibang bagay, lalo na sa ating sarili. Isang
paraan ng pagpapakahulugan ay ang pagtukoy sa ating mga interes at nais maging o gawin sa ating buhay.

Pagkasilang pa lamang natin sa mundo, minsan nga ay nasa sinapupunan pa lamang, marami nang nabubuong mga pangarap
ang ating mga magulang para sa atin. Sa paglipas ng panahon, marami tayong matututunan sa buhay na siyang huhulma sa
kung ano tayo sa kasalukuyan. Isa sa mga leksyong ito ay ang pagkatuto na mangarap ng mataas at magsipag upang makamit
ito, sapagkat ito ang magiging tulay patungo sa matagumpay at maginhawang buhay. Ang ilan pa nga sa atin ay tinakot ng mga
nakatatanda na kung hindi daw mag-aaral nang mabuti ay walang mararating at maghihirap sa paglipas ng panahon.

Sa pagmodernisa ng buhay sa kasalukuyang henerasyon, makikitang mas nabibigyang halaga ang mga pansariling kabutihan
kaysa sa kabutihan ng mga kapwa. Ang katangiang ito ay angat sa pagtuturo ngayon sa mga kabataan na mangarap. Imbes na
mangarap upang makatulong sa kapwa at mapaunlad ang sariling bayan, mangarap ka upang guminhawa ang iyong buhay.
Kaya naman hindi rin natin masisisi ang mga kababayang nating mas malaki pa ang naiiambag sa ibang bansa kaysa dito sa atin
dahil mas pinipili nilang maging OFW sapagkat iba na nga ang mindset ng modernong Pilipinas. Ngunit, sa tulong ng maikling
bidyo na aming pinanonood ay nalaman ko at ikinagalak na mayroon parin tayong mga kababayan na mas pinipiling manatili
dito sa ating bayan tulad ng mga doktor sa baryo.

Dahil sa bidyo, natutunan kong ang tanging paraan upang pasalamatan ang ating bayan na humubog sa ating mga pagkatao ay
sa pamamagitan ng paglilingkod dito. Napagtanto ko rin na tama nga na magpursigi upang mabuhay nang maginhawa. Ngunit,
hindi ito nangangahulugang mabuhay ng malambot ang palad, mag may-ari ng mga magagarang kotse kundi mamuhay ng
may ginhawa sa puso dahil nakatutulong ka sa iyong mga kapwa lalo na sa mga nangangailangan.
TUNAY NA KAHULUGAN NG PAGDODOKTOR

ni Kassandra Duran

Ang maikling bidyo ay tungkol sa mga iilang doktor na piniling maging ”barrio doctors”. Isiniwalat ng video kung anu-ano ang
mga karanasan nila kabilang na ang paglalakad nila sa mga mababatong kalsada upang makarating sa kanilang mga
destinasayon at ang sakripisyo ng pagiging malayo nila mula sa kani-kanilang mga pamilya. Bukod pa rito, ipinakita rin ang
lagay ng bawat isa sa mga liblib na lugar tulad ng mga malalayong probinsya.

Lubos akong natulungan ng video sapagkat dahil dito, nalaman kong mali ang aking layunin sa pagdodoktor. Marami ang
nagsasabing ito ay isang “elite profession” sapagkat, ito raw ay pang-matalino at pang-mayaman. Nakakahiya mang aminin
ngunit, isa ito sa mga dahilan kung bakit nais kong magtapos ng medisina. Gusto kong tingalain at hangaan ng nakararami. Buti
na lamang at nasaksihan ko ngayon ang bidyo. Napagtanto ko na ang pagdodoktor ay isang “elite profession” dahil sila ang
mga piling tao na binigyan ng kakayahan na gumamot ng mga pasyente. Sila ang mga taong handang maglingkod sa iba at
mabahiran ng dugo maligtas lamang ang kanilang mga kapwa. Mula ngayon ay isasaisip ko ang pagninilay na ito nang sagayo’y
magtagumpay ako sa aking pangarap.

Ayon nga sa bidyo, “they receive more than the tangible. They receive salvation.” Ang linyang ito ay sapat na upang maging
motibasyon at gabay sa iba pang mga naglalayong maging tulad ng mga doctor sa bidyo.
PAGHATID NG KAUNLARAN SA LIBLIB

ni Anton John Supe

Kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ay ang mga serbisyong pangkalusugan, kaya kasabay ng
pag-unlad ng ating lipunan, ay ang pagkakaroon ng mga inobasyon upang pabutihin pa ang mga serbisyong ito. Sa kasamaang
palad, mayroong mga hindi nakasasabay sa ating pag-unlad, kaya may mga hindi nakararanas ng mga maayos na serbisyong
pangkalusugan at sila ay ang mga taga-barrio.

May mga barrio na madaling marating at mayroong mga nasa liblib na lokasyon naman. Maaaring liblib sila dahil walang
maayos na daan at tulay o di kaya’y kailangan mo pang umakyat ng bundok upang marating ang lugar na iyon. Ito na rin siguro
ang dahilan kung bakit ang pag-unlad ay hindi nakararating sa kanila. Kung sila man ay magkasakit, lumalapit na lamang sila sa
mga lokal na manggagamot at ang tanging ibinibigay sa kanila ay mga halamang gamot na walang kasiguraduhan kung
talagang epektibo ba. Tinitiis na lamang nila ang ganitong sistema, kaysa tahakin ang mahaba at delikadong paglalakbay
papunta sa siyudad.

Ang sagot sa suliraning ito ay makikita sa katauhan ng mga “barrio doctors”. Sila ay maituturing hulog ng langit sapagkat
alintana sa kanila ang hirap na kanilang mararanasan at mga sakripisyong kailangan nilang gawin makatulong lamang sa
kanilang mga kapwa. Masasabi kong sila ang karapat-dapat hangaan, dahil, dahil sa kanila nararanasan ng mga taga-barrio ang
kanilang karapatan sa pagkakaroon ng serbisyong pangkalusugan.

You might also like