You are on page 1of 3

Ang Wikang Filipino sa Panahon ng Impormasyon at Teknolohiya

Ni Lakandupil C. Garcia, EdD

Mga kaibigan, kailan lamang ay nagtatanong ako sa aking sarili, bakit kaya ginawa pang isang buwan ang
pagdiriwang ng dating Linggo ng Wika? Biruin ninyo, hindi lamang ginawang doble ang bilang ng araw ng
pagdiriwang! Gayunman, matapos kong manood ng mga programa sa telebisyon, makinig ng mga komentaryo at
awitin sa radio, at magbasa ng mga anunsyo sa paligid at maging sa mga pahayagan, ako rin naman ang sumagot
sa aking sarili – tama palang talaga na palawigin ang pagdiriwang pagkat tunay nang lumalaganap ang
impluwensya ng ating wikang pambansa – ang wikang Filipino!

May isang kuwento sa akin ang mga magulang ko na tuwing aking naaalala ay magkahalong damdamin ang
pumasok sa aking dibdib. Noon daw na sila’y nag-aaral pa sa elementarya, waring isang kasalanan ang magsalita
nang kahit isang kataga sa Filipino (o Tagalog noon, na hanggang ngayo’y gamitin pa ring termino). Nasabi kong
kasalanan pagkat ang bawat salitang kanilang binitawan ay babayaran nila ng kaukulang halaga. Sa kagustuhan
nilang huwag magbayad, pagkat mababawasan ang kanilang kaunting baon sa araw na iyon, dalawa ang nagiging
resulta – pilit silang magsasalita sa wikang Ingles o manahimik na lamang sa maghapon habang sila’y nasa
paaralan. Hindi po ba parang artipisyal at pilit ang gayong paraan? Bakit pipigilin ang natural? At bakit ang sariling
wika ang mismong sinusupil sa sariling bayan?

Subalit hindi na po ganoon ang nangyayari sa kasalukuyan. Ang dating wikang Filipino na dati ay
pinangingimiang gamitin ay narito na at masiglang nakikipagsabayan sa wikang Ingles sa larangan ng
impormasyon at teknolohiya. Alam na nating noon pa mang 1992 (halos dalawang dekada na ang nakalilipas) ay
natuklasan nang mabisa ang paggamit ng Filipino o mga wikang bernakular sa elementarya. Ito ang tinatawag na
EDCOM Report. Mula noon hanggang sa ngayon lumitaw na ang mga eksperimento ng Summer Institute of
Linguistics at ng mismong Komisyon sa Wikang Filipino na kapanalig ang UNESCO, lalo palang maiintindihan ang
mga aralin kung sa wikang kinamulatan (mother tongue) mag-uusap ang mga guro at mag-aaral. Nakatutuwang
mag-aral na ang iniisip at pinag-aaralan ay ang mismong paksa na lamang at hindi na pinoproblema ang wikang
ginamit.
Ang ganitong hakbangin ay inakala ko at ng hindi iilan na maaaring sa loob ng paaralan lamang
magaganap. Hindi po ito totoo! Pumasok na at ginagamit na ang wikang Filipino sa halos lahat ng larangan lalo na
sa mass media. Subukan po ninyong manood ng telebisyon sa ngayon at bilangin ang mga sumusunod: mga
komersyal o patalastas, mga programa sa isports at maging mga cartoons – ilan po sa kanila ang nasa wikang
Filipino na? ang sagot po ay kamangha-mangha pagkat tunay na pong naghahari ang wikang Filipino sa ating
telebisyon!

Ang radyo rin po ay nagpapatunay sa ganitong sitwasyon. Maliban sa ilang FM station, higit na kinalulugdan ng
karamihan na maging sa mga komentarista at DJ (disk jockey) na nagsasalita sa ating wika. Kung mapapansin nga
ninyo, maging sa mga programa sa FM na Ingles ang ginamit, hindi pa rin maiiwasang gumamit ng Filipino kapag
sumasagot sila sa mga tawag ng kanilang mga tagapakinig.

Kalabisan na po marahil kung sabihin kong sa kasalukuyan ay parami na nang parami ang mga babasahin
sa sariling wika. Wika po kasi ito ng ating industriya sa pelikula. Wika na rin ito ng teatro at wika ng pangmasang
negosyo. Ito ang dahilan kung bakit ang wikang ito ang mababasa pagkat siyang nauunawaan ng masang Pilipino.

Maaaring ikatwiran ng iba, dito lamang sa Pilipinas iyan. Paano na kung lumabas tayo sa ating bansa? May silbi ba
ang Filipino sa panahong ito ng globalisasyon?

Ang mga nagsasabi po ng ganyan, mga kaibigan, ay sinasabing baka mga “natutulog sa pansitan.” Hindi
iilang kumperensyang pandaigdig na ang idinaos sa mga naglalakihang hotel at awditoryum sa Maynila ang
nagpapatunay na lumalaganap na sa ibang bansa ang ating wika. Ang mga naturang kumperensyang itinaguyod
ng mga pangunahing unibersidad tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Pamantasang Normal ng Pilipinas at
Pamantasang De La Salle ay nagsisiwalat na sa Amerika (Oregon, Wisconsin at Hawaii) at Canada lamang, ilang
unibersidad na ang taun-taong kumukuha ng mga guro sa Pilipinas upang magturo sa kanila ng ating wika. Sa
panahon pa man ng namayapang Dr. Clemencia Espiritu, nakikipagtulungan na sina Dr. Ruth Elynia Mabanglo at
Dr. Teresita Ramos upang mapalawak pa ang AFAP (Advance Filipino Abroad Program).

Mga kababayan, buksan po natin ang ating mga puso at isip tulad ng pagbukas natin sa ating mga internet.
Ang mga computer na ito, kung magiging masigasig lamang tayo, ay magsisiwalat ng katotohanang pinasok na rin
sila ng wikang Filipino. Marami na pong impormasyon dito tungkol sa Pilipinas ang hindi sa Ingles nakasulat!
Magsaliksik po tayo sa Google.com, Yahoo.com at iba pang website na may ganitong paraan ng presentasyon.

Ano-ano pa po ang hinahanap nating mga patunay? Kailangan na po ba nating maliitin ang wikang sarili sa
harap ng malahiganteng katotohanan? Ang Filipino po ang wikang pambansa, narito na, buhay at patuloy na
lumalaganap. Nakahanda na para sa milenyong ito!..

Mga Tanong:

1. Ano ang paksa ng talumpati? Patunayan (5 puntos)

2. Ano ang layunin ng talumpating ito? (5 puntos)

3. Anong damdamin ng awtor ang nadama mo matapos mabasa ang talumpati? Patunayan. (5 puntos)

4. Ano-ano pahayag sa talumpati ang maituturing mong katotohanan at kuro-kuro lamang? (5 puntos)

5. Anong konklusyon ang nabuo mo sa pagkatao ng awtor, mga gurong Pilipino, at mga nakikinig? (5 puntos)

6. Anong paglalahat o konklusyon ang malilikha mo batay sa talumpati? (5 puntos)

You might also like