You are on page 1of 17

Panitikang Pilipino

MODYUL 4

I. PANIMULA
Ang modyul 4 ay tungkol sa tatlong panahon: (1) Panahon ng Pagkamulat, (2)
Panahon ng Himagsikan, (3) Panahon ng Americano dito natin matutunghayan ang iba’t
ibang tao at ang kani-kanilang mga akdang pampanitikan na naging kilala sa panahong
ito.
Sa pagtatapos ng modyul na ito ay inaasahang ang mga mag-aaral ay: (1)
nababatid ang halaga ng mga akdang pampanitikan sa bawat panahon, (2) naipapakita
ang kaalamang natutunan sa pagbuo ng sariling akda.
Nilalayon ng modyul na ito na matukoy ng mga mag-aaral ang mga batayang
kaalaman tungkol sa mga panitikan ng mga Pilipino sa panahon ng pagkamulat.
II. PANIMULANG PAGTATAYA
PANGKALAHATANG PANUTO:
1. Isulat ang titik ng napili mong sagot.
2. Isulat sa iyong sagutang papel. (1/4 na piraso ng papel)
3. Huwag ka magmadali sa pagsagot. Tandaan mo na bahagi ng pagsusulit ang
pagbabasa ng panuto.

A. Panuto: Isulat sa malaking letra ang napili mong sagot. Bawal ang magbura
sa pagsagot, tiyakin ito ay malinis at malinaw.

1. Anong taon nagsimula sa paglitaw ang magasing Liwayway?


A. 1920 C. 1922
B. 1921 D. 1923
2. Ito ang naging unang katawagan sa magasing Liwayway.
A. Photo Booth C. Fake News
B. Photo News D. News Magasin
3. Ang panahong ito ay tinatawag na panahon ng pagpapalaganap o
popularisasyon.
A. Panahon ng Pagkamulat C. Panahon ng Hapones
B. Panahon ng Malasariling Pamahalaan D. Panahon ng Ilaw at Panitik
4. Siya ang may-akda ng Parolang Ginto.
A. Clodualdo del Mundo C. Arsenio R. Afan
B. Juan Rivera Lazaro D. Amado V. Hernandez
5. Siya ya kinikilalang “Makat ang mga Manggagawa.
A. Amado V. Hernandez C. Julian Cruz Balmaceda
B. Jose Corazon de Jesus D. Cirio H. Panganiban
6. Itinuturing siyang isang haligi ng panitikang Pilipino dahil sa kanyang mga
sinulat.
A. Amado V. Hernandez C. Julian Cruz Balmaceda
B. Jose Corazon de Jesus D. Cirio H. Panganiban
7. Gumagamit siya ng mga sagisag panulat na Adela B. Mas at Martin Martin ez
Martir.
A. Amado V. Hernandez C. Julian Cruz Balmaceda
B. Jose Corazon de Jesus D. Cirio H. Panganiban
8. Siya ay tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa”.
A. Teodoro A. Agoncillo C. Manuel L. Quezon
B. Florentino Torres D. Alejandro Abadilla
9. Sa panahong ito nangyari ang Ikalawang Digmaang Pandaigdigan.
A. Panahon ng Ilaw at Panitik C. Panahon ng Amerikano
B. Panahon ng Kastila D. Panahon ng Hapones
10. Ito ay isang uri ng tula na binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong
taludtod.
A. Haiku C. Tanaga
B. Awit D. Korido

III. YUGTO NG PAGKATUTO


A. TUKLASIN
Sa panahon ng Ilaw at Panitik ay maraming mga manunulat at makata
ang isinilang. At ang ilan sa mga ito ay sina Amado V. Hernandez, Julian
Cruz Balmaceda, at Ildefonso Santos. Pumili sa tatlong ito at magkaroon
ng pananaliksik, maghanap ng isa sa kanilang mga kilalang akda at ibigay
ang iyong repleksiyon ukol dito.

Napiling Manunulat/Makata: _________________________

Kilalang akda:

Titulo

___________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
____________.

Repleksiyon

___________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
________________________________________________________________
____________.

B. LINANGIN
Sa pagkakataong ito, magsisimula ka nang maglakbay sa iba’t ibang
aralin ng Modyul 3.

Aralin 1.6

Paksa: Panahon ng Pagkamulat


(1922-1934)
KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN
Ang "Panahon ng Ilaw at Panitik" ay nagsimula sa paglitaw ng magasing
Liwayway noong 1922. Ito'y nakilala muna sa tawag na Photo News noong mga unang
taon nito.
Maliwanag na mababakas natin sa mga pangyayari na ang paglitaw ng
magasing Liwayway ay nakapagdulot ng di-gaanong pampasigla sa panitikan.
Hanggang sa mga sumusunod na panahon ay patuloy itong nanatili sa sirkulasyon
habang ang ibang nauna o kasabay nito ay naglahong parang bula. Ang Panahon ng
Ilaw at Panitik ay nagwakas sa taong 1934, sa pagkakatatag ng Panitikan, isang
kapisanang itinuturing na siyang sakdalista at aristokrata ng panulatang Pilipino.
ANG KATANGIANG PAMPANITIKAN
Ang Panahon ng llaw at Panitik (1922-1934) by tinatawag na panahon ng
pagpapalaganap o popularisasyon. Sa panahong ito ay patuloy pa ring kinawiwilihan ng
mga mambabasa ang mga kuwentong natutungkol sa pag-ibig, lalo na ang mga tapat at
dakilang pag-ibig. Namamayani pa rin ang romantisismo bagamat masasabing may
mga manunulat na nagkaroon ng pag-iisip at lakas ng loob na kabakahin ito at gumawa
sila ng mga hakbang upang maiangat ang pamantayan at pataasin ang kilatis ng mga
nasusulat ng panahong iyon.
1. Ang Maikling Katha
Masasabi na ring masigla at masigabo ang pagsusulat at pagtanggap ng
sambayanang Pilipino sa maikling katha bagamat patuloy ang pamamalasak ng
romantisismo.
Ang ganitong namamayaning tema ng maikling katha ay nagkaroon ng
pagbabago dahil sa "Parolang Ginto” ni Clodualdo del Mundo. Sa pamamagitan ng
nasabing "Parolang Ginto," nagsimula si Clodualdo del Mundo noong taong 1927 sa
pamimili ng sa palagay niya'y pinakamagagaling na katha ng mga buwan at taon. Ang
pamimiling ito ni del Mundo ay nagawa niya hanggang sa taong 1935.
Dahil sa siyam na taong ito ng matiyagang pagsala ni del Mundo sa inaakala
niyang pinakamahuhusay na maikling katha, masasabing tumaas ang kilatis ng maikling
katha. Nagkaroon ng inspirasyon ang mga manunulat at naging masigla sila.
Nagkaroon sila ng matibay na dahilan upang paghusayin ang pamamaraan ng kanilang
pagsulat at palawakin ang tema na di naman pawang sa pag-ibig.
Kabilang sa mga nabigyan ng karangalan ang mga sumusunod na katha:
"Paghahangad" ni Arsenio R. Afan, 1927; "Hiwaga" ni Arsenio R. Afan, 1928; "Lihim ng
Kumbento" hi Juan Rivera Lazaro, 1929; "Panata ni Pilar” ni Amado V. Hernandez,
1930; "Sugat ng Alaala" ni Fausto J. Galauran, 1931; "Walang Lunas” ni Amado V.
Hernandez, 1932; "Manika ni Takyo” ni Deogracias A. Rosario, 1933; ”Ang Dalagang
Matanda” ni Deogracias A. Rosario, 1934; at ”Ay, Ay" ni Rosalia L. Aguinaldo, 1935.
Nagkaroon ng katuwang si Clodualdo del Mundo sa kanyang misyong iangat ang
antas ng maikling katha nang si Alejandro G. Abadilla ay lumitaw sa larangan sa
pamamagitan ng kanyang Talaang Bughaw noong 1932. Ito'y sumasagisag sa
buwanan at taunang pamimili ng itinuturing na pinakamahusay na tula at katha.
Ang unang binigyang-diin ni Abadilla sa pamantayan ng pagpili ay ang
pamamaraan ng pagsulat na may higit na kaugnayan sa kaanyuan kaysa nilalaman ng
isang akda, tula man o katha. Mahirap apurahin ang mga manunulat na Pilipino na
makaahon sa paboritong paksa ng pag-ibig lalo, na ang tumutukoy sa pag-iibigan ng
mahirap at mayaman. Ngunit ito'y naging isang malaking inspirasyon na rin ng mga
namamayaning manunulat upang husayin nila ang kanilang pamamaraan ng
pagsusulat.
Kabilang sa mga binigyan ng karangalan ng Talaang Bughaw ang mga
sumusunod: "Aloha" ni Deogracias A. Rosario, 1932; "Ako'y Mayroong Isang Ibon" ni
Deogracias A. Rosario, 1933; "Pusong Uhaw sa Pag-ibig" ni Inigo Ed Regalado, 1934;
at "Pag-ibig na Walang Kanluran" ni Alberto Segismundo Cruz, 1935.

