You are on page 1of 16

Republic of the Philippines

Department of Education
Region I
SCHOOLS DIVISION OF ILOCOS NORTE

Filipino 7
Ikatlong Markahan – Modyul 3:
Ang Sariling Wika
(Tulang Kapampangan)

MELC: Naipaliliwanag ang kahulugan ng salita sa


pamamagitan ng pagpapangkat, batay sa konteksto ng
pangungusap, denotasyon at konotasyon, batay sa kasing
kahulugan at kasalungat nito.
(F7PT-IIIa-c-13; F7PT-IIIh-i-16; F7PT-IIi-11)

Inihanda ni:

HERLIE P. REYNON
Guro II
San Nicolas National High School
Filipino – Ikapitong Baitang
Share-A-Resource-Program
Ikatlong Markahan – Modyul 3: Ang Sariling Wika (Tulang Kapampangan)
Unang Edisyon, 2020

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring


magkaroon ng karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas.
Gayonpaman, kailangan muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng
pamahalaan na naghanda ng akda kung ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga
maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay ang pagtakda ng kaukulang
bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto
o brand name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit
sa modyul na ito ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang
matunton ang mga ito upang makuha ang pahintulot sa paggamit ng materyales.
Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala at mga may-akda ang karapatang-aring iyon.
Ang anomang gamit maliban sa modyul na ito ay kinakailangan ng pahintulot mula
sa mga orihinal na may-akda ng mga ito.

Walang anomang parte ng materyales na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag


sa anomang paraan nang walang pahintulot sa Kagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon


Kalihim: Leonor Magtolis Briones
Pangalawang Kalihim: Diosdado M. San Antonio

Bumuo sa Pagsusulat ng Modyul


Manunulat: Herlie P. Reynon
Editor: Jon Jon D. Garcia
Tagasuri: Editha R. Mabanag
Tagasuri ng Wika: Leonida D. Castillo
Tagalapat: Dexter Calzada
Tagapamahala: Joann A. Corpuz
Joye D. Madalipay
Santiago L. Baoec
Jenetrix T. Tumaneng
Editha R. Mabanag
Division Design & Layout Artist: Marvin M. Marugay

Inilimbag sa Pilipinas ng ________________________

Schools Division of Ilocos Norte


Office Address: Brgy. 7B, Giron Street, Laoag City, Ilocos Norte
Telefax: (077) 771-0960
Telephone No.: (077) 770-5963, (077) 600-2605
E-mail Address: ilocos.norte@deped.gov.ph
7

Filipino
Unang Markahan – Modyul 3:
Ang Sariling Wika
(Tulang Kapampangan)
Paunang Salita
Ang Contextualized Learning Module o CLM na ito ay maingat na
inihanda para sa ating mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo
ito ng iba’t ibang bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat
aralin at malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.

Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na


naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga
magulang o kung sinumang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-
aaral sa kani-kanilang tahanan.

Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang


nalalaman ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang
magsasabi kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa
guro. Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat
naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o
mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na
magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.

Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang CLM na ito


upang magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o
mamarkahan ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay
na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.

Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang


guro kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at
paggamit ng CLM na ito.

Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga


tagapagdaloy, umaasa kami na matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila
sa paaralan.
Alamin

Mapagpalang araw mahal kong mag-aaral! Ipagpapatuloy muli natin ang


ating pag-aaral. Nawa’y maging matiyaga ka sa mga kasunod na aralin dahil ito ay
tiyak na kasiya-siya para sa iyo.

Ang kabuoan ng modyul na pag-aaralan mo ay tungkol sa isang tulang salin


mula sa Kapampangan tungkol sa pagmamahal sa sariling wika ang mababasa sa
araling ito.

Ang wika ay ang kaluluwa ng bansa. Ang mabisang paraan upang


maiparating ang nararamdaman at naiisip ng tao ay naipadarama o naipahahayag
sa pamamagitan nito. Ang pagkakaroon ng isang wika ng isang lugar o bansa ang
pangunahing salik kung bakit nagkakabuklod-buklod o nagkakaisa ang mga
mamamayan sa kanilang mga layunin at mga adhikain. Ayon nga sa paliwanag ng
isang dalubwika, “ang wika ay isang kabuoan ng mga sagisag na panandang
binibigkas sa isang tiyak na lugar o komunidad kung saan sa pamamagitan nito
ay nagkakaugnay-ugnay, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng
isang pulutong ng mga tao”. Yamang ang Pilipinas ay binubuo ng maraming pulo,
iba’t iba ring mga wika ang nabuo sa bansa. Sa kasalukuyan, may humigit-
kumulang sa 110 wika at diyalekto ang ginagamit sa bansa.

