You are on page 1of 17

Yunit 1: Akademikong Pagsulat

Aralin 1: Kahulugan at Katangian ng


Akademikong Pagsulat
Nilalaman
Pansinin 1
Panimula 1
Mga Layunin 2

Tuklasin 2

Alamin 4
Ang Akademikong Pagsulat 4
Katangian ng Akademikong Pagsulat 5

Palawakin 10
Gawain 1 10
Gawain 2 11

Suriin 12

Paglalahat 15

Ang Pinagkunan ng Larawan 15

Bibliograpiya 16
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Pansinin

Panimula

Lar. 1. Ang mag-aaral na gumagawa ng mga sulatin gamit ang computer.

Isa sa mga gawain ng mga mag-aaral ay ang pagsulat ng mga sulatin. Napaiisip ka rin ba
kung bakit napakaraming sulatin ng mga mag-aaral sa maraming asignatura sa senior high
school? Saang bahagi ng gawaing pagsulat ang nahihirapan ka? Naging mahirap ba para sa
iyo ang pagsulat ng mga ito? Alin sa mga uri ng sulatin ang pinakamahirap isulat? Paano
kaya magiging mas madali ang pagsulat ng mga naturang sulatin? Nais mo bang malaman
ang mga teknik at pamamaraan ng mahusay na pagsulat ng mga sulating pang-akademiko?

1
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Mga Layunin
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang
● naipaliliwanag ang kahulugan, kalikasan, at katangian ng sulating pang-akademiko, at
● nakabubuo ng makabuluhang konsepto ng akademikong pagsulat batay sa mga
tinalakay.

Kasanayang Pampagkatuto ng DepEd


nabibigyang-kahulugan ang akademikong pagsulat (CS_FA11/12PB-0a-c-101)

Tuklasin

5 minuto

Pumili ng isang kaklase na magiging katuwang sa gawaing ito. Makipagbagyuhang-utak ukol


sa mga salita at mga pariralang may kaugnayan sa mga karanasang kinaharap sa inyong
pagsulat ng isang isinagawang sulatin sa iba’t ibang asignatura sa senior high school. Isulat
ang mga ito sa isang talahanayan na katulad ng nasa ibaba. Gumamit ng bullet para rito.

Mga Salita Mga Parirala

Pagkatapos ng limang minuto ay humanap ng katambal upang maging kapalitan sa


pagbabahagi ng inyong mga naisulat.

2
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Mga Gabay na Tanong

1. Bakit ang mga naturang salita at parirala ang iyong naisulat?

2. Anong mga salita at parirala ang karaniwan ninyong naisulat na may kaugnayan sa
inyong karanasan sa pagsulat? Bakit?

3. Sa mga karaniwang salita at parirala na naibahagi ng bawat isa mula sa talahanayan, ano
ang mabubuong katangian at kalikasan mayroon ang sulating pang-akademiko?
Ipaliwanag.

3
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Alamin

Isa sa mga makrong kasanayan na dapat mahalagang matutuhan at patuloy na linangin ay


ang pagsulat. Ang kasanayang ito ay isa sa mga nagbibigay-daan upang maging handa at
mapahusay ang mga mag-aaral sa pagsulat ng mga sulating pang-akademiko. Hindi
natatapos sa loob ng paaralan ang pagsulat ng mga ganitong uri ng sulatin, sapagkat
patuloy itong gagawin sa maraming larangang pampropesyonal.

Ang Akademikong Pagsulat


Ang akademikong pagsulat ay isang anyo ng pagsulat na nangangailangan ng mataas na
antas ng kasanayang akademiko. Pangunahing layunin nito ang makapagbigay ng tamang
impormasyon.

Ang sulating pang-akademiko ay madalas na ginagawa hindi lamang sa mga akademikong


institusyon o paaralan. Samakatwid, hindi lamang ang mga mag-aaral ang gumagawa nito
kundi maging ang mga propesyonal na nasa kani-kanilang industriya o kompanyang
kinabibilangan ay sumusulat din ng mga akademikong sulatin.

