You are on page 1of 5

GE 110 - Produksyong Pampanitikan

M1 - Kaligirang Pampanitikan
Kasaysayan ng Panitikan sa Bawat Panahon

Introduksyon
Ang modyul na ito ay lubusang magbibigay – pansin sa
pagtalakay ng awtentikong pinagmulan ng panitikan Sa
pinakapayak na paglalarawan, pagsulat ng mga tuluyan o
patulang akda na nag–uugnay sa bawat tao ang panitikan na
kung tutuusin ay walang ipinagkaiba sa mga walang saysay na
babasahin o patalastas lamang dangan nga lamang at may
kaibhan ito sa anyo ng pagkakalahad. Lingid sa ating kaalaman,
nakikilala natin ang halimbawa nito dahil sa antas ng mga salitang
ginamit at ginagamit sa paglalahad --- patayutay, idyomatiko at
matatalinhaga na malimit sa hindi nagdudulot ng kawalan ng interes sa mga
mambabasa lalo’t higit sa pangkat ng mga nakababatang awdyens. Ito rin ang isa sa
maraming dahilan kung bakit mangilan–ngilan lamang ang lumilikha o sumusulat nito
dahil sa pangamba na hindi Magkagayunman, batid natin na hindi ito totoo sa lahat ng
pagkakataon sapagkat mayroon din namang mga indibidwal na may pagtatangi o
nagpapahalaga sa likhang sining na maibibilang bilang halimbawa ng panitikan.

Isinasalaysay ng panitikan ang buhay, pamumuhay, lipunan, pamahalaan,


pananampalataya maging ang mga karanasan na maiuugnay sa iba’t ibang uri ng
damdamin ng tao tulad ng pag–ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag–asa, pagkapoot,
paghihiganti, pagkasuklam, pagkasindak at pangamba. Ito ang isa sa mga pangunahing
dahilan at marapat pagtuunan ng pansin sa paaralan ang pag–aaral at pagtatalakay ng
panitikan sapagkat sa pamamagitan nito nagkakaroon tayo ng kabatiran tungkol sa
maraming bagay sa mundong ating ginagalawan.
Isang paglalantad ang panitikan ng katotohanang panlipunan at ng mga
kathang–isip o likha ng mayamang guni–guni ng sinumang manlilikha. Hinahaplos nito
ang iba’t ibang sensorya ng tao; pantanaw, pandinig, panlasa, pang–amoy at pandama.
Binigyang katangian naman ito ni Villafuerte (2000) bilang isang buhay ngunit payak na
salita na dumadaloy sa katawan ng tao. May buhay ang panitikan dahil may sarili itong
pintig at dugo na mainit na dumadaloy sa mga arteryo at bena ng bawat indibidwal at ng
isang buong lipunan.

Taliwas sa kabatiran ng ilan na tanging nakalimbag lamang sa matatayog na


pananalita ang inuuring panitikan, itinuturing ding halimbawa nito ang mga pasalitang
anyo tulad ng pangkaraniwang pakikipagtalastasan sa kapwa, ang tsismis na isa sa
pinakakinagigiliwan ng ilan at mga kaugnay nito. Nangangahulugan lamang ito na
makalilikha ang sinumang nagnanais lumikha sapagkat hindi lamang nakabatay sa
pagpili ng salitang gagamitin sa paglalahad ang kagandahan ng panitikan.

Makapangyarihan ang panitikan. Dahil sa panitikan, nakikilala natin ang iba’t


ibang karakter ng bawat nilalang, nararanasan natin ang mga bagay na hindi natin
akalain na magiging bahagi ng ating paglalakbay, nararating natin ang mga lugar na ni
sa panaginip hindi natin naisip na pasyalan o puntahan at hindi mabilang na hiwaga na
naidudulot nito sa ating pagkatao.

Panimulang Pagtataya
1. Ano ang pinakanagustuhan mong babasahin? Panoorin?
2. Bakit mo ito nagustuhan?

Layuning Pagkatuto
 Natatalakay ang iba’t ibang konsepto na may kaugnayan sa usaping
pampanitikan
 Nabibigyang–katuturan ang panitikan batay sa sariling pananaw
 Nababalangkas ang kasaysayan ng panitikan sa bawat panahon
 Nailalarawan ang bawat panahunan batay sa naging paglalahad ng
mga manunulat

