You are on page 1of 3

Rose Marie N. Hermosa Grade 12 – St.

Rita of Cascia
Ms. Mariecris Abregana Lakbay Sanaysay

Gunita ng Pagliliwaliw
Tulad ng mga ibong nagliliparan sa bughaw na kalangitan ay kasing tayog ng
aking pangarap na makalabas sa aming bahay. Kating-kati na ang aking mga paa at
hindi na mapakali ang aking mga kamay kaya tumakas ako. Sabi nga nila pag –ayaw
may dahilan, paggusto maraming paraan. Naghihintay na ang aking mga kaibigan sa
dati naming tagpuan - sa bahay ni kuya, PBB lang ang peg. Oo, lakwatsera ang ate
niyo, ngunit hayaan niyo na minsan lang tayo maging bata kaya lubos-lubosin na.
Pinuntahan namin ang makapigil hiningang tanawin sa San Carlos Heights, walang
bayad, saan pa kayo makakahanap ng ganyan? Nag-aambagan kami para sa aming
piknik. Wala na ngang makakapigil sa amin, push mo yan te.
Pagpasok pa lamang namin doon, mararamdaman mo ang katahimikan ng
paligid na sinasabayan pa ng mga huni ng ibon at nahuhulog na dahon sa lupa.
Lumilingon ako kaliwa’t kanan, ang daming mga punong kahoy, May nakita akong
manok na palaboy laboy kahit saan na tila ba hindi natatakot mawala. Sa haba ng
aming nilakad, tagaktak ang aming pawis dahil sa init. Kaya nagpahinga muna kami
para sa susunod na aming tatahakin.
Kung iisipin nasa harap na namin ang shortcut, ngunit mas pinili naming
lumingon sa kaliwa para doon dumaan sa masukal na bundok. Napanganga ako sa
aking nakita, ang taas taas pala ng aming aakyatin, talagang werpa gagawin namin.
Isang hakbang ko pa lamang nahirapan na akong mag balanse sa katawan. Animo’y
binibigtas mo ang isang daang hindi mo matanaw ang dulo. Walang maapuhap, walang
mahawakan, at walang makitang katiyakan. Maraming mga bato, at ang tangi mong
makakapitan ay yung mga halaman na tumubo sa paligid. Alam mo yung pakiramdam
na nasa gitna kana pero doon mo pa naisipang sumuko nalang. Tapos bigla kang
tumingin sa ibaba, nakakatakot, nakakalula isang maling galaw mo lang parang
mahuhulog kana. Malapit ng makarating ang aking mga kaibigan sa itaas, ang iba
bumalik pa para tulungan ako sa aking pagkakaistatwa #friendshipgoals. Nabunutan
ako ng tinik sa dibdib ng sa wakas narating ko ang tugatog ng bundok. Sabay-sabay
kaming umahon at ang saya lang sa pakiramdam na nalagpasan mo ang buwis buhay
na pagsubok.
Sa likod ng masukal na bundok may naghihintay palang paraiso sa tuktok. Hindi
ako makapaniwala sa aking nasaksihan, napakapetmalu talaga. Tila isa akong ibong
lumilipad sa gitna ng himpapawid. Kitang kita ko ang mga barko sa dagat na animo’y
hindi gumagalaw, mga nagtataasang gusali na halos abot kamay na ang langit at mga
kabahayan na nagsisiksikan na parang sardinas. “Ang ganda” iyon ang paulit-ulit
lumalabas sa aking bibig. Tumatalon sa tuwa ang aking puso, hindi matanggal ang ngiti
sa aking mga labi na halos ayaw ko nang pumilok dahil sa nakabibighaning tanawin.
Mas ni level up pa namin ang aming paglalakbay umakyat pa kami ng bundok.
Sa aming pag-akyat marami akong nakasalimuhang hayop tulad ng kambing, pato, at
aso. Magkakalayo ang mga bahay-bahay at madalang lang ang makakita kami ng tao.
Hanggang sa marating namin ang tamang pwesto na aming pagpipiknikan, inilatag na
namin ang mga nabili naming chichirya at baong tubig. Doon kami nagpahinga, kasama
ang dalawang mataas na puno ng niyog na aming sinasandalan. Humiga at
nagpagulong-gulong kami sa mga dahon, langhap na langhap ang sariwang hangin na
dumadampi sa aming katawan. Ang tahimik at maaliwalas ang paligid, sakto ito sa mga
taong nais makawala sa ingay ng lungsod at magmunimuni. Sabay-sabay naming
