You are on page 1of 24

 

 
Yunit 2: Malikhaing Pagsulat 
Aralin 3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat 
 
Nilalaman 
Pansinin 1 
Panimula 1 
Mga Layunin 2 

Tuklasin 3 

Alamin 4 
Mga Uri ng Malikhaing Sulatin 5 

Palawakin 17 
Gawain 1 17 
Gawain 2 18 

Suriin 19 

Paglalahat 22 

Bibliograpiya 23 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Pansinin   
 

  Panimula 
 

Lar. 1. Ang pagbabasa ng mga akda ay nakapanghihikayat sa malikhaing pagsulat.  


 
Bukod sa pagkakaroon ng malikhaing kakayahan at malayang paghaharaya, minsan mo na 
bang naisip na isa ring kritikal na kakayahan ang pagsulat ng malikhaing akda? Ibig sabihin, 
sa pamamagitan ng pagsasatitik ng manunulat sa nilalamang ideya at substansiya ng 
kaniyang malalim na imahinasyon, nagagawang maging buhay ang kaniyang akda sa diwa 
ng mga mambabasa nito.  
 

 
  1 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
Mahalagang bahagi ng prosesong ito ang pagpili ng manunulat sa angkop na uri ng 
malikhaing sulating kaniyang gagawin upang mailapat ang kaniyang damdamin at saloobin 
nang naaayon sa kaniyang layunin ng pagpapahayag at pagbabahagi sa mga inaasahang 
mambabasa. Kaya naman, mahalagang susi sa pagpapalalim sa kakayahang ito ang 
pagtuklas sa iba’t ibang anyong pampanitikan. 
 

  Mga Layunin 
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang 
● natutukoy ang mga uri ng malikhaing sulatin; 
● nailalarawan ang bawat uri ng malikhaing sulatin; at 
● naisasaalang-alang ang katangian ng bawat uri ng malikhaing sulatin sa pagsulat 
nito. 
 
Kasanayang Pampagkatuto ng DepEd 
naiisa-isa ang mga uri ng malikhaing sulatin (​ Dagdag Kaalaman sa 
Susuriin/Pagyayamanin) 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

 
  2 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Tuklasin   
 

 
     5 minuto 
 
Batay sa iyong kaalaman, magtala ng anim hanggang walong malikhaing sulating nabasa na. 
Ilagay ang sagot sa tapat ng mga nakaturong linya. 
 
 

 
 
Pagkatapos ng limang minuto ay humanap ng katambal upang maging kapalitan sa 
pagbabahagi ng inyong mga naisulat.  
 
Mga Gabay na Tanong 
 
1. Ano-anong uri ng malikhaing sulatin ang inyong naitala?  

 
 
 
 
 

 
  3 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
 
2. Sa iyong mga naisagot, aling uri ng malikhaing sulatin ang may pinakamarami mong 
naitala? Bakit? 

 
 
 
 
 
 
 
3. Anong  pagkakataon  ang  nag-udyok  sa  iyo  upang  basahin  ang  mga  nabanggit  mong 
akda? Palawigin at ibahagi. 

 
 
 
 
 
 
4. Ano  o  ano-anong  katangian  ng  mga  akda  ang  masasabi mong nagpatingkad sa pagiging 
malikhain ng mga ito? Bakit o paano? 

 
 
 
 
 
 
 

Alamin   
 
Naghahawan  ng  daan  ang  pag-unawa  ng  mga mag-aaral at/o mambabasa sa  iba pang mga 
paksang  kaugnay  ng  kasanayan  sa  malikhaing  pagsulat;  upang  hindi  lamang  pormal  na 
maisaulo  ang  mga  impormasyong  ukol  dito,  kundi  sa  layong  maging  kritikal ang pag-iisip at 
mailangkap  ito  sa  malayang  paghaharaya,  tungo  sa  aktuwal  na  proseso  ng  malikhaing 
pagpapahayag ng sarili—damdamin, saloobin, at/o naratibo.  
 
 
  4 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Alalahanin  
Ayon kina Castro et al. (2008), malaki ang gampanin ng mayamang 
paghaharaya ng manunulat upang matugunan ang kasanayan sa 
malikhaing pagsulat. Sa ganitong paraan, nakagagamit ng iba’t ibang 
ekspresyon ang manunulat upang maipahayag ang sariling 
damdamin, ideya, at mensahe nang may pagkintal sa diwa ng mga 
mambabasa. 

