You are on page 1of 3

Mga Bahagi ng Pananalita.Limitless.

Natatandaan mo pa ba kung ano ang mga Bahagi ng Pananalita ng wikang Pilipino? Sa aking pagkakatanda,
huli ko itong napag-aralan ng lubos noong ako ay nasa elementarya pa, at ang bawat bahagi nito ay totoong
nakalimutan ko na, yun nga lang nananatiling ala-ala na lamang ang ilan sa mga ito. Masakit lamang isipin
na karamihan sa atin ay lubhang dalubhasa sa wikang Ingles at sa pag-aaral sa ating sariling wika ay
naiiwan lamang sa loob ng silid-aralan at nakakalimutan na agad pagkatapos ng ilang taon. Hindi kaya’t
panahon na rin upang aralin ulit natin ang ating wika?

Nakakatuwang balikan ang mga katagang noon pa natin huling nagamit. ‘Yun nga lang, ang hirap mangapa
at hindi mo alam kung saan ka magsisimula. Bilang napag-aralan na naman natin ito, konting pagbasa na
lamang ay makukuha na rin  natin ito. At sa tingin ko, sa pagiging dalubhasa sa simpleng araling ito, ay
maipapakita natin kung gaano natin maipagmamalaki ang ating wika. Kagaya nga ng sabi ko noon, paano
natin matututunang mahalin ang kultura at wika ng iba kung ang sariling-atin ay hindi man lang natin
maisapuso. Bilang araw-araw naman natin ito ginagamit, at napag-aralan na natin noon pa, bakit hindi natin
balikan kung anu-ano nga ba ang mga Bahagi ng Pananalita ng wikang Tagalog. Ang susunod na bahagi ng
akingblog ay naglalaman ng buod ng mga Bahagi ng Pananalita na sa tingin ko naman ay makatutulong
upang manariwang muli ang ating kaalaman at pagkadalubhasa sa wikang Tagalog.
A. Mga Salitang Pangnilalaman (Content Words)
1. Mga Nominal (Nominals)
a. Pangngalan (Noun) – mga salitang nagsasaad ng pangalan ng tao, hayop, bagay, pook, katangian,
pangyayari, atbp.
Uri:
➤ Pantangi (Proper Noun) – Ninoy Aquino, Pilipinas
➤ Pambalana (Common Noun) – pangulo, bansa
Kayarian:
➤ Payak – mga salitang sariling atin (lila, lamabat, ilog)
➤ Maylapi – nagtataglay ng panlapi (kagandahan, palaisdaan)
➤ Inuulit – inuulit ang salitang-ugat (sabi-sabi, gamugamo)
➤ Tambalan – binubuo ng 2 salita pero iisa ang kahulugan (akyat-bahay, hampaslupa)
b. Panghalip (Pronoun) – mga salitang panghahali sa pangngalan
Uri:
➤ Panghalip na Panao – ay ipinapalit sa ngalan ng taong nagsasalita, sa taong kausap at sa taong pinag-
uusapan (atin, ikaw, kayo)
➤ Panghalip na Pamatlig – ay inihalili sa pangngalang nagtuturo ng lugar na kinalalagyan ng pangngalan
(ito, iyan, doon)
➤ Panghalip na Panaklaw – Nagsasaad ng Kaisahan o kalahatan (isa, lahat)
➤ Panghalip na Patulad – inihalili sa itinutulad na bagay. (ganito, ganyan)
➤ Panghalip na Pananong – inihahalili sa pangngalan kung nagtatanong. (sino, kanino, ano)
2. Pandiwa (Verb) – nagpapahayag ng kilos, gawa o kalagayan
Uri ayon sa kaukulan:
➤ Payak – ipinalalagay na ito ang simuno (Masarap kumain ng sorbetes)
➤ Katawanin – may simuno ito nguni’t walang layong tumatanggap (Ang mabait at magalang
ay pinagpapala.)
➤ Palipat – may simuno at tuwirang layon (direct object) (Nagsampay ng damit si Maria.)
Aspeto:
➤ Pangnagdaan (past tense) – nagpapahayag ng kilos na natapos na (Nagluto si inay ng isda.)
➤ Pangkasalukuyan (present tense) – nagsasaad ng pagkilos na nasimulan na subali’t hindi pa natatapos.
(Nagluluto si inay ng isda.)
➤ Panghinaharap (future tense) – nagpapahayag na ang kilos o gawa ay mangyayari pa lamang.
(Magluluto si inay ng isda.)
3. Mga Panuring (Modifiers)
a. Pang-uri (Adjective) – mga salitang nagbibigay-turing o naglalarawan sa pangngalan at panghalip
Uri:
➤ Panlarawan – salitang naglalarawan (Matamis ang tinda niyang mangga.)
➤ Pamilang – nagsasaad ng bilang (Sampu ang aking mga daliri.)
Kaantasan ng Pang-uri:
➤ Lantay – nagbibigay ng simpleng paglalarawan (Maganda si Anna)
➤ Pahambing – naglalarawan sa dalawang pangngalan (Mas maganda si Maria kaysa kay Anna.)
➤ Pasukdol – pagbibigay ng sukdulang paglalarawang nakahihigit sa lahat (Pimakamaganda si Karen sa
kanilang lahat.)
b. Pang-abay (Adverb) – mga salitang nagbibigay-turing o naglalarawan sa pandiwa, pang-uri at kapwa
nito pang-abay (Taimtim na nagdasal ang bata)
B. Mga Salitang Pangkayarian (Function Words)
1. Mga Pang-ugnay (Connectives)
a. Pangatnig (Conjunction) – mga salitang nag-uugnay ng dalawang salita, parirala o sugnay (sapagkat,
at, raw, pati)
b. Pang-angkop (Ligature) – mga katagang idinudugtong sa pagitan ng dalawang salita upang maging
kaaya-aya ang pagbigkas ng mga ito (na, -ng at -g) (mataas na tao, malayang isipan)
c. Pang-ukol (Preposition) – mga salitang nag-uugnay sa isang pangngalan sa iba pang salita
Pangkat:
➤ Ginagamit bilang pangngalang pambalana (Common Noun) (Ang mga donasyong ibinigay ng mga pulitiko
ay para sa mga nasunugan.)
➤ Ginagamit na pantukoy sa ngalan ng tanging tao (Ang librong kanyang binabasa ayukol kay Imelda
Marcos.)
d. Pandamdam – mga salitang nagdadamdam ng malakas na emosyon. (hoy, wow, grabe)
2. Mga Pananda (Markers)
a. Pantukoy (Article/Determiner) – mga salitang laging nangunguna sa pangngalan o panghalip (ang, si)
b. Pangawing o Pangawil (Linking o Copulative) – salitang nagkakawing ng paksa o simuno (Subject) at
panaguri (Predicate)
Marahil ay hindi kumpleto ang aking inibahagi, ngunit sana ito’y nakatulong upang muli nating maalala kung
gaano kaganda at kagaling ang ating wika. Hindi mo kailangang maging bihasa at dalubhasa sa pagbigkas,
ang kailangan mo lang ay magkaroon ng puso na matutunan ang wika at mamuhay kasama nito, hanggang
sa kamatayan. Sa isang paraan mo lang naman maipapakita na ipinagmamalaki mo ang iyong wika, iyon ay
sa tahasang paggamit nito. Paano mo nga naman magagamit ng ganap ang sarili mong wika kung hindi mo
naman alam kung para saan ito at kung ano ang sinasabi mo, hindi ba? Napakahalaga na kilalanin natin
itong mabuti, dahil kahit ano pang gawin natin, babalik at babalik din tayo sa ating pinagmulan, sa wikang
Tagalog.