Ayon kay Arrogante (2007), nakasalalay sa kritikal na pagbabasa ang pagbuo ng sulating
pang-akademiko. Ang manunulat ay kailangang mahusay mangalap ng impormasyon,
mahusay magsuri, magaling mag-organisa ng mga ideya, at lohikal. Mahalaga rin na
marunong magpahalaga at kumilala sa may-akda ng tekstong binabasa upang maiwasan
ang anumang isyung kaugnay ng plagiarism.

Ang mga salitang ginagamit sa mga ganitong uri ng sulatin ay kailangang pormal. Hindi
kailangang gumamit ng mabubulaklak na pananalita sapagkat ito ay hindi kabilang sa mga
katangian ng sulating pang-akademiko. Nararapat ding alam ng manunulat kung para
kanino ang kaniyang isinusulat, nang sa gayon ay maiaangkop niya ang mga pormal na
salitang gagamitin. Maging maingat din sa tamang paggamit ng pagbabantas at
pagbabaybay ng mga salita, sapagkat ito ay isang pangangailangan o kahingian.

4
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Alalahanin
Ang kasanayan sa kritikal na pagbabasa ay isa ring
pangangailangan para makabuo ng isang mahusay na sulating
pang-akademiko.

● Sa pagsasagawa ng sulating pang-akademiko ay kasama nito ang mga kasanayan sa


pangangalap ng datos o impormasyon, kritikal na pagbabasa, at pagsusuri ng mga
teksto.
● Hindi magiging matagumpay ang pagsasagawa ng anumang sulating
pang-akademiko kung ang manunulat ay hindi magiging matiyaga sa pagkalap ng
datos sa pamamagitan ng pagbabasa at organisado sa kaniyang ginagawang
pagsasaayos ng mga salita at parirala sa diskurso ng pagsulat.

Katangian ng Akademikong Pagsulat


Lahat ng uri ng sulatin ay may kani-kaniyang kakanyahan, sapagkat ang mga katangiang ito
ang magpapakilala sa uri ng sulating kinabibilangan. Ang mga sulating pang-akademiko ay
may iba’t ibang katangian na ikinaiba nito sa isa’t isa, ngunit mayroon itong parehong
katangian na nararapat tandaan ng isang manunulat. Narito ang sumusunod:

Pormal
Kagaya ng nabanggit, ang mga sulating pang-akademiko ay kailangang pormal. Makikita ito
sa mga salitang ginagamit at pagkakabuo ng mga pangungusap. Kailangang maingat na
pinipili ang mga salitang gagamitin. Hindi maaaring gumamit ng mga impormal na salita
kagaya ng balbal o kolokyal, maliban kung ang paksa ng sulating pang-akademiko ay
tungkol sa mga salitang impormal.

5
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Mga Halimbawa:
a. Ang social media ay isa sa mga may pinakamalaking impluwensiya sa kabataan
sa kasalukuyan.
b. Ang K to 12 program ay naglalayong malinang sa bawat mag-aaral ng senior
high school ang kasanayan sa pananaliksik.
c. Sa pananaliksik, ang unang kabanata nito ay binubuo ng kaligirang
pangkasaysayan ng pag-aaral na binubuo ng sumusunod: panimula,
paglalahad ng suliranin, saklaw at delimitasyon, kahalagahan ng pag-aaral,
teoretikal na balangkas, konseptuwal na balangkas, at depinisyon ng mga
terminolohiya.

Pormal ang pagkakabuo ng mga pangungusap dahil pormal ang mga salitang ginamit. Tiyak
din ang mensaheng nakapaloob, hindi naging maligoy o mabulaklak. Tama rin ang mga
pagbabantas na ginamit sa ikatlong pangungusap, sapagkat ang tutuldok ay ginagamit kung
may isusunod na mga kaugnay na salita o konsepto. Ang kuwit ay ginagamit sa pag-iisa-isa
ng magkakasunod na salita o ideya. Hindi rin makikitaan ng kolokyal at balbal na salita ang
mga halimbawang pangungusap.