 
Mga Uri ng Malikhaing Sulatin 
Dahil itinuturing na akto ng “pagbubuo ng imahen o hugis na kakaiba sa karaniwan” (Castillo 
et al., 2008) ang malikhaing pagsulat, inaasahan nang may iba’t ibang anyo, estilo, at uri ng 
malikhaing sulatin ang maaaring sipatin at gamitin ng mga manunulat—at mga nagsisimula 
pa lamang magsulat—para sa angkop na pagpapahayag nito ng saloobin, damdamin, at 
diwang nais ipabatid. 
 
Wika nga ni Torres (1997), “Sino ang hindi nagnanais na makapagpahayag ng kaniyang 
naiisip at nadarama upang maunawaan at nang lalong makaunawa?” 
 
Sa gayon, masasabi nating kabilang ang mga malikhaing akda sa mga kasangkapang 
epektibong nakapagpapahayag ng sarili ang isang nangungusap sa pamamagitan ng 
kaniyang panulat. Bukod dito, nagsisilbing libangan, bukal ng inspirasyon at kaalaman, at 
lunsaran ng pagpapalawak ng imahinasyon at pakikisangkot ang pagtunghay sa mga 
malikhaing akda—ibang usapin pa ang mapukaw ang kanila mismong interes upang 
sumubok pasukin ang larangan ng malikhaing pagsulat. 
 
Naniniwala  tayong  iba’t  iba  ang  mukha  at  atake  ng  pagkamalikhain  ng  mga  manunulat.  Ito 
ang  dahilan  kung  bakit  ang  malikhaing  sulatin  ay  nahahati  pa  sa  iba’t  ibang  uri:  ang 
di-kathang-isip, kathang-isip, at panulaan. 
 

 
  5 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Di-kathang-isip  

Gumagamit ito ng estilo at teknik na pampanitikan upang makabuo ng makatotohanan at 


tumpak na salaysay. Iba ito sa teknikal na pagsulat dahil kahit naghahayag ito ng 
katotohanan, mahalaga ang sining at poetika sa daloy ng akda. 

Ayon kay Barbara Lounsberry (1990), may apat na katangian ang malikhaing sulating 
di-kathang-isip: 

● maaaring maidokumento ang paksa at hindi basta lamang inimbento ng manunulat; 

● malalim ang pananaliksik sa paksa nang maging buo ang kredibilidad ng tinahing 
daloy ng salaysay; 

● mahalaga ang paglalarawan sa tagpuan ng salaysay at ang kontekstuwalisasyon ng 


isinasaad na mga danas; at 

● mahusay ang panulat, na tumutukoy sa masining na paglalapat ng manunulat ng 


kaniyang mga ideya at saloobin sa kaniyang salaysay at husay niyang gumamit ng 
wika. 
 
Narito sa ibaba ang iba’t ibang anyong sulatin sa ilalim nito. 
 
a. Talambuhay 
Ito ay salaysay ng naging buhay ng isang tao mula sa kaniyang pagkabata at 
pinagmulan hanggang sa kinahinatnan ng kaniyang buhay pagtanda. Maaari itong 
tingnan sa dalawang anyo: ang sariling talambuhay, o kilala rin sa tawag na 
awtobiyograpiya, at ang talambuhay o biyograpiya. Sa una, ang manunulat ang siya 
ring mismong paksa ng akda kaya gumagamit ng unang pananaw sa paraan ng 
pagsasalaysay; habang sa ikalawa, inilalahad ang naging kaganapan sa buhay ng 
isang tao na iniaakda ng ibang tao o manunulat. 
 
 
 
 
 

 
  6 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
Mga Halimbawa: 
● Jose Rizal: Buhay, Mga Ginawa at Mga Sinulat ng Isang Henyo, Manunulat, 
Siyentipiko, at Pambansang Bayani​ (1997) 
● Talambuhay ni Lope K. Santos​ (1972) 
● On My Terms: The Autobiography of Vicente Tirona Paterno (​ 2014) 
 
b. Personal na Naratibo 
Ito ay salaysay ng mga personal na pangyayari sa buhay ng mismong may-akda. 
Karaniwang nilalaman nito ang mga iba’t ibang danas ng sumusulat batay sa 
magkakaibang emosyong kaniyang nararamdaman at kung paano ito nakukulayan 
sa kaniyang paghaharaya, upang maikuwento nang buhay at masining. 
 
