You are on page 1of 2

Dahilan Kung Bakit Hindi Magkasundo Ang

Aso, Pusa at ang Daga

Noong unang panahon, ang mga hayop ay nakapagsasalita at nagkakaintindihan. Sila ay


magkakaibigan. Ang daigdig ay napakapayapa at animo’y isang paraiso. Ang mga aso, pusa at
daga ay mabubuting magkakaibigan. Sama-sama silang kumakain. Lagi silang nagbibigayan at
nagtutulungan sa kani-kanilang mga suliranin. Subalit ang lahat ng ito ay nasira dahil lamang sa
isang pangyayari.

Isang araw, umuwi ang aso na may dala-dalang buto para pagsaluhan nila ng kaniyang mga
kaibigang pusa at daga. Wala doon sina pusa at daga dahil naghahanap pa rin ang mga ito ng
pagkain. Nakarinig ng ingay ang aso sa pintuan ng bahay. Inilapag ng aso ang buto at tumakbo
sa labas upang tingnan kung ligtas ang kaniyang amo.

Sa oras naman na iyon ay dumating ang daga. Malungkot siya dahil wala siyang nakuhang
pagkain. Nakita niya ang buto. Kinuha niya ito at dinala sa bubungan ng bahay.

“Mamayang gabi ay may pagsasaluhan kami ng aking mga kaibigang aso at pusa,” bulong ng
daga sa sarili.

Pagbalik ng aso sa bahay ay nagulat ito ng makitang wala na ang iniwang buto. Naghanap nang
naghanap ang aso subalit hindi rin niya makita ang buto. Dumating ang pusa na wala ring
dalang pagkain. Tinulungan niya ang aso sa paghahanap ng buto. Nakarating sila sa itaas ng
bahay hanggang sa kinaroroonan ng daga. Nagulat ang aso at pusa. Akala nila ay sadyang
kinuha ng daga ang buto para masolo niya ito.

Mabilis na lumapit ang pusa sa daga at pinagalitan ito. Nagpaliwanag ang daga ngunit hindi rin
siya pinakinggan ng pusa. Nag-away silang dalawa kaya’t ang buto ay nalaglag. Nasalo ito ng aso
at dali-daling tumakbo hanggang sa likod ng bahay.

“Hah..hah.. hihintayin ko na lang sila dito. Siguro mamaya ay magkakasundo na rin sila at
masaya naming pagsasaluhan itong buto,” bulong ng asong humihingal.
Dahil sa pagod at matagal-tagal ding paghihintay sa pagdating ng dalawang kaibigan, kinain na
ng aso ang ikatlong bahagi ng buto. Itinira niya ang parte ng daga at ng pusa.

Mainit pa ang ulo ng pusa dahil sa galit nang ito ay dumating sa kinaroroonan ng aso. Inabutan
niya ang aso na kumakain ng mag-isa. Bigla niyang inangilan ang aso. Nagkasagutan silang
dalawa hanggang sa sila ay magkasakitan ng katawan. Narinig ng may-ari ng bahay ang ingay na
dulot ng pag-aaway ng aso at pusa. Inawat silang dalawa at pinaghiwalay. Naghiwalay ang aso
at pusa na kapwa may tanim na galit sa isa’t-isa. Iyon na ang simula ng kanilang pagiging
magkaaway.

Magmula noon, sa tuwing makikita ng aso ang pusa ay kinakahulan niya ito. Ang pusa naman ay
di padadaig. Lagi siyang sumasagot at lumalaban sa aso. At sa tuwing makikita ng pusa ang daga
ay hinahabol niya ito. Dahil naman sa takot ang daga ay pumapasok sa isang maliit na lungga at
lumalabas lamang doon kapag wala na ang pusa.

Aral

 Huwag makikipag-away.
 Kung may hindi pagkaka-unawaan, ayusin ito sa maayos na paraan.
 Makipag-usap ng mahinahon at huwag agad magsakitan.

You might also like