2. Ang Tula
Ang paglabas ng Liwayway noong taong 1922 ang siyang higit sa lahat ay
nagpasigla sa mga sangay ng panitikang Pilipino lalo na sa tula. Kabilang sa mga
masisiglang makata ng panahong ito ay sina: Jose Corazon de Jesus (kinikilalang
"Makata ng Puso"), Amado V. Hernandez, (kinikilalang "Makata ng mga Manggagawa")
Teodoro Gener, Cirio H. Panganiban, Ildefonso Santos, Inigo Ed Regalado, Julian Cruz
Balmaceda, Florentino Collantes, Domingo Raymundo, Nemesio Caravana, Emilio Mar
Antonio, Catalino V. Flores, Aniceto Silvestre, Jose Catindig, Fernando Monleon at higit
sa lahat ay si Lope K. Santos.
Isa sa pinakamalaking pangyayaring naganap sa tulang Pilipino ay ang
pagdaraos noong 1924 sa bulwagan ng Instituo de Mujeres ang unang balagtasan,
salitang kinuha sa pangalan ni Francisco Balagtas. Nagtagisan ng talino sa pagbigkas
at pangangatwiran sina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes. Tumayong
Lakandiwa si Lope K. Santos at si Sofia Enriquez naman ang kampupot.
Narito ang mga bahagi ng pagpapakilala nila ng kanilang sarili:
LAKAN-DIWA: (Lope K. Santos)
Yamang ako'y siyang Haring inihalal
binubuksan ko na itong Balagtasan,
lahat ng makata'y inaanyayahang
sa gawang pagtula ay makipaglaban.
Itong Balagtasa'y galing kay Balagtas
na Hari ng mga Manunulang lahat,
ito'y dating duplong tinatawag-tawag
Balagtasan ngayon ang ipinamagat.
PARUPARO:
Magandang gabi po sa kanilang lahat,
Mga nalilimping kawal ni Balagtas
Ako'y paruparong may itim sa pakpak
At nagbabalita ng masamang oras.
Nananawagan po, bunying Lakan-diwa
ang uod na dating ngayo'y nagmakata,
naging Paruparo sa gitna ng tula
at isang bulaklak ang pinipithaya.
BUBUYOG:
Sa isang malungkot at ulilang hardin
ang binhi ng isang halama'y sumupling
sa butas ng bakod na tahanan namin
ay kasabay akong isinisilang din.
Nang iyang halama'y lumaki, umunlad,
lumaki rin ako't tumibay ang pakpak
at nang sa butas ko ako'y makalipad
ang unang hinagka'y katabirtg bulaklak.
KAMPUPOT:
Ang kasintahan ko'y ang luha ng langit
ang Araw, ang Buwan sa gabing tahimik,
at si Bubuyog po't Paruparong bukid,
ay kapwa hindi ko sila iniibig.
Kung susuriin ang balagtasang ito ay dito matatagpuan ang mga sangkap na
itinakda ni Lope K. Santos sa isang mabuting tula: may tugma, sukat, kariktan at
talinghaga. Ito ang panahong kapag wala ang apat na iyan sa isang akda, ito ay hindi
itinuturing na tula.
Ang mga Makata
a. Amado V. Hernandez
Kinikilalang "Makata ng Manggagawa" si Amado V. Hernandez, ang mga tula
niya ay nalalantad ng tinatawag na kamalayang panlipunan. Tinalakay niya sa kanyang
mga tula ang iba't ibang bahagi ng buhay: tao, makina, bayani, gagamba, langgam,
panahon at pati aso.
Narito ang isang papuri sa mga tula ni Amado V. Hernandez mula kay Teodoro
A. Agoncillo, makata, kritiko at mananaysay (historian):
Ang mga tula ni Amado V. Hernandez ay isang hamon sa kasalukuyan, isang
mapiling anyaya sa piging ng puso't diwa sa hapag ng kabuhayang pambansa, at higit
sa lahat, isang marubdob na pagpapahayag ng palapahaman sa buhay. Natitiyak
naming pagbubuksan siya ni Calliope sa templo ng kadakilaan.
Ang sumusunod ay buhat sa kanyang tulang pinamagatang "Bayani":
Ako'y manggagawa: butil ng buhangin,
sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din;
buhay ko'y sa Diyos utang nga marahil,
ngunit ang palad ko'y utang din sa akin...
Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling
sa tunay mong pawis ang iyong kakainin’’
Kung di nga sa aki’y lugmok ang puhunan
lugami ang hari't lupaypay ang bayan;
walang mangyayari pag ako ang ayaw,
mangyayaring lahat, ibigin ko lamang
sa aking balikat nangasasalalay
ang pagkakaunlad ng mundo't ng buhay.
b. Julian Cruz Balmaceda (1885-1947)
Itinuturing na isang haligi ng panitikang Pilipino dahil sa kanyang mga sinulat, si
Julian Cruz Balmaseda ay isang makata, mandudula, kuwentista, mangangatha,
dalubwika at naging Patnugot ng Suriang Wikang Pambansa.
Bilang mandudula ay sinulat niya ang mga sumusunod na dula: "Sa Bunganga
ng Pating," "Ang Bagong Kusinero," “Sangkuwaltang Abaka,” "Musikang Tagpi-tagpi" at
ang "Piso ni Anita.”
Sa mga nobela ay ang mga sumusunod ang kanyang sinulat: "Tahanang Walang
Ilaw," “Himagsikan” at ng “Mga Puso.”
Bilang isang makata ay nakapagtipon siya ng mga nasulat niyang tula at tinawag
niya itong "Pangarap Lamang." Ang iba pa niyang nasulat na tula, ay ang mga
sumusunod: "Sa Bayan ni Plaridel,” "Anak ni Eba," "Bukas," "Marilag na Guro," "Ikaw,"
"Watawat," "Magsasaka," "Nasaan Ka," "Buhok," "Bakit" at "Ang Ulila."
Kung minsa'y gumagamit siya ng sagisag na Adela B. Mas at Martin Martin ez
Martir es sa kanyang pagsusulat ng tula. Namatay siya noong ika-18 ng Setyembre,
1947 at ang kahuli-hulihan niyang tulang nasulat ay pinamagatang "Punungkahoy."
Ganito ang pagpapahayag niya:

Tila ikaw ay taliba sa sabangan ng Panahon,


tahimik na nagtatala ng yumaong mga taon,
bawat dahon mong malagas ay kitib ng aming Ngayon,
upang Bukas, pag-umaga'y maging bakas ng Kahapong
may lagi nang panggunita na ang tao'y sadyang gayon,
kung saan ka nabubuwal kami'y doon nababaon.
c. Ildefonso Santos (1897- )
Ang isa sa lalong hinangaan sa kanya bilang makata ay ang kariktan ng kanyang
mga pananalitang ginagamit ngunit kakambal nito ang katayugan ng diwang
ipinahahayag ng kanyang mga tula. Kabilang siya sa lalong mahusay at maingat
magsulat sa larangan ng matandang panulaan.
Narito ang ilang saknong ng kanyang mga sinulat na tula upang makita natin ang
kanyang pagkamaingat sa pagpili ng pananalita at ang kariktang taglay ng bawat
taludtod:
Marahang-marahang
manaog ka, irog, at kata'y lalakad
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari'y kinuyom na rosas.
"Sa Tabi ng Dagat”
Habang nagduruyan ang buwang ninikat
sa lundo ng kanyang sinutlang liwanag,
isakay mo ako, Gabing mapamihag,
sa mga pakpak mong humahalimuyak.

Sa isang panayam ni Teodoro Agoncillo tungkol sa Panitikang Tagalog, 1900-


1950 na nalathala sa "Philippine Studies” noong Abril, 1970 ay ganito ang kanyang
sinabi tungkol sa yugtong ito ng panulaan sa panitikang Pilipino:
Na ito'y nagkaroon na ng higit na malawak na guniguni o imahinasyon, dumami
na ang paggamit ng iba't ibang sukat ng taludtod, namamayani pa rin ang labis na
pagkasentimental, laganap pa rin ang lantarang pangangaral, at palasak ang mga
pangungusap na tinatawag na de cajon.
Ngunit sa kabila ng lahat, ang isang magandang pangyayari sa tula ay ang
kasiglahang ipinakita ng mga makata at ng mga mambabasa ng tula. Ito ring
ipinakikitang kasiglahang ito ang siyang itinuturing na dahilan kung bakit hindi gaanong
umunlad ang ibang sangay ng panitikan. Higit diumanong nawili sa pagtula-tula ang
mga tao kayat hindi nila gaanong pinag-ukulan ng karampatang pansin at
pagpapahalaga ang ibang sangay ng panitikan.
3. Ang Nobela
Tunay na ang paglitaw ng magasing Liwayway sa panahong ito ay nagbigay ng
pagkakataon sa mga nobelista na makapaglathala nang payugtu-yugto ng kanilang
mga isinulat ngunit dahil sa mga pagpiling ginawa at pagbibigay ng gantimpala sa mga
maririkit na maikling katha ng taon, hindi gaanong naging masigla ang pagtanggap sa
mga nobela.
Kabilang sa mga nasulat ng panahong ito ang mga sumusunod: "Mutyang
Itinapon", ni Rosalia L. Aguinaldo, "Magmamani" ni Teofilo Sauco, "Doktor Kuba” hi
Fausto Galauran, "Makiling" ni Remigio Mat. Castro; "Luha ng Dalaga" at "Ana Maria" ni
Antonio Sempio.
Ang nobelang "Magmamani" ni Teofilo Sauco ay nalathala sa Liwayway. Sang-
ayon sa isinulat ni Jose Esperanza Cruz, (patnugot ng Liwayway noon) sa unang
pagpapalimbag ng nobelang ito bilang aklat: ito'y parang namumukod na bituin sa mga
pitak ng Liwayway na tuwing Huwebes ng hapon ay inaabangan nang buong pananabik
sa mga tahanan, sa mga pagawaan, sa mga pamilihan, at sa lahat na halos ng dako ng
sangkatauhan.
4. Ang Dula
Kung ano ang sigla ng pagtanggap ng sambayanang Pilipino sa mga sarswela
noong unang taon ng mga Americano o sa panahon ng Aklatang-Bayan ay siya
namang panlalamig nila sa panahong ito ng Ilaw at Panitik. Hindi masisisi ang mga
mandudula sa panahong ito na tulad nina Julian Cruz Balmaceda at Patricio Mariano
sapagkat ginawa nila ang makakaya nila upang mapanatili ang sigla ng mga dula.
Subalit sadyang ang pagbabago'y dala ng panahon.
Sa tanglaw ng mga pangyayari ay masasabing ang mga sumusunod ang dahilan
ng panlulupaypay ng dulaang Pilipino sa panahon ng Ilaw at Panitik.
Masigabo ang pagtanggap ng sambayanang Pilipino sa mga dulang itinanghal
nang nagdaang panahon at lubhang dumami rin naman ang nagtangkang pumasok sa
larangang ito kahit na walang kakayahan. Nagkaroon tuloy ng masasamang dula at ang
mga tao'y lubhang nadala kung kayat maging ang mahuhusay na dula ay naapektuhan.
Sa kabilang banda, ang mga manunulat naman na walang kinaanibang samahan
ay pinagsarhan ng pintuan ng mga samahang nagtatanghal. Kahit pa sabihing
mahuhusay ang mga nasulat ng mga manunulat na ito ay hindi sila nagkaroon ng
pagkakataon at kahit na hindi gaanong mataas ang uti ng mga dulang hawak nila ay
iyon ang kanilang itinatanghal.
Sa pagsusulputan naman ng mga lingguhang magasin at mga arawang
pahayagan ay nagkaroon ng pagkakataon ang ibang sangay ng panitikan tulad ng
maikling katha, tula at nobela. Walang ganitong pagkakataon para sa mga dula. Ang
dula sa kabila ng pangyayaring ito'y bahagi ng nasusulat na panitikan ay tila mandin
tuluyan nang inilaan na lamang para sa tanghalan gayong ito'y may sariling ganda at
pang-akit kahit na basahin lamang ng mga walang pagkakataong makapanood nito sa
tanghalan.
Subalit ang pinakamabigat sa lahat ay ang pagdadala sa Pilipinas ng mga
Americano ng mga patapon nilang pelikula. Ang gumagalaw na anino sa puting tabing,
kahit pa sabihing ito ay walang talkies o mga cowboy na walang ginawa kundi ang
mamaril at mangabayo ay labis na hinangaan at sinamba ng mga tao. Ito na nga
marahil ang pinakamalaking trahedyang naganap sa dulaang Pilipino. Kahit pa sabihing
ang dulaan ay may higit na mataas na antas kaysa pelikula. Tiyakang masasabing
nawalan ng kakayahan ang mga mandudulang Pilipino na makikompitensiya sa mga
pelikulang galing pa sa Hollywood dahil na rin sa uri ng mentalidad ng sambayanang
Pilipino na bunga na rin ng napakatagal na pagkaalipin.