Mga Halimbawa: 
● Talaarawan 
● Travelogue  
● Blog 
● Testimonyo 
 
c. Maikling Kuwento 
Ito ang mga kuwentong maikli at inaasahang kayang mayari ng mambabasa sa isang 
upuan lamang. Sa kabila ng kaiklian, buhay ang paglalarawan at buong nailalahad 
ang mga susing pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan, at taglay nito ang 
kakintalan sa diwa ng mga mambabasa. Sa ilalim ng di-kathang-isip na sulatin, 
karaniwang naglalaman ito ng isang partikular na danas ng mismong manunulat, at 
maaari din namang hango sa totoong kuwentong nakapukaw sa kaniyang interes. 
 
Mga Halimbawa: 
● “Kabilang sa mga Nawawala” ni Ricardo “Ricky” Lee 
● “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino” ni Eros S. Atalia 
● “Ngunit Wala Akong Litrato Noong Nasa Nasa Kolehiyo Ako” ni Reuel Aguila 
 
 
 
 
  7 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
d. Sanaysay 
Buhat sa mga katagang “sanay sa pagsasalaysay,” ito ay naglalahad ng mga 
kuro-kuro ng may-akda hinggil sa isang paksa. Nagiging mapanlikha ang may-akda sa 
paggamit nito ng wika sa pamamagitan ng paglalaro ng mga konseptong nakapaloob 
sa paksa, ngunit may pagtitiyak na hindi mawawala ang kritikal na mensahe at 
katuturan ng mga inilalakong opinyon sa buong daloy ng akda. Umiikot ngunit hindi 
limitado ang mga paksa nito sa mga isyung panlipunan at personal na danas ng 
sumusulat. 
 
Mga Halimbawa: 
● “Ilang Talang Luma Mula sa Talaarawan ng Isang may Nunal sa Talampakan” 
ni Jun Cruz Reyes 
● “D’Pol Pisigan Band” ni Ferdinand Pisigan Jarin 
● “Ang Mapa ng Taglagas sa Aking Maleta” ni Eugene Evasco 
 

​ ​Mga Tip 
Sa pagsulat ng di-kathang-isip na malikhaing sulatin, mahalagang 
maisaalang-alang ang sumusunod para sa ikatitibay ng pundasyon  
ng akda: 
● May mga batayan ng mga pangyayari, tauhan, danas, at 
tagpong inilahad sa akda; 
● Buhay na nailalarawan ang mga elemento ng sulatin sa 
pamamagitan ng malikhaing paggamit ng wika at mahusay  
na paglalapat nito sa mga pahayag; at 
● Malinaw at pinagtitibay ang mga impormasyong inilalahad,  
na pinagyayaman ng sariling pananaw at pananalita ng 
may-akda. 
 

 
 

 
  8 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Kathang-isip 

Ito ang paglalahad ng salaysay na walang katotohanan at inimbento lamang ng may-akda 


sang-ayon sa pangangailangang makabuo ng isang ganap na kuwento. Bagama’t maaaring 
ibatay ng manunulat sa mga taong kaniya nang nakasalamuha o nakasama sa totoong 
buhay, nananatiling nakakulong sa sarili niyang imbensiyon ang mga tauhan, danas, at 
pangyayaring nilalaman ng kaniyang akda. 

Katulad ng di-kathang-isip na malikhaing sulatin, mayroon din itong iba’t ibang anyo gaya ng 
sumusunod sa ibaba. 

a. Nobela 

Naturingan ding “kathambuhay,” naglalahad at nagtatalakay ito ng madudulang 


pangyayari sa buhay ng tao—o iyong pangunahing tauhang sentrong balon ng 
tunggalian at pakikipagsapalarang inilalabi ng banghay. Malimit mang ihalintulad sa 
maikling kuwento, tiyak ang pagkakaiba ng dalawa; masalimuot ang pagtatahi ng 
mga pangyayari sa isang akdang nobela, sapagkat binubuo ito ng mga pangyayaring 
hiwa-hiwalay ngunit magkakaugnay, na naglalagay ng higit na pulidong pagtatahi ng 
mga kaganapan sa bahagi ng manunulat. 