Tandaan
Ang pananaliksik ay isa sa mga uri ng sulating pang-akademiko, ito ay
pormal at kailangan ng kritikal na pagbabasa at pagsusuri.

Malinaw

Ang organisadong pagtatahi ng mga ideya ay kailangang taglay ng sulating pang-akademiko,


nang sa gayon ay maging malinaw ang nilalaman nito. Makatutulong sa pagiging malinaw ng
nilalaman nito kung hindi magiging maligoy ang paraan ng paglalahad ng mga ideya.

6
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Mga Halimbawa:

a. Maraming platform sa pagsulat ang ginagamit ng henerasyong Z sa


kasalukuyan tulad ng mga social media na Facebook, Twitter, Instagram, E-mail,
at mga blog.
b. Malaki ang pagkakaiba ng K-12 na kurikulum sa dating Revised Education
Curriculum ng DepEd, ang una ang sinasabing isang repormang
pang-edukasyon na hinintay nang matagal na panahon.
c. Nakatuon sa katotohanan ang akademikong pagsulat, samantalang bunga ng
malikot na isipan ang malikhaing pagsulat.

Malinaw at organisado ang pagkakabuo ng mga ideyang nakapaloob sa tatlong


pangungusap. May isang paksa ang pangungusap at nagtataglay ng isang ideya. Naging
malinaw rin ang pangungusap dahil sa simpleng salitang ginamit sa pangungusap na hindi
nagpagulo sa mga mambabasa.

Tiyak

Mahalagang batid ng manunulat kung ano ang tunguhin ng kaniyang isinusulat. Ang
tunguhin ang magbibigay ng katiyakan kung para saan ang isinusulat na sulating
pang-akademiko. Mahalaga ang katangiang ito lalo na sa mga pananaliksik kung saan
bumubuo ng mga tanong na nagsisilbing gabay sa tunguhin ng isinasagawang pag-aaral.

Mga Halimbawa:

a. Paano nakaaapekto sa pamumuhay ng tagahanga ang labis na pag-iidolo sa


hinahangaang artista?
b. Paano masosolusyunan ang labis na trapiko sa Metro Manila?
c. Bakit parami nang parami ang mga isyu tungkol sa mental health?

7
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Ang pagkakabuo ng mga tanong ay may malinaw na tunguhin. Natitiyak kung ano ang sakop
ng paksa kung kaya hindi maliligaw ang sinumang mambabasa upang sagutin ang mga
naturang tanong.

Paano makatitiyak ang mga mambabasa na tama


ang nilalaman ng mga akademikong sulatin?

May Paninindigan
Mababakas ang kredibilidad ng manunulat sa kaniya mismong isinulat. Magagawang
panindigan ng manunulat ang kaniyang mga isinulat kung sapat ang kaniyang impormasyon
at datos na pinaninindigan sa paraang mahusay na pangangatwiran. Ang kailangan ay hitik
sa katotohanan (facts) ang nilalaman ng sulatin. Kadalasan, ang pagkakaroon ng mga
parenthetical citations ay nakadaragdag ng kredibilidad at paninindigan ng manunulat dahil
ito ay may pinagbatayan at hindi lamang mula sa kaniyang sariling opinyon.

Mga Halimbawa:
a. Ayon kay Arrogante (2007), nakasalalay sa kritikal na pagbabasa ang pagbuo
ng akademikong pagsulat.
b. Malaki ang naitutulong ng pagsulat sa paghubog ng damdamin at isipan ng
tao (Royo, 2001).
c. “Ang abstrak ay mula sa salitang Latin na abstractus, na nangangahulugang
drawn away o extract from” (Harper, 2016).