Aralin 1.7

Paksa: Panahon ng Malasariling Pamahalaan


(1935-1942)
KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN
Ang panahong ito ay sumasakop sa panahong nalalapit na ang wakas ng
pananakop ng mga Americano hanggang sa panahon ng Hapon. Sa panahong ito
nabigyan ng Malasariling Pamahalaan ang mga Pilipino sa pangungulo ni Manuel Luis
Quezon, na siyang tinaguriang "Ama ng Wikang Pambansa." Siya ang nagpunyagi
upang magkaroon ng Wikang Pambansa ang Pilipinas sa panahong ito.
PAGSILANG NG KAPISANANG PAMPANITIKAN
Ganito ang sinabi ni Teodoro A. Agoncillo tungkol sa pagsilang ng Panitikan sa
kanyang “Pasulyap na Tingin Sa Mga Tao at Kilusan, Ang Maikling Kuwentong
Tagalog, 1886 -1948":
Noong 1935, ang dalawang ginoong iyan ay nagpasiyang dapat
pagbuklurin ang mga manunulat na noo'y nakatapos na o kaya'y nag-aaral pa
lamang sa iba't ibang uniberssidad...Nagkaroon ng pulong sa Tom's na
dinaluhan ng tatatlong manunulat, ngunit ito'y hindi nakapanlamig sa
masisigasig. Muling nagkaroon ng pulong sa tahanan ni Abadilla sa Florentino
Torres at sa pulong na ito itinatag ang kapisanang Panitikan na ayon sa nasirang
Barros, ay isang sakdalista at aristokrata sa panulatang Tagalog - isang
'paghahambog' na inirapan ng matatandang tanod. Higit na masigla kaysa
mapagwari, sanhi marahil sa pag-aapoy ng dugong kabataang mapangarapin,
ang mga kasapi sa Panitikan, sa pagkainis sa isang malaganap na lingguhang
ayaw magbukas ng pinto sa mga kasapi, ay nagtangkang dumulog sa bayan
upang himukin itong huwag bumili at bumasa ng nasabing lingguhan. Datapwat
hindi pinagtibay ang gayong mabalasik na mungkahi ni Barros.
Ang mga kasapi ng samahang Panitikan ay ang mga sumusunod: Teodoro A.
Agoncillo, Alejandro Abadilla, Clodualdo del Mundo, Fernando B. Monleon, Epifanio Gar
Matute, Gregorio N. Garcia, Brigido C. Batungbakal, Teo S. Buhain, Salvador R. Barros,
Florencio N. Garcia, Apolonio C. Arriola, Pablo R. Glorioso, Genoveva D. Edroza,
Anacleta Villacorta-Agoncillo, Cresencio Cruz Torres, Jesus A. Arceo, Alfredo S.
Enriquez, Serafin C. Guinigundo, Eleuterio P. Fojas, Antonio B.L. Rosales, Gonzalo K.
Flores, Hernando R. Ocampo at Narciso G. Reyes.
Subalit bunsod marahil ng kainitan at kapusukan ng kabataan, noong ika-2 ng
Marso ng 1940, sa Liwasang Moriones, Tundo, sa isang papulong-bayan ay sinunog ng
mga kasapi ng Panitikan ang mga nasulat nang akdang para sa kanila'y basura na. Ito
na ang pinakamatinding pangyayaring nagbunsod sa tuluyang pagkakasamaan ng loob
ng matatanda at ng kabataang manunulat.
1. Ang Maikling Katha
Taglay ng panahong ito ang tatak ng mga pampanitikang katangian na
nagpapabukud-tangi sa mga maiikling kathang nasulat nang panahong iyon. Ganap
nang nababakas ang tinatawag na katimpian sa larangan ng paglalarawan at ganoon
din sa pagpapahayag ng nadarama. Ang mga kuwentista ay nagsimula na ring gumamit
ng unang panauhan sa mga kuwento. Halimbawa:
Labis akong nasiyahan sa katahimikang kinauuhawan ng aking kaluluwa:
sinumang lumaki sa bukid ay mangangawit sa kaingayan ng siyudad. Isang
halaglag na makopa ang aking pinulot at matapos kong pahirin ng aking palad
ang lupang nadikit ay aking kinagat ang tila bulak na laman. Naglakad ako nang
papaligid sa tabi ng bakod na kakawate at sa isang puno ng amapola ay
napahinto ako: isang magandang paruparo ang nabitag sa isang bahay ng
gagamba. Ang malalapad na pakpak ay buong lakas na ikinakampay sa
pagnanais na makawala, ngunit sa bawat galaw ay lalo lamang nadidikit ang
sawimpalad sa malagkit na sapot. Isang manok na dumalaga ang tumapat sa
paruparo at kumutuk-kutok sa galak. Naalaala ko ang ipinagbilin ng aking
ingkong kaya ako ay madaling nagbalik at kinuha ko ang hiyas ng kawayan na
pinagsisidlan ng palay at pinatuka ko ang aming mga manok...
“Kuwento ng Isang Sisiw”
Jesus A. Arceo
Dito rin sa kuwentong ito ay mababakas ang pagtalakay at paghahambing sa
buhay-lunsod at buhay sa nayon. Sa mga kuwentong lumitaw ng panahong iyon ay
mababakas din ang mga pagtatangka ng mga manunulat na hindi maging gaanong
lantad na kung minsa'y nagbubunga ng pagiging malabo ng mga pangyayari. Subalit sa
pangkalahatan ay masasabing mababakas sa mga maikling katha ang matiim na
hangaring mapaganda ang kaanyuan at pamamaraan ng pagsulat ng katha.
2. Ang Tula
Ang panahong ito ay pinaging makulay ng tinatawag na "paghihimagsik" ni
Alejandro G. Abadilla. Sa biglang tingin, ang “pinaghimagsikan” ni Abadilla ay ang
porma at hitsura ng tula lalung-lalo na ang kaanyuang nagtataglay ng "sukat at tugma"
subalit panahon at kasaysayan ang nagpapabulaan dito. Winasak niya ang matibay at
makipot na bakod na kinapapalooban ng magandang panulaan. Nilagot niya ang
matibay na kadenang sumasakal sa kalayaan ng pagpapahayag ng masalamisim na
guniguni. Ang tula'y nagkaroon ng bagong hugis, ng bagong anyo; tila rumaragasang
tubig na tumalunton sa mga bundok at kapatagan at ang ibinunga'y magkahalong
katuwaan at pag- aagam-agam sa sambayanang mahilig tumula. Dapat lang asahang
ang matandang tanod ng panitikan ay nakaranas ng pagkabahala at hindi kasiyahang-
loob. Subalit ang huling hukom ay ang bayan. Tinanggap ng bayan ang ganitong
kalayaan mula sa binibilang na pantig ng bawat taludtod ng bawat saknong at ang
pagkakaisang-tunog sa dulo ng bawat taludtod. Hindi nagkamali si Abadilla sa pagpili
ng panahon sa pagbabagong-bihis ng tula. Hinog na ang bayan sa ganitong uri ng
pagbabago. Nanguna sa pagsusulat ng mga tulang may malayang taludturan sina
Amado V. Hernandez, Gonzalo K. Flores, Hernando R. Ocampo at Manuel Prinsipe
Bautista.
Narito ang unang taludtod ng tulang “Ako Ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla:
i
ako
ang daigdig
ako
ang tula
ako
ang daigdig
ako
ang tula
ng daigdig
ako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig
Narito pa rin ang unang bahagi ng isang tula ni Abadilla na nagtataglay ng mga
katangian ng kanyang "ipinaghimagsik" na "malayang taludturan."
Bathala
O Dilim
Ikaw kaya'y ano?
Kaluluwa ka bang sa Kanya nagbuhat
Upang sa palad ko
Manatiling lagi at nagpalumagak?
Subalit
Bathala
Mahina na ako;
Hindi ko na kayang matagalang lahat
Ang hirap na itong Itinalaga Mo.
Narito naman ang talaan ng mga makatang nakapagpalimbag ng kanilang mga
tula sa panahong iyon:
Lope K. Santos sa kanyang "Puso at Diwa" Patricio Mariano sa "Mga Anak-
Dalita," Inigo Ed Regalado sa "Bulalakaw ng Paggiliw," Pedro Gatmaitan sa "Tungkos
ng Alaala," Pascual de Leon sa "Mga Buntunghininga," Jose Corazon de Jesus sa "Mga
Dahong Ginto” "Sa Dulong Silangan" at "Mga Itinapon ng Kapalaran," Florentino
Collantes sa "Ang Tulisan," Carlos Gatmaitan sa "Dalagang Tagabukid" at Julian Cruz
Balmaceda sa "Bayan ni Plaridel"
Narito ang dalawang huling saknong ng tulang "Ang Pag-Aklas" ni Lope K.
Santos.
Kung sa iniwan mo ay may humaliling
dukhang kapwa mo rin;
Sa iyong ginawa'y huwag kahg magsisi
ano mang marating:
Kayat nagsipalit, ang dangal at puri