Mga Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELC)


MELC: Naipaliliwanag ang kahulugan ng salita sa pamamagitan ng pagpapangkat,
batay sa konteksto ng pangungusap, denotasyon at konotasyon, batay sa
kasingkahulugan at kasalungat nito.
(F7PT-IIIa-c-13; F7PT-IIIh-i-16; F7PT-IIi-11)

Nasasabik ka na ba? Tara na’t maglakbay na tayo sa akda ng Kapampangan


sa tulong ng kanilang tula.

1
Subukin

Bago tunghayan ang kariktan ng tula ng Kapampangan, magkakaroon muna


tayo ng paunang pagtataya. Sikapin mong sagutin ang mga kasunod na mga aralin
para mataya kung ano ang mga dapat mo pang malaman sa mga susunod na pag-
aaral.

Paunang Pagtataya
Panuto: Magbigay ng walong pangunahing wikaing sinasalita sa iba’t ibang pulo o
lugar sa bansa. Kopyahin ang Bubble Map at dito isulat ang sagot.

Mahusay! Naisakatuparan mo ang paunang pagtataya. Kung mababa man


ang iyong iskor, huwag mabahala sapagkat paunang pagtataya lamang ito.
Ipagpatuloy mo lamang ang aralin at tiyak ang marka mo’y tataas din.

2
Aralin
Ang Sariling Wika
3.3 (Tulang Kapampangan)

Balikan

Sa modyul na ito, masasalamin sa tula kung gaano kahalaga ang isang wika
na itinuring na higit na mahalaga kaysa sa kayamanan. Isa itong pamana ng ating
mga ninunong nararapat na pahalagahan at mapanatili hanggang sa kasalukuyang
henerasyon. Handa ka na ba? Kung handa na, hali ka na’t magsimula na.

Gawain 1: Simulan Na
Matapat na sagutin ang mga katanungan. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

Mahalagang Tanong:

1. Bilang kabataan, paano mo maipakikita ang iyong pagpapahalaga at


pagmamalaki sa wikang Filipino at katutubong wikang ginagamit sa lugar na
iyong kinalakhan?

2. Paano ba makatutulong sa iyo at sa kapwa mo kabataan ang pag-aaral ng


tula at iba pang mga akdang patula tulad ng tulang panudyo, tulang de-
gulong at palaisipan?

3
Tuklasin

Narito ang isang tula ng mga Kapampangan. Basahin at unawain mo ito nang
mabuti upang matuklasan ang mensaheng nais nitong ipahatid. Matutunghayan
dito ang pagpapahalaga sa wika ng mga Kapampangan.

Ang Sariling Wika


(Tulang Kapampangan)

Ang sariling wika ng isang lahi


Ay mas mahalaga sa kayamanan
Sapagkat ito’y kaluluwang lumilipat
Mula sa henerasyon patungo sa iba
Nangangalap ng karanasan, gawi,
Pagsamba, pagmamahal, pagtatangi at pagmithi

Nais mo bang mabatid ang layunin ng kanyang puso,


Ang kanyang mga pangarapin.
Mainit na pagmamahal na sa puso’y bumubukal
Kasama ng mahalagang layuning nabubuo sa isipan?
Pakinggan ang makahulugang gintong salita
Na sa kanyang bibig ay nagmumula.

Minanang wikang itinanim sa isipan


Iniwan ng ninuno, tula ng iniingatang yaman
Pamanang yamang di dapat pabayaan
At pagyamanin ng mga paghihirap
Para sa kaunlaran, di dapat masayang
Tulad ng halaman na natuyot at nangalagas sa tangkay.

Minana nating wika’y


Maihahambing sa pinakadakila
Ito’y may ganda’t pino,
aliw-iw at himig na nakahahalina
init nito’t pag-ibig mula sa musa
pagpapahayag ng pagmamahal ay kanyang kinuha.