Ang paggamit ng mga tuwirang sipi at paraphrasing mula sa mga dalubhasa at awtoridad ay
isa sa mga paraan upang maipakita ang katotohanang taglay ng isang ideya. Dahil dito,
masasalamin ang paninindigan ng manunulat dahil kayang panindigan ng mga naturang sipi
at paraphrasing ang mga kaisipang isinama sa sulating pang-akademiko.

8
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

May Pananagutan
Kagaya ng nabanggit, mahalagang pahalagahan at kilalanin ang may-akda ng tekstong
pinaghanguan o pinagbatayan ng isinusulat na sulating pang-akademiko upang maiwasan
ang anumang isyung kaugnay ng plagiarism. Pananagutan ng manunulat na ipabatid sa mga
mambabasa kung saan niya hinango at ibinatay ang kaniyang mga isinulat.

Mga Halimbawa:

a. Mula sa elektronikong babasahin:


“Cognitive Elements of Reading.” SEDL Reading Resources. Nakuha noong
2009. http://www.sedl.org/reading/framework/elements.html.
b. Mula sa aklat:
Santiago, Alfonso at Norma G. Tiangco. Makabagong Balarilang Filipino.
Lungsod ng Quezon: REX Book Store. 2003.
c. Mula sa journal:
Flores, Patrick D. “Ang Sining ng Sineng Filipino sa Kasaysayan”
Daluyan 7, blg. 4 (1997).

Tip
Ang pagkilala sa mga manunulat ay maipakikita sa pamamagitan ng
pagsulat ng parenthetical citations at sanggunian o bibliyograpiya. Ang
bagay na ito ay nakatutulong upang magkaroon ng magandang
impresyon ang mga mambabasa na ang manunulat na nagsagawa ng
sulating pang-akademiko ay humango sa iba’t ibang sanggunian na
mapanghahawakan.

9
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Tataglayin ng sulating pang-akademiko ang mga nabanggit na katangian kung ang mismong
nagsusulat ay taglay ang pagiging organisado sa kaniyang ginagawa. Sakop ng pagiging
organisado ng manunulat ang tandaan at ilapat ang lahat ng katangiang dapat taglayin ng
mga naturang sulatin.

Paano masasabi na ang isang mag-aaral na


nagsusulat ng sulating akademiko ay may
pananagutan sa kaniyang mambabasa?

Palawakin

Gawain 1
Sumipi ng isang abstrak ng tesis na may digri sa edukasyon mula sa isang kilalang
pamantasan na ang mga digri ay sa larangan ng edukasyon. Basahin ito at suriin batay sa
sumusunod:
a. Wikang ginamit sa abstrak
b. Layunin ng nilalaman ng pananaliksik
c. Paraan o daloy ng paglalahad ng sulating akademiko
d. Katangiang masasalamin sa abstrak batay sa kakanyahan ng sulating
akademiko

10
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Gabay sa Pagsagot
● Pumili ng isang silid-aklatan na may digring pang-edukasyon, lokal man o state
university.
● Mas mainam kung malapit lang sa paaralang pinapasukan.
● Maaring ipa-photocopy ang abstrak ng tesis (antas gradwado o hindi gradwado ay
maaari).
● Kapag may kopya na ng abstrak, basahin at suriin ito batay sa ibinigay ng
pagsasanay.

Gawain 2
Bumuo ng isang pangkat na binubuo ng limang miyembro. Magsagawa ng isang
bagyuhang-utak upang makabuo ng isang makabuluhang konsepto tungkol sa akademikong
pagsulat batay sa mga tinalakay. Ipaliwanag ang nabuong konsepto sa pamamagitan ng
grapikong pantulong upang mas madaling maunawaan. Gumamit ng PowerPoint
presentation o kaya ay cartolina, marker, at mga pangkulay para sa gawaing ito.