Huwag nating hayaang mabura sa kasaysayan ng ating bayan ang ating wika. Palaganapin natin ito at
muling buhayin, muling bigyan ng interes ang ating bayan upang muling mahalin ang ating wika. Para saan
pa’t ipinaglaban ng ating mga ninuno at mga bayani ang ating wika kung kakalimutan natin ito at
isasawalang-bahala? Hangga’t nasa atin pa, pahalagahan natin. Isa ito sa mga natatanging kayamanan ng
ating bayan na walang sinoman ang makakakuha at walang halaga ng pera ang makatatapat. Ako mismo,
mahal na mahal ko ang ating wika kaya sinigurado ko na ang buwan ng Agosto ay para dito at may lugar
ang aking blog para sa mga Tagalog na paksa. Sana bilang indibidwal at Pilipino, gawin din natin ang ating
bahagi upang ipagmalaki ang ating wika. Kailan pa ba, kung kelan pa wala na, o kung kelan tuluyan ng
mawala? Huwag nating hayaang mahuli ang lahat bago pa tayo magsisi sa ating mga desisyon. Minsan kasi,
kung ano pa ang kinaliligtaan, ay iyon pa ang mahalaga. Kaya bilang Pilipino, tayo’y magbasa, magsulat at
magtalastasan gamit ang ating wika at ipakit natin sa buong mundo ang ating napakaganda at napakakulay
na wikang Tagalog.
Mga Pinagmulan:

http://tl.wikipedia.org
http://filipinotutorial.blogspot.com

You might also like