nila'y nagkulimlimi
May araw ring sila'y mangaruruhagi't
lalong maIiring.
Bayang maralita, Bayang yumayari
sa lupa ng lahat,
Bayang nagsisikhay ng hindi mo ari't
sa lahat ay salat:
Ang pag-aralan mo, ikaw'y maging hari
sa tuwing aaklas:
Ang kaharian mo sa lahat ng lahi
ay katwirang ganap.
3. Ang Dula
Masigla ang dulang Pilipino noong panahon ng Aklatang-Bayan. Nagpamalas ng
kasipagan sa pagsusulat ang mga mandudula at malugod namang tinanggap ito ng
taong-bayan. Subalit bunga ng mga kadahilanang hindi naiwasan, nanlupaypay ang
anyong ito ng panitikan ng mga sumusunod na taon. Nauso ang bodabil sa stage
shows at halos ay nawalan ng pagkakataon ang pagtatanghal ng dula. Dumating ang
mga pelikulang galing sa Amerika at ganap na narahuyo ang mga tao sa panonood ng
mga ito sa halip na dula.
4. Ang Nobela
Katulad din ng dula, kung ano ang sigabo at siglang ipinamalas ng mga nobelista
sa mga unang taon ng pananakop ng mga Americano ay ganoon din ang
panglulupaypay at halos paglalaho nito nang mga sumunod na panahon.
Maraming masasabing sanhi nito kabilang na ang nagbabagong panahon. May
nagsasabing ang dahilan nito ay ang likas na hilig ng mga Pilipino sa pagtula o ang
pagkawili sa maikling kuwento na pinalad magkaroon ng mga taong nangangalaga at
nagmamalasakit. Subalit ang nobela'y may sariling pang-akit din naman. Bukod pa sa
ito nama'y inilathala nang paputul-putol kayat ang haba ng bawat kabanata ay halos
kafuilad na rin ng sa maikling kuwento. Maaari ring bakasin ang kawalang-sigla ng
pagtanggap dito sa paigbaba na rin ng uri ng nobela. Ang mga dapat magmalasakit dito
ay nagsulat sa ibang larangan ng panitikan.

Aralin 1.8

Paksa: Panahon ng Hapones


(1946-1972)

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN
Ang yugtong ito ng panitikan ay sinasakop ng mga taong 1942-1945. Ito ay
panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Itinuturing ito ng marami na "gintong
panahon" ng maikling kuwento at ng dulang Tagalog. Ang wikang Ingles na nakuhang
maipasok ng mga Americano hanggang sa kamalayan ng mga Pilipino ay ipinagbawal
ng mga Hapones kung kayat ang nagtamasa ng bunga ng pagbabawal na ito ay ang
panitikang Pilipino sa wikang Tagalog, Ang isang manunulat ay likas na manunulat,
kayat nang ipagbawal ang pagsusulat ng Ingles siya'y napilitang gumamit ng wikang
Tagalog upang makapagsulat lamang. Ang isang naging bunga nito ay ang paglitaw ng
isang uri ng pamamaraan sa pagsusulat na gagad sa Ingles, maging sa pagbubuo ng
mga pangungusap hanggang sa estilo ng pagsusulat.
Nabigyang-sigla ang Pambansang Wika dahil na rin sa pagtataguyod rig
mananakop. Binigyan pa nila ng pagkakataon ang isang Pilipino, si Jose P. Laurel
upang mangulo sa bayan sa kanilang "pamamatnubay." Nasangkot ang Pilipinas.
Nasakop ng mga Hapones.
ANG MGA PAKSANG TINATALAKAY SA PANAHON NG HAPON

Mapapansing ang mga nasulat nang panahon ng Hapon na maikling katha, tula,
dula at nobela ay karaniwang may damdaming makabayan ngunit ang mga manunulat
ay ingat na ingat na hindi ito mahalata ng mga mananakop. Nabigyan ng diin ng mga
manunulat ang katutubong kulay, ang uri ng buhay ng panahong iyon, ang pananalat at
ang kadahupan ng pang-araw-araw na buhay.

1. Ang Maikling Katha

Itinuturing na pinakamaunlad ang sangay ng maikling kuwento sa lahat ng


sangay ng panitikan sa panahong ito. Sa pamamahala ng Surian ng Wikang
Pambansa, pinili ang itinuturing na pinakamahusay na maikling kuwento sa panahong
ito. Nanguna ang "Lupang Tinubuan" ni Narciso G. Reyes, "Uhaw ang Tigang na Lupa"
ni Liwayway Arceo- Bautista, at "Lunsod, Nayon at Dagat-Dagatan" ni N.V.M. Gonzales.