Mga Halimbawa: 

● “​Walong Diwata ng Pagkahulog​” (2009) ni Edgar Calabia Samar 

● “​Si Amapola sa 65 na Kabanata​” (2011) ni Ricardo “Ricky” Lee 

● “​Gapo​” (2012) ni Lualhati Bautista 


 

b. Nobelita 

Kung haba ang pagbabatayan, di-hamak na mas mahaba ito kumpara sa maikling 
kuwento ngunit mas maikli kumpara sa isang nobela. Bagama’t maikli, ang mga 
elementong taglay sa pagbubuo ng banghay nito at mga sangkap sa kabuuang 
estruktura ng akda ay hindi na nag-iiba sa isang nobela.  

 
  9 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Mga Halimbawa: 

● Sherds​ (2007) ni F. Sionil Jose 

● Goodbye, Barbie​ (1982) ni Edilberto Tiempo 

● Pangalawang Larangan: Maikling Nobela​ (1912) ni Alfonso Sujeco 


 

c. Maikling Kuwento 

Ayon sa batikang manunulat at kuwentistang si Genoveva E. Matute, ang maikling 


kuwento ay hindi isang pinaikling nobela o kaya ay buod ng isang nobela, kundi 
magkaibang anyo ng panitikan ang dalawa. Bagkus, sa kabila ng kaiklian ng maikling 
kuwento, buo nitong nailalarawan ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng 
pangunahing tauhan at may kalakasang makapag-iwan ng kakintalan sa 
mambabasa. 

Mga Halimbawa: 

● “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino” ni Eros S. Atalia 

● “Ang Reyna ng Espada at mga Pusa” ni John Carlos Pacala 

● “Ang Kalupi” ni Benjamin Pascual 


 

d. Dagli 

Sa madaling pagpapakahulugan, isa itong anyong sulating higit na maikli kaysa 


maikling kuwento. Sa pangkaraniwan, nasusulat lamang ito sa halos isa hanggang 
dalawang pahina. Ilan sa mga kawili-wiling katangian ng dagli ang pagkakaroon ng 
mga biglang pihit ng sitwasyong inilalako sa loob ng kuwento, o kaya naman ang mga 
suntok-sa-katotohanan ng buhay na matalas na naipamalas ng may-akda. 

 
  10 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Mga Halimbawa: 

● Mga Kwentong Paspasan​ (2007), isang antolohiya sa ilalim ng pamamatnugot ni 


Vicente Garcia Groyon 

● Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay) 
(2011) ni Eros Atalia 

● Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga​ (2012), isang koleksyon ng mga dagli ni 
Jack Alvarez 
 
e. Pabula 
Isa sa pinakamatandang uri ng malikhaing panitikan sa kabuuan, namumukod na 
katangian ng pabula ang paggampan ng mga hayop bilang mga tauhan ng kuwento. 
Kumikilos at nagsasalita ang mga ito nang parang mga tao, na isinasabuhay ang mga 
kuwentong salamin ng pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Sa pagwawakas ng 
kuwento, laging inaasahang kapupulutan ito ng gintong aral, lalo na ng kabataang 
mambabasa nito. 
 
Mga Halimbawa: 
● “Si Tigre at ang Lobo” 
● “Ang Agila at ang Kalapati” 
● “Ang Aso at ang Uwak” 
 
f. Dula 
Hindi tulad ng mga nauna nang nabanggit na malikhaing sulatin, may tiyak at sariling 
estruktura ang pagsulat ng dula. Dahil isa itong uri ng panitikang nahahati pa sa ilang 
yugto, batay sa pangangailangan ng kuwento at estilo ng pagsulat ng may-akda, na 
mayroon pang iba’t ibang tagpo. Hindi lamang natatapos ang sulatin sa natapos na 
akda, sapagkat ang pinakalayunin dito ay maitanghal ang mga tagpo sa isang 
tanghalang sasaksihan ng mga manonood. 
 
 
 
 
  11 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
Mga Halimbawa: 
● “Ang Duyan ng Magiting” ni Dustin Edward Celestino 
● “Kaharian ng Pinto” ni Michelle Josephine Rivera 
● “Kidney for Sale: Bato ng Buhay Ko” ni Arthur Casanova 
 

Alin sa mga nabanggit na sulating kathang-isip ang 


malapit sa iyong kawilihang pagyamanin ang 
 
sariling kakayahan sa pagsulat? Bakit? 
 
