You are on page 1of 3

‘Panggagayuma’ sa Pamamagitan ng mga Patamang Linya

Rommel N. Angara
Mount Carmel College
Baler, Aurora

Isang salita ang nagpapalaya sa atin mula sa lahat ng bigat at sakit ng buhay. Ang salitang iyon
ay pag-ibig. —Sophocles (c. 496–406 BCE), sinaunang Griegong mandudula

Napakagandang gumamit ng patamang linya (kadalasang tinatawag ding hugot line o pamatay
linya) bilang pangganyak sa pagtuturo, lalong-lalo na kung nauugnay ito sa walang-kamatayang
temang gustong-gusto ng mga millennial: romantikong pag-ibig. Minsan ko pa lang ginamit ito
sa isang pagsasanay sa pagsulat ng katitikan ng pulong (minutes of meeting) para sa mga mag-
aaral na kalihim (student secretaries) at iba pang mag-aaral na opisyal (student officers) mula sa
aming paaralan.
Magkahalong pagtataka at pagkatuwa ang reaksiyon ng mga estudyante sa ibinigay kong
gawaing pangganyak. Hinati ko sila sa limang pangkat, at ang bawat grupo ay binigyan ko ng
jigsaw puzzle na kailangang i-solve sa loob ng tatlo hanggang limang minuto. Nakasaad sa bawat
puzzle ang patamang linyang may kinalaman sa kagamitang pangmanunulat.

Ayaw kong maging give-away ang mensaheng nakapaloob sa bawat linya, kaya’t hindi
muna tuwirang binanggit sa puzzle ang kagamitang pangmanunulat at sa halip ay pinalitan ito ng
10 ekis—bagay na nakapukaw ng kuryosidad ng mga mag-aaral.
Matapos mabuo ng bawat pangkat ang puzzle, tinanong ko kung ano sa tingin nila ang
pananalitang nakasulat. May ilang sumagot na iyon marahil ay liriko ng awiting pop, kawikaan,
o linya mula sa spoken word poetry. Nagulat sila nang ibunyag kong iyon ay patamang linya, at
ang bawat 10 ekis ay kumakatawan sa kagamitang pangmanunulat.
Nag-flash ako ng malaking retrato ng kagamitang pangmanunulat na binabanggit sa bawat
linya. Nang ipabasa ko nang buong-buo ang bawat linya, biglang nagkaingay ang mga mag-aaral
na parang may kung anong espiritung nagdala sa kanila sa ikapitong langit.

 Alam mo bang ako ang PAMBURAng lagi mong hawak? Kahit nakikita kong
PAMBURAcay ang hubog ng katawan ng iba, buburahin ko sa aking isip ang anumang
bakas ng tukso para ipakita sa iyo ang aking pagmamahal na malinis at tapat….

 Bakit kaya ika’y parang naging PANTASAng paborito kong gamitin? KaPANTASAma kita,
lalong tumatalas ang aking pakiramdam na may pagtingin ka rin sa akin….

 Sana’y hayaan mo akong maging PAPEL na maaari mong gamitin. Kung ako lang talaga ang
PAPELpiliin, gusto kong isulat mo sa akin ang “I love you. You’re my everything.”

Page 1 of 3
 Alam mo bang ikaw ang nag-iisang BALLPEN sa aking buhay? Kahit bali-BALLiktarin ang
mundo, ikaw lang ang aking PENakamamahal na tunay. Tanging ikaw ang PENapangarap
kong makasama until I die.

 Kapag kapiling kita, ako’y parang nagiging LAPIS habang tumatagal. LAPIS-labis ang aking
PENCILsalamat sa iyo because in you I’ve found a love that’s very special. In fact,
napakahirap iguhit ang ganito katingkad na pagmamahal.
Sa pamamagitan ng matiyagang pag-iisip na may kasamang damdamin, makabubuo ka rin
ng patamang linya—karanasang makapagdudulot sa iyo ng kakaibang kasiyahan! Kailangan mo
lang ibahagi sa iba ang iyong likhang-sining para maranasan din nila ang kagalakang naranasan
mo sa simula pa lang.

Page 2 of 3
Matiyagang binubuo ng bawat grupo ang jigsaw puzzle.

—Nalathala sa The Modern Teacher, Tomo 68, Blg. 10 (Marso 2020), p. 368
Page 3 of 3

You might also like