kinanta ang theme song naming magkakaibigan – Hawak Kamay by Yeng Constantino.
Ang malaparaisong lugar ay tuluyang naging langit dahil sa malaanghel naming tinig.
Maaari mong ilabas at ipagsigawan sa lahat ang gusto mong sabihin dahil walang
masyadong makakarinig sayo at ang nakakatuwa dito may pa-echo effect pa. Sumigaw
ako ng sumigaw sa abot ng aking hininga, ang sarap sa pakiramdam na maging
malaya. Nang napagod na, umupo ako at kumain. Pinagmamasdan ko ang paligid, ang
bawat kumpas ng dahon, sumasayaw na halaman, nagkakantahang ibon at mga ulap
na tila nakatago sa bundok. Ito ang mga bagay na hindi gaanong napapansin ng iba,
ngunit sa pagkakataong iyon doon ko lamang napagtanto kung gaano kaganda ang
ating kalikasan.
Matapos naming kumain nag libot-libot kami, sa hindi kalayuan may nakita
kaming bahay doon. May nakaupo na mataba at matandang lalaki na may mahabang
puting balbas. Na starstruck talaga ako at sa musmos kong kaisipan bigla kong tinuro at
sabay sabing “ hala! si Santa Claus”. Tumawa ang lahat ng aking mga kaibigan,
naghalakhakan sa mga salitang aking binitawan. Ewan ko ba kung bakit ko nasabi yun
marahil dala narin sa kasabikan, pero infairness para talaga siya si Santa Claus,
kalokalike niya ang lodi ko. Agad namin siyang pinuntahan, at nagpakilala kami sa
kanya. Umupo kami at maya maya binigyan niya kami ng meryenda. Ikinuwento niya sa
amin ang buhay sa bukid. Hindi paman tumitilaok ang manok gising na sila upang
asikasuhin ang mga alagang hayop at halaman. Maaga din silang natutulog at bilin niya
sa amin huwag kaming magpagabi kasi delikado. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng
tour sa kanyang bakuran, nakita ko yung hitik na bunga ng mga mangga, kamyas at
iba pa. Sa kauna-unahang pagkakataon, nasilayan ko ang puso ng saging na nakabitin
sa sanga. Talagang naaliw ako sa aming paglilibot, sinabi ko sa sarili na gusto kong
magkaroon ng ganito. Sa paglipas ng oras nagpahinga muna kami bago umalis.
Malapit nang lumubog ang araw ng papauwi kami. Sa aming paglalakad may
bigla akong naramdam na kakaiba. Dahil sa malikot kong mata may nakita akong
babaeng nakadungaw sa bintana, mahaba ang buhok, at nakabistidang puti. Nakatitig
siya sakin, bigla akong nanlamig at tumindig ang aking mga balahibo. “Oh My Gosh,,
White Lady”, sigaw ko sa aking sarili at agad akong kumaripas ng takbo dahil sa takot.
Tumakbo ako ng tumakbo, hanggang sa naputol ang aking isang tsinelas. Pinabayaan
ko nalang at binitbit yung isa at tumakbo ng nakapaa. Iniwan ko ang aking mga
kaibigan, sigurado taking-taka sila. Umuwi ako sa amin na sobrang pagod at humihingal
pa. Pinagalitan ako ng aking nanay dahil sa aking pagtakas, talak siya ng talak,
isusumbong daw niya ako ni tayay. Sadyang matigas talaga ang ulo ko, dahil kahit
anong pangaral nila tumatakas at lumalabas parin ako ng bahay.
Kung mayroon sana kaming selpon noon at uso na ang facebook sigurado uulan
ng likes at maraming magkokoment sa aming paglalakbay. Walang selfie, walang
groufie tanging sa alaala lamang nakakubli ang mga tanawin na aming nasaksihan.
Kung nais mong magpakalunod sa saya, tara! sama kayo sa biyahe namin. Sabay
tayong tumakas at magliliwaliw sa labas. Magbaon ng lakas at ihanda ang kamera,
punuin natin ng mga gunita Namnamin ang bawat segundong lumilipad ang iyong mga
paa. Dahil ang paglalakbay ay magiiwan sayo ng mga kwentong ikaw mismo ang bida.
At muli nating isusulat ang mga karanasan ng ating paglalayag sa mundong ibabaw.

You might also like