 
Panulaan o Tula 
Ito ang uri ng malikhaing sulatin o panitikang tampok ang malayang paggamit ng may-akda 
sa wika ayon sa estilo at anyong nais niya. Mayaman ito sa mga tayutay na lalong 
nagbibigay-rikit sa daloy nito. Madaling natutukoy ang tula bilang malikhaing sulatin gawa 
na rin ng ​pattern​ nito sa paglalapat ng mga katagang karaniwang may tugma (bagama’t 
hindi sa lahat ng pagkakataon), sukat o bilang ng mga pantig, at pagkakaroon ng 
estrukturang binubuo ng saknong at mga taludtod. 
 

​ andaan 
T
Tumutukoy ang ​tayutay​ sa mismong talinghagang maaaring may 
kaugnayan sa paglikha ng tunog at pagpapasidhi ng guniguni at 
damdamin (Bisa, 1999 na kay Bernales et al., 2006). 

 
 
Basahin at suriin ang iba’t ibang uri ng tula ayon sa p
​ attern​ nito o sa paksang iniikutan ng 
daloy ng akda. 
 
a. Maikli 
Tinawag na maikli ang uri ng ganitong tula sapagkat binubuo lamang ang mga ito ng 
isang saknong na may tatlo hanggang limang taludtod. 
 

 
  12 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
Mga Halimbawa: 
● Haiku ​– Isa sa mga pinakakilalang anyo ng maikling tula at nagmula rin sa 
bansang Hapon, binubuo ito ng tatlong taludtod na may sukat na 5-7-5. 
● Tanaga –​ Sa tradisyonal na tanaga, binubuo ito ng isang saknong na nahahati 
sa apat na taludtod sa sukat na 7-7-7-7 at may tugmaang AAAA. 
● Tanka – Nagmula ito sa bansang Hapon, na binubuo ng 31 pantig ang isang 
saknong. Nahahati ito sa limang taludtod na may sukat na 5-7-5-7-7. 
 
b. Liriko o Pandamdamin 
Ito ang itinuturing na pinakamatandang uri ng panulaan ng mga makata saanmang 
panig ng daigdig. Layunin nitong magpahayag ng mga saloobin at damdamin ng 
makata. Tampok dito ang ugnayan ng tulang liriko at ang musikang sinasaliwan ng 
instrumentong lira, kaya naman nakilala ito bilang tulang kakantahin o tulang may 
katangiang awit. 
 
Mga Halimbawa: 
● Awit (dalitsuyo) ​– tungkol sa pag-ibig 
● Dalit o Himno (dalitsamba) – tungkol sa pagpapala at pagpupuri sa Diyos 
● Elehiya (dalitlumbay) – tungkol sa matinding kapanglawan, pagtangis, at 
kamatayan, o maaari ding pahayag ng mga pagguguniguning ukol sa 
kamatayan 
● Oda (dalitpuri) ​– kaugnay ng paghanga o kaya ay pagbibigay ng parangal, 
nagpapahayag ito ng matayog na damdamin o kaisipan 
● Pastoral (dalitbuki) ​– tungkol sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao, 
kaugnay ng pangingisda, pagsasaka, pagpapastol, at iba pa 
● Soneto (dalitwari) ​– binubuo ng labing-apat na taludtod, na ang mga pahayag 
ay may kaakibat na matinding damdaming bunga ng mabigat na 
pagkukuro-kurong isinaad ng akda 
 
 
 
 
 

 
  13 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
c. Pasalaysay 
Nagtataglay ito ng balangkas, maikli man ito o mahaba. Naglalahad ito ng mga tagpo 
o pangyayaring maaaring simple lamang o masalimuot, payak o madrama. 
 
Mga Halimbawa: 
● Epiko ​– Karaniwang mahaba, naglalaman ito ng mga detalye ng kabayanihan, 
gawa, at/o makabuluhang kaganapang napapaloob sa isang lahi o bansa. 
● Korido ​– Mayroon itong sukat na wawaluhin at tumatalakay sa mga alamat o 
kuwentong may impluwensiya ng mga bansa mula sa Europa. Isa sa popular 
na halimbawa nito sa Pilipinas ang I​ bong Adarna​. 
● Tulagunam ​– Isang uri ng tulang pasalaysay na habang inaawit ay sinasaliwan 
ng sayaw. 
● Tulasinta –​ Karaniwang may kinalaman sa damdamin ng isang tao, o maaari 
ding sa isang bahagi ng buhay nito, na isinasalaysay sa pamamagitan ng tula 
gamit ang payak, tapat, at makatotohanang paraan ng paglalahad. 
Nagtatapos ito sa masayang tagpo, na yamang pinangingibabawan ng 
pag-ibig. 
 
d. Dula 
Isa itong uri ng tulang may layong isadula o itanghal sa entabladong sasaksihan ng 
mga tagapanood. 
 