Wikang Kapampangan, buo ang iyong ganda


Ang himig ng iyong tunog
Tulad ng pagaspas ng bagwis ng mga ibon
Tulad ng awit na likha ng brilyanteng makinang
Tulad ng lagaslas na himig ng tubigan
Tulad ng awit ng malamig nang hanging amihan.

4
Wikang Kapampangan, ikaw ay mahalaga
Sa lahat ikaw ay maikokompara
Ikaw ang mapagmahal at matamis na pahayag ng pag-ibig
Tulad mo’y walang katapusang awit
Ang lahat sa iyo ay tulad bumubukang bulaklak.

Gawain 2: Kasingkahulugan ko, Tukuyin mo!


Panuto: Piliin sa kahon ang kasingkahulugan ng salitang nakasulat nang pahilig
sa pangungusap. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

A. dumadaloy D. paunlarin

A. B. lambing E. sagisag

B. C. malaman F. tunog na nalilikha sa paglipad ng ibon

1. Ang wika sa bansa ay dapat pagyamanin sapagkat ito ang kaluluwa ng lahi
natin.
2. Mula sa ating puso ay bumubukal ang wagas na pagmamahal sa ating Inang-
Bayan gamit ang mga salitang kaysarap pakinggan.
3. Kailangang mabatid ng bawat Pilipino na ang wika ay tulad ng isang gintong
pamana sa atin ng ating mga ninuno.
4. Ang sariling wika ng isang lahi ay may taglay na aliw-iw at himig na kahali-
halina.

5. Ang himig ng ating wika ay kawangis ng pagaspas ng bagwis ng mga ibon sa


himpapawid.

5
Suriin

Gawain 3: Pangkatin Natin!


Panuto: Pangkatin ang mga salitang nakasulat sa kahon batay sa kung saang
kaisipang nakatala sa ibaba maaaring iugnay ang mga ito. Pagkatapos ay ipaliwanag
kung bakit ito ang iyong ginawang pagpapangkat.

buhay hiyas halaga


diwa kagandahan panghalina
ginto katangian sigla

Kayamanan Kaluluwa Kariktan

Paliwanag: Paliwanag: Paliwanag:

Pagyamanin

Gawain 4: Pag-unawa sa Akda


Panuto: Mula sa tulang “Ang Sariling Wika” sagutin ang sumusunod na tanong.
1. Bakit itinuturing na ang isang wika ng lahi ay mas mahalaga pa sa materyal
na kayamanan?
2. Bakit sinasabing ito ang nagsisilbing kaluluwa ng isang bansa?
3. Paano mo malalaman ang mga mithiin o adhikain ng isang bansa o lahi ayon
sa may-akda?
4. Naniniwala ka bang ang wika ay pamanang yaman ng ating mga ninuno na
hindi dapat pabayaan? Bakit?
5. Sa iyong palagay, bakit mahalagang pahalagahan natin ang iba pang wika
ng bansa bukod sa Filipino?

6
Isagawa

Gawain 5: Kilalanin mo, Kasingkahulugan ko!


Panuto: Suriin at piliin mula sa kahon ang kasingkahulugan ng salitang mga
salungguhit sa bawat pangungusap. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

A. hinalungkat D. nagmamadali
B. mabilis E. nalaman
C. nagalit F. tumira

1. Humahangos na nilapitan ni Nena ang matandang nasaktan.


2. Lalong namuhi si Minda sa kapatid dahil sa inakalang pakikialam niyo sa
kanyang mga ginagawa.
3. Hinalughog ng matandang babae ang buong kabahayan subalit hindi niya nakita
ang hinahanap.
4. Natalos ng matanda ang tunay na ginawa ni Sandra sa iniwan niyang supot ng
mga buto.
5. Namalagi sa tahanan ng diwata si Linda samantalang nasadlak sa ilalim ng lawa
si Nancy.

Mahusay, binabati kita! Upang lubos mo pang maintindihan ang akdang


binasa, makatutulong sa iyo ang pagsagot sa mga mahahalagang katanungan. Alam
kong kayang-kaya mong sagutin ang mga sumusunod na katanungan dahil ikaw ay
may malalim nang pang-unawa sa binasa.