Isinaaklat ang mga itinuturing na pinakamahusay na kathang Pilipino ng 1943.


Nakilala ito sa pamagat na “25 Pinakamabubuting Kathang Pilipino ng 1943."

Natatangi ang "Lupang Tinubuan” ni Narciso G. Reyes dahilan sa maraming


bagay. Isa na rito ang mahusay na paglalarawan ng pook, panahon, sitwasyon at tao.
Ang tren ay tumulak sa gitna ng sali-salimuot na mga ingay. Sigawan ng
mga batang nagtitinda ng mga babasahin. Tribune, mama, Tribune. Taliba?
Ubos na po. Liwayway, bagong labas. Alingawngaw ng mga habilinan at
nagpapaalaman. Huwag mong kalilimutan, Sindo, ang baba mo ay sa Sta.
Isabel, tingnan mo ang mga istasyon. Temiong, huwag mabitiw-bitiwan ang
supot na iyan. Nagkalat ang mga magnanakaw, mag-ingat ka! Kumusta na
lamang sa Ka Uweng. Sela, sabihin mong sa Mahal na Araw na kami uuwi. Ang
pases mo, Kiko, baka mawaglit. Maligayang paglalakbay, Ginang Enriquez,
Ngumiti ka naman, Ben, hindi naman ako magtatagal doon at susulat ako araw-
araw. Kumusta na lamang. Paalam. Paalam. Hanggang sa muli. Bigla at matalim
ang singasing ng makina. Langitngit ng kawil-kawil na mga kotse. Isang
mahabang sipol at ang alanganing tsug, tsug ng mga piston. Ang tren ay
nabuhay at dahan-dahang kumilos. H-s-s-ss. Tsug, tsug, tsug.
Ngunit higit sa dalubhasang paglalarawan, ang kariktan ng “Lupang Tinubuan” ni
Narciso O. Reyes ay nasa napapanahong diwang ipinahahayag. Nasa matimping
paglalahad ng pagbabagong naganap sa pangunahing tauhan na umuwi sa kanyang
nayon dahil may namatay. Subalit sa pag-uwing ito dahil sa namatay ay nabuhay
naman sa kanya ang makabansang damdamin. Para bang ipinahihiwatig na pag may
nawala sa isang tao ay may isisilang ding iba.
Sa sandaling iyon ay tila hawak ni Danding sa palad ang lihim ng
tihatawag na pag-ibig sa lupang tinubuan. Naunawaan niya kung bakit ang
pagkakatapon sa ibang bansa ay napakabigat na parusa at kung bakit ang mga
nawawalay na anak ay sumasalunga sa bagyo at baha makauwi lamang sa
Inang Bayan. Kung bakit walang atubiling naghain ng dugo sina Rizal at
Bonifacio.
Sa kabila ng magiting na pangungusap ng pambihirang mga
pagpapakasakit, at ng kamatayan ng mga bayani ay nasulyapan ni Danding ang
kapirasong lupa na kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, kinabubuhatan ng
kanilang mga kamag-anak, kaso sa kanilang mga lihim at nagtatago ng pamana
ng kanilang mga angkan.. muli siyang napangiti. '
Sa kabilang dako, ang kathang "Uhaw ang Tigang na Lupa” ni Liwayway A.
Arceo ay nagpapakita naman ng katimpian ng paksa at ang mga ipangyayari'y madula
ngunit hindi naman masasabing maligoy. Payak ang mga pangungusap na ginamit
ngunit ang kariktan ng kuwento'y nasa naiibang paraan ng matimping pagsasalaysay.
Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong
dumarama sa init ng kanyang dibdib at nakikinig sa pintig ng kanyang puso.
Ngunit patuloy akong nagtataka sa malalim na paghinga niya, sa kanyang
malungkot na pagtitig sa lahat ng bagay, sa kanyang impit na paghikbi...
Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw nang hindi
nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na
noo, hati sa kaliwang buhok, singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga
labing duyan ng isang ngiting puspos kasiyahan. Sa kanya ang aking noo at mga
mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki ng isang loro at maninipis
na labi, ay kay Ina.
Ang mga sumusunod ang siyang bumubuo ng kalipunan ng maikling katha na
itinuturing na pinakamahusay noong 1943:
"Lupang Tinubuan" ni Narciso Reyes; "Uhaw ang Tigang na Lupa" ni Liwayway
A. Arceo; "Lunsod, Ngayon at Dagat-dagatan" ni N.V.M. Gonzales; "May Umaga Pang
Daratal" ni Serafin Guinigundo; "Sumisikat na ang Araw" ni, Gemiliano Pineda; "Dugo at
Utak" ni Cornelio Reyes; "Mga Yabag na Papalayo" ni Lucia A. Castro; "Tabak at
Sampaguita" ni Pilar R. Pablo; "Madilim pa ang Umaga" ni Teodoro A. Agoncillo; "Ikaw,
Siya at Ako" ni Brigido Batungbakal; "May Uling sa Bukana" ni Teo B. Buhain; "Bansot"
ni Aurora Gruz; "Bahay sa Dilim" ni Alfredo S. Enriquez; "Ang tao, ang Kahoy at ang
Bagyo" ni Aristeo V. Florido; "Nagmamadali ang Maynila" ni Serafin Guinigundo; "Si
Ingkong Gaton at ang Kanyang Kalakian" ni Serafin C. Guinigundo; "Unang
Pamumulaklak" ni Hernando R. Ocampo; "Mga Bisig" ni Amado Pagsanjan; "Sinag sa
Dakong Silangan” ni Macario Pineda; "Mga Diyos" ni Justiniano del Rosario; "Luad" ni
Gloria Villaraza; "Suyuan sa Tubigan" ni Macario Pineda; Paghihintay" ni Emilio Aguilar
Cruz; "Kadakilaan sa Tugatog ng Bundok" ni Brigido C. Batungbakal; at "Ibon Mang
May Layang Lumipad" ni Amado Pagsanjan.
2. Ang Tula
Namalasak ang haiku noong panahong iyon. Ang haiku ay isang uri ng tula na
binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludtod. Ang unang taludtod ay
may limang pantig, ang ikalawa'y may pitong pantig at ang ikatlo ay may limang pantig.
Kahit na napakaikli ng haiku, ito'y dapat na may masaklaw na kahulugan, matayog na
kaisipan, matiim na damdamin at di mapasusubaliang kariktan.
Halimbawa:
1. Tutubi
Hila mo'y tabak...
Ang bulaklak, nanginig!
Sa paglapit mo.
2. Anyaya Ulilang damo
Sa tahimik na ilog...
Halika, Sinta.
Gonzalo K. Flores
Liwayway, Hunyo 5,1943
Binuhay naman ng makatang Ildefonso Santos ang tulang tanaga. Ito'y maikli
ring katulad ng haiku ngunit ito’y may sukat at tugma at ang bawat taludtod ay may
pitong pantig.
Halimbawa:
1. Palay
Palay siyang matino
Nang humangi'y yumuko,
Ngunit muling tumayo;
Nagkabunga ng ginto.
2. Kabibi
Kabibi, ano ka ba?
May perlas, maganda ka
Kung diit sa tainga
Nagbubuntung-hininga!
3. Tag-init
Alipatong lumapag
Sa lupa - nagkabitak
Sa kahoy - nalugayak,
Sa puso - naglagablab!
Ildefonso Santos
Liwayway, Abril 10,1943
3. Ang Dula at Dulaaan
Noong panahon ng pananakop ng Hapon may mga pagtatanghal pa rin ng mga
sarsuwela ngunit naging madalang ang mga ito at itinatanghal na lang kapag panahon
na lang ng piesta. Nagpatuloy pa rin ang pagtatanghal ng mga seryosong drama na
tulad ng mga palabas ng Ateneo de Manila Players Guild na pinamunuan ni Padre
Henry L. Irwin. Ganoon din, nagtanghal din ang UP Mobile Theatre ni Wilfrido M.
Guerrero at maging ng Barangay Theater ni Lamberto Abellana. Ang mga pagtatanghal
na ito ay tinangkilik ng taong bayan dahil noong mga panahon ng pananakop ng mga
Hapones ay natigil ang paglikha ng mga pelikulang lokal at ipinagbawal ang
pagtatanghal ng mga dayuhang pelikula. Noong 1942, ang mga teatro na
pinagtatanghal ng mga pelikula ay binigyan ng permiso ng mga Hapones na
makapagpalabas ng mga pelikula at ang mga ito at sa pagitan lamang ng ikalawa ng
tanghali hanggang ikaanim ng gabi at ang mga ito ay sumasailalim sa sensura. Yaong
mga teatro na nagpapalabas ng mga pelikulang hindi dumaan sa sensura ay
pinarurusahan. Gayunpaman may mga sinehan na nagsimulang magtanghal ng mga
stage show at musical revue tulad ng Dalisay Theater noong Hulyo 1942. Dahil sa
pagkakasara ng mga ilang sinehan, maraming mga pangkat pandulaan ang nagtanghal
ng kanilang produksiyon sa wikang Tagalog marami sa mga dula ng Barangay Theater
Guild ay isinulat at idinerihe ni Lamberto Abellana na itinanghal sa Avenue Theater.
Sa ilang mga sinehan naman, itinanghal ang mga dula ng mga bantog na
manunulat sa wikang Tagalog. Nanguna rito ang dula ni Julian Cruz Balmaceda na
"Dahil sa Anak," iisahing yugtong dula na itinanghal sa Life Theater noong 1943.
Samantala ang kanyang "Higante ng Patay," isang dulang may dalawang yugto, ay
ipinalabas din sa Life Theater noong ika-12 ng Pebrero, 1944.
Batay sa mga pananaliksik ni Marcelino A. Foronda, Jr. sa kanyang aklat na
"Cultural Life in the Philippines during the Haponese Occupation, 1942-1945" (1995), si