Mga Halimbawa: 
● Kalunos-lunos (​Dramatic Tragedy​) –​ tungkol sa pakikipagtunggali at pagkasawi 
ng pangunahing tauhan laban sa isang higit na makapangyarihang lakas, tulad 
ng tadhana 
● Katatawanan (​Dramatic Comedy​) –​ kapuwang katawa-tawa ang paksang-diwa 
at pamamaraan nito ng panulat 
● Katawa-tawang Kalunos-lunos (​Dramatic Tragi-comedy​) –​ katawa-tawa ang 
pamamaraan ng panulat ngunit madalas na nagtatapos ang tagpo nito sa 
kalunos-lunos na pangyayari 
● Liriko-Dramatiko –​ taglay nito ang kawilihan sa tagpo, kilos, at damdaming 
ipinahahayag sa tula 

 
  14 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
● Madamdamin (​Melodrama​) ​– dulang patula na nakaukol sa paglalarawan ng 
galaw na may kaakibat na matinding damdamin 
● Mag-isang Salaysay (​Dramatic Monologue​) – tampok dito ang isang taong 
nagsasadula ng tula mula simula hanggang wakas 
● Parsa (​Farce​) ​– tampok dito ang mga eksaheradong linya, galaw ng mga 
tauhan, at tagpo, at nangangailangan ng mahusay na pagtatanghal ng mga 
nagsisiganap 
 
e. Patnigan 
Isang uri ito ng tulang itinatanghal ng magkatunggaling makata, na nagpapaligsahan 
ng kani-kaniyang katwiran at nagtatagisan ng talas sa pagtalos ng kanilang 
paksang-usapin. 
 
Mga Halimbawa: 
● Balagtasan ​– Sa paraang patula, masining na naglalahad ng kani-kanilang 
saloobin at pananaw ang dalawang panig ng makatang nagdidiskurso hinggil 
sa isang paksa. Hango ito sa ngalan ni Francisco Balagtas, na naging tanyag sa 
gayong uri at sining ng pakikipagtalastasan. 
● Batutian ​– Hango sa uring balagtasan at ipinangalan kay Huseng Batute (Jose 
Corazon de Jesus), ginagawa ito sa mga lamayan upang libangin ang mga 
naglalamay. Naglalaman ito ng mga linyang lubhang katawa-tawa ngunit 
kaakibat ay katotohanang may halong yabang, panunudyo, o pag-iiwan ng 
palaisipan. 
● Duplo –​ Hango sa mga kasabihan, salawikain, at berso sa Bibliya ang 
inihahayag ng magkatunggaling makata, na nagpapagalingan sa pagbigkas at 
pagbibigay-katwiran ng kanilang panig. 
● Karagatan ​– Ito ay pagtulang itinuturing na “libangang itinatanghal.” Mula ito 
sa isang alamat ng isang singsing ng prinsesang nahulog sa dagat. 
 

Sa ano-anong layunin mo nais gamitin ang 


panulaan o tula bilang daluyan at paraan ng 
 
pagpapahayag ng iyong sarili? Paano?  

 
  15 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
 
Napansin mo ba? Taglay ng mga natukoy nating mga uri ng malikhaing sulatin ang mga 
katangiang inaasahan sa isang malikhaing akda; ang malikhaing pagpapahayag sa 
pamamagitan ng paggamit ng idyoma at tayutay, ang aestetikong anyo, ang mga paksang 
unibersal o pandaigdigan, at ang pagtataglay ng kawalang-maliw. 
 
Makatutulong kung titiyakin sa mga sarili ang mga nabanggit na katangian ng malikhaing 
sulatin kung magagawang tuklasin ang mga kuwentong nakapaloob sa mga nabanggit na 
halimbawa sa bawat anyo ng panitikang tinalakay. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang 
masisipat ang mga konseptuwal na paksang tinalakay sa buong yunit, kundi malalantad ka 
sa sining ng pagsulat na tiyak masusumpungan sa banghay ng mga akda. 
 

