You are on page 1of 2

Timawang Bihag

Ni Jazz Lendle P. Dy

Alipin ng terminong “malaya” ang pagpapakahulugan sa salitang “timawa”, bilang isang


antas ng sosyalidad noong katutubong panahon. Sila ang bumubuo sa hanay ng mga taong hindi
alipin, ngunit hindi rin naman maharlika o datu. Matapos mabasa ang isang tekstong kaugnay sa
kahulugan ng Sanaysay, lampas sa pag-aangkin ng tao sa uring ito, masasabing may mga timawa
pa rin palang hindi ligtas sa pambibihag. Tulad ng isang Sanaysay na hindi ligtas sa pang-aalipin
ng pagnanasang makapagtakda ng mga kumbensyon sa ngalan pag-uuri dito bilang isang
panitikan. Ngunit sa kabila ng pambibihag ng mga pagtatakda, tumitingkad ang pagiging malaya
ng sanaysay. Ang pagiging timawa ng kalikasan nito.

Maraming beses na akong nakasulat ng isang sanaysay, ngunit ngayon ko lang nalaman
na sa kabila ng mga haraya ng isipan na sinipsip na ng papel at itinurok na ng pluma ay may
nagkukubling tunggalian ng mga pagpapakahulugan, pagpapangalan, at pag-uuri. Matapos kong
mabasa ang paunang bigwas ng teksto, bigla akong nangamba, dahil may mga patimpalak na
ring pinasukan ang aking mga nalikha. Nangamba sa paraang baka sa tinagal-tagal na ng aking
pagsulat ng sanaysay ay hindi naman pala ito sanaysay at isa lamang tuluyang pagpapahayag ng
saloobin at ideya. Ngunit kapanatagan naman ang sukli sa akin ng mga sumunod na talata na
may kaugnayan sa pag-uugat sa kasaysayan ng Sanaysay. Napagtanto kong hari pala ng sariling
haraya at kuro-kuro ang isang manunulat ng sanaysay dahilan sa saklaw ng kaniyang mga likha
ang kaniyang mga danas na nagluluwal ng mga opinyon, ideya, at mga saloobin. Bukod pa rito,
naibigan ko ang panahon kung kailan ito umusbong, ang Panahon ng Renasimyento, dahilan sa
kabig din pala ng pagbalikwas ang inihahayag ng pinagmulan sanaysay sa panahon ng Midyibal.
Pinatibay ng pagpiglas sa pambabansot sa kakayahan ng indibidwal upang lumikha ng bagong
karunungan ang kalikasan ng sanaysay na nakakiling sa personal na pagpapahayag ng kaisipan.
Sang-ayon ako sa sinasabi sa teksto na hindi nangangailangan ang sanaysay ng matayog
at di natitinag na kaalaman. Subalit, nabuo rin sa aking isipan ang katanungang hindi ba’t may
mga balik-banggit din paminsan sa mga pormal na sanaysay, at ang mga balik-banggit ay
maitutulad din sa di matitinag na kaalaman? Paano na ang mga opinyong hindi layong bumuo ng
kaisipan kundi magpatibay at magpatunay lamang ng mga naunang tindig? Sa kabila ng ganitong
mga pagtatanong, ang indibidwal bilang tagatanggap ng danas at tagakatha ang pangunahing
awtoridad sa mga ito, dahilan upang hind maging masaklaw ang paglalahat ng isang sanaysay
dahilan sa pagkakaiba-iba ng lugar at panahon ng pag-usbong ng bawat isa. Samakatuwid, hindi
maaaring makapagtakda o bihagin ng mga kumbensyon ang isang sanaysay, dahila nakabatay sa
uri ng danas at sa paraan ng paglalahad ng may danas ang kabuoan nito. Subhektibo man ang
pinanggalingang tinig ng sanaysay, anopa’t nagbibigay ito ng iba’t ibang pagtingin o pagsipat sa
iba’t ibang mga paksa.
Gayunpaman, bagama’t ang katangian ng sanaysay ay nakadepende sa sumusulat nito,
nalaman ko rin na ang iba’t ibang uri ng balita, gayundin ang mga tesis/disertasyon, at mga likha
ng mga propagandista ay hindi pala maituturing na sanaysay dahilan sa taglay nito
rekomendasyon, di matitinag na kaalaman, at masasaklaw na paglalahat. Ngunit, hindi ba’t
propagandista rin sina Marcelo H. Del Pilar na sumulat ng “Caiigat Cayo”, gayon din si Dr. Jose
P. Rizal, na sumulat “Liham para sa Kadalagahan ng Malolos”, at ang kanilang mga isinulat ay
sinusuri bilang isang sanaysay sa kasalukuyang kurso sa Filipino?

Ang kumbensyon ng sanaysay ay ang hindi pagkakaroon ng mga kumbensyon. Bunga


ang ganitong reyalisasyon ng pagdepende ng sanaysay sa kung ano ang karanasan at paraan ng
tao, at walang namang unibersal na tao, dahilan upang magkaroon ng dibersyon sa kumbensyon
ng mga nalilikhang sanaysay. Bagama’t nais bihagin ng mga pag-uuri at pagpapangalan ang
saklaw ng sanaysay upang maituring na isang panitikan at alipin ito ng mga alinlangan at agam-
agam pagdating sa porma, liban sa pagiging tuluyan, nanaig ang pagiging timawa nito dahil ang
bawat nilalang ay sanay at taglay ang pamiyaridad sa kaniyang danas. May limitasyon man sa
interpretasyon na nagsasanga sa baryasyon ng mga palagay matapos basahin ang sanaysay,
walang dapat sisihin dahil isang partikular na buhay ang nilubugan ng mambabasa.
Samakatuwid, ang sanaysay na ito ay sanaysay. Itinakda ko ang nilalaman at tinatakan ko ang
paraan. Walang makabibihag sa may likas na laya.

You might also like