Wilfredo Ma. Guerrero na dati ang tanyag sa pagsusulat ng dula sa wikang Ingles ay
sumulat at nagtanghal ng mga dulang “Condemned,” isang iisahing yugtong dula na
itinanghal sa Avenue Theater noong ika-27 ng Hulyo, 1944, samantalang ang kanyang
'Frustration,” dulang may tatlong yugto ay itinanghal naman sa Metropolitan Theater
noong ika-30 ng Hunyo, 1944. Gayundin, ang kanyang dulang "Office" na isinalin sa
wikang Tagalog at pinamagatang “Opisina ng Gobierno,” ay ipinalabas naman noong
ika-14 ng Agosto, 1943. Ang dulang "Condemned" ay isinalin sa wikang Tagalog at
pinamagatang "Salarin" na itinanghal sa Metropolitan Theater noong ika-30 ng Hunyo,
1944.
Ayon pa rin kay Foronda, namalasak din ang pagtatanghal ng mga dulang Ingles
na isinalin sa wikang Tagalog. Kasama na rito ang “Sirano de Berdyerak’' salin sa
Tagalog ng "Cyrano de Bergerac" ni Edmond Rustand's na itinanghal sa Metropolitan
Theater noong 1943. Bukod sa mga saling dula, may mga hinalaw din sa mga dulang
Ingles at Kastila tulad ng "Nag-iisa sa Karimlan," mula sa "Solo entre las Sombras" ni
Claro M. Recto; “Bayan Ko," mula sa "Daughter of Destiny" ni Vidal A. Tan, “Kahapong
Nagbabalik" mula sa "El Pasado que Vudve," "Paa ng Kuwago" mula sa "Monkey's
Paw" at ang "Tia Upeng" mula sa "Charlie's Aunt"
Ang mga pagtatanghal na ito ay tinangkilik at kinagiliwan ng taorig bayari. Ang
mga dulang "Daughter of Destiny" at ang salin nito sa Tagalog na "Bayan Ko” at
itinanghal ng Dramatic Philippines na nagpatanyag kina Francisco Rodrigo Alberto
Cacnio, Emma Benitez, Oscar del Rosario at Horacio P. Tagle.
Sa kabilang dako, labis ha kinagiliwan ng mga tao ang pagtatanghal ng mga
stage show na kinapapalooban ng mga slapstick, melodrama at panggagaya ng mga
mang-aawit na Americano noong panahong iyon at ng malaunan ay sinaniban ng mga
mahaharot na sayaw,ng mga kababaihan. Ang mga seryosong drama nina Guerrero at
Avellana ay hindi gaanong pinapanood kung ihahambing sa mga pagtatanghal ng mga
stage show na nagtampok ng maraming musiko, mang-aawit, mananaysay at
komedyante. Ang mga stage show na ito ay hindi kinakitaan ng kasiningan ng panitikan
at wika, katapatan ng paglalarawan ng tauhan at ang mga banghay ay hindi
makatotohanan bagamat ayon kay Jose M. Fernandez, isang kritiko at manunulat ng
panahong iyon, ang mga stage show ay naglalarawan ng mga katutubong tagpuan,
kahusayan sa, pagpapatawa at nagtampok na mga katutubong awitin at sayaw at ng
mga makulay na katutubong kasuotan. Sa panahong ito, sumikat nang lubusan si Katy
dela Cruz, ang Sophie Tucker.of the Philippines. Kilalang-kilala rin si Atang dela Rama
dahil sa kanyang mga kundimanl.
Samantala, ang Dramatic Philippines sa pamumuno ni Narciso Pimentel, Jr. ay
nagtanghal ng mga dulang Tagalog na salin mula sa dulang Ingles. Kabilang dito ang
"Cyrano de Bergerac" na isinalin sa Tagalog ni Francisco "Soc" Rodrigo, "Martir Sa
Golgota” at ipinalabas muli ang dulang "Sino Ba Kayo?” ni Julian Cruz Balmaceda. Ang
dulang "Sino Ba Kayo?” ay itinuring na pinakamataas na uri ng dula ng panahonng
yaon. Makabago at sariwang-sariwa ang pamamaraan nito. Bukod dito sikat din ang
"Sa Pula, Sa Puti" ni Francisco "Soc" Rodrigo.
Kabilang sa mga dula ni Lamberto Avellana na itinaghal noong panahong iyon ay
ang "Kapitbahay," "Pitong Muelle," "Diborcio Na, Kuwarta Na” at ang "Parbol."
Sa kabila ng maraming kakulangan at sa gitna ng kaguluhan, ang mga
pagtatanghal ng dula ay nagpatuloy. Lalong naging maunlad at mahusay ang mga
artista gayundin ang mga direktor at manunulat ng drama.
4. Ang Nobela o Kathambuhay
Sa panahon ng pananakop ng mga Hapones, masasabing lalong hindi
namulaklak ang pagsusulat ng nobela. Ang masasabing dahilian nito ay ang kahirapan
ng buhay at halos ay walang magamit na papel ang mga manlilimbag. Alam naman
natin na sa lahat ng sangay ng panitikan, ang nobela ang siyang nangangailangan ng
lalong maraming papel upang mailimbag.
Ilang taon bago ganap na nalusob ng mga Hapones ang bansang Pilipinas
lumutang sa panitikang Pilipino ang mga nasulat sa wikang Ingles, sa ilalim ng
pangunguna ng Philippine Book Guild at ng Philippine. Writers' League. Sa
kathambuhay ay nagningning ang pangalan ng mga manunulat na sina, Jose J. Reyes,
Victoria Lopez-Araneta, N.V.M. Gonzales at Juan C. Laya.
Ang mga napatanyag sa panahong ito na nakapaglathala ng mga aklat sa Ingles
ay ang mga sumusunod:
Manuel A. Arguilla - ''How My Brother Leon Brought Home a Wife"; Arturo B.
Rotor – “The,Wound and the Scar"; R. Zulueta da Costa - "Like the Molave"; Juan
Cabreros Laya "His Native Soil"; N.V.M. Gonzales - "The Winds of April"; Salvador P.
Lopez - "Literature and Society"; at iba pang manunulat na tulad nina Armando G.
Dayrif, Francisco Icasiano at Antonio Estrada.
Ang ilan naman sa mga nobelang lumabas noong panahon ng Hapon at
nasusulat sa sariling wika ay ang mga sumusunod: "Sa Lundo ng Pangarap" ni
Gervacio Santiago, Pamela ni Adriano P. Laudico at A.E. Litiaco, "Tatlong Maria" ni
Jose Esperanza Cruz, "Zenaida" ni Adriano P. Laudico, "Magandang Silangan" ni
Gervacio Santiago at "Lumubog ang Bituin" ni Isidra Zarraga-Castillo.
5. Ang Maikling Kuwento
May ilang maikling kuwento sa wikang Tagalog ang naisulat noong panahon ng
pananakop ng mga Hapones. Kabilang dito ang "Lupang Tinubuan" ni Narciso G.
Reyes, "Uhaw ang Tigang na Lupa" ni Liwayway A. Arceo at "Dugo at Utak" ni Cornelio
S. Reyes. Ang mga maikling kuwentong ito ay kinakitaan ng mga bagong estilo sa
pagsulat ng maikling kuwento. Ayon sa mga pananaliksik ni Marcelino A. Foronda, Jr.,
ang mga maikling kuwentong nabanggit at kinakitaan ng mga detalyeng naglulunsad ng
mga kongretong paglalarawan ng ilang abstraktong ideya, pagpigil sa sentimentalidad
ngunit katatagpuan ng mga maiigting na damdamin sa pamamagitan ng pagbuo ng
mga mambabasa ng sariling paghihinuha o inperensiya. Ang ilan sa mga ito ay
gumamit din ng estilong daloy ng kamalayan!
Ang "Uhaw ang Tigang na Lupa" ay kuwento ng isang manunulat na umibig at
nagpakasal sa mu rang edad at nang magkaroon na siya ng anak na babae ay umibig
siyang muli (sa isa pang babae. Ang kanyang mga sama ng loob sa buhay ay kanyang
itinala sa kanyang talaarawan. Ang talaarawang ito ay natuklasan ng kanyang asawa
na nagbunga ng pagkahiwalay niya sa kanyang tunay na asawa at ng pagkapabaya sa
kanilang nag-iisang anak. Sa panahon ng paghihingalo ng lalaki, tinawag-tawag niya
ang pangalan ng babaeng kanyang iniibig ngunit nagkunwari ang tunay na asawa na
siya ang babaeng iyon.
Samantala, "Ang Lupang Tinubuan" ay salaysay tungkol sa isang batang-bata
lalaki na dumalo sa isang paglilibing ng isang malayong kamag-anak sa isang baryo
kung saan ipinanganak ang kanyang yumaong ama. Isang matandang kamag-anak ang
nagsalaysay sa buhay ng kanyang ama noong ito ay bata pa at ipinakita ang mga lugar
na nauugnay sa buhay ng kanyang ama. Ang pangyayaring ito ang nagmulat sa
pangunahing karakter hinggil sa pagmamahal sa sariling bayan.
Ang "Dugo at Utak” ay kuwento ng isang pintor na nakabuntis ng isang babae
ngunit hindi niya ito pinapakasalan pa. Nagtapat ang babae sa kanya tungkol sa isang
lalaki handa siyang pakasalan at suportahan ang kanyang mahirap na pamilya. Nag-
away ang dalawa ng dahil dito. Ang pintor ay lumayo at nagkaroon ng trabaho sa barko
na naglalakbay sa pagitan ng Maynila at Kabisayaan. Nakarating sa kanya ang balitang
ang babaeng kanyang nabuntis ay pinalayas ng sariling pamilya. Hinanap niya ito at
kanyang pinakasalan. Sa bandang wakas ng kuwento, namatay sa sakuna ang pintor
bunga ng pagkakadagan sa kanya ng isang kableng naputol.