Nilalaman
Kaligiran ng Panitikan
Sa halos lahat ng aklat tungkol sa panitikan, karaniwang
inilalarawan ang panitikan sa Pilipinas bilang umiiral, umuunlad at
namamayaning uri at anyo ng katutubong panitikan. Subalit
nakakasama rin dito ang mga obra na nilikha ng mga Pilipino na
nasa labas ng sariling bansa o ng may lahing Pilipino sa malawak
na nasasakupan ng paksa. Dahil dito, tinatawag itong panitikang
Filipino sapagkat kabilang nga rito ang mga likha o obra na
kinabibilangan ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Sa bagay na ito, may iba’t ibang manunulat na nagbahagi ng kani– kanilang
pananaw tungkol sa panitikan. Sinabi ni Eagleton na maraming paraan upang
mabigyang kahulugan ang panitikan. Tinuran niya ito bilang likhang isip gamit ang
malilikhaing salita o talinhaga na mas kilala sa tawag na fiction sa Ingles kabilang ang
komiks, pelikula, telebisyon, pocketbooks o romance novels at iba pa. Subalit nilinaw
nya na hindi ito totoo sa lahat ng pagkakataon sapagkat may mga akdang pampanitikan
na nalikha at naisulat hango sa mga totoong pangyayari sa buhay (non–fiction).
Walang kamatayan ang panitikan batay naman sa naging punto de bista nina
Atienza, Ramos, Salazar at Nozal dahil sa pamamagitan nito naipahahayag ng tao ang
kanyang damdamin bilang ganti sa kanyang araw–araw na pagsusumikap upang
mabuhay at lumigaya sa kapaligiran na kanyang kinaaaniban.

Matutunghayan sa ibaba ang iba pang pagpapakahulugan tungkol sa panitikan


batay sa naging pagtanggap ng ilang batikan sa larang ng panitikan.

Kasaysayan ng kaluluwa ng mga


mamamayan ang panitikan ayon
kay Ramos.

Ayon kay Salazar,


Ayon kay
PANANAW lakas na
Arrogante, talaan HINGGIL SA nagpapagalaw sa
ng buhay ang PANITIKAN lipunan ang
panitikan.
panitikan.

Ang panitikan ay nagsisilbing


tagapag-ugnay ng damdamin ng tao
sa lipunan, pamahalaan at Poong
Maykapal ayon naman kay Azarias.

Kasaysayan ng Panitikan sa Bawat Panahon

Katulad ng maraming banyagang kabihasnan,


may maituturing ng panitikan ang Pilipinas noong
unang kapanahunan. Nagmula ito sa sari–saring lipon
at pangkat ng mga dayuhan na dumating sa Pilipinas
tulad ng mga Negrito, Indones at Malay. Batay sa
mga naging paglalahad, may pagkakaagwat–agwat
ang naging pagdating nila sa bansa. Dahil dito, mas madaling nakilala ang naging
impluwensya ng bawat isa sa pag–unlad ng panitikan. Bilang isa sa pinakamatatandang
sistema ng pagsulat noong mga panahong iyon, baybayin ang ginamit ng bawat
pangkat sa paglikha ng panitikan. Isa itong patunay na mayroon na tayong sariling
sistema ng pagsulat bago pa man dumating ang iba pang pangkat ng mananakop kaya
naman naging madali para sa mga ito na linangin at paunlarin ang panitikan sa bansa.
Sa kasamaang palad, sinunog ng mga Kastila ang mga sinaunang katha samantalang
nangabulok naman ang karamihan pa sa mga ito palibhasa’y naisatitik lamang sa
ibabaw ng mga balat ng punongkahoy at dahong ng mga halaman.

Mayaman ang Pilipinas sa sari–saring anyo at uri ng panitikan na naglalarawan


sa kalinangang Pilipino. Kabilang dito ang kwentong bayan, maikling katha o maikling
kwento, sanaysay, tula, dula, nobela, parabola, pabula, balagtasan, alamat, epiko,
bugtong, kasabihan, salawikain, drama, bulong, tanaga, haiku, awiting bayan,
mitolohiya at marami pang iba.

Panapos na Pagtataya
1. Sa kabuuan, paano mo mailalarawan ang naging kasaysayan ng panitikan sa
bawat panahon?
2. Masasabi mo bang nanagumpay ang panitikan sa bawat panahon?
Pangatwiranan.

Pagtataya at Ebalwasyon
A. Pagsusulit
Makikita ito sa LMS.

Sanggunian
Sauco, Consolacion P. Panitikan ng Pilipinas, Panrehiyon (PDF),
Goodwill Trading Co., Inc., ISBN 971-574-081-2, ISBN 978-971-574-
081-4
Prepared: Checked: Approved:
Dr. AIDA A. CASAS
Education Department -
Head
Ms. GINA A. SIGLOS Dr. RANDY M. BAJA
Instructor Dr. Janet T. COMETA Dean
Business Management
and Psychology
Department - Head

You might also like