​ andaan 
T
Ayon kay Jun Cruz Reyes (The Varsitarian, 2014), isang batikang 
manunulat at mananaliksik ng kasalukuyang panahon, pinatatatag o 
pinarurupok ng p
​ ananaliksik​ ang pundasyon ng anumang akda, 
maging sa malikhaing pagsulat. Kaya naman, mahalaga pa rin ang 
gawaing pananaliksik upang mapunuan ng may-akda ang mga 
mabubuong katanungan sa mga mambabasa habang at/o matapos 
na mabasa ang akda nito. 
 
Nililinaw rito na ang bungang saliksik sa malikhaing pagsulat ay 
inilalapat sa t​ agpuan​ o s​ etting​, dahil kaakibat lagi nito ang ​kulturang  
iniinugan​ ng ginagawang akda. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
  16 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

Palawakin   
 
Gawain 1 
Magpares-pares ang mga mag-aaral. Gamit ang grapikong pantulong (​graphic organizer​) na 
Venn d
​ iagram,​ ilahad ang pagkakaugnay-ugnay ng mga uri ng malikhaing pagsulat sa 
pamamagitan ng pagtukoy sa magkakatulad at magkakaibang katangian ng mga ito. Ilagay 
ang sagot sa isang buo at malinis na papel. Kulayan at disenyuhan nang naaayon. 
 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

​ abay sa Pagsagot 
G
Siguraduhing maayos ang gagawing Venn ​diagram​. Ilahad isa-isa ang mga 
pagkakatulad at pagkakaiba. Tiyaking magtutulungan sa pag-iisip ng ideya. Maging 
mabusisi at isiping mabuti ang mga ideya na tinalakay sa klase. 
 

 
  17 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
 
Gawain 2 
Pumili ng isang partikular na anyo ng malikhaing akda—alinman sa ilalim ng tinalakay na 
mga uri ng malikhaing sulatin—na nais mong gawin sang-ayon sa kawilihan at kakayahang 
matapos sa itinakdang oras. Pumili ng gagamiting paksa mula sa sumusunod sa ibaba. 
a. Pamilya 
b. Kaibigan 
c. Kalayaan 
d. Panitikan 
 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

 
  18 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
 
 

​ abay sa Pagsagot 
G
● Mahalagang nakikilala ang mga katangiang namumukod sa bawat isang uri ng 
malikhaing sulatin at iba’t ibang anyong nakapasailalim sa mga ito. 
● Para sa makabuluhang pagsulat ng malikhaing akda, magsimula sa uri ng 
malikhaing sulating malapit sa iyong kawilihan bilang mambabasa at sensibilidad 
bilang naghaharaya.  
● Hayaan munang dumaloy ang mga kataga sa iyong isip at isatitik ito sa iyong 
papel. Pinakamahalaga sa pagsulat nang malikhain ang pagsasanib ng ideya at 
damdamin upang matatas ng manunulat nang wasto ang mensaheng nais 
ipabatid. 
 

 
 

Suriin   
 

A. Sagutin ang sumusunod at ipaliwanag sa sariling   


pangungusap.   

1. Ano-ano ang batayang katangian ng isang malikhaing sulating di-kathang-isip?  

 
 

 
2. Ano-ano ang batayang katangian ng isang malikhaing sulating kathang-isip?   

 
 

 
  19 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
 
 
3. Paano naparirikit o napasasama ng paggamit ng tayutay ang isang malikhaing 
pagsulat?   

 
 

 
4. Ano ang gampanin ng gawaing pananaliksik sa paglikha ng isang mahusay na 
malikhaing sulatin?   

 
 

 
5. Ano-anong sangkap ng panulaan ang natatangi rito kumpara sa iba pang uri ng 
malikhaing sulatin?   

 
 

 
B. Sagutin ang sumusunod at ipaliwanag sa sariling 
pangungusap. 
 

1. Alin sa mga uri ng malikhaing pagsulat ang kinakitaan mo ng malalim na kasiningan 


at kahalagahan? Bigyang-paliwanag kung bakit. 

 
 
 
 
 

 
  20 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
 
2. Ano o ano-anong aspekto ng pagkatao ang hinuhubog o maaaring hubugin ng 
malikhaing pagsulat sa mag-aaral na tulad mo? Talakayin kung paano. 