11
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Gabay sa Pagsagot
● Bumuo ng ilang pangkat ang klase at bawat pangkat ay magsagawa ng
bagyuhang-utak.
● Mula sa bagyuhang-utak, alalahanin ang mga tinalakay sa klase tungkol sa
sulating pang-akademiko upang makabuo ng makabuluhang konsepto tungkol sa
akademikong pagsulat.

Suriin

A. Basahing mabuti ang mga tanong at sagutin sa malinaw


na pagpapahayag.

1. Saan ginagamit ang akademikong sulatin?

2. Ano-ano ang katangian at kakanyahan ng sulating pang-akademiko?

12
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

3. Paano masasalamin sa isang sulating pang-akademiko ang pananagutan nito?


Magbigay ng tiyak na halimbawa o sitwasyon.

4. Kailan masasabing isinasaalang-alang ng manunulat ang may-akda ng mga tekstong


kaniyang pinaghanguan ng impormasyon?

5. Paano masasabing may paninindigan ang isang manunulat ng akademikong sulatin?

13
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

B. Sagutin ang sumusunod, ipaliwanag sa sariling pangungusap.

1. Ang mga isinulat bang akademikong sulatin ay maaaring gamiting batayan upang
kilalanin ang pagkatao ng sumulat?

2. Ang pagsulat ba ay maaaring puhunan ng pansariling pag-unlad? Paano?

3. Sa papaanong paraan makatutulong ang akademikong pagsulat sa pang-araw-araw


na pamumuhay? Ipaliwanag.

4. Ano ang naitutulong ng mga ganitong sulatin sa pagpapalawak ng komunikasyon?

14
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

5. Sa iyong palagay, bakit kailangan matutuhan ang pagsulat ng akademikong pagsulat?


Palawakin ang sagot.

Paglalahat
___________________________________________________________________________________________

● Isang pangangailangang hubugin ang kasanayan sa pagsulat ng mga sulating


pang-akademiko, sapagkat ito ay isa sa mga uri ng sulatin na pinakagamitin sa loob ng
paaralan at hanggang sa mga industriya o kompanyang kabibilangan pagsapit ng
panahon.
● Mahalagang maging maingat sa pagsulat ng mga sulating pang-akademiko dahil bawat
anyo ng sulatin ay may kakanyahan at katangiang taglay na ikinaiba sa isa’t isa.
● Importante ring maging handa ang sinumang susulat ng sulating pang-akademiko,
lalo pa kung ang kaniyang isusulat ay isang pananaliksik, sapagkat ito ay
nangangailangan ng ibayong paghahanda.
___________________________________________________________________________________________

Ang Pinagkunan ng Larawan


Manunulat na kuha sa Content Fiesta na may pahintulot sa ilalim ng Creative Commons
license sa pamamagitan ng Content Fiesta.

15
Yunit 1.1: Kahulugan at Katangian ng Akademikong Pagsulat

Bibliograpiya
“Academic Writing,” Library. University of Leeds. Nakuha sa
https://library.leeds.ac.uk/info/14011/writing/106/academic_writing, huling binago
noong Hunyo 30, 2017.

Almario, Virgilio S. et, al. Introduksiyon sa Saliksik. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino,
2016.

Espiritu, Clemencia C. at Antonio G. Dacanay. Pananaliksik (Isang Primer) Pananaliksik para


sa Baguhan. Lungsod ng Quezon City: REX Book Store, 1998.

“Organizing Your Social Sciences Research Paper: Academic Writing Style,” Research Guides,
USC Libraries. Nakuha sa https://libguides.usc.edu/writingguide/academicwriting,
Nobyembre 28, 2019.

Valdes, Olivia. “An Introduction to Academic Writing.” ThoughtCo. Nakuha sa


https://www.thoughtco.com/what-is-academic-writing-1689052, huling binago noong
Hunyo 6, 2019.

16

You might also like