PANUTO: Basahin at ipaliwanag ang mga katanungan na nakasulat sa Ibaba:
Sa ating mga pinag-aralan ukol sa kahulugan ng Panitikan na ayon sa pananaw
at impormasyon na ibinigay ng ibat ibang eksperto sa larangan ng Panitikan, pumili ng isa na sa palagay mo ay nararapat na kahulugan ng Panitikan. Ipaliwanag.
Sa aking masinsinang pagsusuri, lahat ng eksperto ay may punto
subalit kailangan kong mamili ng isa ayon sa panuto ng takdang aralin. Natukoy ko na ang paliwanag nina Bernales et. al. ang nararapat na kahulugan ng panitikan. Hindi sa kadahilanang ito ang may pinakamahabang kahulugan kundi ito ay kumpleto. Hayaang hatiin ko sa iba’t ibang parte ang kanilang kahulugan sa panitikan upang maipahayag ko nang maayos at malinaw ang paliwanag nito.
Ang panitikan ang nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan.
Naniniwala ako na walang antas o walang batayan ng posisyon o
ranggo ang pagkilala sa panitikan. Bata o matanda, mahirap o mayaman, babae o lalaki, lahat pinakikilos ng panitikan; walang limitasyon ang pagiging isang manunulat, makata, mang-aawit, manunula, mandudula, atbp. Ang bawat lipunan ay binubuo ng mga nagmamahal sa panitikan. Nang dahil dito, maraming nagbubulag-bulagan ang tuluyan nang namulat sa katotohanan, maraming pipi ang buong lakas na nakapagpahayag ng kanilang saloobin, at higit sa lahat, maraming lumpo ang tuluyan nang nakabangon mula sa pagkakalugmok.
Ang panitikan ay katipunan ng mga akdang nasusulat na nakikilala sa
pamamagitan ng malikhaing pagpapahayag, aestetikong anyo, pandaigdigang kaisipan at kawalan ng maliw. Bilang isang manunulat ng ating paaralan, hindi na iba sa aking panlasa ang iba’t ibang klase ng akdang pampanitikan. Tula, dula, maikling kuwento, alamat, sawikain, kawikaan, kasabihan, at palaisipan – ilan lamang sa napakaraming akdang sumusubok sa pagkamalikhain at husay ng tao. Hindi ko rin maikakaila na marami na akong naisulat na akdang naitampok naman sa aming mga limbag. Kagaya na lamang ng Pagsulat ng Natatanging Lathalain o Feature Writing, hindi masasabing ito ay natatangi kung ang gagamiting mga salita ay literal. Nangangailangan ito ng matatalinhaga at malalalim na salita; piguratibo kaysa literal. Kailangan din ng malikhaing pagpapahayag upang bigyan ng biswalisasyon ang mambabasa. Ang anyo naman ay nararapat na sang-ayon sa aestetikong konsepto, ibig sabihin, ang anyo ay sang-ayon sa wastong pamamaraan ng pagsulat. Ang nilalaman ay hindi lang dapat nagtatapos sa sarili o grupo ng indibidwal, kundi sa pandaigdigang kaisipan. Higit sa lahat, dapat may pagmamahal ka sa iyong ginagawa upang matawag itong panitikan – walang maliw na pananaliksik, walang pintas na pagkatha, at walang kapagurang pagmumulat.
Ayon sa iyong sariling pananaw o base sa iyong karanasan, magbigay ng ilang
kahulugan ng Panitikan o ano ba ang Panitikan para sa iyo. Ipaliwanag.
Para sa akin, ang panitikan ay isang sining ng pagkatha na may
iba’t ibang larangan at anyo. Naniniwala rin ako na ito ay maaaring pasulat o pabigkas. Ito ay kabaligtaran ng mga sulating akademiko at balita na may layuning manlibang.
Bilang isang manunulat, iba ang turing ko sa aking pluma at papel.
Ganoon nga talaga kapag mahal mo ang iyong ginagawa. Masasabi kong ang panitikan ang bumubuo sa buhay ng isang kagaya ko. Para itong tubig, na hindi ko kayang mabuhay kung sakaling mawala ito. Ang panitikan ang nagsisilbi kong sandalan sa tuwing kailangan ko ng masasadalan, panyo sa tuwing kailangan ko ng maiiyakan, at libangan sa tuwing ako ay nabuburyo. Nakakabuo ako ng kanta sa tuwing ako ay nalulungkot. Nakakalikha ako ng tula ng saya, kuwento ng tuwa’t galak, at akda ng pag-ibig.
Sa madaling salita, ang panitikan ay yaong aking buhay, at kung
papapiliin man ako sa dalawa: panitikan o gadyets – pipiliin ko pa rin ang nauna, ang aking buhay; ang aking nakasanayan.