7
Tayahin

A. Panuto: Piliin ang kasalungat ng salitang nakasulat nang madiin sa


pangungusap. Isulat ang sagot sa sagutang papel.
1. Hinabol ng kabataan ang mailap na baboy-ramo na iaalay sa gagawing
pagdiriwang ng cañao.
A. maamo B. maliksi C. mabagsik D. mabagal
2. Maraming pangyayari ang nanikit sa kanyang utak bago magsimula ang
pagdiriwang ng cañao.
A. nawala B. nakasama C. nagpahiwatig D. bumulong
3. Dumapo ang isang ibong nabighani sa kakinangan ng punong tumubo.
A. nasilaw B. naligaw C. natakot D. naputol
4. Nabuwal sa kanilang harapan ang puno ng ginto.
A. naglaho B. bumagsak C. tumindig D. naputol
5. Biglang dumaluhong ang mga tao sa nakitang pataas nang pataas na gintong
puno.
A. mabilis sumugod C. sumipa nang malakas
B. tumakbo papalayo D. sumampa nang mabilis
B. Panuto: Tukuyin ang kahulugan ng salitang nakasulat nang madiin batay sa
pagkakagamit nito sa pangungusap. Isulat ang titik ng tamang sagot sa iyong
sagutang papel.
1. Masayang kumandong ang apo sa kanyang mapagmahal na lola.
A. humalik B. kumalong C. lumapit D. yumakap
2. Hindi maunawaan ng lolo kung saan nahagilap ng apo ang mga balitang
sinasabi nito sa kanya.
A. nakuha B. nalaman C. narinig D. naunawaan
3. Nagtampo ang tiyahin niya dahil sa marahas na tinig ng kanyang bunsong anak
habang nakikipag-usap sa kanya.
A. mabagsik B. malakas C. malamyos D. masakit
4. Habang malungkot na nag-iisip ang matanda dahil sa kanyang mga narinig ay
tahimik na nakatunghay sa kanya ang kanyang apo.
A. nakaismid B. nakamasid C. nakikinig D. nakayakap
5. Hindi man lang natinag ang anak sa naging bunga o epekto ng kanyang ginawa
sa kanyang ina.
A. naapektuhan B. nalungkot C. nasaktan D. natuwa
6. Naglagos hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso ang mga tinuran ng
kanyang anak.
A. lumampas B. tumagos C. tumalab D. tumama
7. Pinawi ng masasakit na pananalita ang kaligayahang nag-uumapaw sa puso ng
matanda.
A. inalis B. naglaho C. nahalinhan D. pinalitan

8
8. Sa sobrang sakit na kanyang naramdaman ay parang tumigil sa pag-inog ang
kanyang mundong ginagalawan.
A. pag-ikot B. paglakad C. pagsikat D. pag-usad
9. Tila nasa isang takipsilim ang buhay ng isang matanda na.
A. malapit nang magwakas C. papalubog na ang araw
B. malungkot na araw D. puno ng kadiliman
10. Pahalagahan natin at alagaan ang ating mga lolo at lola sapagkat sila’y tunay na
nangangailangan ng ating pagkalinga.
A. pag-aaruga B. pakikiisa C. pagsuporta D. pagtitiyaga

Binabati kita! Natapos mo rin ang aralin. Sana’y naiwan sa iyong isipan ang
lahat ng mga napag-aralan natin sa “Ang Sariling Wika” Tula ng Kapampangan.
Bagaman tapos na tayo sa araling ito. Ihandang muli ang iyong sarili sa panibago
na namang aralin – Aralin 4: Mga Karunungang-Bayan

9
Susi sa Pagwawasto

10
Sanggunian
Dayag A. M., et.al (2017). Pinagyamang Pluma Ikalawang Edisyon. Quezon City:
Phoenix Publishing House Inc.

Rex Interactive. Supplemental-Filipino, High School- Grade 7.

11
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Schools Division of Ilocos Norte – Curriculum Implementation Division


Learning Resource Management Section (SDOIN-CID LRMS)

Office Address : Brgy. 7B, Giron Street, Laoag City, Ilocos Norte
Telefax : (077) 771-0960
Telephone No. : (077) 770-5963, (077) 600-2605
E-mail Address : sdoin.lrmds@deped.gov.ph
Feedback link : https://bit.ly/sdoin-clm-feedbacksystem

You might also like