 
 
 
 

 
3. Sa iyong palagay, paano nakatutulong ang malikhaing pagsulat sa patuloy na 
pagpapasigla ng Panitikang Filipino?   

 
 
 
 

 
4. Gaano kahalagang matunghayan ng mga mag-aaral ang mga malikhaing akdang 
nasa iba’t ibang anyo?   

 
 
 
 

 
5. Sa iyong sariling pagsusuri, paano natatangi ang malikhaing pagsulat sa iba pang 
anyo o paraan ng pagsusulat? Talakayin. 

 
 
 
 

 
 
 
 
  21 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 
 
 

Paglalahat 
___________________________________________________________________________________________ 
 
● Isang sining, gawain, at kakayahan ang malikhaing pagsulat dahil itinatangi ito ng 
kakayahan ng manunulat na isanib ang malawak na imahinasyon sa lalim ng kaniyang 
ideya at damdamin at husay ng panulat. 
● Isa sa mga susing gawain ang pananaliksik para sa pagsulat ng isang malikhaing akdang 
may matibay na pundasyon at buong diwa sapagkat pinupunan na agad nito ang mga 
katanungang maaaring mabuo sa isip ng mga mambabasa, gayundin nailalatag nito 
nang husto ang kulturang nakapaloob sa tagpuan ng akdang isinalaysay. 
● May tatlong batayang uri ng malikhaing sulatin: ang di-kathang-isip, kathang-isip, 
at panulaan. Samantala, nakapaloob pa sa mga uring ito ang iba’t ibang anyo ng 
tiyak na panitikang maaaring galugarin pa natin para mamalas pang higit ang 
larangang ito ng panulat at makatulong sa pagpapayaman ng ating pag-unawa at 
kakayahan sa pagsulat nang malikhain. 
● Tulad ng iba pang larangan ng sining at kakanyahan, patuloy ang pag-unlad ng 
malikhaing pagsulat gayundin ang mga uri ng sulating nakapaloob dito. Sa dami 
ng uri at anyo ng malikhaing sulating nakapaloob dito, malawak ang maaaring 
maging lunsaran ng kakayahan at gawaing panulat para sa mga mag-aaral na 
tulad mo.  
___________________________________________________________________________________________ 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

 
  22 
 
 
Yunit 2.3: Mga Uri ng Malikhaing Pagsulat  
 
 

  Bibliyograpiya 
“Kontemporaryong Dagli,” F​ ilipino 101.​ Nakuha sa 
https://tnhsg7filipinobanawan.wordpress.com/2014/10/28/73/​, Pebrero 19, 2020. 
 
Espique, Felina P., Norma S. Mayo, and Dolores S. Tanawan. M ​ aikling Kuwento At Nobela. 
Cabanatuan City: Anahaw Enterprises, 2007. 
 
Evasco, E. Y. et al. M
​ alikhaing Pagsulat: Paglinang ng Sidhaya Tungo sa Maunlad na Haraya. 
Quezon City: Rex Bookstore, Inc., 2001. 
 
Magracia, Emma and Leonida Valdez. R ​ aya III: Mga Akdang Pampanitikan sa Filipino III. 
Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2005. 
 
Lounsberry, Barbara. T​ he Art of Fact: Contemporary Artists of Nonfiction.​ New York: 
Greenwood Press, 1990. 
 
“Kaalamang Panretorika,”​ Makabayan Blogger.​ Nakuha sa 
https://makabayangblogger.wordpress.com/2016/05/06/kaalamang-panretorika/​, 
Pebrero 19, 2020.  
 
Marasigan, Emily V., Mary Grace Del Rosario, and Alma M. Dayag. ​Pinagyamang Pluma 10: 
Aklat 1.​ Quezon City: Phonenix Publishing House, 2015. 
 
“Uri ng Tula,” P​ anitikan: Tula.​ Nakuha sa​ ​https://bit.ly/3aPsEOo​, Pebrero 19, 2020. 
 
Torres, Cesario Y., at Teresita P. Capili-Sayo. S ​ ining ng Pakikipagtalastasan.​ Quezon City: Rex 
Bookstore, Inc., 1997. Nakuha sa h ​ ttps://bit.ly/3lcpoS8 
 
“Pananaliksik sa Malikhaing Pagsulat,” T​ he Varsitarian. ​Nakuha sa 
https://varsitarian.net/filipino/20140624/pananaliksik_sa_malikhaing_pagsulat​, 
noong Pebrero 19, 2020. 
 
 
 

 
  23 
 

You might also like