MGA MUNGKAHING GAWAIN


1. Ano ang diwang inihahatid ng tulang “Punongkahoy” ni Julian Cruz
Balmaceda? Ihambing ito sa kanyang pinagdaanang buhay.
2. Si Ildefonso ay isa sa mga matatandang makata na nagpamalas ng
kakayahan sa pagsulat ng maririkit na tulang ang pananalita ay piling-pili.
Basahin ang kanyang ma tula at patunayan ito.
3. Ano ang ibig sabihin ng mga pangungusap natinatawag na de cajon? May
gumagamit pa ba nito ngayon? Patunayan.
4. Kumuha ng isang tulang nasusulat sa makalumang paraan at isang tulang
may malayang taludturan. Paghambingin ang dalawang ito: sa anyo,
pamamraan, tema, tayog ng diwang ipinahahayag, paraan ng pagbigkas, sa
indayog at sa tagintig.
5. Paghambingin ang mga katangian ng dula at pelikula. Anong mga katangian
ang taglay ng dula na hindi taglay ng pelikula?
6. Ipaliwanag ang naging papel ng pananakop ng Hapon sa panitikang Tagalog
noon.
7. Paano naging masigla ang pagtatanghal ng dula noong panahong ito?
8. Basahin ang “Lupang Tinubuan” ni V. Reyes at ipaliwanag kung patriotism o
nasyonalismo ang pinupukaw nito.

You might also like